Wikang Filipino at Komersiyo

September 20th, 2009 by bebangsiy

Isinulat ko ang pagpapakilalang ito sa eksibit na pinangunahan ng mga guro sa Filipino ng paaralang pinaglilingkuran ko. Nakakalungkot na kakaunti ang nakita kong tumitingin-tingin sa eksibit. :(
Cambridge

Berkeley Residences

Esplanade

Green Cross

Watson’s

Toy Kingdom

Sawang-sawa ka na ba sa mga produkto o kainan o lugar na ang pangalan ay alien sa iyong hinagap o di kaya ay wala namang kinalaman sa iyong buhay?

Kung oo ang sagot mo, para sa ‘yo ang eksibit na ‘to. Handog ng Kolehiyo ng Komersiyo at Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang KALAKALAN, isang eksibit ng mga larawang tampok ang iba’t ibang produkto, negosyo at kompanya sa Pilipinas na ang pangalan ay Filipino.

Layon ng eksibit na ito na makapag-ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa pamamagitan ng pagpapakita na ang pambansang wika ay maaaring paghanguan ng pangalan para sa mundo ng kalakalan. Mula sa mga larawang kinunan ng ilang piling mag-aaral sa unang taon sa Kolehiyo ng Komersiyo ng Unibersidad ng _______, mababakas ang kakaibang hatak ng wikang Filipino bilang pangalan ng produkto, negosyo at kompanya.

May ilang negosyanteng pinili ang literal na paggamit ng salitang Filipino para sa kanilang negosyo tulad ng: Lugawan at Tokwa’t Baboy, Kakanin (tindahan ng mga kakanin), ML Kwarta Padala (serbisyong money transfer mula sa M.Lhuillier Group of Companies), Regalong Pambahay (isang chain ng mga tindahan ng handicrafts na gawa sa Pilipinas at madalas ay ibinibigay bilang regalo para sa bahay ng iba) at Handaan (isang restawran).

Ngunit mayroon din namang may pagkamakabayan at nagpapakita ng paglingon sa kasaysayan tulad ng K.K.K. na isang restawran at Kalye Juan na isa ring kainan sa Tomas Morato. Bagama’t Espanyol ang pinagmulan ng pangalang Juan, malaon na itong naging simbolo ng karaniwang Pinoy. Kaya si Juan dela Cruz ay maaaring maging sino man sa atin sa kasalukuyan.

Mayroon ding mga negosyante na mas hayag ang pagpo-promote ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng ngalan ng kanilang negosyo. Halimbawa ay ang Pasalubong (tindahan ng buko pie, minatamis na kendi, ube, kropek, sitsaron at iba pa). Ang pinakamalapit na salin ng pasalubong sa Ingles ay take out. Bakit walang eksaktong salin nito? Simple lang. Wala sa kulturang Amerikano ang pagpapasalubong. Pilipino lang naman ang nagpauso ng ‘take home,’ dahil sa pagtatangkang Ingles-in ang salitang pasalubong. Dagdag din sa halimbawa ang restawran na Kamayan at Kamay-kainan. Bantog ang mga Filipino sa paggamit ng kamay sa hapag-kainan. At ang Hilot Pinoy na isang massage center. Ipinapahiwatig ng salitang hilot na ang Pilipino ay may sariling paraan ng pagmamasahe na hindi lamang nakakatanggal ng stress, nakapagpapagaling pa ng sakit.

May mga negosyante ring naglaro o nag-imbento ng mga salita. Halimbawa niyan ay ang Kapetolyo (isang coffee shop), Anak ng Tapa (isang kainan), Sarsarap (masarap na sarsang pino-promote ng komedyanteng si Jimmy Santos), Bibingkinitan (tindahan ng maliit o balingkinitang bibingka), Bibingkako (isa pang tindahan ng bibingka), Nakudnubak (tindahan ng mga gamit sa pag-akyat ng bundok) at Adobo Putoshop (isang coffee shop na nagtitinda ng puto.)

Mayroon ding sumabak sa popularisasyon ng inimbentong salita. Halimbawa nito ay ang Tapsilogan sa UST.

Mayroon pang may pagka-interaktibo. Halimbawa ay ang Ibadiba? Na isang maliit na tindahan ng abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae. Pangalan pa lang ay hinihimok nang tumugon ang mamimili.

May mga gumamit din ng varayti ng wika. Halimbawa ay ang Alaeh! Shirt na tindahan ng mga kamiseta. Pangalan pa lamang ay alam mong Tagalog Batangas na ang pinagmulan.

May mga salita rin mula sa iba pang wika sa Pilipinas. Ang ilan sa mga salitang ito ay itinuturing nang ambag ng iba pang wika sa Pilipinas sa wikang Filipino. Mangan-isang restawran at salitang Iloko para sa ‘kain na!’ Cabalen- isang restawran at salitang Kapampangan para sa ‘kababayan’ Mekeni-brand ng mga processed food at salitang Kapampangan para sa ‘halika’

Ang ilan naman ay gumamit ng mga salitang hiram sa Espanyol. Ngunit ang mga salitang ito ay napakatagal nang ginagamit ng dilang Pilipino kaya na-integrate na o ‘inangkin’ na ng ating pambansang wika.

Halimbawa:

Kamiseta (camiseta na isang panlalaking damit)- isang retailer ng mga pambabaeng damit

Okasyon (ocasion na isang pagkakataon o pagdiriwang)- isang restawran

Maldita (maldita na isang taong isinumpa)- isa pang retailer ng mga pambabaeng damit

Mang Inasal (pandiwang asar na ang ibig sabihin ay ihaw)- isang restawran na nag-aalok ng manok na inihaw

Arte (arte na ang ibig sabihin ay sining sa Espanyol. Ngunit sa kulturang Filipino, ang arte ay hindi kapantay ng sining. Mas mababang uri ito. Ito rin ang dahilan kung bakit negatibo ang salitang maarte.) –isang maliit na tindahan ng mga abubot o palamuti sa katawan na madalas ay pambabae.

Mahusay rin ang mga pumili sa Sinag Pawnshop at Lakambini Diagnostic Center.

Ang isang negosyo o produkto o kompanya ay parang anak ng negosyante, imbentor o administrador. Sinasalamin ng pagpapangalan niya sa kanyang anak kung anong uri siya ng Filipino. Siya ba iyong may malasakit sa sariling kultura? O siya ba iyong nagpo-promote ng kultura ng iba at mas nanaisin pang makadagdag sa nananaig nang alienation ng karaniwang Pinoy sa sariling bayan?

Hinahamon ng Komite para sa Pagdiriwang ng Papel ng Pambansang Wika sa Komersiyo ang mga mag-aaral ng komersiyo, kabataang negosyante at kabataang administrador na mag-ambag pa sa intelektuwalisasyon ng pambansang wika. Gamitin nang gamitin sa kalakalan ang Filipino. Ito ang ipampangalan. Wala namang mawawala kundi ang kamalayang dayuhan.

missing

September 20th, 2009 by bebangsiy

miss ko na ang bespren kong si eris. matagal na siyang malayo, mga 3 taon na yata. pero miski noong nandito pa siya at bihira kaming magkita, hindi ko naman siya nami-miss. neto na lang. kasi madalas kong makita si eris sa isa pang kaibigan.

si karen.

marami silang pagkakatulad.

katawan pa lang nga e. si karen, me pagkabutanding. di naman ganun kataba si eris pero medyo baby butanding na siya. huggable ba. parang masarap pisil-pisilin.

pareho rin silang nagyoyosi. at yung pagtataktak ni karen ng sigarilyo kapag hinahanda na niyang sindihan ang sigarilyo ay katulad na katulad ng kay eris.

may similarity rin sila sa pagtawa. pag tumatawa si eris, kinikilig pati balikat. bigla niyang ididikit ang mga balikat niya sa leeg niya at kapag tawang tawa siya, umaabot pa ang balikat sa earlobes niya. si karen, minsan pag tumatawa, ganyan din.

may pagkakahawig din silang magsalita minsan. kapag kausap ko si karen, bigla ko na lang maiisip si eris. minsan, pareho ng choice of words. minsan, pareho ng paraan ng pag-iisip. si eris, kung di nahilig sa research e malamang naging sikolohista. magaling manantiya ng tao. at super husay din ni karen dito. ang tali-talino ni karen lalo na sa pagsusuri sa kilos ng isang tao. hindi literal na kilos kundi yung mga hakbang o moves, ganyan. madalas e mga tao sa trabaho ang pinag-uusapan namin.

may time na pareho kami ng iniisip ni karen. at kami naman ni eris, ay walang kupas. maraming pagkakataon na nagkakasabay kami ng sinasabi spontaneously. at di mabilang na ulit na rin na pareho kami ng gagawin at masosorpresa na lang ang isa’t isa na iyon nga rin ang gagawin.

pag nalulungkot ako ay ayaw kong naglalalapit kay karen. mas lalo akong nalulungkot.

sabi ni eris, uuwi raw sila kapag nabayaran na ang mga utang nila sa bahay. ang laki at ganda ng bahay nilang mag-asawa sa cainta. si eris ang nagdesign. dream house ko nga e. aba’t ang kaibigan ko e sikolohista na, arkitekto pa.

matagal na kaming di nakakapag-email uli, wala pang bali-balita tungkol sa isa’t isa.
marami nga akong gustong ikuwento. kaya lang, mahirap din talaga yung hindi mo kasama ang bespren mo. mahirap itong pa-email-email lang. mahal ko si karen at masaya ako kapag kasama siya pero iba ang pagmamahal ko sa aking bespren. at tiyak ako, iba rin ang ligaya kapag magkasama na uli kaming dalawa.

miss na kita, bebe. agawid tayon!

papel 5

September 20th, 2009 by bebangsiy
Paksa: Ilang Tala sa Sanaysay na Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero

Tampok sa Ang Dalumat ng Panahon at Espasyo sa mga Traki ng Dulangan Manobo ni Rosario Cruz Lucero ang isang pag-aaral sa mga duyuy nga traki o awit na pasalaysay ng Dulangan Manobo ng Mindanao.
Dalawang bagay lamang ang nais kong paksain sa papel na ito:

1. Si Bebang Tulos bilang bayani ng kultura

Sa traking Si Tagane, naawa si Bebang Tulos sa pinakamaralitang tao sa lahat. Iyon si Tagane. Nagpasiya si Bebang Tulos na isama na lamang siya sa langit. Mula noon ay nagpakita na lamang sa panaginip ng mga tao si Tagane. Pinapayuhan niya ang mga tao na magpakasipag at magtanim.

Ngunit ang akin, paanong naging bayani ng kultura si Bebang Tulos?

