Holy Friday 09

April 13th, 2009 by bebangsiy

11 Abril 09

 

Yey! Kagagaling ko lang sa Banahaw kahapon. Actually, hindi ako sa Banahaw nakaakyat kundi sa Kalbaryo. Magkaibang bundok pala iyon. At meron pang pangatlo, ang Mt. Cristobal. Naakyat ko na rin ‘yan noong kolehiyo ako. Nagtanim kami ng halaman para balang araw, tulad ng ngayon, magiging puno na ito.

 

Gabi bago ang  climb sa kalbaryo ay naghanda na ako.

 

Heto ang inilagay ko mga gamit sa backpack na hiniram kay Iding, ang aking poging pamangkin.

 

Wallet na may kulang kulang P1500 at mga ID at USB

Coin purse na hugis-isda (thank you uli, Rayts)

Cellphone na malo-lowbat na

Toiletries tulad ng toothbrush at maliit na toothpaste, sabon, napkin (feeling ko magkakaroon ako anytime), lip gloss, compact powder at cotton buds.

Isang puting spaghetti blouse at isang puting t-shirt

Isang itim na shorts

Isang bra at dalawang panty

Isang pares ng medyas (hiniram din kay Iding)

Isang 500ml na plastic na bote ng tubig

Isang jacket. Pangwinter. Makapal talaga dahil me sariling klima raw ang bundok na iyon so kahit summer, maaaring lumamig nang sobra. Ginawin pa naman ako.

Isang ballpen.

 

Mga alas siyete y medya ng umaga ay sumakay na ako ng dyip pa-Alabang. Pamasahe: P18.00. Mula sa Zapote, mabilis lang ang biyahe. Walang kasa-sasakyan-sasakyan sa kalsada.

 

Pag-ibis ko ng dyip, naglakad ako papunta sa kalsadang opposite ng metropolis para mag-abang ng bus papuntang San Pablo. Iyon kasi ang itinuro sa akin ni Wasi at ng iba ko pang napagtanungan.

 

Nakakita ako ng bus papuntang daet. Sabi ni Wasi, pwede na rin ako sumakay ng bus na pa-Bicol. Dadaan din daw iyon sa San Pablo.

 

Pagpasok ko ng bus medyo naasiwa ako. Me tandang sa may entrada ng bus. Tumitila-tilaok pa pag-akyat ko. Parang winewelcome ako. Tapos sa, mga tatlong row bago ang dulong upuan, me isang lalaking naninigarilyo. Mga isang pulgada lang ang pagkakabukas ng bintana ng mga bus. Kaya yung usok ng yosi niya, parang langaw, palipat-lipat sa mga upuan at sa aming mga pasahero. Gusto ko sanang sabihin, manong, puwede kayang lunukin mo na lang ang usok mo para hindi maabala ang mga kasakay mo sa dito?

 

Tapos sa pinakadulo, meron ding isang mama na nakataas ang paa. Nakapatong ang paa niya sa upuang nasa harap niya.

 

Paastigan Express yata ang pangalan ng bus na ito.

 

Nag-settle ako sa isang bakanteng upuan na pantatluhan. Sa puwestong malapit sa aisle. Ang nasa kanan ko ay isang aleng kulot ang buhok.

 

Umandar na ang bus pagkaraan ng sampung minuto.

 

Nang tanungin ako ng kundoktor kung saan ako bababa, sabi ko ay sa mismong palengke ng San Pablo. Sabi niya, hindi raw sila dumadaan doon. Don daw ba ang eksaktong destinasyon ko? Sabi ko, sa Banahaw po. Aakyat ako. Sabi niya, aba, e doon ka nga dapat bumaba. Ibababa ka namin sa haywey tapos magtraysikel ka na lang o kaya maglakad papuntang palengke. Opo, kako. Nagbayad na ako. Pamasahe: P68.00

 

Kinausap ako ng aleng kulot ang buhok. Doon ka pala papunta? Nakaakyat na rin ako diyan. Maganda.

 

Talaga po? Tanong ko naman.

 

Oo! Saka maraming tao. Kahit matagal kang maglalakad, hindi ka maiinip sa dami ng tao.

 

Sabi po ng kaibigan ko, kailangan ko pa raw ng guide.

 

Hindi na. Makikisabay ka na lang sa mga tao diyan. Maganda diyan. Hindi nga lang ako makakapunta ngayong taon kasi papunta ako sa Tiaong.

 

a…opo.

 

Noong nagpunta kami, alas singko ng umaga kami umakyat para hindi mainit.

 

Patay, tanghali na pagdating ko doon. Nakikinita ko na ang tagaktak ng pawis sa noo, tenga, leeg, kilikili ko at sunburn sa aking mga balikat.

 

Mag-isa ka lang? tanong ng ale.

 

Opo kako.

 

Bakit ka naman mag-isa?

 

Ngumiti lang ako.

 

Sana nagsama ka. Pero hindi ka naman maiinip kahit mag-isa ka. Kasi nga maraming tao.

 

Pagkaraan ng ilang minuto ay pareho na kaming nanahimik. Patingin-tingin ako sa labas ng bintana. The usual highway naman ang nadadaanan. Hindi kamukha ng SCTEX na ansarap piktyuran kaya hindi mo talaga puwedeng tulugan.

 

And speaking of piktyur-piktyur, nakahiram ako ng camera, e hindi ko naman nadala. Kalimot-limot nga ba ang camera sa ganitong pagkakataon o ako lang talaga itong aanga-anga?

 

Nakatulog ako sa bus. Maginhawa naman ang biyahe. Ansarap ng hangin at katamtaman lang ang buga nito dahil isang pugada lang ang pagkakabukas ng mga bintana ng bus. Hindi nakakasira ng buhok pero nakakapagdulot pa rin ng ibayong ginhawa.

 

May naramdaman akong humawak sa mukha ko. Parang hinipo ang pisngi ko.

 

Sino ‘tong tarantadong ‘to?

 

Gising na. Malapit ka na. San Pablo na ‘to.

 

Si Manong Konduktor pala.

 

Nang makita ko siya e naglalakad na siya sa aisle, pabalik sa harapan ng bus. Karinyoso manggising itong si manong konduktor. Gagawin din kaya niya iyon sa mga astig na nasa likod ko? Mukhang ansasarap na ng mga panaginip, e. O.

 

Tiniyak kong nasa San Pablo na ako. Tiningnan ko ang mga sign board ng mga establishment doon. Sa probinsiya kasi, pansin ko lang, nakasulat sa bandang ilalim ng signboard ang address ng establishment.

 

Blah blah blah Construction Supplies Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.

Blah blah blah Salon Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.

 

Ayan, andito na nga ako. Mga 20 minutes ang lumipas nang biglang maaalala ng konduktor na bababa nga pala ako.

 

Pinahinto niya agad ang bus.

 

Nako! Sa palengke ka nga pala. Kinawayan niya ako para lumapit.

 

Bye, ate, salamat po, kako sa babaeng kakuwentuhan ko kanina.

 

Agad akong tumayo at naglakad papunta sa harap ng bus para umibis.

 

Magtraysikel ka na lang, sabi ng manong. Ayun! Dun pa ang palengke, sabi niya.

 

At dahil kuripot ako at ayoko ng nakikipagnegosasyon sa mga traysikel drayber, naglakad na lang ako. Mukha namang malapit lang. nadaanan ko ang isang punerarya, hardware store, Banahaw spa at marami pang iba.

 

Mayamaya, nakakita ako ng intersection na may 711 at sa tapat niyon ay police booth na itinayo para sa semana santa. Lumapit ako.

 

Saan po yung sakayan ng papuntang Dolorosa?

 

Saan yon? Sabi ng pulis.

 

A…baka taga-Maynila rin si Sir senior police inspector eklabu.

 

Hindi ko rin ho alam, sir. Akyat po ako ng Banahaw. Yun po ang sabi sa akin, sakay daw po ako ng dyip pa-Dolorosa.

 

Tinanong niya ang kasama niyang pulis.

 

Baka sa Dolores, Miss! Sa palengke. Doon! Itinuro sa akin ang kalsada sa gilid ng 711. Maraming tao ang nanggagaling doon. Mukhang doon nga.

 

Thank you po.

 

Lumarga na ako. Hindi naman pala malayo. Nagtanong pa ako sa isang aleng kasabay kong naglalakad. Sabi niya, aakyat ka ng Banahaw? Dapat sa Parang ka bumaba at hindi sa Dolores.

 

Tatangu-tango lang ako. Mas may paniniwala ako siyempre kay  Wasi. Ang sabi ni Wasi, Dolores daw. Sa Dolores ako bababa.

 

Pagdating ko sa palengke, naghanap ako ng makakainan. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal. Ikot ako nang ikot sa palengke, aba’y wala kahit karinderya man lang. Nagtanong na ako. Nasa loob daw mismo ng palengke. Kaya pumasok ako sa pagitan ng stalls na puro nakasara. Ang hirap talaga kapag Biyernes Santo. Sarado halos lahat ng puwedeng mabilhan o makainan. Kahit pala sa probinsiya, ganon din.

 

Paikot-ikot pa rin ako.  Wala akong natagpuan kundi dalawang karinderyang mangilan-ngilan ang tao. Doon ako sa mas maraming tao. Ang dami raw ng tao ay sign kung gaano kasarap ang pagkain sa isang lugar. The more, the more delicious hehehe

 

Bumili ako ng porkchop na may sabaw na kakulay ng adobo at isang order ng kanin. Ngayon ko lang naalala na bawal nga pala ang karne nang araw na iyon. Kaya pala ang mga katabi ko puro ginisang ampalaya ang kinakain. Akala ko e, nagtitipid lang sila.

 

Nagteyk out ako ng isang kanin at isang tortang talong. Humingi rin ako ng isa pang plastic, yung lalagyan ng ulam. Wala kasi akong dalang kutsara’t tinidor. Balak kong magkamay sa bundok. Gagamitin ko ang plastic, pantaklob sa kamay.

 

Bumili rin ako ng tatlong ponkan at isang mansanas sa labas ng palengke. Tapos hinanap ko ang dyip papuntang Dolores. Nakita ko ito kaagad kaya sumakay na ako agad.

 

Sa likod ng babae’t lalaki sa harapan ng dyip, me napansin akong  isang matandang babae na may kalong na dalawang bata. Kasama rin niya ang katabi niyang teenager na lalaki. Pero hindi niya ibinigay dito ang isang bata para kalungin. Siya talaga ang nagkandong sa dalawa.

 

Isa-isa nang kinuha ng drayber ang pamasahe namin. Lumiligid siya sa dyip, sa labas. Noong ako na, hindi ko masabi kung saan ako bababa. Kaya sinabi ko na lang, aakyat po ako ng Banahaw.

 

Sabi ng drayber, sige mamya ka na magbayad. Huli ka namang bababa.

 

Pagkaraan ng halos isang oras na biyahe, as usual nakapikit ako the whole time, kami na lamang ang naiwan: ako at  yung matandang babaeng may kalong na 2 bata, yung teenager at yung babae’t lalaki sa harap.

 

Sabi ng drayber, bayaran mo na lang ako ng P20 at ililipat kita ng dyip. Hindi ba sa Kinabuhayan ka?

 

Nagtaka ako. Wala naman akong sinabing Kinabuhayan. Hiindi ko nga alam ang lugar na iyon.

 

Basta po sa may akyatan ng Banahaw?

 

Oo nga, lilipat ka ng dyip. Teka ihahatid kita sa sakayan.

 

Biglang nagsalita ang matandang babae.

 

Aakyat din kami. Sumabay ka na.

 

Saan po kayo papunta?

 

Sa tuktok ng bundok.

 

Istir ang matandang ito. Sabi ni Wasi, apat na oras ang akyatan. Hindi kakayanin ng isang araw. Kaya pakabilin bilinan niya, wag na akong umakyat. Doon lang daw ako sa paligid-ligid ng bundok. Umoo naman boses ko. Pero hindi ang puso ko. 

 

Ang iniisip kong gagawin ng matandang babae at ang mga kasama niya ay mag-a-outing. Baka magpipiknik lang. Umoo na rin ako sa kanya. Sabay na po ako, kako. Naisip ko, hihiwalay na lang ako pag nakakita ako ng pagkakataon.

 

Hinatid kami ni manong drayber sa isang lugar kung saan maraming tao. Pinadagdagan niya ang bayad namin ng P20 pa bawat isa. Bale P40 ang pamasahe ng bawat isa sa amin. Iyon na ang parang entrada papaakyat ng bundok. Dagdag na 20 minutos iyon mula sa Dolores.

 

Andami talagang tao. At andaming tindahan ng mga kendi, ulam at kanin, ice candy, load, trapal, anting-anting at kung ano-ano pa. Meron pa ngang CR for rent,  P10.

 

Naglakad na kami papasok. Taga-Malabon pala sila Nanay. Hindi ko sila masyadong kinakausap dahil wala talaga akong balak makipag-usap ngayong araw na ito. Penitensiya ba.

 

Tapos huminto kami sa isang bilihan ng palamig at ube candy. Tinanong kami ng tindera. Saan ang punta ninyo?

 

Aakyat sa tuktok ng bundok.

 

Gusto ninyo ng guide? Puwede itong anak ko. Bumaling siya sa batang nag-aabot ng ipinlastik na ube candy.

 

Saan ba? Tanong ng anak niya.

 

May sinabing lugar ang tindera.

 

Hindi ko alam yon.

 

A, oo nga bata ka pa. heto na lang, sabi ng tindera, si Alex.

 

Itinuro niya ang isang lalaking nakatambay sa tindahan na iyon. Naka-gray itong tshirt at at pulang shorts. Nakasumbrerong pula rin. Kahit hindi nakangiti, mukha siyang nakangiti. Maaliwalas ang dating niya.

 

Saan ba?

 

Sa tuktok ng bundok. Sabi ni Nanay, ang matandang babaeng kasama ko.

 

A… sa kalbaryo.

 

Magkano hanggang doon? Tanong ni Nanay.

 

Kayo na ho ang bahala, sabi ng tindera.

 

Hindi naman puwedeng kami ang bahala.

 

Puwede ho, sabi ng tindera at iba pang tambay doon.

 

O sige, bayaran ka namin ng piso, okey sa iyo? tanong ni Nanay kay Alex.

 

Nagtawanan ang mga tambay at kaming mga dayo.

 

O siya, siya, tara na nga. Basta kami na ang bahala ha? yakag ni nanay.

 

Sige po, sabi ni Alex.

 

At naglakad na kami.

 

Madami pang tao sa bahaging iyon ng bundok. Karamihan sa kanila, basa ang damit. Basa rin ang buhok na hindi pa nasusuklay. Yung ibang tao, may bitbit na lalagyan ng pagkain. Yung iba, sako. May mga tuwalya sa leeg ang iba. May falls palang malapit doon. Akala ko nga ay dadaanan namin. Hindi pala. Sayang.

 

Marami ring tindahan. Bumili kami ng kandila. Sabi ni Alex, 5 station daw ang pupuntahan namin. Kaya 5 lang ang binili kong kandila. Si Nanay isang supot yata ang binili.

 

Hindi pa kami nakakalayo ay may dalawang estasyon na kaming nadaanan.