Ayon sa sanaysay, ang bayani ng kultura ay may tatlong ginagawa: una, lumilikha ng kultura sa pamamagitan ng pagtuturo ng bagong kaalaman gamit ang kalikasan; ang ikalawa at ikatlo ay magkamukha, nagtatanggal ng mga balakid sa kasaganahan o lumulutas ng mga suliranin sa buhay ng tao at sinasagip ang manobo sa dalamhati at kahirapan. Hindi naman nagawa ni Bebang Tulos ang una. Sa traki, maaaring si Tagane pa nga ang nagturo ng bagong kaalaman dahil ipinayo niya sa mga tao ang pagtatanim para hindi na sila magkutkot ng lupa. Sa ikalawa naman, sa tingin ko ay hindi naman niya nalutas ang suliranin. Ang suliranin ay mahirap kumuha ng ube dahil nasa ilalim ng matigas na lupang kailangan pang kutkutin. Marahil nalutas niya ito kung nagbigay siya ng pinakamahusay na kasangkapang pangkutkot ng lupa o di kaya ay pinalambot niya ang lupa para mas madali ang pagkuha ng ube o di kaya ay pinatubo na lang niya ang ube sa balag. Ang ikatlo lamang ang nagawa ni Bebang Tulos. Dapat na nga ba siyang tawaging bayani ng kultura?

2. at ang pananaig ng lungkot at dusa sa mga traki

Sa traking Kung Bakit Nagdurusa ang mga Manobo: Si Ine Tomig’l at si Bebang Tulos, iisang manobo lamang ang nagtagumpay na makaakyat sa baya (langit) at ang langit ay maaaring i-equate sa kaginhawaan. Ibig sabihin, lahat ng manobo, maliban kay Ine Tomig’l ay hindi nakakatikim ng kaginhawaan. Bagkus nga ay naghihirap pa dito sa lupa.

Sa Ang Pinagmulan ng Maraming tribu ay ipinakita namang nagkagulo, nagkahiwa-hiwalay at nagpangkat-pangkat ang lahat ng manobo dahil sa pag-uutos nila sa isa’t isa. At dahil pangkat-pangkat na ay malaki ang posibilidad na maging magkakalaban pa sila.

Ang tauhan namang si Tagane ay sinasabing pinakamaralita sa lahat. Isang hiwalay na traki ang nagtatampok kay Tagane. Sinabi rito ang hirap ng kanyang buhay dahil nagkukutkot lang siya ng lupa para may makain.

Si Kulaman naman, na sa tingin ko’y isang bayani dahil siya ang nakadiskubre ng isda sa pamamagitan ng paghuhukay sa putik, ay isang trahedya naman ang sinapit. Bumaha sa ilog kung saan siya ay nakahanap ng isda at doon nga’y nalunod.

Sa traking Bundok Iliyan, ang pangunahing tauhan na si Iliyan ay inagawan ng ari-arian ng isang busaw. Pagkatapos niyon ay naglaho na si Iliyan.

Tampok sa mga traking ito ang lungkot at pagdurusa ng mga manobo. Isa na naman itong patunay na ang panitikang oral ay hindi lamang salamin ng kultura, ito rin ay daluyan ng damdamin at isip ng mga tao. Ayon sa sanaysay, napakahirap ng buhay ng mga manobo. Isang araw ay maaari silang datnan ng pagbaha ng mga ilog o kaya ay matagal na tagtuyot, o di kaya’y perwisyuhin ng balang o daga ang kanilang palayan.

Ilang ulit ding nauudlot ang payapa nilang pamumuhay dahil sa mga dayo: Muslim, Bisaya, Ilokano, Kastila, Amerikano at higit sa lahat, ang gobyerno na siyang gumagawa ng mga hakbang para makapanamantala ang maalam at may pera sa manobo at sa kanilang likas na yaman.

Bakit nga ba aasahang masaya ang himig at paksa ng mga traki nila kung ganito ang kanilang karanasan noon hanggang ngayon?

papel 4

September 20th, 2009 by bebangsiy

Paksa: Pagsusuri sa Good Character (Girl) and Bad Character (Girl) ayon sa Manobo Storytelling as Approximation to Drama ni Hazel Wrigglesworth

Hindi Simple Kahit ang Pinakasimpleng Manobo Storytelling

Sa mga tanong pa lang na ibinigay ng aking guro para sa exam na ito ay nabalinguyngoy na ako.

Ano ang mga kategorya ng mga ideya at pormula na nagpapaliwanag sa kanilang sinasabi? Sinasadya ba ng nagkukuwento ang sistema ng pagpapahalaga?

Nang ibigay ang tanong na ito, nabasa ko na ang Good Character (Girl) and Bad Character (Girl). Pero wala pa rin akong ideya kung paano sasagutin ang tanong ni Mam. Bukod pa doon, kinukuyog ng mga tanong tungkol sa kuwento ang isip ko.

Bakit medyo magulo ang kuwentong ito? Bakit paulit-ulit ang mga talata o mensahe? Bakit parang pinahahaba lang? Bakit biglang lumilipat ang POV? Bakit biglang ay parang ako na ang inuutusan? At marami pang bakit.

Pero nang mabasa ko nang buo ang pagsusuri ni Wrigglesworth ukol sa Manobo storytelling, saka ko lang naintindihan ang lahat. Ang pinagagawa lang pala ni Mam ay suriin ang kuwentong manobo ayon sa sarili nitong estetika at konteksto at hindi ayon sa alam naming estetika (na malamang ay estetikang kanluranin).

Ang manobo storytelling ay mahalaga sa kulturang manobo dahil marami itong gamit:
a. Naghahatid ng aliw
b. Nagpapaalala
c. Container ng kasaysayan, tradisyon, ugali, sistema ng pagpapahalaga, world view at marami pang iba ng manobo
d. Transmitter ng kasaysayan, tradisyon, ugali, sistema ng pagpapahalaga, world view at marami pang iba ng manobo

Ayon kay Wrigglesworth, ang manobo storytelling ay madalas na nagaganap sa gabi sa isang pagtitipon ng magkakamag-anak at/o magkakaibigan. Kapag ang isang storyteller ay nahikayat na magkuwento ay agad na papalibot sa kanya ang mga tagapakinig. Hihilingin ng storyteller na patayin ang natitirang ilaw sa lugar na iyon pagkatapos ay tatalikod siya sa mga tagapakinig. Ang ganitong ambience ay naghihimok sa tagapakinig na paganahin ang kanilang imahinasyon.

Sa puntong ito, mahihinuha na ang storytelling nila ay napaka-interactive talaga. Hindi lang ito basta panonood. Ito ay napakasikolohikal na gawain, isang mental exercise sa panig ng storyteller at tagapakinig. Ang tagapakinig mismo ang magbibigay-buhay sa mga tauhan ng kuwento at magmumukhang stage ang buong lugar na pinagkukuwentuhan. Tumatagal nang buong magdamag ang gawaing ito.

At dahil sa pisikal na kontekstong ito, sinisiguro ng storyteller na walang mami-miss ang tagapakinig niya. Kaya naman, gumagamit siya ng devices at gumagawa siya ng paraan para lahat ay makinig mula umpisa hanggang katapusan nang hindi nababawasan ang kanilang interes.

Ang ilan sa devices at paraan ng manobo storytelling ay natagpuan ko sa Good Character (Girl) at Bad Character (Girl).

a. nag-umpisa sa Hane

Ang salin nito sa Ingles ay take note, isang pautos na expression. Direktang kinakausap ng storyteller ang kanyang tagapakinig. At kapag kinakausap ang tagapakinig ay ibig sabihin, kinikilala mo ang presence nila at pinahahalagahan.

b. nagbigay-pokus at nagpakilala ng mga tauhan

There we are now with these two young women who are sisters. …Meraat Bawa….and Mepiya Bawa.

Ito ang kasunod ng Hane. Agad na ipinakilala ng storyteller ang kanyang mga tauhan.

Sa paggamit ng panghalip na we, ipinapakita at ipinapadama ng storyteller na iisa lamang siya at ang kanyang tagapakinig. Nang sabihin niya ang we are now with these two women, parang isinasama ng storyteller sa pinangyayarihan ng kuwento ang kanyang tagapakinig. Parang inihahablubilo niya ang tagapakinig sa mga tauhan.

Device ito para mas mabilis na mabuhay sa imahinasyon ng tagapakinig ang setting at tauhan.

Bukod sa pagpapakilala agad sa tauhan, nais ko ring idagdag ang malikhaing pagbibigay-ngalan sa mga tauhan. Sayang at hindi ibinigay ang kahulugan ng Meraat Bawa at Mepiya Bawa ngunit naniniwala ako na may kinalaman ito sa pagiging mabuti at mabait. Isa pa mula sa parehong kuwento ay ang Beliyudung, ang pangalan ng may-ari ng taniman ng kamote at saging. Ito palang si Beliyudung ay isang tauhan sa panitikang oral ng manobo at kilala bilang isang taong may natatanging kakayahan sa pag-a-assess ng pagkatao ng isang tao.

Bukod sa tatlong pangalang ito, may ibinigay pang halimbawa ng malikhaing mga pangalan si Wrigglesworth na mula sa mga kuwentong manobo. Narito ang mga halimbawa:

Berengkenitutkitut
Berentenigewtigew
Meluegpeka (wideback)
Mehasa (mula sa salitang gasa “thin”)
Telingenup (mula sa salitang penganup “to hunt with dogs”)

c. mga depictive paragraphs

Bagama’t hindi nakakapagsulong ng plot ang depictive paragraphs, importante pa rin ang mga ito dahil minsan ay dito nakapasok ang ilang paniniwala, pangkulturang usapin at iba pa ng mga manobo.

“Well, that’s all I could get, Meraat Bawa,” said Crocodile, “and I tried hard eough reaching into every hole (where the fish might be) for just look now at my hands,” said Crocodile, “they’re skinned, Meraat Bawa, from trying to get more, for what was worrying me,” said Crocodile, “was that I wouldn’t have anything to repay you with for looking after my child,” said Crocodile. “However we couldn’t do anything now,” said Crocodile, “ but accept it, Meraat Bawa, for if I had had my way I would have gotten much more for you than even Mepiya had to take home—but well, this is all there is,” said Crocodile.

Ang talatang ito at ang episode na kinapapalooban ng talatang ito ay naglalarawan sa relasyon ng buwaya at tao noon. Magkaibigan sila. Mabait ang buwaya sa tao. Napapakiusapan itong mangisda para sa tao at ang tao naman ay napapakiusapang mag-alaga ng anak ng buwaya. Taliwas ito sa pagtingin natin ngayon sa buwaya. Ito ay isang mamamatay-taong hayop.