 

Mayroong parang bato ng 10 commandments sa kaliwa at sa kanan saka tulusan ng kandila. Nagsindi ako ng isa. Si Nanay din. Sa pinagpuwestuhan ko, me batang nagtutuklap ng mga natuyong luha ng kandila sa bato. Aba, ok sa trip itong batang ito, a kako. Magandang penitensiya iyan, a. Pero nagbago ang initial kong ideya nang mapansin ang isang plastic bag na puno ng luha ng kandila sa tabi ng bata. Aba, nagnenegosyo yata si ineng. Madami-daming luha nga naman iyan ng kandila.

 

Dahil wala sa isip ko na kailangan pala akong magdasal dito sa pag-akyat ng bundok, wala akong naihandang wish. Ang naisip ko lang ay si EJ. Tapos naisip ko na rin ang mga pamangkin ko. Kaya ang wish ko ay naging gnito: sana ay maging maganda ang future ni EJ at ni noah at ni iding. Saka ni Bianca. Nalimutan ko si dilat. Pero mas stable naman ang nanay nya e. kaya mas ok na siguro ang future niya. Di na kailangan ipagdasal ng tita.

 

Pagkadasal ay naglakad na kami.

 

Marami pa ring tao kaming nakakasalubong. Basa ang lupa at mga batong tinatapakan namin. Yung iba, nababalot pa ng lumot. Marami ring halaman tulad  ng fern saka parang dahon ng gabi. Maingat kami pero mabilis. Lalo na si Nanay. Ang liksi-liksi niya, grabe.

 

Pang-isahan ang trail doon kaya kailangan naming huminto kapag may nakakasalubong kami.  Pero sabi ni Alex, baka gabihin kami kung lagi kaming hihinto. Kaya ang ginawa namin, hindi kami humihinto kahit may makasalubong. Umuusad kami nang pakonti-konti.

 

Naghubad si Nanay ng kanyang sandalyas. Maputik kasi. Nakapaa siya. Akala ko ay hanggang doon lang sa maputik na bahagi ng bundok siya magpapaa. Sa buong trek pala!

 

Mayamaya lang ay tuyot na ang lupa at mainit na ang mga bato. Talahib na ang karamihan sa nakikita naming halaman sa paligid.

 

Mga isa’t kalahating oras kaming naglakad paakyat sa kalbaryo. Marami kaming nadaanan na interesante. Me iba’t ibang organisasyon na nagtatayo ng tolda doon at ang mga taong nagbabantay ay naka all white at nakalugay ang buhok. Meron ding umaakyat ng bundok na ganon ang attire. Sa isang flat na lugar, merong naglagay ng isang mesang mahaba tapos  may picture ng last supper na nakabitin sa malaking bato sa likod nito. Tapos sa tapat ng mesa, mga lutuan.

 

Noong hindi ko pa nakikita ang picture ng last supper, akala ko ay mga residente ito ng lugar na iyon at iyon ang kanilang dinner table. Pero mukha ngang hindi. May nakita rin akong banner ng kanilang samahan. Nalimutan ko lang ang pangalan.

 

Sumulyap ako bago tuluyang lumarga. May mga nakaupo sa dulo ng mesa. Baka sila ay gumaganap na mga lalaking kasama ni hesus sa huling hapunan. Hindi pala. Kasi mukhang nag-iinuman ang mga manong sa dulo ng hapag-kainan.

 

Meron ding isang grupo ng kabataan na nagpapapirma sa mga dumadaan. Ang nakalagay sa kanilang sign board ay sign for monitoring. Sabi ng isang lalaki roon, wala po itong bayad.

 

Lumapit ako at lumagda. Sakali nga namang mawala ako, at least alam nitong mga taong ito na dumaan ako doon.

 

Marami rin kaming nadaanang tent ng mga local na turista. Sa tingin ko ay inconvenient ang pagkakapuwesto nila dahil kitang kita ito ng mga taong dumadaan. Saka wala yatang  source ng tubig na malapit. Inconvenient din ito sa mga umaakyat tulad namin. Lumiliit ang espasyong dinadaanan namin.

 

Meron din kaming nadaanan na parang super liit na kuweba na nilagyan ng mga tabla kaya mukhang bukas na sabsaban. Maraming kandila doon. Isa raw iyon sa dapat naming pagtirikan ng kandila.

 

Nagtirik ako saka si Nanay. Si Nanay na astig din, nakasakay ko yata ito sa Paastigan Express, ay bumaba sa isang pababang bahagi ng maliit na cave na iyon. Doon siya nagtulos.

 

Tapos lumarga na kami uli.

 

Mayamaya pa ay may hinintuan kaming parang kuweba uli. Patatsulok ang entrada nito. Yuyuko ka talaga para makapasok. Pero as usual trapik dahil sa dami ng tao sa loob at sa dami ng taong gustong pumasok.

 

At dahil mahilig talaga ako sa mga ganoong adventure, pumasok na ako. Nauna na pala si Nanay sa akin. Sa bunganga ng kuweba, nagtirik kami ng kandila. Nang umusad papasok ang mga tao, nakaupo kaming naglalakad. Sa loob, maraming mga babaeng nakaputi na nagdarasal. Pabulong kaming nag-uusap ni Nanay. Bawal daw ang maingay.

 

Mababaw lang ang kuweba. Sa dulo nito, mayroong dalawang estatwang maliit. Pinalilibutan ito ng mga kandila. Ang init-init papasok ng kuweba pero sa bandang gitna nito ay biglang lumamig. Parang me built-in aircon ang kuweba.

 

Weird. Pero okey. Para ngang ayoko nang lumabas. Malapit na kasing magtanghaling tapat noon. Ang init-init sa labas.

 

Naglakad uli kami ni Nanay nang nakaupo papalabas ng kuweba.

 

Tapos, akyat uli kami sa bundok. Paglingon ko sa likod, parang mahabang bukid na pababa ang dinaanan namin. Puro talahib. Ang kapal-kapal ng talahiban doon. Siguro kung gabi, hindi mo makikita ang trail. Kasi nga, ngayon ngang may araw, malalaman mo lamang na may trail pala sa isang dako dahil sa may mga taong dumadaan doon.

 

Naisip ko, ganito pala ang maging isang langgam.

 

Kasi para kaming langgam kung titingnan mula sa malayo.

 

Noong time na ‘yon, napansin namin ni Nanay na mayroong isang lalaki ang sunod nang sunod sa amin. Mukhang kasama na ito ng aming grupo. Iyon pala si Ronel, pinsan ng aming guide na si Alex. Naka-sandwich sila sa amin. Si Alex, nasa unahan. Si Ronel, nasa dulo.

 

May mga parte ng climb na na-cha-challenge ang aking sandalyas. At maraming beses naman na nagpapasalamat ako sa pundya ng aking pantalon dahil hindi siya napupunit. Bukaka dito, bukaka doon. Hakbang, akyat, hila, tukod.

 

Iba’t iba rin ang korte ng mga batong inaapakan ko na minsan, inuupuan din na minsan, nakakaface to face din na minsan, niyayakap din. Kung lalaki ang mga bato sa bundok na iyon, andami kong nakalove team.

 

Me batong pabilog, patusok parang tatsulok, parihaba, parisukat.

 

Karamihan sa kanila ay itim ang kulay.

 

Paminsan-minsan, andon ang aming guide para alalayan kami umakyat sa mga uneven na bato pero most of the time nga, nasa unahan siya ng aming pila.

 

Meron ding time na noong malapit na kami sa kalbaryo, hindi na namin makita si Nanay. Iyon pala, nauuna na. As in unang una. Napapasabay na sa ibang grupo. Me magic ata itong si Nanay.  Hanep. Nakapaa pa yan, ha?

 

Naaliw din ako sa mga nakakasalubong namin kaya hindi talaga nakakainip ang climb. Me bata. Ang pinakabatang nakita ko ay nasa tatlong taon ata. Na-miss ko tuloy si EJ. Sana talaga nakasama siya doon. Kakaibang experience para sa kanya.

 

Me nakasalubong din akong  matanda, marami-rami akong nakitang matanda. Meron din akong nakitang mga babaeng matandang nakaputing bestida tapos mahaba ang buhok at merong nakaikot na rosaryo sa kanilang bewang. Malapit sa kalbaryo, meron namang babaeng nakamaroon na damit, at ang ginagawa niya ay nag-aalay siya ng mga kamay sa mga taong nahihirapan sa pag-akyat sa ilang mabatong portion. Nakakatuwa, kahit hindi siya ganoon kalakas, gusto pa rin niyang tumulong at maging kapaki-pakinabang sa kapwa.

 

Meron ding mga teenager akong nakita. makukulay ang mga suot nila. Nakalimutan siguro nilang biyernes santo nang araw na iyon, parang ako.

 

may mga ka-edad ko rin. Karamihan sa kanila mukhang mga mountaineer, malalaki ang bag, na ang tatak north face. Mga naka-mojo at me bandana sa ulo.

 

Meron din akong nakakasalubong na parang sa party pupunta. May nakita akong nakatights na black tapos nakashorts. Me sequins-sequins pa ang blouse at malaking malaking shades. Cute, oo, pero hindi pambundok.

 

Meron ding parang sa mall pupunta, naka-t-shirt tapos may nakabalot na parang sarong sa leeg, pamboys iyan. Nakita ko si John Pratts dati sa TV, ganun ang suot.

 

Me naka-blouse na girl na girl at nakasandals na parang pang-graduation. Napatitig talaga ako sa sandals na iyon at naiisip ko, kung bibig ang sandals ko, kanina pa ito, nakanganga sa uhaw at pagod, e, paano pa kaya yung sa kanya?

 

Ano nga pala ang suot ko? E, di mukha ring pamparty!

 

Naka-halter blouse ako. Kulay-lumot na binilad sa araw. Yung blouse, hindi ako. Naman!

 

Tapos pinatungan ko iyon ng striped na blouse na racerback ang likod. (Racerback nga.) tapos nakamaong ako. Na kulay green. Nakamedyas din ako na makulay. Tapos naka-feminine na mojo sandals na nabili ko sa Marikina sa halagang P120 ilan daang taon na ang nakakaraan.

 

May mga nagsasalita habang pababa at paakyat. Si Nanay, ang mga hirit niyan nang may makitang mga teenager na lalaki sa may unahan namin, naku sana ang mga adik, magbago na. Biglang nagtawanan ang mga teenager. O, bakit parang may natatamaan? sabi ni Nanay. Meron bang adik dito? Adik sa alak, ganyan.

 

Meron pa siyang sinabi, ay pagbalik natin dito, yari na ang escalator na pinagawa ko. Biglang sumagot ang isang babaeng pababa, ay hindi na ho kalbaryo iyan.

 

Me tatlong bakla na pababa ng bundok, sabi naku, ayoko na ngang magkasala. Ang hirap-hirap.

 

Tawanan kaming mga nakarinig.

 

Napakasaya ng atmosphere. Parang kahit hindi kayo magkakakilala, nakakapagbahagi ka ng mga naiisip mo that time. Yung mga comment-comment ay nakakapagpagaan sa isang napakabigat na gawain.

 

Nakakatuwa ding experience yung pag-ooffer ng sariling kamay para makatulong sa iba. Karamihan sa mga gumagawa nito ay yung mga taong pababa na ng kalbaryo. Inaalalayan nila ang mga paakyat pa lang. At humihinto sila para makadaan ang mga paakyat.

 

Sayang at ngayon ko lang nari-realize na importanteng gesture ang ganon. Hindi ko ‘ata ito nagawa sa mga kasama kong umakyat saka doon sa mga hindi ko kakilala.

 

Ang focus ko, masyadong natuon sa mga bato, paano ko ito aapakan, paano ako hahakbang sa kabila, paano ako makakaakyat sa taas. Noong pababa na kami, wala na ring pagkakataon na makapag-alok ng tulong kasi hindi na kasinglupit ng trail paakyat, ang trail pababa. At mas konti na ang taong paakyat sa trail na iyon. Iba kasi ang dinaanan namin. Hindi kami dumaan sa inakyatan namin.

 

Naku saying talaga. Ngayon parang naiinis ako sa hindi ko nagawa.

 

Naabot namin ang tuktok, saktong tanghaling tapat. Kaya ang init-init talaga. Bukod doon ay nagliliyab na ang ilang mga bahaging pinagtutulusan ng kandila. Doble ang init. Konti lang din ang halaman na pwedeng pagsilungan. Me nakasilong na doon sa kakaunting puwedeng pagsilungan. Naupo na lang kami sa mga bato-batong nagkalat at nagpahinga sandali.

 

Merong krus sa tuktok ng kalbaryo. Kalbaryo ang tawag sa bundok na iyon. Hindi iyon Banahaw. Sabi ni Alex, ang Banahaw, mga isang buong araw na lakaran. Kaya kung gusto mo pang bumaba, magdevote ka pa ng isa pang araw. (meaning kailangan, mag-overnight. Meaning, marami kang dala sa paakyat at pababa ng bundok) Ganon iyon kataas. Sa kasamaang palad, ayon sa opismate ng aking kaibigang si Rita, bawal daw itong akyatin. Me nadaanan din akong parang booth ng pulis na may banner. Sabi: closure Banahaw extended 3 more years.

 

Dalawa lang ang krus na nakita ko. Sabi ng iba, tatlo daw ang krus doon. Ngayon ko lang naalala. Nang makita ko kasing dalawa lang ang krus, hindi na ako nag-abalang hanapin ang isa pa.

 

Pero dapat, nandoon lang iyon. Kasinlaki lang din dapat iyon ng dalawang krus kaya dapat madali kong nakita kung nandoon nga lang iyon at dapat katabi ito ng iba pa kaya dapat talaga hindi ko ito na-miss out.

 

So malamang, dalawang krus lang talaga ang nandoon.

 

Nag-ikot-ikot ako sa kalbaryo. May mga nagtayo ng tent doon. Me isang tent na puro babaeng naka-maroon na t-shirt ang nagbabantay. Sa labas ng tent nila, me apat o limang something na hugis-bangka, kalahating dipa ang lapad nito. Gawa ito sa kandila. Puting puti.

 

Me isa pang tent na kapnsin-pansin. Nagdadasal kasi nang malakas ang mga tao sa tent na iyon. Kapansin-pansin dahil napakaganda ng pagkakabigkas nila sa mga Our Father at Hail Mary. Parang mga taga-call center yung nagdadasal. Magaling din sila magstress sa mga salita. May isang babaeng mukha nang nanay na naka-blouse na bulaklakin, isang lalaking kakaunti na lang ang buhok sa ulo, nakapolo shirt, may isang lalaking payat na mga nasa kuwarenta, naka-star wars na kamiseta, kulay-pula.

 

Tapos sa entrada ng tent, may isang babaeng morena, malalim ang eyebags, gulo-gulo ang buhok, pawis na pawis, naka-maroon siyang kamiseta. Nakapikit siya the whole time. At nagsasalita siya sa maliit na boses. Papalakpak-palakpak siya. Tapos mayamaya tumatawa siya. Tapos sabi niya, huwag ninyong kalimutang tumawag sa akin. Sa harap niya ay isang babaeng nasa trenta anyos. Sabi niya, huwag mong kalilimutang tumawag sa akin, ha? Malaki o maliit man ang problema mo, tatawag ka sa akin ha? Matutulungan kita. Sabay tawa at sabay palakpak ang babaeng morena.

 

Sa tabi ng babaeng morena ay isang lalaking nakaputi na may salamin sa mata. Mukha siyang tipikal na teacher sa values education ganyan. Me dala siyang puting tabong me tubig at inilalapit niya ito sa kamay ng babaeng morena. 