Pinaniniwalaang dahil sa katusuhan ni Pilandok (lagi kasi niyang iniisahan ang mga buwaya) ay natapos ang pagkakaibigan ng tao at buwaya.

Isa pang halimbawa:

Said Meraat Bawa, “I’ll go home now,” she said, “but it’s I alone who doesn’t have anything to take home,” said Meraat Bawa. “And my younger sister, on the other hand,” she said, “got a lot to bring home,” said Meraat Bawa. “I’d better,” she said, “go home now.”

Ang talatang ito ay naglalarawan sa sinapit ni Meraat Bawa pagkatapos niyang maghanap ng kamote at saging. Nabigo siya at ang tanging naiuwi niya ay sampirasong saging, lamog pa.

Layunin ng talatang ito ay ang maawa ang tagapakinig kay Meraat Bawa. Matagal-tagal ding nagbungkal para sa kamote at naghanap ng saging si Meraat Bawa at nang sambitin niya ang nakalagay sa nasabing talata, pagod na siya at gutom na gutom.

Ginagawa ng storyteller ang talatang ganito upang mas ma-involve ang tagapakinig sa damdamin ng tauhan at para na rin masabik ang mga ito sa kahihinatnan ng mga tauhan. Sa pamamagitan ng depictive na mga talata, lalong lumalabas ang pagiging malikhain ng storyteller.

Sa Good Character (Gir) at Bad Character (Girl) ay naging tagumpay ang storyteller sapagkat ang naging tugon ng tagapakinig ay:

Pity poor Meraat Bawa!

d. mga napakapaloob na kanta na kadalasang may tugma at sukat

Ito ay rhetorical devices na ginagamit ng storyteller para hindi malimutan ng tagapakinig ang kahit isang detalye sa bahaging iyon ng kuwento.

“Lullaby, lullaby,
Oh, child of the crocodile,
Oh, child of the crocodile,
Cradled in swinging vines,
A cradle of Lubpegida-vines,
You smell like Bedak-powder,
The smell of Kemeniyana-leaves,
Lullaby.”

Ito ay oyayi na inawit ni Mepiya Bawa para patulugin ang anak ng buwaya. Gustong i-highlight ng storyteller ang pagiging mabait ni Mepiya Bawa. Inawitan pa niya ang baby buwaya at nag-isip siya ng magaganda at mababangong bagay para mas maganda sa pandinig ng pinatutulog na baby buwaya at para sa nagtatrabahong mommy buwaya.

e. Pinagsasama-sama ang mga tauhan sa iisang eksena o di kaya ay setting

Ito ay isang paraan ng storyteller para lalong magising ang tagapakinig. Hinihikayat niyang maging alerto ang tagapakinig dahil maaaring may bibitiwang mga salita o di kaya ay gagawin ang mga tauhan na nangangailangan ng kanilang paghusga. Isa pa ay tuwirang mapagkukumpara, kung nangangailangan ng pagkukumpara kagaya ng kuwento ng Good Character (Girl) at Bad Character (Girl) ng mga tagapakinig ang mga tauhan kung sila ay magkakasama-sama na sa isang eksena o setting.

How about it,” said Mepiya Bawa, “Meraat Bawa, how many did Crocodile catch, how many strings?”
“What catch,” said Meraat Bawa, “when there wasn’t any. See for yourself.” Meraat Bawa held out this single muted-fish. “This is all that Crocodile caught,” said Meraat Bawa.
“Well,” said Mepiya Bawa, “we should be thankful for that because Crocodile must have had to work hard to get that.”

Kitang kita ang contrast sa dalawang magkapatid na ito. Di maitago ang dismaya ni Meraat Bawa sa buwaya kaya pinintasan pa niya kay Mepiya Bawa ang nahuli nitong isang pirasong isda. Samantalang si Mepiya Bawa ay pagpapasalamat pa sa buwaya ang ipinayo dahil ang naisip nito ay ang hirap ng buwaya sa paghuli ng isda.

f. Retorikal na tanong

“Why is it,” said meraat Bawa, “That it pulled my pubic-hair when I asked it to pull the hair on my head so that I would be beautiful?” said Meraat Bawa.
“What should happen, on the other hand, is that my pubic hair is very long now,” said Meraat Bawa.
“I’m different now from my younger sister,” said Meraat Bawa, “for my younger sister, on the other hand, is beautiful because of her long hair…”
“How can I fix myself up now when what is long is my pubic hair?” said Meraat Bawa.

Ang retorikal na tanong ay ginagamit ng storyteller para mapaisip din ang tagapakinig. Dahil sa tanong na ito ay babalikan sa isip ng tagapakinig ang mga pangyayari at dahilan kung bakit nga ba nangyari kay Meraat Bawa ang paghaba ng bulbol. Isa itong paraan para maglabas ng saloobin ang tagapakinig at nang sa gayon ay hindi siya dalawin ng antok.

At maganda ring pansinin ang humor dito. Katawa-tawa talagang maisip ang napakahabang bulbol!

g. ilang pagbabago sa mga bahagi ng pananalita para mas vivid at mapanatili ang interes ng tagapakinig

Isang halimbawa nito ay ang pagbabago sa point of view. May mga bahagi ang kuwentong Good Character (Girl) at Bad Character (Girl) na mula sa 3rd person point of view ay bigla na lamang gagamit ng “you” na para bang kausap na lang ng storyteller ang tauhan.

Take note, what then but Mepiya Bawa got her mosquito net for washing. You arrived there at the river and Mepiya Bawa is washing it. Mepiya Bawa then got her mosquito net and is drying it (in the sun). Very carefully she spread out this mosquito net here. When you had finished spreading out your mosquito net you then returned again to the river here where Mepiya Bawa is unwinding her topknot of hair for she will wash it.

Kung sisipatin ito ng isang alagad ng balarila, katakut-takot na editing ang mangyayari. Ngunit kailangang alalahanin na hindi ito binabasa, ang storytelling ay live at kailangang gumawa ng paraan ang storyteller para mapanatili niyang interesado ang tagapakinig. Kaya bigla siyang gumagamit ng you ay para mas mapalapit sa tagapakinig ang mga nangyayari. Kapag sinasambit niya ang you ay parang naroon siya mismo sa setting ng kuwento at kaharap at inuutusan na lamang niya ang tauhan. At siyempre pa, feel na feel ito ng tagapakinig sapagkat sila ay nasa likod lamang ng storyteller. Nai-imagine nila na kaharap din nila ang tauhan.

Isa pang halimbawa nito ay ang pagbabago sa tenses ng mga pandiwa kahit sa iisang talata lamang.

Meraat Bawa is proceeding then and you are grabbing hold of the heart here and, as you are about to take it too so you can slice up this heart, the deer got up.
And so Meraat Bawa is being attacked by its horns and what happened then was that Meraat Bawa died because of being horned-to-death by the deer…

Muli ay bagsak ang mga talatang ito sa isang grammarian dahil sa walang konsistensi sa tenses ng pandiwa. Ngunit ginawa lamang ito ng storyteller upang mas maging vivid sa imahinasyon ng tagapakinig ang eksena. Kahit saang wika, ang pangkasalukuyang pandiwa ang mas nagbibigay ng aksiyon at buhay sa eksena kaysa sa ibang tenses.

h. dramatikong dialogue at mga monologue

Madalas ang dramatikong dialogue na ito ay malapit na sa dulo ng kuwento. Nagpapalitan ng madamdaming linya ang mga tauhan at madalas din ay may komprontasyon ng dalawang tauhan ang nangyayari.

Said the deer, “That’s enough now, Meraat Bawa, for I’ll die if you pluck my out my heart. This is the end of my love for you—my love for you that let you cut up all of my body,” said Deer, “but that’s the end, Meraat Bawa, of my love for you, because there is one thing alone,” said Deer, “that I won’t give and this is my heart because I would certainly die,” said Deer, “if this is plucked out of me.”

“Is there anything,” said Meraat Bawa “to be held back? That’s why you allowed your body to be sliced up because you gave it away. And now, instead, you won’t give that one thing that is very little.”

Mapapansin din na paulit-ulit ang sinasabi ng mga tauhan dito at paulit-ulit ding sinasabi kung sino ang nagsasalita. Kailangan ay muling isaisip na ito ay oral at binibigkas. Kailangang ipaalala lagi ng storyteller ang dahilan kung bakit ganon ang kilos ng tauhan at kung sino na ang nagsasalita sa dialogue.

i. madamdaming pagsasalita

Gumagamit ng Etuwey, Babeba, Ba, Ih, Iney, Ey o mga pagpapahayag ng damdamin ang storyteller. Sinasabi niya iyon na para bang siya mismo ang nakakita o nakaranas. Kapag feel na feel ng storyteller, feel na feel din ng tagapakinig.

This older sister, Meraat Bawa, spoke saying, “Etuwey,” she said, “you’ve certainly got a lot here!” said her older sister…

Ito naman ay tinugunan ng tagapakinig ng “See what you’ve missed!”

j. pagbabago sa bilis ng kuwento at condensation ng oras

Ayon kay Wrigglesworth, minsan ay pinapahaba at pinapabagal ng storyteller ang kuwento. Halimbawa ay kapag may importanteng eksena, mahahaba ang pangungusap at mahahaba rin ang linya ng mga tauhan. Humahaba rin ang sagutan.

Ngunit kapag kailangan nang paikliin ay ganito naman ang ginagawa:

Take note, now the story goes faster, but the situation is still the same. No one has seen this bird.

Sa Good Character (Girl) at Bad Character (Girl) ay hindi ko nakita ang mga ito. Para sa akin ay pareho ang pace ng kuwento mula umpisa hanggang dulo. Hindi nagmadali, hindi rin naman nagbabad ang storyteller. Sa tingin ko ay dahil tama lang ang haba ng kuwentong ito kaya hindi na kailangang pang gawin ang pagbabago sa pace.

k. paggalaw

Bagama’t walang masyadong nabanggit na gumagalaw ang storyteller ng Good Character (Girl) at Bad Character (Girl), nais ko pa ring bigyang-pansin ang isang paggalaw niya na sa tingin ko ay importante.

Nang binibigkas niya ito:

…said Deer, “ I would die instead if you cut into my heart. This only is what you are to slice off, all of this here. Take all of this, Meraat Bawa,” said Deer.

Itinuturo niya ang bahagi ng sarili niyang katawan para mas ma-imagine ng tagapakinig ang sinasabi ng tauhang si Deer. Malaking tulong nga naman para ma-visualize ang eksenang ito.

l. ang pagtatapos ay may kapareho sa kuwento

Ang pagtatapos ng kuwento ay hindi lamang basta katapusan ng kuwento. Maaaring ito ay katulad ng katapusan ng buhay ng isang tauhan kagaya ng nangyari kay Meraat Bawa. Nang mamatay siya ay noon din natapos ang kuwentong Good Character (Girl) at Bad Character (Girl). Maaari rin namang may limitasyon ang isang bagay kaya iyon na rin ang limitasyon ng kuwento. Maaari namang naubos na ang isang bagay kaya parang naubos na rin ang kuwento.

Malaki ang kinalaman ng pagiging “live show” ng manobo storytelling sa nilalaman nito. Maraming isinasaalang-alang ang storyteller sa tuwing bubukas ang kanyang bibig. Bukod sa kalaban niya ang pagod at antok ng sarili at tagapakinig, nariyan pa ang hamon na kailangang nauunawaan at nakaka-relate ang mga tagapakinig sa kanyang ikinukuwento.

Nabubudburan ng cultural implications ang manobo storytelling. Kaya maaaring ang basket ay hindi simpleng basket lamang sa isang kuwento. May kahulugan ito na mahalaga sa pinagmumulang kultura. Masasabi kong ginamitan ng estratehiya ng storyteller ang paglalagay at/o pagkakasunod-sunod ng pangyayari sa isang kuwento nang sa ganon ay may panahon at pagkakataong makapagbigay-komento ang tagapakinig.

Sa pamamagitan ng pagko-comment ng tagapakinig, hindi lamang nagiging interaktibo ang isang storytelling session, napapanatili ang pagiging tagapaghusga nila sa mga gawain, ugali at saloobin ng mga tauhan na maaari namang nagiging gawain, ugali at saloobin ng isa sa kanila. At sa pamamagitan nito, napapanatili ang kaayusan ng kanilang lipunan. Halimbawa ay nalalaman ng mga batang tagapakinig na hindi maganda ang ugali at gawi ng isang tulad ni Meraat Bawa kapag nagbibigay-komento nang hindi maganda ang mga tao sa paligid nila. Sa gayong paraan ay maiiwasan niya ang maging isang Meraat Bawa. Lalaki siya na ang gagayahin ay iyong tauhang binibigyan ng magandang komento, walang iba kundi si Mepiya Bawa, ang mabait na kapatid.

papel 3

September 20th, 2009 by bebangsiy
Petsa: 22 Hulyo 09

Paksa: Ilang mga Laji at Loa

Ilang Laji’t Loa

Itinuturing ng mga Ibatan ang laji bilang pinamaganda at pinakamahusay na uri ng tula at kantambayan. Ang laji ay pinaniniwalaang pre-Hispanic na anyo. Kamukha ito ng ambahan ng mga Mangyan sa Mindoro pagdating sa gamit at kalikasang panlipunan nito.

Ngunit ang napansin ko sa mga lajing aking binasa, kumpara sa ambahan, ay laging may kinakausap ang persona rito. Distinct ang “ako” at “ikaw.”

When the adipasayaw pass
Anu kapipahabas da nu adipasayaw
under the eaves of your house,
du teyedted nu bahay
serve them wine…
mana dawyen mo sira…

(adipasayaw-isang maliit na ibon)

I have traveled as far
Nakadipula aku na, as nangay ana
as to the other islands, but I have not met
du bebtangen, am ara pa ava u nadali
one like you, my beloved kinsmen…
chu akma dimu mo dumngen ko a lipus…

Marahil ito ay dahil ang laji ay binibigkas ng isang mayvachi (katumbas ng soloist o singer) at ina-address niya talaga ang kanyang sasabihin sa mga taong naroon at nakikinig sa kanya. Kumbaga, “very now.” Samantalang ang ambahan ay madalas na gumagamit ng ibang punto de bista, halimbawa ay pinagsasalita ang mga hayop o bagay. O di kaya, nagtatanghal mula sa 3rd person point of view. Ibig sabihin ay parang diyos lamang na nagkukuwento at naglalarawan. Hindi laging ina-address ang kausap. Ito marahil ay dahil sa ang ambahan ay hindi lamang pabigkas. Ito ay inuukit din sa kawayan. At kapag ganon, kahit sino ay maaari nang makabasa nito, parang diyaryo, pasa-pasa na, mamya, bukas, sa isang buwan, sa anak, sa apo. Hindi na “very now.”

Malapit ang laji sa loa kung punto de bista ang pag-uusapan. Iyon ay dahil distinct ang “ako” at “ikaw” sa loa dahil binibigkas din ito at parang agaran at tuwirang kinakausap ang mga nakikinig (sa tagayan o inuman.) Ngunit malayong malayo ang paksa at himig ng dalawa. Ang laji ay mapaglimi at may kaseryosohan samantalang kuwelang kuwela naman ang dating at mapanukso ang loa.

Ang loa ay tulambayan ng Quezon na kadalasa’y sinasambit sa mga pinagpipitaganang binibini ng isang poblasyon kapag siya ay pinuputungan ng korona.

Ngunit sa ibang bahagi ng Quezon (at maging sa ibang bahagi ng buong bansa), may ibang bersiyon ng loa ang naging popular. Ang mga nabasa kong halimbawa ng loa ay kinalap ni Prop. Victor Valbuena sa Sampaloc, Quezon. Ang loa mula sa lugar na ito ay hindi tulang nagbibigay-dangal sa isang dalaga kundi tulang sinasambit sa mga “stag party o bridal shower” o sa mga karaniwang inuman (ng lambanog, siyempre). Ang loa sa Sampaloc, Quezon ay isang tulang nagpapahayag ng ilang bagay tungkol sa seksuwalidad. Ika nga ng iba, tula ng kabastusan.

Pero sa mga nabasa kong tulambayan, dito sa loa ako tawang tawa. Kasi naman, ginamit sa mga loang ito ang iba’t ibang salita para ilarawan ang mga ari ng babae’t lalaki at ang aktong pagtatalik. Batis pala talaga ng sexual innuendos ang inang kalikasan! Tunghayan ang mga halimbawa:

amoy-azucena gabarasong tundok
tatlong kakawing-kawing sawang bitin
gubat buto ng kasoy
kamoteng kahoy palayok
damong maitim pa sa kogon gatas na malapot
balagbag na ari

Mukhang maluluma sa mga bumibigkas ng loa itong sina Joey de Leon at Willie Revillame pagdating sa paggamit ng mga “matalinghagang salita” tungkol sa sex organs at sex mismo.

Samantala, ang pinakagusto ko namang metaphor na ginamit para sa ari ng lalaki ay ang salitang pari.

Doon po sa amin,
Bayan ng Sampaloc
May tumutubong damo,
Maitim pa sa kugon
Sa tigkabilang pampang,
Sa gitna’y may balon
May naligong pari,
Patay nang umahon.

Hindi ko agad naintindihan ito sa unang basa. Kinailangan ko pang basahin ang paliwanag ni G. Valbuena. Ang tinutukoy daw na pari dito ay ang ari ng lalaki na pagkatapos ng pagtatalik ay nagmimistulang patay, wala nang kakilos-kilos.

Napasusmaryosep ako. Napakatapang ng kumatha ng loang ito. Hindi siya nangiming gamitin ang banal na imahen ng pari para gawing metaphor ng titi. Hindi siya natakot na maparusahan sakaling makarating ito sa mga alagad ng simbahan.

Pero sa tingin ko, malaki ang papel ng okasyon kung saan binibigkas ang loang tulad nito. Ito ay sa mga tagayan o inuman (ng lambanog kadalasan), na kung saan bihira namang may makasamang alagad ng simbahan. Sakali ngang makaabot ito sa tainga ng mga taga-simbahan, maaari namang idahilang ang loa ay tula, isang malikhaing akda. Ang kahulugan o pagbibigay-interpretasyon dito ay hindi maaaring idikta ng kumatha.

Para bagang damn if you do, damn if you don’t sa kaso ng mga taga-simbahan. Kung sisitahin at paparatangan nilang bastos ang nagbigkas/kumatha ng loa, para na rin nilang inaamin na “greenminded” sila at sila na mismo ang nagsabing “oo nga, puwedeng ituring na titi ang pari.” Kung hindi naman nila papansinin, magpapatuloy ang pagkatha ng ganitong loa. Darami ang gagamit ng mga imaheng may kinalaman sa simbahan bilang metaphor ng kung anu-ano.

Mukha namang siya ngang nangyari.

Ayon kay Dr. Rosario Lucero, ang guro namin sa Panitikang Oral, ang loa ay nagkaroon ng sariling identidad lalong lalo na sa mga baryong malayo sa impluwensiya ng simbahan. Naging kabaliktaran ng loang nagpupugay at nagbibigay-dangal ang loa sa Sampaloc, Quezon na kabastusan naman ang taglay. Ngunit hindi ito simpleng kabastusan lang. Ang bersiyong ganito ng loa ay maituturing na subersiyon sa awtoridad (na sa napakahabang panahon ay ang simbahan.) Sa maraming pagkakataon, teritoryo, batas at pamamaraan ng awtoridad ay hindi makapagreklamo, hindi maka-igpaw, hindi makalaban, ni hindi makapangatwiran ang karaniwang tao.

Kaya ang ginawa ng karaniwang tao, ginamit niya ang dila at bibig. Na itinuturing na mas makapangyarihang kasangkapan para makapagkalat ng kaalaman at paraan ng pag-iisip noon (at maski hanggang ngayon, alalahanin na lang ang power ng tsismis.) Ginamit din niya ang mismong anyo na nagmula din sa may kapangyarihan: ang loa. Mula rito, kumatha siya ng mga akdang talagang kasisimangutan ng may kapangyarihan at binigkas ang mga ito na parang wala lang, katuwaan lang. Kaya naman lumaganap nang lumaganap.

Isa pang silbi ng loa sa Sampaloc, Quezon ay dito ipinararaan ang sex education. Noon at magpahanggang ngayon, ipinagbabawal ng simbahan ang sex education. Ngunit dahil nakikita ng karaniwang tao na kailangan nila ito (ang sex education) umisip sila ng paraan para makapag-educate ng kapwa. Ginamit nila, muli, ang loa. Sa loang orihinal, nagiging espisipiko sa paglalarawan ang bumibigkas nito. Iniisa-isa ang lahat ng magagandang katangian ng isang pinuputungan o pinararangalan. Ito rin ang ginawa ng mga mambibigkas ng loa sa Sampaloc, inisa-isa ang katangian at inilarawan nang husto ang mga ari at ang aktong pagtatalik.