 

Paminsan-minsan, isasawsaw ng babaeng morena ang kamay niya sa tabo at iwiwisik ang tubig sa babaeng nasa harap niya. Tapos tatapikin niya sa noo at sa dibdib ang babae. Tapos tatapikin niya sa noo ang lalaking me hawak ng tabo.

 

Pagka-minsan, iwiwisik ni babaeng morena ang tubig sa paligid niya, sa mga nagdarasal. Pagka-ganon ang nangyayari, yung mga nag-a-Our Father ay tumitigil at nagpapasalamat.

 

Sabi nila, salamat, nino.

 

Aha! Sinasapian pala ng Sto. Nino ang babaeng morena.

 

Hindi ako makapaniwala siyempre. Kayang kaya kong gawin ang pagpapaliit ng boses. Nakakapanood ako ng ganito sa TV pero iba pala talaga kapag aktuwal mo nang napapanood. Medyo natatawa ako. Feeling ko ang naïve ng mga taong naniniwala sa ganito.

 

Hinanap ko ang mga kasama ko para ipakita sa kanila ang nasa tent. Nakita ko si Alex. Sabi niya, huwag kang masyadong lalapit. Baka hindi na kita mabawi. Hmm…posible palang maimpluwensiyahan ako ng mga taong iyon. Me nagwarning din sa akin na huwag akong tumuloy kung nag-iisa ako dahil marami raw ang nanghi- hypnotize doon. Siguro isa ito sa mga iyon.

 

Sumama sa akin yung dalawa sa mga kasama ni Nanay. Pagbalik namin sa tent, iba na ang nasa entrada nito. Yung mamang naka-star wars na. nakabukas ang mga mata niya pero parang walang nakikita. At para siyang naninigas. Yung mga daliri niya ay nakapilantik at kumikilos nang maliit na parang inaatake ng sakit. Tapos dahan-dahan siyang bumabaling sa lalaking may tabo. Nakakatakot ang ekspresyon sa mukha niya. Parang ang seryo-seryoso. Pero natatawa pa rin ako. Kasi naman may umaagos na sipon sa isang butas ng ilong niya.

 

Habang pinapanood ko ang nangyayari sa mama, naririnig ko ang boses ng isang babae. Ikinukuwento niya sa katabi niya ang mga sinabi ng “Sto. Nino” sa kanya. Siya pala yung babaeng nakatayo kanina sa tapat ng babaeng morena.

 

Napaka-suspetsoso ko lang ba talaga or what? Kasi ang unang pumasok sa isip ko, planted iyon. Ang babaeng iyon ay kasama talaga ng mga nasa tent tapos kunwari magpapagamot siya o magpapakonsulta tapos magkukuwento sa mga tao sa paligid niya para maengganyo rin ang mga ito na lumapit sa sinasaniban. Parang yung sa mga home TV shopping. Actually, hindi naman talaga sila gumamit ng produktong ineendorse nila kundi bayaran lang sila. Ganon. Ganon ako kasuspetsoso.

 

Nag-ikot pa ako sa tuktok. Nagcheck din ako ng cellphone. Naka-off ito dahil malo-low batt na. Walang signal. Pinatay ko na lang ito uli.

 

Pero feeling ko, may nag-iisip sa akin nang eksaktong panahon na iyon. Me napulot akong something. Plastic siya. Dilaw. Mga tatlong pulgada ang haba. Bahagi ito ng something na plastic din. Ewan ko kung ano.

 

Ang sabi ng napulot ko: I miss you.

 

Yihi. How romantic. Doon nga yata talaga matatagpuan ang kakaibang mga anting-anting. Kaya naman nasa wallet ko na ang I miss you something na iyon.

 

Nagsindi na ako ng kandila at nagdasal sa tapat ng mga krus. Pagkatapos ay umupo na ako sa tabi nila Nanay. Noon kami nagtanungan ng pangalan. Ipinasulat niya sa akin sa isang papel ang phone nila sa bahay. Tinanong ko na rin ang pangalan ng iba pa niyang kasama. At isinulat ko rin doon. Ang mga edad at okupasyon nila, nalaman ko sa iba’t ibang pagkakataon na.

 

Nanay Lagring- 65 years old, parang hilot. Though hindi niya sinabing hilot siya. Pero sabi niya nagmamasahe siya at gumagamot ng biktima ng kulam. Nakakatulong daw siya sa ganon.

Tintin-10 years old

 Simon-11 years old

Magkapatid sila at apo sila ni Nanay Lagring

Rosemarie-24 years old, sa index salon sa monumento nagtatrabaho, bunsong anak siya ni Nanay Lagring

Ricky-21 years old, boyfriend ni Rosemarie

Fidel-15 years old, kaibigan ni Ricky at Rosemarie

 

Si Alex, ang aming guide na mukhang college student, ay nagtatrabaho na raw kapag ordinaryong araw sa malayong lugar, ayon kay Ronel, ang isa pa naming guide. Magpinsan sila. Tahimik si Ronel the whole time pero noong uwian ay nakakuwentuhan ko siya dahil dalawa kaming naiwan na naghihintay sa pagbibihis ng mga kasama naming naligo sa ilog. 20 years old na siya pero 4th year high school pa lang siya. Nang sabihin niyang 4th year pa lang siya, hndi siya nailang o nahiya. Mukhang common ang ganong kaso sa lugar na iyon. 

 

Ibang ruta ang tinahak namin pababa. Sabi ni Alex, mas patag daw ito at may ilog sa pinakadulo. Okey naman kay Nanay Lagring kaya iyon ang dinaanan namin. Naghubad ako ng medyas at sandals. Gusto kong malaman ang pakiramdam ng nakapaa.

 

At siyempre, hindi masarap. Nasa gitna ako ng pila ng grupo. Napakabagal ko na sa bawat hakbang kaya malaki ang agwat naming mga nasa dulo ng pila sa mga nasa unahan ng pila. Masakit talaga sa paa, gumagasgas sa talampakan ko ang magagaspang na mga bato. Pinapaso ng maiinit na batong bilad nang buong umaga at tanghali ang talampakan ko. Pero hindi ako sumuko. Kalbaryo kung kalbaryo.

 

Ang ginawa ko na lang ay ginamit ko ang kamay at braso ko. Ipinatutukod ko ito para hindi lahat ng bigat ko ay nasa mga paa ko. Niyayakap ko ang bato kung kailangan. Ipinangkakalang ko ang mga palad ko kung kailangan. Umuupo ako, lumuluhod.

 

Hindi ko akalaing ganon kasakit ang magpaa. Pero bakit parang ang dali kay Nanay at sa  ba pang nakita kong nakapaa sa trail?

 

Kinakantiyawan na ako ng boys. Gusto ko raw ba talaga magpaa? Kaya raw ako nagpapaa kasi hindi ko pa naranasan magkakalyo. Sabi ko, andami ko kayang kalyo? A…alam na raw nila kung bakit ako nag papaa. Kasi raw hindi ko pa nararanasan magkakalyo na nagnanana.

 

Nagtawanan sila. Sila lang. Ako, napa-eeooow.

 

Pagkatapos ng mga trenta minutos, nagmedyas at sandalyas na rin ako. Bumilis-bilis ang aming trek pababa.

 

Mas maganda nga ang daan doon pero hindi ito kasingpatag ng inaakala namin. Marami pa ring bato sa 50% ng daraanan. Niloloko nga namin si Alex sa tuwing makakaengkuwentro kami ng mabatong daan. Patag pala, ha! Patag nga! 2 segundong patag! At magtatawanan kami.

 

Me pang quiz beeng tanong pa si Fidel. Ano raw ang scientific name ng bundok na iyon?

 

Mountainensis patagkinensis Alexenensis.

 

Hagalpakan na naman kami ng tawa.

 

Marami ring bahagi ang trail na iyon na na nalalatagan ng natumbang mga talahib. Matalahib din pala. Noong nakapaa ako, dito ako umaapak at hindi sa lupa para malamig-lamig sa paa. At yung talahib ay yung lumulungayngay talaga sa mismong daanan. Kailangan mo pang hawiin para makadaan ka.

 

Mas konti ang tao sa daanang iyon pero ang nakakatuwa, may nakita kaming naka-stand by na tindero ng ice cream. Ice cream! Ice cream, anya. Hahaha ice cream susmarya. Parang ang hirap mag ice cream habang nagha-hike. Unless magpapahinga ka. At wala yata sa itinerary ng grupo ang magpahinga sa gitna ng hike.

 

Isa pang nakita namin ay tindero ng mineral water. Me bente at trenta raw sabi ng tindero. Bibili sana si Rosemarie. Sabi ko, may tubig pa ako. Inalok ko ang dala kong bote at uminom ang dalawang bata.

 

May nakita rin kaming pamilyang nagte-tent. Nagtitinda naman sila ng palamig. Melon. Huwaw. Npakagandang idea. Kaya lang wala talaga kami sa mood bumili ng kung ano-ano. At least iyon ang naiisip ko. Lalo na ako. Ang focus ko ay marating ang dulo ng trail. Ang matapos ang hike.

 

Mga isa’t kalahating oras din ang pababa. Mayamaya lang ay madulas na ang mga daan. At dumami ang mga puno at halaman. Medyo dumilim din. Parang alas singko na lang ng hapon samantalang ala una o alas dos pa lang yata iyon.

 

Nanginginig ang tuhod ko noong pababa na kasi madulas. Parang nagpipigil ka sa pagdausdos pero kailangan mong humakbang. Scary talaga. Pakapit-kapit na lang kami sa mga sanga-sanga at hala-halaman. Kawawang sanga-sanga at hala-halaman.

 

Sabi ng mga kasama ko, naririnig na nila ang tubig. Tingin kami nang tingin sa gilid na parang bangin. Wala namang ilog. Ako nga hindi ko marinig ang tubig.

 

Lakad-lakad uli.

    

Mayamaya lang, bumulaga na sa amin ang ilog na tadtad ng higanteng tipak ng mga bato. Ilog Lagnas daw ito sabi ng polyetong nabasa ko bago ang biyahe ko pa-Banahaw. Sabi ni Alex, nakakagaling daw ang tubig sa ilog na iyon.

 

Naghanap kami ng mapupuwestuhan at makakainan ng tanghalian. Nagsettle kami sa gilid ng isang mababang falls. Maraming tao doon. Meron pang naliligo as in nagsasabon at naglilibag. Meron ding kalalakihang tumutuntong sa mataas na bato para magdive sa falls.

 

Nagbabad ako ng paa. Si Nanay din. Nang makita kong namumutiktik na sa moss at putik ang puwitan ko, nagdesisyon na akong ipanligo na lang ang aking attire. Ang baon kong shorts at shirt ang gagamitin ko na lamang na damit pauwing Maynila.

 

Inilabas na nila ang baon nilang sandamukal na kanin at mga de lata. Inilabas ko na rin ang kanin at ulam kong nakaplastic. Pati ang prutas. Ishineyr ko iyon sa kanila. Nagponkan kami bago magkanin. Pati ang ube candy na binili ko bago ang opisyal na climb ay inilabas ko na rin. Tumikim ako. Masarap. Pag me nadaanan uli kaming tindahan ng ube, bibili ako. Kaso bigla kong naalala, wala akong pasasalubungan.

 

Lahat kami kumain puwera sina Nanay, Alex at Ronel. Nahihiya yata ang boys. Kahit anong yaya namin, ayaw talaga. Umalis sila sandali para kumuha ng tubig na maiinom namin. Pagbalik nila, nanood lang sila ng mga lalaking tumatalon sa falls.

 

Si Nanay naman, ayon kay Rosemarie, hindi raw talaga kumakain kahit nang umakyat sila sa Makiling. Taun-taon nga pala ay umaakyat ng bundok si Nanay. Nakailang akyat na siya sa Banahaw. Last year, sa makiling naman. Hanep talaga. Kaya sabi ko kay Rosemarie, ang cool ng nanay mo.

 

Pagkakain, nagkayayaan nang maligo. Kanina, init na init ako at parang gusto ko talagang maligo. Pero nang masanay sa lamig ang paa ko, bigla na akong gininaw. Parang di ko kaya ang lamig ng tubig.

 

Nang makita ni Alex na naliligo na ang mga bata, niyakag niya kami sa mas maganda raw na parte ng ilog. Naglakad kami sa gilid ng ilog at minsan, patalon-talon kami sa malalaking batong nagkalat sa ilog. Mga kinse minutos pa kaming naglakad. Sabi ni Alex, kung gusto talaga naming maligo, doon na sa malapit sa may banlawan at bihisan.

 

Nang makakita kami ng isang spot na kakaunti ang tao, huminto na kami. Ang bahaging iyon ng ilog ay parang pool dahil hindi masyado mabato.  At hanggang bewang ang tubig. Tamang tama para sa dalawang bata. Doon na ako naglublob. Pero isang lublob lang. Giniginaw talaga ako. Tapos umupo na lang ako sa isang bato at ibinabad ang aking mga paa sa tubig.

 

Sina Simon, Tintin, Rosemarie, Ricky at Fidel ay naglaro doon sa mukhang pool. Kami ni Nanay, magkalapit ang inuupuan naming mga bato. Patingin-tingin lang ako sa paligid. may mga lalaking nakaupo rin sa mga bato sa bandang unahan namin. Yung isa sa kanila, may dalang camera at tripod. Professional photographers? Sana kunin akong modelo.

 

Yung isa sa kanila, tinitingnan kong maigi. Kasi kamukha ng seatmate ko noong 1st year high school ako. Si emman, isang napakatahimik na lalaki ngunit napakahusay kumanta.

 

May lumapit na babaeng may kargang sanggol. Kabuntot niya ang isang girl na nasa tatlong taon siguro. Umupo sila sa tabi ni Nanay. Nagkakuwentuhan ang dalawa. Nakinig lang ako.

 

Taga-Batangas pa raw ang mag-iina. Kaya raw sila napunta sa Banahaw ay dahil kasali sila sa Diyos Ama something. Nalimutan ko na yung eksaktong pangalan pero sa tingin ko ay isang religious org or sect.

 

Mayamaya, wala na sa isip ko ang pag-uusap nila. Naalala ko kasi ang Biak na Bato. Kamukha ng ilog sa  Biak na Bato ang ilog Lagnas. Mabato rin sa Biak na Bato. Yes, redundant hahaha pero ang bato na nabiyak ayon sa pangalang Biak na Bato ay actually hindi bato kundi bundok. Bundok na gawa sa bato, parang ganon. So kaya siya Biak na Bato ay mababang bundok na nabiyak sa gitna dahil dinaanan ng isang ilog.

 

Marami ring tao roon kapag holy Friday. Mas tahimik nga lang sa Biak na Bato. Mukha kasing mas mahirap itong puntahan. Walang dyip doon. Magta-traysikel ka lang mula sa palengke. at kung hindi ka magaling magresearch, magse-settle ka sa mga traysikel na nangongontrata ng P100-150 one way to Biak na Bato.

 

Pero sa mga tulad ko na ayaw na ayaw gumastos nang malaki sa pamasahe at ayaw maniwalang gumagastos nang ganon kalaki sa pamasahe ang mga tagaroon, magtatanong-tanong ka pa. Nang pumunta kami sa Biak na Bato ganon nga ang natuklasan ko. Me traysikel na bumibiyahe sa lugar na iyon. Hindi kailangang mangontrata. P100 din ang pamasahe pero may mga kahati ka. Apat na tao sa isang traysikel so papatak na P25 lang ang isa. Taong 2005 yata ito.