Isa pang ikinatutuwa ko rito, nang malaman kong pang-sex education ang loa, ay ang pagsali ng kababaihan sa pagkatha nito. Kahit ang mga babae, na karaniwa’y nakikitagay ng lambanog, ay bumibigkas ng loa ukol sa kanilang ari. Para magawa ito ng isang babae, kailangang sanay na sanay, komportable siya sa kanyang katawan. The fact na umiiral ang loa sa Sampaloc at popular pa ito, ibig sabihin ay pinahihintulutan at mukhang ine-encourage pa ng kanilang kultura ang pagiging mapagtuklas, mapag-obserba at mapanuri ng mga babae sa sariling katawan.

Napakagaling kasi kapag tinutuklas, inoobserbahan at sinusuri mo ang isang bagay, ibig lang sabihin ay pinahahalagahan mo ito at higit sa lahat, minamahal. Na siya namang dapat gawin ng lahat ng babae sa sariling katawan.

Ang dami kong nari-realize sa pagbabasa lamang ng iilang tulambayan. Lagi’t lagi kong sinasabi sa aking mga estudyante na sa pamamagitan ng ating wika at panitikan, lalo nating nakikilala ang sarili. At tingin ko, tumatama ang tama pagkabasa ko ng ilang laji at loa.

papel 2

September 20th, 2009 by bebangsiy

Petsa: 15 Hulyo 2009

Paksa: mga tanaga sa Vocabulario dela lengua tagala nina Noceda at Sanlucar

Ang Ilang Mga Salita sa Tanaga

Ang babasahin ay binubuo ng mga tanaga na sinipi mula sa Vocabulario de la lengua tagala nina Noceda at Sanlucar. Para sa akin, ang mga ito ay dagdag sa maraming patunay na makikilala ang kultura at kapaligiran sa pamamagitan ng panitikan.

Nabanggit at/o itinampok sa tanaga ang sumusunod na mga salita, iyong makikita sa kanan ng talahanayan. Sa kaliwa naman ay ilan kong tala ukol sa salita.

Sinulid
May teknolohiya na ang katutubo ng paggawa ng sinulid.

Papan
ang salitang ito ay patunay na ang nagagawang sinulid ay hindi kakaunti kundi bulto para kailanganin ang papan.

Bakod
May konsepto kaya ng pag-aari at teritoryo ang mga katutubo? Dahil ang naiisip kong ilan sa dahilan ng paggamit ng bakod ay
1. para maiwasang apakan o kainin ng hayop ang tanim
2. bilang tanda sa hanggahan ng pag-aari o teritoryo ng lupa

Ang ipinagtataka ko lamang, ayon sa aking guro noon sa Panitikan at Lipunan, wala raw konsepto ng pag-aari ng lupa ang mga katutubo dahil ang isip ng katutubo ay paano mong aariin ang isang bagay na mas mahaba pa ang buhay sa iyo?

Kaya siguro nga, ang bakod noon ay para lamang harangin ang makukulit na mga hayop.

Budhi
Heto ang pantapat sa salitang konsensiya. Maging noong unang panahon, tayo’y may sariling paraan para i-check ang sarili kung ang ginagawa nga ba natin ay mabuti o masama. Ang budhi ay values. Kung ano ang kaya ng budhi mo, iyon ang mga bagay na pinahahalagahan mo.

Paho, doso, dawarawa, ginto, sampaga, punay, sapsap, apahap, niyog, uwang
Puwedeng puwede nang makaguhit ng larawan ang isang artist ukol sa isang karaniwang setting noon batay lamang sa mga salitang ito mula sa tanaga. Mayaman tayo sa lupa (ang daming puno at halaman), sa yamang-dagat (ang daming isda) at yamang mineral (ginto!). Tunay nga namang masagana ang buhay noon.

Minsang nabanggit ng makatang si Rio Alma sa isang huntahan na ang buhay ng Pilipino (at sa tingin ko ay maging ng lahat ng tao sa mundo) ay paatras. Naging moderno lamang tayo ngunit ang kalidad ng ating pamumuhay ay pababa nang pababa, pasama nang pasama. Mabuti pa noon, anya, simple ang mundo ngunit napakaganda ng uri ng pamumuhay ng tao.

Sumasang-ayon ako. Maraming bagay noon na ipinagpalit natin para sa mga bagay ngayon. Pero itong mga bagay na ito ay nagdadagdag-komplikasyon lang naman sa komplikado na ngang buhay.

Lunday
Ito ay patunay na may mga katangian at dunong ng inhinyero at arkitekto sa puso ng bawat Filipino. Noon pa ma’y nakakalikha tayo ng lunday at iba pang sasakyang pandagat.

Ipinagpapalagay kong ang mga salitang nabanggit ay mga karaniwan lamang noon. Ibig sabihin ay hindi natatangi ang sampaga, ang sapsap, ang ginto, niyog at uwang. Kaya naitatampok sa tanaga ay dahil ito ay mga nangagkalat lamang, sobrang dami at madaling obserbahan.

Kung ganito na kagaganda ang karaniwan, ano pa kaya ang mga natatangi noon?
Ang pagbanggit sa mga salitang ito noong 1700 (kung kailan nalathala ang Vocabulario) ay patunay lamang na napakayaman ng ating bayan noon pa man, at highly-skilled ang mga ninuno natin dahil maraming kayang likhain ang mga kamay at isip kahit wala pa ang modernong teknolohiya, at hindi rin naman sila masasamang tao sapagkat may sariling paraan ng pagtimbang ng dapat at hindi dapat gawin.

Ang Ambahan: Noon at Ngayon

Paksa: Mga Ambahan Mangyan, Mangyan Treasures, Tribal Filipino Indigenous Poetry kinolekta at isinalin ni Antoon Postma (Monograph No. 2, Mangyan Assistance and Research Center, Panaytayan, Mansalay 5213 Oriental Mindoro)

Ang babasahin ay naglalaman ng introduksiyon at ilang ambahan mula sa aklat na nabanggit sa paksa. Nakasaad sa introduksiyon ang kahulugan ng ambahan at ang halaga nito sa kulturang mangyan. Ang ambahan daw ay:

a. isang tula at itinuturing na ring kanta. Ito ay sinasambit nang walang saliw na musika.

b. Pito ang bilang ng pantig sa bawat taludtod at walang saktong bilang ng taludtod sa isang saknong. Ngunit ito ay may tugma. Madalas ay –an ang tugma.

c. tadtad ito ng talinghaga tulad ng tula mula sa iba pang kultura

d. binabasa nang tahimik o malakas, maaaring binibigkas nang walang binabasa, maaari ring bigkasin nang mag-isa o di kaya ay may kasagutan o di kaya ay sa isang umpukan

Isinaad din ng babasahin ang malaking panghihinayang ng awtor sa unti-unting paglaho ng ambahan ng mga mangyan. Nang isulat ang aklat, bibihira na lamang sa mga mangyan ang may-alam o di kaya ay nagsasagawa pa ng ambahan. Sa “interior mountain areas” na lamang ito karaniwan. Isa sa mga itinuturong dahilan ang paraan ng pag-e-edducate ng mga magulang sa kanilang anak. Isa pa ay ang modernong mundo na unti-unti nang nakikilala at mas kinikilingan ng mga kabataan.

Sa tingin ko, isa sa mga susi para maipagpatuloy ang ambahan ay ang sigasig ng magulang na ipagawa ang ambahan sa kanilang mga anak. Kahit na sabihing hindi naman mapilit by nature ang mga magulang na mangyan, para sa ikalalaganap ng ambahan at iba pang pangkulturang Gawain, dapat maging mapilit sila at gawin ito. Ipilit nila sa kanilang mga anak ang mga pamana ng nakaraan tulad ng ambahan.

At isa pang maaaring gawin para maipagpatuloy at mapalaganap ang ganitong tradisyon ay ang pag-i-incorporate ng mga intangible heritage natin sa kulturang popular. Halimbawa ay maitanong man lamang sa Who wants to be a millionaire? Ang ilang bagay tungkol sa gawi at mundo ng mangyan o di kaya ay maigawa ni Lito Camo ng isang kanta ang kulturang ito o di kaya ay gamitin sa mga TV commercial ang ilang gawain nila (siyempre, nang hindi sila nililibak o pinagtatawanan.) Sa pamamagitan nito, naniniwala akong maging ang kabataan ay magiging masigasig sa pag-aaral ng kanilang sariling kultura at ituturing nilang cool ang paggamit at/o paggawa ng kanilang tradisyon. Maaari ring bigyang-seminar o lecture ang mga artista/hosts ukol sa mga katutubong kultura at hingiin sa kanilang tumulong sa pagpo-promote nito. (At nang hindi iyong puro foreign na celebrities pa ang kanilang sinasamba at pinopromote.)

Ang strength ay siya ring naging weakness. Ang ambahan ay may praktikal na gamit noon kaya ito ay madaling lumaganap at ginamit nang ginamit ng mga tao. Ngunit habang nagiging moderno ang mundo, unti-unti na rin itong nawala. At ang isang dahilan ay hindi na ito nagagamit ng mga mangyan sa kanilang buhay.

Iyan ang paniwala sa ambahan ng mga mangyan lalong lalo na ng mga kabataan. Nakakalungkot malaman na hindi nakikita ng kabataan ang praktikal na gamit ng ilang pangkulturang bagay noon tulad ng ambahan. Lagi na lang ang bagong kultura o di kaya ang bagong paraan ang siyang mas maganda at mas mahusay.

Ang isa sa naiparanas ng modernismo ay ang pagiging conscious ng tao sa panahon. Lagi’t lagi ay sinusukat na ng tao kung gaano pa karami ang panahong mayroon siya sa isang buong araw, sa isang buong linggo, buwan, taon. Kaya naman ang nangyari ay lagi nang nagmamadali ang mga tao.

Maging ang wika ay naapektuhan ng ganitong pagtanaw. Dahil wala nang oras para magpaligoy-ligoy ang mga tao, ang naging resulta ay mas direktang paraan ng pagpapahayag. Kumbaga sa basketball, kung puro three point shots ang ginagawa ng mga basketbolista noon , ngayon ay puro dunk. Marahil dahil sa takot na hindi mai-shoot ang bola kung iti-three point shot pa, kaya dunk na lang nang dunk ang mga manlalaro.

Gayundin sa wika, wala nang mabulaklak na paraan ng pagpapahayag dahil kumakain ng oras ang mahabang pagsasalita at baka magkaroon pa ng miscommunication dahil sa mabulaklak na pananalita. Kaya naging direkta o straight to the point ang paraan ng pagpapahayag ng mga tao.

At dahil wika ang container ng ambahan, isa ito sa mga naapektuhan. Hindi na nakikita ng mga tao ang pangangailangan na gumamit pa ng ambahan kung may nais silang sabihin lalo na sa kapwa. Basta, sasabihin na lamang ito. Bakit mag-a-art-art pa kung puwede namang ibulalas na lang ang gustong ibulalas?

Sa tingin ko, ang isang dahilan din kung bakit nawawala ang ilang tradisyong pampanitikan tulad ng ambahan na isang tula ay dahil sa pagbibigay dito ng masyadong mataas at malaking pagpapahalaga. Ang nangyayari ay kamukha ng kinahinatnan ng wikang Latin.

Para bagang ayaw ipagamit ng mga nagsasalita nito sa kung anu-anong okasyon at kung sino-sinong tao lang ang nabanggit na wika. Kaya ang nangyari, tuluyan na ngang kumonti ang tagapagsalita ng Latin.

Sa ambahan o sa tula, ganoon din. Para bang kapag tumutula ka, kailangan ganito ang wika mo o ganito ang paksa mo o laging may talinghaga o may ideyang hinahain. Ang daming kailangan, sa totoo lang. Ang resulta, ‘yong mga karaniwang tao, natatakot nang sumambit ng tula kahit pa gustong gusto nilang tumula. At takot na takot sila sa pagpili pa lang ng gagamitin nilang salita/wika. Nagkaroon ng paniniwalang hindi dapat gamitin ang mga modernong salita kung nais mong maging kagalang-galang ang tula dahil nga “sacred” ito. Dapat ang tula ay laging “matulain” din ang wika.

Kaya ang mga salitang hanep, chikababe, tom jones, dehins, baklita, baduy at iba pa ay hindi raw dapat na ginagamit sa tula.

Hindi nakasabay ang tula/ambahan/tanaga sa wikang sinasalita ng tao. Ang nangyari ay heto, inaaral na lang sila sa eskuwela na parang isang banga mula sa kung anong limot na dynasty. Inaaral na lang sila ng mga estudyanteng tulad ko.

Dagdag pa diyan ang tulang pine-present sa mga textbook. Akala tuloy ng mga estudyanteng musmos, ganon LAMANG ang hitsura ng tula. Hindi nila alam na malaon nang nakausad ang tula pagdating sa wika at paksa.

Maaaring maisalba ang tula/ambahan sa tuluyang pagkabura sa mundong ibabaw. Gamitin ang karaniwang bagay ngayon na maaaring pagsulatan ng mga tula. Kung noon ay sa kawayan, ngayon ay bakit hindi sa mga post it notes? At idikit sa mga dingding, sa mga tasa ng kape, sa ref, sa laptop.

At gamitin ang kasalukuyang wika at mga bagong karanasan at bagay sa paligid. Hindi mawawala ang pagiging oral nito sapagkat para makagawa ng ambahan o anumang tula, kailangan ay may tugma ito o di kaya ay auditory imagination, musikang internal, alon sa tainga at iba pa. At para malahukan ng mga ito ang isinusulat na akda, hindi maaaring hindi gumamit ng bibig at pandinig. Imposibleng hindi mo siya bigkasin.

Kaya para sa akin ay maganda ang proyektong Textanaga at ang kapatid at pinsan nitong Dalitext at Dionatext noong 2003 at 2004 ng UP ICW, NCCA at UMPIL. Kahit pa sabihing elektroniko ang paraan ng transmisyon ng tula ay may aspekto pa rin itong oral. Bukod sa naipakilalang muli ng mga proyekto sa madla ang anyong tanaga, dalit at diona, ay nagawa pa nitong mapatula maging ang karaniwang Pilipino. Habang sinusulat ng mga sumali ang kanilang entry sa mga nasabing patimpalak, imposibleng hindi nila binigkas ang mga taludtod para matiyak ang kawastuhan ng tugma at mabilang ang pantig. Dito pumapasok ang pagiging oral ng proyekto. Tungkol naman sa paggamit ng texting, sa tingin ko ay hindi ito nakakasagka sa oral na paraan ng paglikha ng tula. Katulad din ito ng ambahan noon ng mga mangyan. Isinusulat din nila ang kanilang mga sinasambit o naririnig. Nagbago lang ang sinusulatan sa Textanaga, Dionatext at Dalitext. Imbes na kawayan, ito’y naging cellphone at text messaging.

Ang babasahin ay naglalaman ng maraming ambahan. Narito naman ang reaksiyon ko sa ilan sa mga ito:

Napansin kong maraming ambahan ang nagsisilbing babala o di kaya ay tungkol sa panganib na dulot ng paggagala-gala. Halimbawa nito ay ang sumusunod:

#58

Ti putyukan sa tuod A bee sitting on a trunk
Kabitay kang manalbod How could I still fly away?
Iliw-iliw magtanod Iliw-iliw standing watch,
Buyaw tida sa lawod The hawk down there in the vale,
Salak mag-andidiyod and the Salak bird guards there!

Nawiwirdohan ako rito. Bakit mangangamba si bubuyog e hindi naman kumakain ng bubuyog ang mga ibon na nabanggit? Kumbaga sa tao ay nag-aalala siya sa mga bagay na hindi niya dapat alalahanin, tama?

#59

Talon manok sa puro The wild chicken of the woods
Nakan ud way magrugpo Doesn’t dare to touch the ground:
Pagtandan buta iro The blind wild cat watching him;
May buaya maghalo Crocodile shaking the tree;
May bukid magpamuno Mangyan-bukid with a spear!

#60

Buri tida sa dipay That palm tree across the stream,
Ako mana manggihay I would like to use the leaves,
Ako ud nakagihay But impossible it would seem!
May buyaw magpabantay There the hawk watches for thieves
May salak mag-antabay With the Salak bird in team!

#61

Si isda pait-pait The pait fish in the creek
Kabitay kang bumangwit Is impossible to catch.
Sa bato magpasipit Under stones its hiding place!

#69

Una may magkamanman Sure I have seen you before.
No buhon sintam adngan But if I don’t know you well,
Tam sigin wa kumaban I won’t think of joining you
Bulod di sikon wal-an Where you are or where you go.

#226

Ati kuno sa puro Yonder in the woods, they say,
May kayo makahilo Grows a tree venomously.
Una manok kudkuro Even the kudkuro bird
Ud yi may makadapo Couldn’t escape there unhurt.
Pinananginan yi bato It is growing on a stone
Sa na-apog pagpungso At Na-apog mount, alone!

Maaaring ito ay sinasambit ng mga magulang sa kanilang anak o kaya ng kaibigan sa kaibigang maglalakbay. Kung gayon nga, ito ay isang patunay sa praktikal na gamit ng ambahan, ang ambahan bilang isang early warning device. Para bagang sinasabi ng tagapagsalita na “pakaiingat ka at nanggaling na ako riyan. Naglipana ang panganib. At ang mga panganib ay ganito ang katangian at ganito kumilos.”

Tingin ko, maganda itong estratehiya kasi hindi nagiging tuwiran ang pagsasabi ng babala na siyang ayaw na ayaw ng mga kabataan hanggang ngayon. Pakiramdam ng mga kabataan “sinesermunan” sila ng magulang kapag sila ay binabalaan. At pakiramdam nila, kapag binabalaan sila, itinuturing pa ring silang bata at walang kakayahang ipagtanggol ang sarili ng kanilang mga magulang

Kung ambahan ang gagamitin, imbes na tuwirang pagbibigay-babala, hindi na makaka-react ang anak kasi maaaring literal nga lang naman ang nais ipakahulugan ng kanilang magulang. Kapag nag-react sila, sila na mismo ang “nagsesermon” sa kanilang sarili.

Dahil sa mga ambahan na aking nabanggit, masasabi ko ring malaki ang pagmamalasakit ng mga Mangyan sa kanilang kapwa. Para bigyang-pansin mo at gawan ng ambahan ang mga panganib, isa lamang ang ibig sabihin noon: you care.

At ang pagiging caring at thoughtful ng mga Filipino ay hindi naman nagbago: mula noon, nariyan ang patunay sa mga ambahang sinipi ko, hanggang ngayon na makikita sa advertisement tags na Ingat! ng Biogesic at How thoughtful, How Goldilocks! ng Goldilocks.

Naniniwala ako na kailangan lamang talaga ng mas maraming exposure ng mga Pinoy sa mga anyong tulad ng ambahan para maipahayag ang daan-daantaon nang mga saloobin at kaugalian kaugnay ng sarili at kapwa.

papel 1

September 20th, 2009 by bebangsiy
Papel para sa klase ni Mam Chari

Paksa: Introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ukol sa tanaga ni E. Arsenio Manuel

Petsa: 24 Hunyo 2009

Tanaga, Hindi Ka Namin Tatantanan!

(Isang pagsusuri sa mga akda nina EA Manuel at Bienvenido Lumbera
ukol sa tanaga at katutubong tula)

Sa umpisa, aakalaing magkapareho lamang ang dalawang babasahin: ang introduksyon at ang unang kabanata ng Tagalog Poetry 1570-1898 ni Dr. Bienvenido Lumbera at ang artikulo ni E. Arsenio Manuel na pinamagatang Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Marami kasing pagkakatulad ang dalawa. Tulad na lamang ng mga sumusunod:

1. Parehong tinalakay ang anyo ng sinaunang tula tulad ng tanaga at bugtong. Binigyang-depinisyon nila ito, niliwanag at nagbigay pa ng halimbawa. Isang bugtong ang matatagpuan sa dalawang babasahin.

Apat capapang comot The sheet is four measures wide,
di natacpan ang tohod. but the knees are still exposed.

2. Parehong maraming angkat ng impormasyon mula sa unang aklat ukol sa pagtulang Tagalog. Kaya panay ang banggit kina Noceda at Sanlucar na siyang kumatha ng Vocabulario de la Lengua Tagala. Ibig sabihin ay pangunahing sanggunian (na nakasulat) ang kanilang pinaghanguan ng datos.

3. Bukod dito ay pareho ring napakuwento ang dalawang iskolar ukol sa kung paanong napasa-pasa ang paggawa at pagtatapos ng Vocabulario na nagsimula kay Francisco de San Jose at nagtapos kina Noceda at Sanlucar. Ito ay dahil tinutunton nila ang panahong pinagmulan ng ilang katutubong anyo ng tula. Natural kung kinalap ito noong panahon ng nabanggit na isang misyonero dahil sa pagiging popular, ibig sabihin ay matagal-tagal na itong namamalagi sa rehiyon bago naging popular. Aatras ang pagbibilang ng taon at ang edad ng isang katutubong tula.

4. may pagbabanggit ang mga iskolar sa isa’t isa.