 

 Sa tingin ko ay mas maganda ang ilog ng Biak na Bato kaysa sa Ilog Lagnas. Mas maiksi ang ilog ng Biak na Bato pero mas malinis ito. Mas malalaki rin ang bahagi na puwede talagang pagswimmingan. At mas malinaw ang tubig. Sa Ilog Lagnas, namumuti ang tubig. Parang marami nang sabon-sabon. Pero ako, game ako kahit ganon ang tubig. Naniniwala kasi akong makakatulong sa kalusugan ko ang paliligo doon. Ang problema lang, giniginaw taalaga ako. Hindi ko kaya ang lamig.

 

Bakit ka nga pala nagpunta rito? Biglang tanong sa akin ni Nanay.

 

Mukhang tinatanong na rin iyon ng babaeng may dalang dalawang bata.

 

Wala akong maisagot agad. Bakit nga ba ako nagpunta doon? Matagal ko nang naisip na pumunta roon. Bago pa dumating ang summer. Pero hindi ko matukoy ang eksaktong dahilan. Hindi ako nagpunta roon para magdasal. Hindi ako nagpunta para magreflect. Naisip kong isama doon si EJ para sa proyekto kong i-expose siya sa kalikasan. Iniisip kong makakakita at makakahawak si EJ ng mga halaman na doon lang tumutubo. Pero tumuloy pa rin ako kahit hindi ko kasama si EJ so imposibleng siya ang dahilan.

 

Makati lang yata talaga ang paa ko.

 

Hmmm….Pero sa totoo lang, gusto kong makita at makilala ang aking bansa. Akala ng iba, ang Maynila ang mundo. Maling mali. Naliliitan na nga ako riyan. Parang lahat ng sulok nito, napuntahan ko na. Wala na akong matutuklasan.

 

Gusto kong marating ang iba pang magagandang lugar sa Pilipinas na puwede at kaya kong marating. Mas natututo ako sa ganitong paraan. Mas marami akong naibabahagi sa iba kapag ginagawa ko ito. Maintindihan kaya ako ni Nanay at ng babae kung ito ang isasagot ko?

 

Kaya sabi ko na lang, namamasyal lang po.

 

Nagtawag na si Nanay. Magbanlaw na raw kami. Naglakad pa kami ng sampung minuto hanggang marating namin ang banlawan. Higit na marami ang tao roon. At andaming tent. Kabi-kabila. Lalong madumi ang paligid. yung mga balot ng chichirya, plastic bag na punit, putikang sako, mga istik ng barbekyu, mga straw na panali.

 

Ito raw ang Kinabuhayan. The famous Kinabuhayan. May isang hagdan na paakyat sa isang kuweba. Sabi ni Alex, doon daw kami magtirik ng kandila. Yun ang huli naming pagtitirikan ng kandila. Wala na raw kandila si Nanay. Ako naman, isa na lang. ibinigay ko na iyon sa kanya. Puwede naman siguro akong magdasal nang walang kandila.

 

Tumawid kami ng ilog at umakyat sa kuweba para magdasal. Pero hindi ako nakapagdasal sa dami ng nakita ko.

 

Sa gilid ng butas ng kuweba, may nakita akong babaeng nakaputi, nakabelong puti at nagrorosaryo. Nakapikit lang siya. Sa tabi niya ay isang imahen ng Birheng Maria. Sa kabila niya ay uka sa mga bato na pinaglalagyan ng napakaraming mga imahen ng mga santo at ni Jesus at ng Birheng Maria.

 

Parang kakaibang mundo ang kuweba na iyon. Flat na flat siya. Actually, hindi lang isang kuweba iyon. May katabi pa itong maliliit na kuweba na ginawang parang altar ng iba’t ibang santo. Nag-iinit ang bawat kuweba sa dami ng nakatulos na kandila.

 

Nuknukan ng init sa  kuwebang pinasok namin. Buti na lang at basang basa ang buo kong katawan sa tubig ng ilog kya hindi ako gaanong nainitan. nAkatagal ako sa loob at nagkasapat na panahon para mapanood ang mga bagay na kakaiba.

 

May uka sa mga bahagi ng kuweba at may religious na estatwa ang bawat uka. Natitirikan din ito ng maraming kandila. Mga dalawampung tao kaming nasa loob noon. Sa pinakagitna nito ay may isang rebulto. Hindi ko na maalala kung kanino dahil mas natuon ang atensiyon ko sa lalaking nakadamit Nazareno. May putong siyang tinik ng korona. Nakataas ang mga kamay niya at naninigas din ang mga ito. Ang lumalabas sa bibig niya ay parang galling sa bible. Something like, kapayapaan ang dapat na nananahan sa inyong puso. Walang puwang ang kasakiman sa puso at sa mundong ito.

 

Ganyan. Very general. Tapos sa harap niya ay mayroong mga babaeng matanda na mahahaba ang buhok na nakaputing damit. Marami kaming nanonood sa kanila. Sabi ni Alex, ang poong Nazareno raw iyon.

 

Habang pinapanood ko ang Nazareno ay may nadidinig akong umiiyak na babae. Anlakas-lakas ng iyak niya.

 

Patawarin ninyo ako. Patawarin ninyo ang mga nagkasala huhuhu

 

Paulit-ulit niya itong isinisigaw. Pasigaw ang iyak niya. Tapos nang minsan ko siyang sulyapan, isang lalaki ang nakayakap sa kanya. Parang sa pelikula ang dating. Nagwawala ang bidang babae at pinipigilan siya ng bidang lalaki. At ang lighting nila ay yung liwanag ng mga kandila.

 

Dahil kuweba iyon, umaalingawngaw ang kanyang sigaw.

 

Nakakaintriga. Naisip ko na puntahan siya agad pagkatapos ng Nazareno.

 

Pero nafascinate ako sa Nazareno. Pagpunta ko kay crying lady, wala na ang crying lady. Parang mapayapa na siya. May mga kasama pala siya. Hindi lang yung lalaking pumipigil sa kanya. Na mukhang matitinong tao naman. Puro sila nakasapatos at disenteng damit.

 

Isang babae, na kasama nila, ang nag-eexplain sa aming mga nakapalibot sa kanila, tungkol sa butas na nasa gilid ng kuweba.

 

Nagbabala na sa amin ang Birheng Maria. Hindi lahat ng pumapasok diyan ay nakakalabas pa. kaya nasa sa inyo kung gusto ninyong pumasok. Pero kapag hindi malinis ang puso sabi ng Birheng Maria, hindi ka na makikita pang muli.

 

Sabi ng babaeng lungayngay na ang damit sa pawis.

 

Nasa likod ko na si Alex.

 

Gusto kong pumasok. Puwede ba?

 

Sabi ni Alex, huwag. Delikado.

 

Ano bang nasa loob?

 

Balon. May balon diyan.       

 

Nakita kong pumasok ang dalawang teenager na lalaki. Kandila lang ang hawak nila. Nakaupo silang pumasok sa butas dahil iyon ang kasya sa butas.

 

Kung titingnan ay nakakatakot talaga. Kasi parang butas lang iyon na talagang hindi mo alam kung saan ka dadalhin. Baka pagpasok mo ay mawala ka nang talaga. Hindi mawala na parang maligaw kundi mawala talaga. Tipong buburahin ng butas na iyon ang katawan mo at di ka na matatagpuan. Parang ganon.

 

Ganon yung initial kong impression. Ni hindi ako natakot sa babala ng babae tungkol sa babala raw na galling sa Birheng Maria.

 

Hindi kasi ako naniniwala sa ganon. Feeling ko, kung meron mang nawala noong pumasok doon ay baka nahulog sa sinasabi ni Alex na balon at nalunod at hindi naiahon hanggang ngayon.

 

Pero naisip ko, kung talagang mapanganib pumasok sa butas na iyon ay agad na ipapasara ito. Masesensationalize pa ito at magiging illegal na ang pagpasok.

 

Pero hindi nga. heto at bukas na bukas ang butas. Bukas sa sinumang gustong pumasok.  

Gusto ko talagang i-try. Sabi niya, delikado talaga saka wala tayong kandila. Sabi ko, me flashlight ang cellphone ko. Hindi raw puwede iyon. Kelangan daw kandila talaga.

 

Hindi na ako nakipag-argumento. Baka rin naiinip na si Nanay sa amin. Ayoko namang makaabala ng ibang tao.

 

Nanatiling maraming tao ang nakapalibot sa butas na yon.

 

Siguro katulad ko, gusto ring makapasok pero nangingimi lang.

 

Kasabay pala naming lumabas ng kuweba si Nanay Lagring. Dumaan ako sa ibang santo sa maliliit na kuweba para magdasal. Paglabas ko ay naroon pa rin ang aleng nakaputi, nagdarasal pa rin.

 

Nang makatawid na kami sa ilog, may napansin akong isang parang munting kuweba na malapit sa hagdan paakyat sa kuweba. Inaagusan ito ng tubig. Me lumalabas din na mga tao mula roon. Me isa pa ngang babaeng me hawak na flashlight ang lumabas doon.

 

Alex, ano ‘yon? kako.

 

Pag pumasok ka sa butas, diyan ang labas mo.

 

Tamo, sabi ko na, safe naman, e.

 

Pero puwede ka pa ring mawala sa loob. Minsan, hindi na nakakalabas ang mga tao riyan.

 

Hindi na ako nakipag-argumento.

 

Sabi ko kay Alex, hindi na ako magbabanlaw. Sabi niya, sigurado ka? Oo, kako. Itinuro niya sa akin ang bihisan. Sa isang elevated na lugar, may pinagpatung-patong na hollow blocks na natatabingan ng butas-butas na sako. Yun daw ang bihisan. Dinala ko ang mga gamit ko at isinama si Tintin na magbibihis din.

 

Si Tintin ang pinauna ko. Ang panghi-panghi kaya nagdecide akong huwag na lang magbihis. Maghahanap na lang ako ng CR for rent sa labasan.

 

Sinabi ko ang balak ko kay Alex. Sabi niya, halika na nga. Ipapakiusap na lang kita. Naglakad pa kami sa unahan ng ilog. Sina Nanay ay naiwan sa batuhan habang naghihintay kay Rosemarie at Ricky na bumili ng shorts pampalit sa nabasang shorts ng babae.

 

Nadaanan naming yung banlawan na sinasabi ni Alex.

 

Sigurado kang ayaw mong magbanlaw?

 

Isang lugar iyon sa ilog kung saan may mga tatlo o apat na tubo na dinadaluyan ng malinis na tubig.

 

Dito ka rin  ba kumuha ng tubig na ininom natin kaninang tanghalian?

 

Hindi, a.

 

Doon pa.

 

Kako, sige na nga.

 

Kaya pumila ako at nagbanlaw nang mga 30 segundo sa ilalim ng isang tubo ng tubig. Anlamig-lamig pero masarap. Gusto ko pa sanang magtagal kaya lang ay maraming iba pang magbabanlaw.

 

Dinala ako ni Alex sa malaking CR. May bayad ang magbihis (P3.00), umihi at dumumi (eight or ten pesos yata basta mas mahal nang konti kesa sa magbihis).

 

Sabi ko, meron naman palang ganito, bakit ngayon mo lang sinabi?

 

Sagot ni Alex, e kasi may bayad.

 

Natawa ako. Ibig sabihin ay malaking halaga na para sa kanya ang tatlong piso.

 

Sabi ko, sige, ako na. Huwag ka nang makiusap. Magbabayad na lang ako.

 

May tatlong cubicle na may inidoro na walang flush, I mean walang sandalan. Upuang inidoro lang. Pero sagana sa tubig kaya malinis. Buhos-buhos system lang. Sa tapat nito ay stalls na pangbihisan. Semento ang sahig pati ang dinding. Kahoy na nangingitim ang mga pinto.

 

Hindi ako nagrereklamo pero sana ay makagawa ng paraan ang gobyerno natin para man lamang maalagaan ang ganito ka-basic na facility sa isang panturistang lugar.

 

Pagkabihis, bumalik na ako kina Nanay. Itinuro ko sa mga kababalik pa lang na sina Rosemarie at Ricky ang bihisan na may bayad. Sumama na rin si Nanay para magwiwi.

At si Fidel para magbihis na rin. Ang dalawang bata ay bihis na.

 

Kumuha ng tubig si Alex mula sa isang hiwalay na tubo na malapit sa hagdan ng kuweba. Miraculous daw ang tubig doon at puwedeng inumin. Pinapuno ko ang 500 ml na bote ko. Wala namang mawawala. Yun nga lang baka magtae ako sakaling hindi nnga malinis ang tubig. Huwag lang akong mamamatay ay ayos na.

 

Doon kami nagkakuwentuhan ni Ronel. Kaming dalawa ang nagbuhat ng gamit ng mga kasama namin.

 

Mayamaya ay sinundan ko na si Nanay sa CR. Ibibigay ko na ang share ko para sa mga guide namin.

 

P500 ang usapan naming ibibigay kay Alex. P250 sa kanya at P250 sa akin. Pero P200 na lang daw ang pera ni Nanay kaya sabi ko, sige po, P300 na lang ang share ko. Kaso, paano po si Ronel? Tanong ko kay Nanay.

 

Bahala na siguro si Alex sa kanya.

 

Kawawa naman sila naisip ko, buong araw naman nila kaming sinamahan at medyo maliit ang P500 para paghatian pa nilang dalawa. At isa pa, mabait at mahusay silang guides.

 

Nagdagdag pa ako ng P200 para kay Ronel. So all in all, P500 ang nagastos ko sa mga guide.

 

Ibinigay sa akin ni Alex ang bote ko ng tubig. Dasalan ko raw muna iyon bago inumin. At huwag na huwag ko raw pahahakbangan. Hindi ko na itinanong kung bakit. Kadalasan kasi, hindi rin maipapaliwanag ng mga tao ang mga dahilan. Para bagang basta sumunod ka na lang para makabuti ito sa ‘yo. Kaya itineyk nowt ito ng isip ko.

 

Si Nanay ang nag-abot kay Alex ng pera. Iniabot niya ito noong naglalakad na kami palabas ng Kinabuhayan. Uwian time na.

 

Sa lugar na iyon ay napaka-festive na naman ng mood. Marami ulit tindahan ng souvenirs, pasalubong, gulay particularly labanos. Meron ding tindahan ng anting-anting. Nakakita ako ng dalawang kakaibang produkto. Bayag ng kambing at ipin ng kidlat.

 

Para saan kaya ang mga yan?

 

Finally, after 15 minutes nakarating kami sa sakayan ng dyip pa-San Pablo. Kinuha ko ang cellnumbers nina Alex (0920-3410484) at Ronel (09195121630) at nagpaalaman na kami. 

 

Ang naunang dyip sa dyip na sinakyan namin ay punong puno ng lalaki sa bubungan. Sakayang topload ba.

 

Gusto ko ring sumakay sa taas, sa isip-isip ko. Pero nakakahiya lalo na kung mag-isa lang ako. Bago dumating ang dyip namin, nakabili ako ng dalawang everlasting at limampisong banana chips sa katabing tindahan. Tapos sumakay na nga kami sa dyip na dumating. Sabi ng kundoktor, yung nangongolekta ng bayad, mas mura raw sa bubong. Imbes na kuwarenta, trenta na lang.

 

Sabi ko, ako po, puwede?

 

Oo sabi niya.

 

Gusto ko po! O, may discount ako ha?

 

Biro lang iyong diskawnt!

 

Tawanan ang mga pasahero. Si Nanay, pigil nang pigil sa akin. Baka raw mapaano ako. Doon na lang daw ako sa baba ng dyip para ligtas.

 

Pero gusto ko pa rin ho.

 

Kaya ako pa rin ang nasunod.

 

Mag-isa akong nakasakay sa bubong mula Kinabuhayan  hanggang palengke ng San Pablo. Halos isang oras ang biyahe. Isang oras na roller coaster ride na naman! Ang sarap at kakaiba talaga ang perspective mula sa bubong. Mas marami akong nakita not to mention, mas malamig ang hangin.

 

Nakakita ako ng bakuran ng isang bahay. Nagkalat ang labanos sa bakuran. Parang itinapon na lang basta. Mukha ngang chalk na nagkalat sa lupa ang labanos. Tapos sa isang mesa, may tumpok-tumpok na labanos. May karton na nasusulatan ng ganito: P5.00/ kilo. Limampiso! Susmarya, sa q-mart, per piraso minsan ang bentahan. At laging lampas limampiso kada isang piraso. Isang piraso. At minsan sa  grocery ng SM, a…hindi na siguro kailangang banggitin kung magkano sa SM.

 

Marami rin akong nakitang naghahalu-halo sa mga sari-sari store, mga lalaking naghihimas ng tandang sa tapat ng tarangkahan nila. Napapangiti ang mga tao sa kalsada na nakakakita sa akin.

 

Naabutan pa ng dyip namin ang naglalakad na magpinsan. Lalakarin lang pala nila mula doon hanggang sa kanilang bahay. Mahal daw kasi masyado ang pamasahe. Pero kapag ganitong may dyip pa, pinasasabit naman daw sila nang libre. Kaya mga 10 minuto ko ring kasama sa bubong si Ronel. Nasa likod namin si Alex.

 

Pagdating sa haywey, bumagal na ang takbo ng dyip. Trapik na. Diyan na ako nagsimulang mag-isip na ka-eng-engan itong ginagawa ko. Dahil talagang andami nang nakakakita sa akin. Bus load ganyan, jeep load, ganyan. Hay bigla na lang akong inaarangkadahan ng hiya. Hindi naman ako makababa mula sa bubong. Paano ka nga ba papara mula roon?

 

Hinintay ko na lang na huminto ito sa terminal.

 

Pagdating sa terminal, na malapit sa 711, nakakita kami ng sandamukal na taong naghihintay ng masasakyan. Bigla kaming may narinig na sumisigaw ng Cubao. Cubao!

 

Dyip na biyaheng Cubao! Lapit agad kami sa dyip. Sabi ng drayber, kung magkano raw ang ibinabayad namin sa bus, ganon na rin ang ibabayad namin sa kanya. Kako, manong paano po ako, sa Alabang lang po ako?

 

Diretsong Cubao lang ang kinukuha ko, e.

 

Sabi ni Nanay, sumabay na raw ako at bayaran ko na lang hanggang Cubao. Konti lang naman daw ang diperensiya. Isa pa, at least daw ay may kasama ako. Naku, nakarating nga ako roon nang mag-isa, ngayon pa kayang pauwi na ako?

 

Pero siyempre hindi ko sinabi iyon kay Nanay Lagring. Nag-aalala lang para sa akin yung tao. Hindi pa kasi niya alam na toughy-toughy girl ako. Kuno.

 

KAya um-oo na ako. Buti na lang at kuripot ang mga kasakay ko. Sabay-sabay silang tumawad.

 

P100 na lang, manong.

 

Pumaayag naman si manong drayber.

 

Namik-ap pa ng pasahero ang dyip. Nang mapuno ang dyip, madilim na ang kalsada at naabutan na kami ng isang prusisyon.

 

Ito palang si manong ay hindi yata tagaroon. Kasi nang i-attempt niyang umiwas sa trapik dulot ng prusisyon, naligaw kami. Bigla na lang dead end ang kalsada. Tapos isang oras na kaming tumatakbo, nasa Alaminos pa lang kami. Patay na. Naiinis na ang mga kapasahero ko.

 

Ako naman ay tahimik lang at nakapikit the whole time. Pagod na ako. Pero habang tumatakbo ang dyip, nase-sense ko na parang may mali. Nakakadagdag pa sa alalahanin ko yung mga tumatamang bato sa bintana at katawan ng dyip habang tumatakbo ito.

 

Nang makaluwag-luwag, arangkada nang arangkada si manong drayber. Overtake ito nang overtake. Hindi rin marunong pumreno nang mahinahon kaya napapausod kami malapit sa kanya tuwing hihinto siya.

 

Pagkatapos nang isa pang oras ng ganoong klase ng pagmamaneho, hindi na ako nakapagpigil.

 

“Manong, marami pa kaming pangarap! Dahan-dahan naman po kayo. Marami po tayong kasamang bata!” ubod-lakas kong sigaw.

 

Biglang sumigaw din ang lalaking malapit sa estribo.

 

“Mahal ngayon ang kabaong!”

 

Nag-okey sign sa akin si Ricky.

 

Huminahon nang konti ang pagmamaneho niya. Pumikit na uli ako at sinubukang matulog.

 

Pagdating sa Alabang, nagpaalam na ako sa buong pamilya.

 

“Ingat po kayo. Maraming salamat po at nag-enjoy po akong talaga.”

 

Sa isip-isip ko, sana makarating din sila sa cubao nang ligtas. At sana,  sila rin, nag-enjoy na kasama ako sa buong maghapon.

 

Pagbaba ko ng dyip, biglang sumakit ang mga hita at binti ko. Lintek. Ito ang bunga ng walang warm-up-warm-up na pag-akyat sa bundok!

 

Tumawid ako at naglakad nang mahaba, mula metropolis hanggang sa mang pepe na kainan. Gusto ko sanang maghapunan kaya lang pagod na pagod na ako. Parang ayoko nang makipag-usap kahit kanino. E paano ako oorder kung hindi ako makikipag-usap?

 

Sumakay na ako ng dyip pa-Baclaran Coastal mula sa Alabang. Pamasahe: P20.00 hanggang sa Bahayang Pag-asa na ito. Sa likod ng Bamboo Organ. Tulog uli ako sa biyahe. Nagising akong nakabukaka at nasa boundary na ng Cavite at Las Pinas ang dyip.

 

Naglakad pa ako nang mga sampung minuto hanggang sa makarating sa bahay. Eksaktong 9:00 ng gabi.

 

Hinubad ko lang ang tsinelas ko’t ibinaba ang backpack. Ni wala nang toothbrush-toothbrush. Umupo na ako sa kama at nagsindi ng electric fan.

 

Parang nauuhaw ako, kako.

 

Dahil tinatamad na akong bumaba para kumuha ng tubig ay binuksan ko na lang ang backpack at inilabas ang tubig mula sa Kinabuhayan.

 

O, dasalan daw muna bago inumin, sabi ng mental note ko sa akin.

 

Bumuntonghininga ako tapos sabi ko, Lord, talagang maraming maraming salamat po sa araw na ito. As in.

 

Lumagok na ako nang lumagok sabay higa at tulog.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

BISYON NA ‘TOOOOOOOOOOOOOOO

March 8th, 2009 by bebangsiy

3 Pebrero 2008

Tapos na ang aking paglilingkod bilang pangulo ng LIRA.

Napakasarap ng feeling. Lalo na nang magbitiw ng magagandang mga salita si Sir Rio ukol sa aming pamunuan at sa mga proyekto namin. 

Sabi niya, noong una, may mga desisyon akong hindi niya kursunada. Pero ano raw ang magagawa niya kung talagang may gusto akong gawin o ipatupad. Ako nga raw ang pangulo. 

Ang importante, anya, pinanindigan at naisagawa naman nang maayos ang lahat. 

Natutuwa ako, hindi dahil sinuway ko si Sir Rio. Natutuwa ako dahil napatunayan kong kayang kaya ng LIRA ang mga ipinanukalang proyekto. Kailangan lang ng mas madami-dami pang manpower. Pero kita naman sa resulta, kayang kaya ng LIRA na humawak ng proyektong malawak ang saklaw at malaki ang impact lalo na sa mga guro. 

Tama ako. Malaki ang potensiyal ng LIRA. Marami itong magagawa. Malayo ang maaabot nito. At masayang masaya akong naumpisahang maipakita ang potensiyal na ito sa pamamagitan ng aming pamunuan. 

Noong isinasagawa ang Tulawikaan, takot na takot ako noon na baka magflop ito. Baka langawin, siyet kako. Takot na takot ako dahil kapag pumalpak, tiyak akong sasabihin sa akin ni Sir Rio, ang lakas ng loob mong kaladkarin ang pangalan ng LIRA tapos ganyan pala! 

Ngi. Mapapahiya ako kay Sir Rio! No! Hindi puwidi!

Kasi naman, nagkabanggaan kami nang binubuo ang proyektong ito. Ayaw niyang ituloy dahil kulang sa panahon para sa paghahanda, pag-iimbita at kung anu-ano pa. Ayaw niyang ituloy sa maraming dahilan. 

Payo din ng ingat-yaman, parang tama si Sir. Dapat nating iatras. 

Ako ang hindi nakinig. Naniniwala akong kaya pang isagawa ang Tulawikaan kahit halos dalawang buwan na lang ang natitira bago ang target date ng implementasyon.

Kaya naman kayod-kalabaw talaga ako sa proyektong iyon. Hindi puwedeng pumalpak ang isang ’to, kako. Ipinangako ko sa sarili kong gagawin ang lahat, magtagumpay lang ang Tulawikaan.

Apat na malulupet na manunulat at dalubhasa ang naging mga tagapagsalita. Nakapagbigay lahat ng panayam. Hindi nga lang on time pero nakapagbigay pa rin. Halos 80 ang bilang ng mga gurong dumalo. 30 plus ang paying attendees, 50 ang target namin. Puwede na. Puwedeng puwede. Hindi tagumpay na tagumpay kung pera ang pag-uusapan dahil kaunti lang ang kinita ng LIRA. 

Pero ang mahalaga doon, mayroong ginawa ang organisasyon na hindi pa nito naisasagawa noon: ang mag-offer ng isang seminar with fee para sa mga guro ukol sa wika at panulaang Filipino. Isang malaking pampanitikan at pangwikang okasyon. Imagine, nagawa ito ng LIRAng kakarampot ang kasapi at resources. 

Hanep. Kahit ako, napapahanep hanggang ngayon.

Alam kong kahit paano’y naging bukal ito ng inspirasyon sa marami. Kung kaya namin, e di kaya rin nila!!!

Noong kasagsagan naman ng STS project, nagkaproblema rin ako. Naparatangan akong pera-pera ang vision para sa organisasyon. Siyempre nasaktan ako. Heto ang pinakamasakit na dagok sa akin. Akala ko pa naman e yung pagpasok ng dalawang asungot na umaaway sa akin ang pinakamasakit na dagok sa LIRA life ko, hindi pala. Eto palang maparatangan ka na pera-pera ang vision para sa LIRA, ang organisasyong ipagbabasagang-bungo ko, maipagtanggol lang ito.

Sa sobrang laki ng pagnanasa kong makakalap ng pondo para sa organisasyon, may nagsabing naliligaw na ang landas ng aking pamunuan dahil puro pera na lamang ang aking iniisip. 

Nakarating ang lahat kay Sir Rio. At napahiya na naman ako nang sabihan ako sa harap ng maraming kasapi na, ang LIRA ay hindi katulad ng organisasyon na nasa isip mo, Bebang. Marami raw akong ginagawa na hindi kailangan ng LIRA para manatili itong buhay. Ang ginagawa ko raw ay pang-UMPIL. Pangmasa, baga.

Marami pa akong narinig na hindi maganda nang araw na iyon. Parang bigla akong binuhusan ng ice cold coke, isang gabi ng Disyembre sa Sagada.

Bigla kong naisip, isang love story na palpak ang relasyon ko with LIRA. Heto ako, nakakilala ng isang taong kinakitaan ko ng malaking potensiyal. Nang tanggapin ako ay minahal ko naman nang todo-todo at nagsimula agad na mangarap para sa kanya. At habang hinahanda siya para sa mga pangarap na iyon ay todo-todo rin akong kumayod para sa kanya. Kayod nang kayod hanggang sa makalimutan ko na ang sarili ko, ang pamilya ko, ang career ko. Kayod nang kayod. At lahat ng kitain ay inilalagay ko sa bank account na nasa pangalan niya. 

Isang araw, sabi niya, kakausapin niya ako, kaya inimbitahan niya akong pumunta sa kanilang bahay. Naghanda ako, naligo, nagpaganda at dinala ang kanyang bank account at ang mga papeles para ipakitang seryoso ako sa pagbuo ng mga pangarap para sa kanya.

Pagdating doon, sinampal niya ako sabay sabing ayoko niyan. Hindi ko iyan kailangan.

‘Yan ang pakiramdam nang araw na sabihan akong pera-pera ang aking vision sa LIRA. ‘Yan ang pakiramdam ko nang araw na sabihan akong, Bebang, hindi iyan ang kailangan ng LIRA. Hindi naman nabuo ang LIRA nang dahil lamang diyan. 

Alam ko naman iyon, kako, pero sana magising tayo sa katotohanan na kailangan pa rin ang pondo at ang pagsasaayos ng mga papeles bilang isang organisasyon. Kailangan pa ring ayusin ang ganito at ganyan. Mas maganda kung may proyektong ganito at ganyan. 

Sa totoo lang, ang vision ko para sa LIRA ay magkaroon ito ng sariling building katulad ng sa PETA. Parang school ganon. School of poetry. Or center. Center for Pop parang ganyan. Or clinic. 

LIRA POETRY CLINIC. Wow. Tapos kapag wala ang mga makata ng LIRA, nakasabit sa labas ng pinto nito, the doctors are out. Tapos magpapa-appointment ang gustong magpakonsulta ng tula. Dapat me receptionist din ang mga “doktor”. 

Tipong kung seryoso sa pag-aaral ng tula, mag-eenroll sa LIRA poetry clinic na iyon. Kahit dalawang palapag lang ay puwede na. 

Sa first floor, may reception area na malaki. Para ‘yong mga nanay o tita o yaya ng mga batang gustong mag-aral ng tula, may matambayan. Maraming poetry magazine sa reception area. Walang libro kasi baka mawala ang mga libro. May mga painting din nina Beng, Kora Dandan, Maningning at iba pa. Nakasabit sa mga dingding. Saka sculpture. Nina Tata at Ka Pilo. Nakadisplay malapit sa entrada. At fresh flowers of course. Lagi’t lagi ay inspirasyon ang mga bulaklak. Lalo at sariwa!

Sa first floor din ang class rooms. Dalawa siguro puwede na. Dalawang room na kasya ang mga 15 estudyante bawat isa. Magandang bilang ng students ang 15. Hindi masyado ngarag ang makatang maghahandle sa kanila lalo na sa palihan.

May LCD projector at laptop at cd player ang bawat room. Maaaring magpalabas dito ng mga balagtasan nina Mike Coroza at Teo Antonio. O ng koleksiyon ng mga vcd at dvd ni Vim Nadera tungkol sa slam poetry at poetry performance sa loob at labas ng bansa. Para naman makita ng mga estudyante na hindi lamang binabasa sa aklat ang mga tula. Naitatanghal din ito sa marami, sari-sari at madalas ay kahiya-hiyang paraan. 