Nabanggit ni EA Manuel sa kanyang artikulo ang “pagdaliri” ni Dr. Lumbera sa Vocabulario nang isinulat nito ang kanyang disertasyon. Sabi ni EA Manuel, mapapatunayan namang mayroong iba’t ibang bilang ng taludtod sa mga saknong ang katutubong tula. Dalawa, tatlo, apat, lima at iba pa. Anong gagawin? Humango lamang sa Vocabulario! Pero dahil iyan ay ginawa na ni Dr. Lumbera, hindi na kailangan pa itong ulitin sa Ang Tanaga sa Panulaang Tagalog at Pilipino.

Binanggit naman ni Dr. Lumbera si EA Manuel at ang kanyang artikulo sa introduksiyon ng Tagalog Poetry 1570-1898. Inamin niyang naging masyado siyang dependent sa Vocabulario samantalang mayroon pang ibang paraan para tuklasin ang ugat ng mga katutubong tula.

Ngunit di maglalaon ay mahahalata na rin ang maraming pagkakaiba ng dalawang babasahin. Tulad na lamang ng mga ito:

1. ang kay Dr. Lumbera ay maraming pagbabanggit sa mga banyagang iskolar at manunulat (bukod sa mga Kastila). Halimbawa: ayon kay Dr. Lumbera, maaaring hindi poetika ng indibiduwal lamang na makata ang pagkakaroon ng organic unity sa tula tulad ng sinasabi ni TS Eliot. Bakit? Sapagkat makikita na sa mga akda ng makatang Tagalog noon pa man ang pagkakaroon ng organic unity o ang paghahanap ng iisang bagay mula sa kalikasan o sitwasyon sa buhay upang maipahayag ang isip nila’t damdamin. Isa pang halimbawa nito ay ang pagpapakita niya ng paralelismo sa estruktura ng mga kawikaan sa iba’t ibang kultura. Ang “iba’t iba” ay tumutukoy sa kultura ng ibang bansa. Ang ibinigay niyang halimbawa ay:

a. kanluranin: Like master, like man at Many men, many minds.
b. at kawikaan ng Zulu na ipinakita raw ni CL Sibusio Nyembesi.

Samantalang ang kay EA Manuel ay puro lamang Kastila at misyonero. Mayroon siyang binanggit na Francis Lambrecht na nagsagawa ng pag-aaral ukol sa epikong Hudhud ng mga Ifugaw. Ito ay isa ring pari. Marami ring nabanggit na mga lokal na iskolar at manunulat si EA Manuel. Ilan dito ay sina Leopoldo Yabes na nag-aral ng Ilokong epikong Lam-ang, si Vicente de Veyra na nangolekta ng 222 ambahan, si Juan Balmaceda na nagsuri rin ng panulaang Tagalog at siyempre si Dr. Jose Rizal, ang may-akda ng Arte Metrica del Tagalog.

Ang pagkakaibang ito ay maaaring dulot ng pagkakalathala ng mga babasahin. Ang kay Dr. Lumbera ay isang doctoral dissertation sa wikang Ingles para sa Indiana University sa US. Maaaring kailangan niyang maipakita na marami siyang nabasang aklat o pananaliksik mula sa ibang bansa na makakatulong sa kanyang disertasyon.

Ang kay EA Manuel ay nakasulat sa Filipino at inilathala sa journal na Katipunan ng Ateneo de Manila. Ang ginawa niyang pagsusuri sa tanaga ay pulos nakabatay sa pagsusuri rin na ginawa ng mga iskolar at manunulat sa mga lokal na panitikan. Puro lokal ang reference kumbaga.

2. ang kay Dr. Lumbera ay mas nakasentro sa pagbibigay-depinisyon, pagbibigay-halimbawa, pagbibigay-kahulugan ng mga katutubong tula. Para itong primer ukol sa katutubong tulang Tagalog. Bukod sa mga impormasyong iyan, matagumpay na nailatag sa babasahing ito ang paraan ng pag-iisip ng mga:

a. Tagalog (na siyang may-akda ng mga nakalathalang tula). Halimbawa nito ay pagpapalipas-oras gamit ang intellect ng mga Tagalog. Mababanaag iyan sa mga bugtong na isang linguistic game. Kahit sa oras ng pahinga, ang isip ng mga Tagalog ay walang tigil sa pagiging malikhain.

b. Ng mga misyonero. Sapagkat marami sa mga tulang kinalap ng misyonero ay ukol sa kababaang-loob at mababanaag na maging sa gawaing pang-iskolar ay umiiral pa rin ang pagiging pari at mananakop ng mga misyonerong ito. Pinahahalagahan ng mga misyonero ang pagkakaroon ng kababaang-loob kaya marami silang inilathalang halimbawa ng mga tulang tumatalakay dito. Importante ito upang maging asal-Kristiyano ang kanilang nasasakupan. Ngunit bukod doon, maaaring hindi nila natatanto, ito ay isang paraan din upang mapanatili nilang alipin ang kanilang sinasakop. Kung ito nga naman ang lalabas na mga sinasabi’t pinahahalagahan sa mga panulaang Tagalog, malaki ang posibilidad na ito ang isasabuhay ng mga katutubong kasalukuyang nasasailalim nila. Halimbawa ng mga katutubong tulang ito ay ang sumusunod:

Mataas man ang bondoc Though the hill be high
mantay man sa bacouor and reach up to the highland,
iyamang mapagtaloctoc, being desirous of heights,
sa pantay rin aanod. it will finally be reduced to flat land.

Mataas man ang paho Though the paho tree be tall,
malangba ang pagtobo its foliage lushly growing
ang doso rin ang lalo, t, the doso herb is still better off
hangini di maobo. for strong winds can’t uproot it.

Ang kay EA Manuel ay mas nakasentro sa panahon kung kailan nagsimula ang pagsusulat ng tanaga. Sinipat niya ang:

a. salitang tanaga na sinasabi niyang wikang katutubo at hindi Kastila,
b. ang maaaring katumbas o kaanyo ng tanaga sa ibang panitikan o kaalamang-bayan tulad na lamang ng ambahan,
c. ang pagkakaroon ng talinghaga at hiwaga ng tanaga na makikita rin sa ambahan,
d. ang saknong ng tanaga na aapating taludtod na hindi makikita sa iba pang katutubong tula at malaya ang mga saknungan nito.
Inisa-isa niya ang katangian ng tanaga na nakasulat sa Vocabulario saka siya nag-imbestiga.

3. Ang pagsusuri sa tanaga. Ginamit ni EA Manuel ang tanaga bilang isang pananda ng isang panahon sa panulaaang Tagalog. Ang tanaga raw ay maaaring buntot ng matandang panahon ng panulaang Tagalog. Dahil dito, maiisip ng mambabasa kung gaano kaganda at ka-profound ang mga tulang walang impluwensiya pa ng Kastila at sa kasawiampalad ay maaaring hindi na mababasa o mapakikinggan kailanman.

Ang kay Lumbera naman ay ang function ng tanaga o ang tanaga bilang ekstensiyon ng kawikaan at bugtong. Sinundan din niya kung paano itong ginamit ng mga Tagalog. Sa una ay kadalasang para maiparating ang pangaral sa kapwa,

Bata bapag magsayi You don’t mind walking on
sa olang marayiri, in spite of the unceasing rain,
baquit damdaming burhi,i, so why be concerned that your heart
ualang pandongin moui? is exposed as it heads for home?

hanggang sa pag-usad ng tanaga bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng sarili at hindi na iyong bilang daluyan na lamang ng setimyento at perspektibo ng komunidad na kinabibilangan ng makata.

Ang palar kong nasacona, My fate has taken a bad turn,
ipinagtatanong co nga, and I would like to know
cun sinong cahalimbaua, who is like unto me,
nasa cati nagigiua. ashore but being tossed by waves.

Bagama’t marami akong natutuhan kay Dr. Lumbera, mas nagustuhan ko ang artikulo ni EA Manuel. Bukod sa ramdam na ramdam ko ang excitement ng awtor sa paraan ng pagkakasulat niya sa kanyang artikulo, (naisip ko nga, kung may audio ito ay tiyak na mabilis ang kanyang pagsasalita at medyo matinis ang kanyang boses sa excitement) ay napakasiyentipiko pa ng lapit ng kanyang pagsusuri. Animo’y isang organismo ang tanaga na palutang-lutang sa isang baso ng formalin. Hinango at pagkatapos ay saka ineksamen ni EA Manuel ang mga katangian nito at inihambing sa mga katangian ng mga organismong kasabayan niyang nabuhay ( ineksamen din pagkaraang hanguin sa kani-kanyang baso ng formalin.) At lahat ng ito ay ano? Para malaman ang edad ng organismong kung tawagin ay tanaga. Parang CSI ang dating.

Nakakatuwang may mga iskolar na hindi talaga tinatantanan ang pagsisiyasat sa matatandang anyo ng panitikang Filipino tulad ng tanaga kahit pa daan-daang taon na ang nakalipas mula nang mauso ang mga ito. Nang matapos ako sa dalawang babasahin, ang naisip ko, sana ay mabahiran din ako ng sigasig ng mga awtor sa pananaliksik ukol sa nasabing paksa. Kahit 1/4 lang ng sa kanila.

para kay bobby mula kay marie

June 3rd, 2009 by bebangsiy

Kinakabahan ako habang ginagawa ang sulat na ito para sa iyo. Hindi ba’t sa mga salita nagsisimula ang lahat? Ang pagkilala, ang pag-unawa, ang pag-ibig, maging ang buhay. Gayumpaman, sa salita rin nagsisimula ang pagkawasak, ang katapusan, ang pamamaalam. Ano at pinupuno ko pa rin ng mga salita ang papel na ito?

 

Tatlong dahilan.

 

Una, humihingi ako ng tawad. Sa lahat ng kirot na naidulot ko sa iyo, patawad. Nakakalungkot na nagkatagpo tayo sa panahong pinoproblema ko ang aking direksiyon. Marami akong gusto at di gusto. Ito. Iyan. Iyon at marami pang iba. Pero pagpihit naman ng hangin, pumipihit din ang aking isip. Iba na naman ang gusto at di ko gusto. Nadamay ka at nasugatan sa pinakamadugong riot sa buhay ko: ang riot na kinasasangkutan ng kontrabida/goon/kalaban na kung tawagin ay sarili.

 

Alam kong maraming pagkakataong umasa ka sa happy endings, sa mga posibilidad nating dalawa kung tayo ay magkakasama. Isa sa mga dahilan niyan ay ang mga binitawan kong salita sa iyo. Huwag mo sanang isipin na nang binitawan ko ang mga salitang ito ay may intensiyon akong paasahin ka’t saktan. Wala. Maniwala ka. Wala akong intensiyong ganyan. Pero nangyayari talaga na minsan, hindi nagdudugtong ang realidad at mga salitang binitawan. Kahit ako, dismayadong dismayado sa sarili. Inihihingi ko ng tawad ito. Sakaling sumugal ka ng libo-libong pag-asa sa ating dalawa, patawad.