Me whiteboard sa harap ng class room. Meron ding mikropono ang tagapagsalita. Hindi naman kailangang gamitin ng tagapanayam ang mikropono lagi pero kung kailangan lamang. Halimbawa ay malakas ang ulan o di kaya matandang matanda na ang tagapanayam o di kaya mahinhin na mahinhin ang tagapanayam. Bakit ba? Mahaba ang buhay ng mga makata! At totoong mayumi at pinong kumilos ang mga makata!

Bawat room ay mayroong orasang nakasabit sa dingding at diksyonaryo sa mesa ng makata. UP Diksyonaryong Filipino siyempre. ‘Yong pinaka-latest edition nang panahong iyan. Baka 10th edition.

Tapos sa 1st floor din matatagpuan ang mentoring rooms. Maliit lang ang rooms na ito. For individual consultation. Dalawa lang ang kasya na tao. Ang mentor at minementor. Me mesa sa gitna at me dalawang upuang magkaharap. Mga tatlong room na ganito, puwede na.

Puwede nga palang kumuha ng kape. Libre. Sa reception area.

Magkape habang nagpapaworkshop. 

Sa taas, ang LIRA library. Mayroon itong cozy na sofa. Mahaba para puwedeng mahiga-higa habang nagbabasa. ‘Yung nakataas ang paa. 

Aba, sa LIRA poetry clinic, ang pagbabasa ng tula, maaaring maging relaxing din. Hindi katulad sa school, hindi ka tatantanan ng guro hangga’t hindi ka nababalinguyngoy. E, paano kayang matutuwa ang estudyante sa tula?

Me side table pa ang sofa sa magkabilang gilid. Meron ding mesa at upuan na katulad ng kay Rizal sa piitan niya kung saan maaaring makapagsulat ang estudyante ng tula o anuman sa totoong journal o di kaya ay sa laptop.

Sa library na ito matatagpuan ang Rio Alma Collection. 

Si Sir Rio ay may library o koleksiyon ng mga aklat sa Adarna House. Nakita ko ito noong ako ay storyteller pa roon. Andami niyang books, grabe. Dictionary pa lang, talo na ang library sa Estong Pulu-pulutong Elementary School sa Barangay Pinipig. Andami talaga. Pag bumagsak sa ‘yo ang koleksiyon niya ng mga aklat ukol sa tula, para ka na ring na-landslide. 

Anyway, bukod sa Rio Alma Collection, dito rin matatagpuan ang mga sariling aklat na dating pagmamay-ari ng mga sumusunod: Sir Bobby, Mam Becky, Sir Joey, Sir Vim, Sir Mike, Sir Jerry at marami pang sir at mam ng LIRA ngayon.

‘Yong sa akin din puwede kaya lang baka itakin ako ni Sir Rio kasi puro fiction e. Erotika pa. 

So sa library na ito matatagpuan ang lahat ng aklat ng LIRA bilang organisasyon, mga tipong Ikapitumpu’t Pitong Bagting. Kumpleto. E, teka, putcha, anong musical instrument na nga ba ang tinutukoy dito? Higanteng lyre? O lyre na singhaba ng LRT? 

Dito rin matatagpuan ang sariling koleksiyon ng mga tula ng mga taga-LIRA. Mga koleksiyon pa lang ng mga taga-LIRA, puno na ang library. Kaya kung nais makabasa ng mga tula ng iba pang makata, local man o foreigner, e pabababain na lang. Pabababain sa basement.

Ay, may basement pa pala ang LIRA POETRY CLINIC.

So sa basement na ito, matatagpuan ang lahat ng koleksiyon ng mga tula mula sa iba’t ibang makata sa iba’t ibang panig ng mundo at iba’t ibang panahon. 

Tampok siyempre ang Florante at Laura ni Balagtas. Iyan pa lang, 100 na ang kopya. Para kapag kailangang gamitin o hiramin ng mga estudyante, sapat ang kopya. Pero bawal itong iuwi. Bawal din ipa-xerox. Mememoryahin lang. 

Sa basement na ito, me mga upuan at sofa na iba-iba ang itsura. Me native, rattan-rattan ganyan. Me modern, iyong gawa sa plastic tapos nababalutan ng foam, masakit sa mata ang kulay at hugis-spaceship. Me antique, iyong tumba-tumba ni Lola. Me modern antique, iyong tumba-tumba ni Lola, may spring sa magkabilang dulo at may nakakabit na Ipod sa likod. Meron ding postmodern antique iyong tumba-tumba ni Lola, may spring sa magkabilang dulo, may nakakabit na ipod sa likod at may nakaupong Sir Roland Tolentino.

Me ref sa sulok ng library na ito. Puno iyon lagi. Ng beer at cube o tube ice. Dalawa ang ilaw sa kisame. Isang panglibrary at isang pangbeerhouse.

Naka-on ang ilaw na pangbeerhouse kapag nagkikita-kita ang mga taga-LIRA. Dito rin magse-celebrate ang mga taga-LIRA taun-taon tuwing pagkatapos ng Palanca season. 

Dito rin magpupulong ang mga kasapi ng LIRA para pag-usapan kung saang bahagi ng Luzon bubuksan ang ikalawang poetry clinic nito. At anong design ng isasabit na The doctors are out. Lalagyan ba ito ng stethoscope na napapalibutan ng laurel?

Uy…puwede.

na nananaman

January 27th, 2009 by bebangsiy

 12 Enero 08

 

Nawalan na naman ako ng cellphone.

 

At ang masakit doon, biglaan na naman. At kagabi at ngayon ko lang na naman nare-realize ang epekto. Siyempre masakit. Magpapalit na naman ako ng cel kung kailan medyo nagiging close na kami nitong cel kong nawala na nga. Gamay ko na kasi ang cel ko e. Alam ko na ang mga sumpong nito. Tapos ngayon, ano? Panibagong cel na naman? Kasi kailangan e. Wala namang magawa.

 

Bakit kaya ganon?

 

Ang naiisip ko tuloy, life is but a series of loss. Life is all about coping with loss. How you deal with it.

 

Pero hello, you win some you lose some. Hindi naman laging nawawalan ka. At katulad ng batas ng kalikasan, kapag may nawawala, may dumarating.

 

Pag may napipigtal na dahon, may tumutubong bago. Kapag may nahuhulog na bunga, may susulpot na bago. Kung may paalis na alon, mayamaya lang ay mayroon din namang darating.

 

Hay. I guess this, writing about loss, is my way of coping.

usapang sapatos part 2

October 16th, 2008 by bebangsiy

kakabasa ko lang ng mga luma kong post sa blog. naisip ko bitin pala yung usapang sapatos. ano na nga ba ang nangyari sa pinangarap kong sapin sa paa?

wala.

hindi ko ito nabili. nang bumalik ako sa itti, wala na ito.

 

totoo. maski ako hindi makapaniwala. ang simple ng disenyo, imposibleng mawalan sila ng stock na ganun. 

 

pero totoo. wala na nga. kapag napapadayo ako sa mga mall, chinecheck ko kung may itti shop doon. at kung meron, pumapasok ako. atiniisa-isa ang mga nakadispley na sapin sa paa. wala na talaga ang design na iyon. 

 

so hindi ko ito nabili. siyempre nanghinayang ako. pero hindi naman ako masyadong nalungkot. sa tagal kong naghanap ng sapin sa paa, marami akong nakitang kamukha ng nagustuhan ko. yun nga lang mas mahal.

 

finally, pagkatapos ng delaying tactics ko, at sa gitna ng mas malalaking problema at paggawa ng mas mahahalagang desisyon sa buhay, binili ko ang sapin sa paa na inaasahan kong magpapasaya sa akin.

 

binili ko ito kasama ang isang taong mahalaga sa buhay ko. dalawa ang pinagpilian namin. isang makulay na sandalyas (bagay daw sa personalidad ko) at isang sandalyas na brown at itim. yun ngang kamukha ng nasa itti. nang sukatin ko yung makulay, medyo lumitaw-litaw ang bukol sa aking paa. siyempre napa-oh no ako. 

 

nang sukatin ko yung mas simple, hindi siya maganda, hindi rin pangit. tama lang. pero dahil pagod na ako sa mga sarili kong delaying tactics, binili ko na ito.

 

isang araw lang ako naging masaya. paano, masakit pala sa paa! sabi ko na nga ba. been there, done that.

 

isa sa mga dahilan kung bakit super tagal akong pumili ng sapin sa paa e dahil alam na alam kong may posibilidad na masaktan lang ako. at minsan, hindi ko na natitiis ang sakit, inaabandona ko na ang sapatos o sandalyas na matagal ko ring pinagnasaan o pinag-isipang bilhin.

 

sa ngayon, pinanghaharabas ko ang naturang sandalyas. yun ang gamit ko sa mga lakad at pagpasok at paglabas ng unibersidad. sa klase, closed shoes ang gamit ko.

 

napagtiisan ko naman yung sakit sa paa kapiling ng sandalyas kaya ngayon, hindi na ako masyadong umaaray. 

 

hay.

 

siguro kung di ako nagpatumpik-tumpik na bilhin ang sandals sa itti, hindi ko na kailangang kumbinsihin ang sarili ko sa blog na ito na okey lang ang lahat.

concon

June 3rd, 2008 by bebangsiy

Noong huling linggo ng Mayo ay idinaos ang con-con ng LIRA. Siyempre pa masaya ako kasi isa ito sa mga nais na mangyari ng pamunuan noon pa man. Ang dati kasi naming by laws at mga batas ay hindi akma sa aming org. kinopya lang ito sa by laws ng ibang org o corporation. Anyway, marami akong natutuhan at isa rito ay

HINDI BIRO ANG SUMULAT NG BATAS. MARAMI KANG DAPAT ISAALANG-ALANG.

At si mao, ang aming kalihim ay may nais ding I-share. Napakalaki ng naitulong ng taong ito sa paggawa ng by laws namin. Estudyante sya ng law sa UP kaya marami siyang alam na siyempre, kaming mga karaniwang tao saan ka tatakbo e hindi alam o ni hindi man lang nabibigyang pansin.

More or less sa kanyang isnulat sa ibaba, ganyan din ang naiisip at naranasan ko.

Ang sabi ni MAO:

isang pagsusuma ng insights mula sa ating "con-con"…

natutuhan kong:

- mahirap palang gawan ng by-laws ang isang org na 20 yrs na in existence pero informal pa rin ang karamihan sa mga proseso

- mahirap palang gawan ng by-laws ang isang org na pasaway ang members

- mahirap palang gawan ng by-laws ang isang org na pasaway ang advisers

- mahirap palang gawan ng by-laws ang isang org na may members na di na mahagilap o sadyang ayaw magpahanap

- mahirap palang gumawa ng by-laws kapag baliw din tulad mo ang mga kapwa mo officers

- mahirap palang gumawa ng by-laws.

natuklasan kong:

- kapag pala nakatapos ka na ng 4 units ng Consti Law at 5 units ng Civil Procedure ay lusaw na ang utak mo

- nakakaantok basahin ang Corporation Code

- nakakaantok basahin ang Corporation Code, pero pag hindi mo ito binasa bago gumawa ng by-laws at hindi ka sumunod sa mga nakasaad dito ay patay ka sa SEC

- maraming kaek-ekan ang naiimbento ng mga gumagawa ng batas

- maraming kaek-ekan ang naiisip ng mga nag-aaral ng batas at nagtatangka ring magsulat ng batas

- may silbi palang basahin ang Corporation Code kahit hindi mo pa ito pinag-aaralan sa klase

- may silbi pala ang mga kabusisian at kalokohang natututuhan sa kamememorya ng mga Republic Act at Batas Pambansa

- may silbi pala ang utak ng isang law student kahit paano

- hindi pala normal para sa ibang tao ang magpuyat hanggang 5 am, na para sa akin ay parang wala lang

- hindi ko pala kailangan ng kape o Extra Joss para magpuyat hanggang 5 am; pag-usapan lang ang anumang isyu na medyo legal ay gising na gising na ako

- allergic pala talaga ako sa tahong…pero masarap ang bawal!

- masaya palang mag-girls’ night out (kahit pangkape lang ang budget nyo) kung parehong baliw ang kasama mo

nalaman kong:

- baliw talaga ang mga makata’t manunulat
- baliw talaga ang mga abogado at mga nag-aambisyong maging abogado

- baliw talaga ang mga taga-LIRA, kaya pala kasundo ko ang karamihan sa mga tao rito.

coach mon

May 18th, 2008 by bebangsiy

ininterbyu ko si G. Monsour del Rosario para sa Masigasig Magasin na lalabas sa Hunyo. nakapaloob ang magasing ito sa Entrepreneur Philippines.

sa Filipino ko siya ininterbyu, isinulat ko ang artik sa Filipino saka ko isinalin sa ingles at ipinasa sa aking coordinator.

heto ang first draft sa wikang pambansa, bow.


DOING BUSINESS WITH AN OLYMPIAN

ni Beverly W. Siy
Pag Pinoy ka at narinig mo ang salitang Taekwondo, ang
unang pangalan na susulpot sa isip mo: Monsour del
Rosario. Bakit? Sa pamamagitan ng pelikula, pinasikat
niya ang Taekwondo sa buong Pilipinas! 

Sa kasalukuyan, kilala si Monsour del Rosario bilang
kontrabidang si Master Yuen sa TV program na Kung Fu
Kids. Mapapanood siya mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS CBN.

Pero sa labas ng showbiz, bidang bida si Monsour.
Kilala siya sa pangalang Coach Mon. Saan? Sa Olympians
Taekwondo Training Center. Ito ang kanyang negosyong
itinatag kasama ang dating kasama sa Philippine team na si G. Stephen
Fernandez. 

Noong 1999, bumagsak ang pelikulang Pilipino dahil sa
piracy. Naapektuhan ang lahat ng nasa industriyang
ito: prodyuser, artista, taga-make up, crew at iba pa.
Si Coach Mon, mula sampung pelikula kada taon ang
nilalagari, biglang nagdown to zero.Dati, hindi siya magkandaugaga. 
Tapos bigla-bigla, wala na siyang ginagawa. So much
time, got nothing to do ang naging tagline niya. 

Inisa-isa niya ang mga industriyang puwede niyang
pasukin. Banking? Masyado yata siyang macho para
maging teller. Hotel? Hindi siya hinikayat ng kanyang mga
kaibigan. Di kalakihan ang suweldo’t baka raw
maiyak siya sa haba ng oras ng trabaho. Airlines kaya?
Hindi rin bagay sa kanya ang maging flight steward!
Kaya isang araw, umupo siya’t tinanong ang sarili:

“Ano ba ang pinakagusto kong gawin?”

Dalawang bagay lang daw. Una, makipag-inuman. Ikalawa,
magturo ng taekwondo nang libre sa sinumang interesado, isang
kaibigang mayaman o di kaya ay isang karaniwang
stuntman. Inisip niya, kung magtatayo siya ng bar,
puwede siyang mag-iiinom doon nang libre hanggang sa
himatayin siya. Kung magtatayo naman siya ng  training
center, puwede siyang magtraining at magwork out doon
nang libre hanggang sa himatayin siya. Di hamak namang
mas okey ang ikalawang ideya. 

Kaya agad siyang nakipagpartner kay Stephen. Doon
isinilang ang Olympians Taekwondo Training Center.

Ito ay isang training center na nagbibigay ng mga
kurso sa taekwondo, arnis (Filipino martial arts),
boxing ala-Pacquiao, bakbakan (mixed martial arts) at
Krav Maga (official self-defense and fighting system
of the Israeli Defense Forces). Lahat ito’y bukas sa
babae’t lalaki, matanda man o bata. Pinaparenta rin
ang gym kung kailangan ng lokasyon para sa pictorial,
shooting/taping o praktis para sa ibang martial arts.
Ipinagmamalaki ni Coach Mon ang kanilang mga training at
programa sa patnubay ng mga gurong eksperto sa mga 
martial arts at sports na nabanggit.

P1.2 milyon ang kapital nina Coach Mon. Napunta ito sa
materyales para sa pagpapagawa ng gym, mga business
permit, kagamitan, at pansuweldo sa mga guro.
Suwerte namang pagsipa ng 2002, nabawi na nila ang
puhunan. Puno lagi ang OTTC hanggang 2003 dahil halos
wala itong kalaban. Isa pa, iba talaga ang hatak ng
mahusay na artista at taekwondo star na si Coach Mon.
Sabi pa niya, diyan mapapatunayang kahit sa ganitong
klase ng negosyo, importante pa rin ang credentials ng
negosyante. 

Si Coach Mon ang unang Pinoy na nag-uwi ng gintong medalya
sa SEA Games.  Siya at si Stephen naman ang
kauna-unahang  atletang Pilipinong nakapasok sa Olympics
na idinaos sa Seoul, Korea noong  1988, taekwondo
division. Iba talaga ang Olympians.

Gayumpaman, tulad ng karaniwang negosyo, 
nangalog-tuhod din ang  OTTC. Naranasan nilang halos
mawalan ng estudyante. Nangyari ito noong naging abala sila
ni Stephen sa politika. Napansin ni Coach Mon ang
hinahanap ng kanyang market: hands on na pagtuturo.
Kapag nasa OTTC, nagtuturo man siya o hindi, regular
ang pasok ng mga estudyante. Pero kung wala siya o si
Stephen, nawawala na rin ang mga ito. Kaya pagkatapos
ng eleksiyon, ibinaling na uli nina Stephen at Coach
Mon ang kanilang atensiyon sa OTTC. Itinodo pa nila
ang marketing at publicity.

“Laking tulong ng text and email brigade. Dumarami ang
inquiries namin na nagiging estudyante eventually.
Meron din akong sariling website at through internet
nagiging accessible ako at ang OTTC sa buong bansa
saka sa buong mundo,”  ani Coach Mon.

Sa walong taon ng OTTC, marami na rin ang nagbago
rito. Dati, may mga klase ito sa yoga, taebo
at aikido. Naubos din ang estudyante dahil nauso lang
naman noon ang mga ito. Nagpasya ang OTTC na ialok
na lamang ang mga klaseng self defense martial arts.

Maraming ka-partner ang OTTC upang lalo itong
mapatatag. Hanggang ngayon, kasapi ito sa Philippine
Taekwondo Association. Dalawang tag-init itong
nakipag-tie up noon sa Milo. Sa kasaluluyan, katuwang
nito ang Peak Martial Arts Equipment Supply kung saan
Marketing Director si Coach Mon. Symbiotic ang
relasyon nito at ng OTTC. Kumikita ang Peak kapag
bumibili rito ang mga estudyante ni Coach Mon
samantalang si Coach Mon ay nakakakuha sa Peak ng mga
bag, equipment at training gears nang libre.

Ilan sa mga problemang kinaharap ni Coach Mon sa
kanyang negosyo ay una, ang pagtaas ng upa sa
lokasyon. Mula sa Makati, lumipat sila sa Taguig dahil
dito;  at ikalawa, ang pagkonti ng estudyante sa gitna
ng kurso. Sa umpisa, marami at ganado ang mga
estudyante. Pero napansin ni Coach Mon, pag dumadanas
na ng sparring at nasasaktan na nang konti ang mga
estudyante, umaayaw na ang mga ito. Nagki-quit. Ang
solusyon niya? Pep talk, pep talk, pep talk! 

Lagi niyang sinasabing samantalahin nila ang inaalok
ng OTTC. Dahil wala nito sa ibang gym. Idinadagdag din
niyang sa taekwondo, fit at malusog na nga, natutututo
pa silang protektahan ang kanilang sarili. Lagi rin
niyang idinidiin na iyon ang pinakamagandang panahon
para mag-aral ng taekwondo dahil wala pa silang
mabigat na responsibilidad tulad ng trabaho at
pamilya. 

Ayon kay Coach Mon, maraming kalaban ang taekwondo
ngayon. Kaliwa’t kanan ang puwedeng pagkaabalahan ng
mga bata kaya gumagawa siya ng paraan para maging
visible sa lahat ng panahon sa TV, radyo, internet at
mga babasahin. At sa tuwing may pagkakataon siyang
magsalita, lagi’t lagi ay  ipinapaliwanag niya ang
kakayahan ng taekwondo na maglinang ng pagkatao ng
isang kabataan. Ilan lamang sa mapupulot dito, anya,
ay ang disiplina, respeto at tiyaga.

Dahil sa mga ganitong pagsisikap ni Coach Mon,
ginawaran siya ng titulong Philippine Taekwondo
Ambassador ng World Taekwondo Federation at
International Olympic Committee noong 2001. 

Talagang nararapat kay Coach Mon ang titulong nabanggit.
Napakadali para sa kanya ang tumira, magtrabaho at
kumita sa US. Doon, malaki ang market at mataas ang
respeto ng mga tao sa Filipino taekwondo athletes.
Pero ayaw niyang manirahan sa ibang bansa. Bakit? Ang
puso niya, siyempre nasa Philippine team! Ayaw niyang
magtrain nang magtrain ng mga Kano para lamang talunin
ng mga ito ang kapwa niya Pilipino.

Kaya si Coach Mon, nananatili, naririto, walang sawang
nagtuturo ng taekwondo. Nais niyang sa kapwa Pilipino.
lamang ibahagi ang kanyang mga sikreto para manalo
nang manalo. 

(Bakit nga ba sintaas ng langit ang kanyang sipa at
hataw sa bilis ang mga braso at binti?)  

Kung nais mong malaman ang mga sagot at sikreto ni
Coach Mon, mag- enroll na! Hiyaaaaa!

OLYMPIANS TAEKWONDO TRAINING CENTER
2/F Amber Place, # 19 MRT Ave., Fort Bonifacio, Taguig
City
Telefax no.: 8895463
Mercy-09163284780
mercy_notch@yahoo.com
www.monsourdelrosario.com

SIDEBAR:
UPS AND DOWNS NG PAGIGING CELEBRITY-ENTREPRENEUR
“Laking tulong ng pagiging celebrity ko. Kailan lang
ay naimbitahan ako sa Game KNB? Binanggit ko doon ang
OTTC. Tuwing maiinterview naman ako sa TV tungkol sa
anumang isyu, binabanggit ko pa rin ang OTTC. Sa mga
show ko tulad ng Kung Fu Kids, pinakiusapan kong
ilabas sa closing billboard ang contact details ng
OTTC. Marami ring diyaryo at magasin ang nagtatampok
sa akin bilang health or fitness buff. Dito na sa OTTC
ang pictorial. Libreng exposure at mileage, di ba?
Advantage iyan ng negosyanteng artista,” kuwento ni
Coach Mon. 

Pero may mga disbentahe rin. Laging nauungkat ang
personal na buhay niya. Minsan, habang nagte-training ay
bigla na lang siyang tinatanong ng estudyante niya ng
“are you still single?” o di kaya ng “bakit po kayo
nagbreak ni Agot?” 

Isa pang disadvantage ay naranasan niya noong bago pa
lang ang OTTC. Akala ng mga tao, hindi seryoso ang
taekwondo training dito dahil iniisip nila,
pangcelebrity image lang ang husay ni Coach Mon sa
taekwondo. Para patunayang hindi peke ang mga sipa
niya sa pelikula, ipinakita niya talaga kung gaano
siya ka-estrikto at ka-seryoso pagdating sa training
at pagtuturo. Ebidensiya ang mga naging estudyante ng
OTTC na nakapasok sa Philippine national team para sa
sports na ito. 

at siyempre pa, yung english version ko niyan ay kinomentan nang ganito: masyadong funny, siguro masayang masaya ka nung sinulat mo to. (ang palusot ko: si sir monsour po kasi very jolly pala na tao. gusto ko lang pong mareflect sa artik ko)

pero nanaig pa rin ang nais ng aking coordinator sapagkat ang sabi niya:

kailangan kasi medyo formal

talo na ko di ba?

crush

April 10th, 2008 by bebangsiy

meron akong crush na matagal ko nang crush. ilang taon na rin. nakilala ko siya sa isang opisina noon. part time siyang artist doon. ako, full time na empleyado. pero hindi ko pa siya crush noon. kasi

1. di siya pogi

2. parang tatay magdamit

3. parang tsimineya, yosi nang yosi

4. may girlfriend

ikinukuwento ko sa kanya ang lira pag wala ang mga bossing namin. sumusulat din pala siya ng tula. nagkainteres siya kaya inimbitahan ko siya nang hunyong iyon. pero di siya nakapunta. kasi sobra raw busy niya. yon lang ang natatandaan kong closeness namin.

isang araw, nagpunta siya ng opisina at sabi maghost daw ako sa programa sa kanilang kasal. e, natural, umayaw ako kasi

1. di nga kami close

2. di ko kilala magiging asawa niya, mga kamag-anak nun at mga kamag-anak niya

3. never pa akong naghost sa isang kasal

4. wala akong kaalam-alam sa mga seremonyas ng kasal

5. taklesa ako at hindi mapagkakatiwalaang makipag-usap sa mga hindi  kakilala lalo pa’t maselan ang okasyon.

but no! itong mga kaopisina ko ay binuyo ako. wala na raw pera si crush kasi andaming bayarin para sa okasyon na iyon kaya wala na raw ibabayad para sa isang host.

kaya sige. matipid din akong tao kaya nakarelate ako agad. kahit wala akong kakilala sa lahat ng pupunta sa event na iyon puwera sa groom ay umoo na ako.

anlakas talaga ng loob ko, neng!

buti na lang at may co-host naman pala ako. kapatid ni crush. anyway, nakaraos naman ang lola ninyo. at umuwi ako nang may regalo mula sa kanya. isang painting ng laot sa higanteng plato na hugis-panyo. gawa niya. nasa bahay ngayon. nakadispley sa aking kuwarto.

tapos non, pasulpot-sulpot na lang siya sa opisina namin. kinakamusta namin si jowa niya. hanggang sa nagbuntis ang jowa niya, hanggang sa nakapanganak na etc. etc.

noong mga panahon na iyon, pahapyaw niyang nababanggit sa akin ang inoorganisa niyang arts fest sa probinsiya niya. sali daw ako doon. kunin daw niya akong speaker para sa tula. oo lang ako nang oo. baka katulad ito ng maraming imbitasyon na hindi naman natutuloy.

e, natuloy.

so

1. coordinate-coordinate.

2. text-text.

3. usap-usap.

at lumarga na kami papunta sa probinsiya nilang nasa kabilang dako ng universe dyosko. karay-karay ko si ej at tatlong kaibigan na magiging speaker din. halos isang linggo kami doon.

doon ko siya naging crush.

kasi naman, anlaki palang tao neto sa kanilang probinsiya. as in. respetado siyang pintor doon. parang icon, ganon. kilala siya at ipinagmamalaki ng kanilang gobernadora (na ninang nga pala sa kasal niya) at ng mga kababayan niya. e, sa maynila, ang humble-humble.  di katulad ng iba na matuto lang magdrowing ng poste, kung umasta e, matayog pa sa poste ng meralco.

si crush, katulad ng maraming alagad ng sining dito sa pilipinas, para siyang basahan. hindi pinapansin. dadamputin lang pag kailangan. at doon sa opis namin, binabarat siya ng bossing ko. malamang, binabarat din siya ng iba niyang niraraketan. bad. beri bad.

napagkuwentuhan din namin ito noon sa opis. amin niya, pumapayag siya sa ganoong rate kasi para sa bayan naman ang ginagawa namin. marami pa palang ganito. nagkalat.

doon sa probinsiya nila, naging crush ko siya hindi dahil naging malapit kami sa isa’t isa katulad nung mga napapanood natin sa pelikula at panteenager na tv programs: nagbibigayan ng gumamela, naghahabulan sa dalampasigan, nagsusubuan ng kinayod na buko, hindi ganyan.

kaya ko siya naging crush, nakita ko ang kaseryosohan niyang maiangat ang lagay ng kanyang mga kababayan doon sa pamamagitan ng sining. sa arts fest na iyon, siya lang naman ang organizer, tinuruan niya ang mga kabataang pintor kung paano pang lalong malilinang ang talent nila.

hindi siya magkadaugaga sa kakaturo,kakaasikaso sa mga bata doon. he did all the dirty work sa maynila. kasi nga siya lang ang nasa maynila. nagkambas siya ng mga gamit na pampinta sa dibisorya (nadukutan pa nga siya ng cellphone one time na pumunta siya doon), siya ang nagkokokontak sa mga speaker tulad ko at kung ano-ano pa.

sa probinsiya nila, may isang instance na  nakita ko kung gaanong ka-mapagkumbaba talaga ang taong ito.

last night na yata namin doon. e di nagkayayaan ng inuman. pati siyempre ang mga kasama niyang nag-organisa na taga-doon, kasama namin. charades buong magdamag! kaso maaga yata kaming na-black out ng mga kaibigan ko kaya logtu kami nang maaga.

kaya maaga rin akong nagising. paglabas ko ng kuwarto, nagulat ako. natagpuan ko siyang hihilik-hilik sa sahig, sa sala ng tinutuluyan naming cottage. nakahubad!

joke lang.

siyempre nakadamit and all. taka ako. me sariling kuwarto naman siya, ba’t dito natulog ‘to? katabi pa niya sa sahig ang basahan na bumabati ng maligayang pagdating sa mga bisita.

tiningnan ko ang kuwarto niyang nakaawang ang pinto. natagpuan ko ang dalawang kabataang lalaki, nakabalandra sa kama. patay na este tulog pala. itong dalawang ito ay ang pinakamahuhusay na painter sa workshop na iyon.

nung nag-aalmusal na kami, sabi ko, ba’t ka naman don natulog? sabi niya, wala kasing matutulugan yung dalawang bata.

biglang bumango ang paligid ko. umawit ang mga ibon. nag-islomo ang mga alon. parang gusto kong mangalumbaba at magkaroon ng hugis-heart na mga mata. pero siyempre poise, poise, poise.

mabuting tao si crush kaya ko siya crush. hanggang ngayon, crush ko pa rin siya. nasa ibang bansa na silang mag-asawa. minsan, nag-eemail sa akin ang wife niya ng mga inspirational na message, ganyan. kinakamusta ko rin sila at ang baby nila.

sabi ko kay god, maghulog ka lang sa earth ng isa pang ganito na single, liligawan ko talaga.

usapang sapatos

April 1st, 2008 by bebangsiy

Ikinuwento sa akin ni Russ na nakabili na siya ng kotse. at ang kotse daw na ito ay siya talagang hinahanap niya. perfect para sa kanya. kaya naman, masayang masaya ang aking kaibigan.

inisip ko kung ano nga ba ang gusto ko na kapag napasa-akin e magiging masaya din ako?

at dahil mahirap ako at walang pambili ng kotse, ang isinagot ng isip ko: sapatos. matagal-tagal na akong naghahanap ng perfect na sapatos para sa akin.

ang mga nabibili kong sapatos e laging me problema: madaling masira, mabilis marumihan, hindi ko magamit katerno ng ibang damit, masikip, mabigat, masyadong malaki tingnan para sa gatingting kong mga binti.

madalas kasi, binibili ko ang sapatos out of necessity. katulad noong binili kong light brown na sapatos. june iyon, first day ng school year sa uste at may misa. kelangan daw naka-academic gown. so kailangan kong magsablay. para isuot ang sablay, kelangan naka-white na damit. wala akong sapatos na puwedeng iterno rito. ang pansapin ko sa paa, buong buhay kong nasa up ako, ay tsinelas. ayaw na ayaw kong magclosed shoes. bumabantot ang paa ko. talaga.

so isang araw, bago ang misa, bumili ako ng sapatos na iteterno sa puti kong blouse at off white na palda. ilang beses ko pa itong nagamit sa pagpasok ko sa uste. sa awa ng diyos, sira na ang sapatos pagsapit ng 2nd sem. P300 pa naman ang bili ko doon tapos hindi ko masyadong nagamit. buset.

tapos naman, noong bumili uli ako ng sapatos na pamasok, sabi kasi sa orientation para sa mga bagong guro, kailangan leather at closed shoes ang isusuot ng mga guro. bumili ako ng super dark brown na sapatos (mukha nang itim) less than P300 ang sapatos na ‘to. okey naman siya at komportable ako kahit may takong ito. malapad kasi ang takong at mga isa’t kalahating pulgada lang ang taas. ito ang ginamit ko araw-araw. bagay sa akin kahit dress o pantalon ang suot ko. ang problema, bumigay ang sapatos na ito. nabiyak sa gilid ang suwelas. sambeses ko pang isuot, tiyak na matatanggal ang bahagi ng sapatos na nagsisilbing takip sa daliri ng aking paa. hay, lintek.

itong ginagamit ko sa school ngayon (iisang pares sa buong linggo, mind you) ay binili kong sale sa sm. Bigla ngang nasira ang sapatos kong pamasok at wala na akong isusuot kinabukasan, e saktong maggo-grocery ako para sa bahay, doon na ako bumili. oo, sa grocery. kapiling ng sapatos sa push cart ang isang kilong hita ng manok, bear brand choco ni ej, esponghang panghugas ng pinggan, sansupot ng asukal, kalahating kilo ng giniginaw na tilapia at iba pa.

fit na fit sa paa ko ang bagumbago kong sapatos. kaso dahil synthetic ang leather, tumutusok-tusok ang kuko ko sa malambot na balat ng sapatos. kumbaga sa damit, bakat na bakat ang linya ng panty sa pantalon. at sobrang closed shoes siya. kaya ambantot lagi ng paa ko pag hubad ko nito. amoy bulok na longganisa josko. pag nga me bisita ako sa bahay at tiyempong galing ako sa trabaho, hindi ko hinuhubad ang sapatos ko hangga’t hindi sila umuuwi. mahirap na. baka bigla silang bumulagta.

meron naman akong binili na sketcher na sandals dati. P500+ lang. sale sa alimall. matibay ito kaso saksakan ng bigat. at minsang ipinampasok ko sa trabaho, kinantiyawan ba naman ako ng estudyante. yung paa ko raw, nakasakay sa barko. anlaki kasi ng strap nito, ng suwelas, ng lahat. titanic nga.

dati naman, binilhan ako ni jowa ng sapatos. pink na rubber shoes na mukhang adidas pero japeyks. magpapasko noon at sabi niya, bibilhan niya ako ng anumang magustuhan ko sa loob ng mall. e, hindi naman sa nagpapakipot ako pero wala talaga akong nagustuhan that day. sabi niya, etong bag? ayaw. itong sapatos? ayaw. ‘tong damit? blouse? ayaw. ayaw.

ang binili na lang namin, ‘yong kailangan para sa shop niya: towels saka malaking brush, pangkuskos ng tiles ng banyo at iba pa.

noong paalis na kami, me isang tambak ng pink na rubber shoes sa isang kahon. nasa tapat na kami ng exit. sabi niya, mahal, eto na lang o. mura pa.

e nahiya na akong tumanggi. baka sabihin pa niya ang arte-arte ko talaga, umoo na ako. kinuha ko ang rubber shoes, binigyan niya ako ng P200 at nagbayad sa counter.

nalimutan ni jowa, hayskul ako nang huli akong magrubber shoes. kaya eto buo pa ang rubber shoes hanggang ngayon. hindi ko kasi siya nagamit mula nang ibigay sa akin. Until recently. noong nagpunta ako sa macau, hongkong at china. payo kasi sa amin noong tour orientation, magclosed shoes kami na pwdeng ipanlakad nang matagalan. iyon ang suot ko the whole time. okey naman, hindi bumigay kahit milya-milya ang nilakad namin.

mula nung magkuwento si russ tungkol sa natagpuan niyang kotse, conscious akong naghanap ng sapatos. yung sapatos na gusto ko at hindi yung dahil kailangan ko. kakaibang experience pala yung me hinahanap ka talaga kesa doon sa tumitingin-tingin ka lang. nag-iba ang tingin ko sa bawat sapatos.

nabubuwisit ako sa mga sapatos na libo-libo ang presyo dahil lang sa tatak kahit na mukhang isang suutan lang e warat na. natutuwa ako sa mga sapatos na libo-libo pero mukha namang sa tibay nito, matitigok ka muna bago ito masira.

natutuwa ako sa sapatos na mas mukhang laruan kesa pansapin sa paa. doll shoes ‘ata ang tawag dito. puro made in korea. naduduling ako sa mga sandalyas na strappy, masyadong masalimuot. para kang pumapasok sa higanteng maze maipulupot mo lang ang strap sa iyong binti. natutuwa ako sa mga sapatos na me takong. ang tulis at ang taas ng mga takong. parang nai-imagine ko ang mga nagsusuot nito, very powerful talaga ang dating. nalulungkot ako kapag nakakakita ako ng mga sapatos na magandang maganda ang design. parang bagay sa paa ko kaya lang pag hahanguin ko na mula sa shoe rack para isukat, malalaman ko, me takong. minsan matulis, minsan mataas. isosoli ko na agad. ayaw ko non.

bakit ganon ang mga designer? hindi ba nila naiisip na may mga babaeng magagandahan sa kanilang design na posibleng ayaw magpatangkad o hindi na kailangang magpatangkad? o ayaw magmukhang powerful o hindi na kailangang magmukhang powerful? bakit kailangang lagyan nila ng takong lagi?

finally, nakakita ako ng sapin sa paa na gusto ko. actually matagal na palang nakakakita ako ng ganon kapag napapadpad ako sa shoe section ng mga department store. at ngayon ko lang na-realize, isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ako makapili nang maigi ay dahil hindi talaga sapatos ang gusto ko kundi sandals. eto yung sandals na madalas e suot ng madre. matibay na, komportable pa sa paa.

Nakita ko ito sa ITTI shop. mukhang matibay talaga, tipong kahit araw-araw kong ipantakbo (para habulin ang appointment ko), e hindi mawawarak. casual din tingnan kaya kahit araw-araw ipamporma, puwede and at the same time mukhang disente, puwedeng isuot sa mga meeting, power lunch at simbahan.

ayan.

kaya lang hindi ko muna binili. naisip ko, hindi ko naman ito kailangang kailangan ngayon. saka na. gastos lang. mga less than P500 lang naman ito kaso nanghihinayang pa rin ako.

pero nagmental note ako. tinandaan ko talaga, tanyo isinulat ko pa nga e. kaya babalikan ko ito, siguro next month o bago magpasukan. hindi ko nga lang ito magagamit na pamasok pero okey lang.

Nagkaroon na ako ng ganoong sandals dati. pareho ng itsura pero hindi pareho ng material. gamusa yung panlabas nito. itong nakita ko sa itti, leather. sabi sa itti, leather daw. hindi ako magaling tumingin niyan pero mukha ngang tunay na leather. yung dati, mga 4 years ago, sa baguio ko binili, nung nagseminar chorva ang NGO na pinaglingkuran ko. biglaan ang pagkakabili ko. tipong ang ganda nito, a. Miss, size 8 nga. Pero tuwang tuwa ako kasi P180 lang ito at matagal ko ring nagamit. in short, nalaspag-laspag kaya ayun, nasira. pero nag-enjoy ako sa sandals na ito. masarap isuot saka bagay sa akin.

itong itti shoes, hindi ko naisukat. nahiya kasi ako sa salesman. wala naman akong dalang pambili noon. pero hindi ko man naisukat, alam ko, bagay sa akin ito, sa gatingting kong legs, sa mala-luya kong mga paa, sa get up kong minsan, sporty, minsan, pa-girl, minsan, pa-disente. sa madaling salita, mukhang makaka-cope ito sa tsubibo kong paraan ng pamumuhay. Higit sa lahat, mukhang magiging komportable at at home ang aking mga paa sa sandals na ito kaya malaki ang posibilidad na malayo ang aming mararating.

mas masaya din ako ngayon dahil sa ideyang i will invest in something that i really like and not in the one that i just need.

sa lahat naman ng pansapin sa paa, ito ang pinaka-excited akong makapiling.

Rabbit Love

April 1st, 2008 by bebangsiy

Siya pa rin pala ang girlfriend mo.

Naalala mo pa ba ‘yong huli nating pagkikita ilang taon na ang nakakaraan? Sabi mo, me girfriend ka noon. patingin naman kako. gusto kong makita ang itsura ng babaeng bumihag sa pihikan mong puso. gusto kong malaman kung anong meron siya na wala ako. ako na matagal-tagal ding sumuyo sa ‘yo. lalo na sa panahong nilalampaso ka ng lungkot at nangangapa sa dilim.

ipinakita mo ang picture niya.

ang ganda naman, sabi ko. pero sa totoo lang, mukhang ordinaryo. hindi pangit, hindi maganda. suwerte lang niya at masalapi siya. nagiging maganda ang isang babae kung maganda ang kutis niya, ang damit niya. class. mukhang sosi, sopistikada. kaya sabi ng iba, maganda. maganda raw ang ganoong babae.

sabi mo noong time na ‘yon, cool-off kayo. kasi nakikipagkita pa si GF mo sa ex-BF niya. si ex-BFpa nga ang kasama niya noong isang Pasko imbes na ikaw. at ayaw mo noon kaya you called it cool off.

kawawa ka naman, sa isip-isip ko. Ba’t di na lang kasi ako? suggestion ng puso ko. pero siyempre quiet lang kami. ako at ang puso ko. pero, alam mo, lalong nag-alab ang pag-asa kong magkakagusto ka sa ‘kin. baka ikinukuwento mo ‘to sa akin para ipahiwatig na puwede rin na maging tayo, ngayon, mamya o kaya bukas.

noong high school ako, me isang babaeng bumisita sa classroom namin. nagsalita siya tungkol sa pag-aaral. paano kami magiging mas mahusay na estudyante. ano ang mga epektibong study habits at kung anu-ano pa.

payo niya sa average students na tulad ko, obserbahan mo ang mga kaklase mo. pumili ka ng isa at gawin mong rabbit mo. ang rabbit na ito e dapat isa sa pinakamahuhusay sa klase. walang dapat na nakakaalam na siya ang rabbit mo kundi ikaw. ngayon, ang sunod mong gawin, habulin mo ang grades niya. kung naka-20 siya sa isang over 25 na quiz, dapat maka-20 o 21 ka sa susunod na quiz. kung 87 siya sa science, dapat 87 o 88 ka.

sinunod ko ito. pinili ko si jessie, isa sa pinakamatatalino kong kaklase. lagi kong inaalam ang result ng quizzes niya, tests niya. at lagi akong mas mababa sa kanya. kaya nagsipag pa ako nang onti. onti lang at baka atakihin sa puso ang nanay ko pag bigla-bigla akong nagbago. di nagtagal, me mga score na akong kasintaas ng score niya o di kaya ay mas mataas nang konti. yes.

iyon ang pinakamasasayang araw ng report card ko.

nagtapos nang may honor si jessie. ako, wala. pero hindi ako kabilang sa mga kulelat sa klase. hindi super taas ang grades ko pero di hamak na mataas ang mga ito kesa sa dati kong mga grado. isa pa, nakapasa ako sa entrance exam ng pangarap kong unibersidad. hindi na masama.

Kung wala akong rabbit, malamang na nabaklas ako sa star section noong 4th year, di rin siguro ako nakapag-aral sa dream university ko. buti talaga, meron.

mula naman nang makilala kita, sinubukan ko nang pagandahin nang pagandahin ang mga nangyayari sa buhay ko. halos lahat ng hakbang ko ay dahil sa ‘yo, para lang magustuhan mo ‘ko. inayos ko noon ang bahay namin, nilagyan ng kaunting mga appliances para sakaling magawi ka doon e di naman ito kahiya-hiya. pinursigi ko ang masteral ko. umalis na ako sa pagwe-waitress, nagtrabaho ako sa opisina, nagsulat ako nang nagsulat at nagpublish nang nagpublish, para talagang sumikat at baka sakaling mabalitaan mo balang araw, sikat na manunulat na ako at malayong malayo na sa hanapbuhay ng taong nakilala mo noon. ngayon nga, tamo, nagtuturo na ako sa isang prestihiyosong unibersidad.

hinabol kita nang hinabol.

minsan, naisip ko, iba naman ang habulin ko. pero nang mga panahon na ‘yon, saka ka todong magpapakita ng giliw.

hihihi tingnan mo, nagpapahabol ka rin.

wala namang problema. kahit habambuhay kitang habulin, okey lang sa akin.

pero ipinapangako ko, alam mo, pag naabutan kita, hindi na kita pakakawalan. yayakapin kita. hahalikan sa buong katawan, pagsasawain ko ang mga labi ko. tapos ikukulong kita sa aking matagal ding naghintay na mga palad. nanamnamin ng mga daliri ko ang bawat balahibo mo. hahaplusin kita nang hahaplusin. pagkatapos, dahan-dahan kong pipilipitin ang leeg mo. pipilipitin ko nang pipilipitin hanggang sa mapugtuan ka ng hininga. Buong poot kong isisiwalat sa mundo: hayup kang kuneho ka. HAYUP!

linguistic disease

March 31st, 2008 by bebangsiy

ngarag na ngarag ako nung first sem kasi first time kong maging guro sa kolehiyo at first time kong magtuturo ng wika. filipino naman ang ituturo ko pero super teknikal ang paksang ito.

so ilan sa mga itinuro ko ay ang ponema, suprasegmental, tuldik,baybayin (mas kilala sa tawag na alibata), kasaysayan ng alpabeto at iba pa. nakaraos naman ako at sa totoo lang mas nag-enjoy ako sa first sem kesa sa 2nd sem ko sa uste.

kagabi habang nasa bus, naisip siguro ni ej na aliwin ang sarili. kaya niyaya niya ako.

EJ: Ma, laro tayo. Kunwari, gusto mong maging doktor.
Bebang: o, sige.
EJ: Ang una mong gagawin, mag-isip ka ng mga sampu, sampung sakit na hindi madaling magamot. halimbawa kanser, goiter, sakit sa puso, ponemya, mga ganun. O, ano? Game?
Bebang: Game.