 

Ikalawa, nagpapasalamat ako sa mga ginawa mo para sa akin. Hindi ako sigurado kung ikatutuwa mo nga itong sasabihin ko pero sasabihin ko na rin. Tingin ko’y walang nasayang na sandali sa relasyong ito. Marami akong natuklasan, naunawaan at nadama. At naniniwala akong ganon din ang naranasan mo. Kaya hindi man maganda ang kinahinatnan ng lahat, nananalangin ako na sana mas matingkad sa alaala mo ang tuwang naibigay ng relasyong namagitan sa atin. It was really extraordinary, aminin mo man o hindi. Kahit ako na mas marami nang relasyong pinagdaanan ay hindi pa nakakaranas nito. Kaya muli, salamat. Salamat.

 

Ikatlo, magpapaalam ako. Hindi ko alam kung pagkabasa ng sulat na ito, gugustuhin mo pa akong maging kaibigan o kahit man lang kausap. Pero sa tingin ko, hindi naman na mahalagang malaman kung gusto mo pa akong maging kaibigan o kahit man lang kausap. Sa puntong ito at sa ikapapayapa ng kalooban nating dalawa, ang mahalaga na lang ay masabi ng isa sa atin ang salitang paalam.

 

  

 

doon po sa pinatubo

April 26th, 2009 by bebangsiy

abril 18  eto ang date na isinet namin nina mam cora at karen bilang pinatubo day. pinag-usapan namin ito sa loob ng bus pagkagaling sa graduation ng college of commerce sa picc.

kasama dapat ang ilang co-faculty. hindi ko na maalala kung bakit hindi nakarating sa kanila ang petsa.
noong malapit na ang takdang araw, nagtataka ako kung bakit parang walang nagtetext sa akin tungkol dito. ako na ang nagresearch sa internet. at heto ang mga nalaman ko.
1. pati russia ay narating ng mga ashes mula sa pagputok ng bulkang pinatubo.
2. sa sta. juliana, capas, tarlac ang start off point. may spa doon, pinatubo spa. 
3. magrerenta ng 4×4 na sasakyan sa sta. juliana. P2500 per sasakyan at maximum of 5 pax ang puwedeng sumakay. 
4. kailangan may guide ka sa pag-akyat sa pinatubo. P200 per guide per 5 pax daw.
5. may conservation fee na P50 per pax
6. puwedeng maghike hanggang sa crater. 2-3 oras na paglalakad ang dapat paghandaan.
7. dapat magdala ng sangkatutak na tubig, sunblock lotion, sunglass at bimpo dahil napakainit ng panahon. 
nakakuha rin ako ng itinerary ng isang trip mula roon. nakakuha rin ako ng mga celno. ng mga travel agents. pero hindi ako nagtext. iniisip ko, katulad lang ito ng marami kong paglalakbay. kaya kong magpunta roon nang mag-isa at iexecute ang hike nang walang tulong mula sa anumang travel agent o agency.
kaya naman, tinext ko ng ganito:
magdala ng mga 2k. april 18 kitakits sa victory liner cubao 330am. pinatubo, maghanda ka! 
ang mga taong dapat kong kasama sa pagpunta sa pinatubo ilang araw bago ang 18. kasunod ng pangalan nila ang kanilang reply.
1. mar- kung makakapag half day ako, makakasama ako. pero kung hindi, 6am pa ang labas ko. ok na ba ang P1300?
2. weni-sori bebs kelangan kong magpatingin sa doktor para sa problema ko sa lalamunan
3. mam cora- sori hindi ako makakasama. me sipon ako. baka lalong lumala
4. rayts-naku bebang kagagaling ko lang diyan saka aakyat din kami sa mt. asog e.
5. haids-bebang hindi talaga ako makakasama at nasaid ang budget namin sa pag-uwi namin sa mindoro
6. karen- sige bebang tanungin ko rin sila pres
so si karen lang ang nagconfirm. 
gabi bago ang hike, nasa las pinas pa kami ni ej. kaya naisip ko na ring isama si iding para naman makapasyal siya. naggrocery kami sa sm sucat tapos saka lumuwas kaya naman 10pm na kami nakarating sa bahay sa qc. pinag-empake ko na agad ang mga bata  at sinabi ko kay ate na dapat ay magising siya nang 2am para makapagluto siya ng pagkain na babaunin namin.
heto ang mga inempake ko:
1. isang balot ng mentos na iba’t ibang flavor kada roll
2. pillows na party size
3. extra pair of rubber slippers
4. 1 panty, 1 bra,1 t-shirt, cap
5. breadsticks na malaki
6. 1.5 litro ng tubig
7. isang plastik na baso
8. toiletry bag na ang laman ay
    8.1 toothbrush (na magiging tatlo dahil kina iding at ej na toothbrush)
    8.2 toothpaste
    8.3 sabon
    8.4 shampoo
9.  pulang shoulder bag na ang laman ay:
    9.1 wallet kasama ang lahat ng ID at P5000
    9.2  hiram na camera (shock at water proof ito)
    9.3 cellphone na may P35 lahatext load
    9.4 lampin para pamunas ng pawis
    9.5 suklay
10. mansanas, ponkan, 2 sumo, 2 butter coconut
pinaligo ko na ang mga bata bago matulog. at pinasuot ko na rin sa kanila nang gabing iyon ang mga isusuot nila dapat bukas. pero hindi pa natulog agad ang dalawa. inihalo na ni ej ang powdered nestea iced tea nila sa mga bote nila ng tubig. 
bago ako makatulog, nagtext si karen. sasama raw ang dalawa niyang kaibigan. sina pres at bianca. nakasama ko na rin sila sa dive sa subic. ayos naman. masaya silang kasama.
pagsapit ng 2:30 am, nagising na ako. naabutan kong nagluluto si ate. pinrito niya ang ipinabaon ni mami sa amin na lumpiang shanghai. pinrito din niya ang japanese food na parang manipis na pork chop. binili namin ito sa sm sucat. nagsaing din siya. 
nagbalat ako ng isang maliit na pipino at kalahating singkamas. pagkatapos kong hiwain ang mga ito ay agad kong inilagay sa ref. naligo na ako at pagkabihis, saka ko ginising ang mga bata. 3am na iyon.
inilagay na namin ang mga pagkain at tatlong kutsara sa bag ko. tig-iisa kami ng bag ng mga bata. tig-iisang litro sila ng tubig ( na tinimplahan nga ng iced tea) sa mga bag nila. kanya-kanya ring bitbit ng pamalit na damit. tig-iisa ring mansanas, ponkan, sumo at butter coconut ang mga bata.
para pagka nagutom o nauhaw sila, hindi na nila ako kailangang tawagin. 
saktong 330am, nasa labas na kami ng bahay, naglalakad papunta sa sakayan. wala pang text si karen. sasama kaya ang babaeng iyon? baka umatras na! patay.
340am ay nasa victory liner na kami. 430am pa raw ang bus na papuntang alaminos. bumili ako ng ticket naming tatlo (P150×3=P450) saka ko tinext si karen. nasa 711 na pala sila at bumibili lang ng pagkain.isa’t kalahating tumbling lang ang layo ng 711. 
mayamaya nga ay dumating na sila at bumili rin ng tiket. pinakilala ko na ang dalawang bata sa tatlong matanda. nahihiya-hiya pa noon si iding. asuuuu….wala man lang foreshadowing na siya ang magiging sakit ng ulo ni karen hahaha
sumakay na kami ng bus pagsapit ng 430am. tapos natulog kami sa bus. kelangan naming tipirin ang aming enerhiya. gigil na gigil man akong daldalin si karen ay di ko talaga ginawa.
after an hour, pagsapit sa bus stop sa dau, tinanong na namin sa driver kung alam nila kung saan kami dapat bumaba. patay. hindi raw niya alam at walang nakakaalam. kasi sa internet, walang nagsasabi kung paanong makarating sa sta. juliana. basta ang sabi ay nasa capas, tarlac ito. ang hirap kasi talaga kapag nagco-commute ka lang. halos lahat ng kuwento sa internet, bida ang kotse. ibig sabihin, may sarili silang ride papunta roon at hindi nagtren, bus, dyip, trayk, pedicab, bangka, balsa, jetski, lobo o anuman papunta sa destinasyon. 
may sinasabing lugar na kung tawagin ay junction ang bus driver at konduktor. doon na lang daw kami bumaba para sigurado.
dumaan pa ang isang oras at bumaba na kami sa isang gas station na may katabing mcdo. iyon daw ang junction. bigla kaming nilapitan ng isang traysikel. 
Manong Drayber: saan ang punta ninyo?
kami: sa sta. juliana po. aakyat kami sa pinatubo
MD: ihatid ko na kayo doon. P300 na lang. malayo yon, e.
kami: ang mahal naman, manong. wala ho bang bus o dyip papunta doon?
MD: wala.
lumayo kami at nag-usap-usap. 
ako: tsong, imposibleng ganon kamahal ang papunta doon.
karen: hindi mo ba talaga alam kung paano makapunta sa sta. juliana?
ako: hindi, e. akala ko yung pinatubo spa e nasa highway lang.
karen: itetext ko na lang si kuya art
nagtext nga siya. tapos ako naman, naghanap ng matatanungan. me nakita akong nagtitinda ng diyaryo. heto ang instructions niya:
1. pumunta kayo sa palengke. 
2. sa palengke, may dyip papunta sa patling. sumakay kayo doon.
3. sa patling kayo bumaba. sumakay kayo ng tricycle hanggang sa sta. juliana.
paano pumunta sa palengke?
1. tumawid kayo.
2. sumakay kayo ng dyip. ayun!
yun nga ang ginawa namin.
mula sa junction hanggang sa palengke -P7.00
palengke hanggang patling -P27.00
sa dyip na papuntang patling, nagtagal kami. naghihintay kasi ito ng pasahero. yung naabutan namin ay hindi na kami kasya. kaya naghintay kaming mapuno ito pagkatapos ay sumakay kami sa sumunod na dyip. nagpuno pa rin ito bago lumarga.
kaya nagkuwentuhan pa muna kami. sinabi rin ni karen na ang instruction ni kuya art ay:
1. pumunta sa munisipyo
2. kumuha ng guide sa munisipyo.
tinanong namin sa mga lalaking nag-aasikaso ng pila ng dyip kung nasaan ang munisipyo. 2 kilometro pa raw mula roon. pero tama na raw ang dyip na sinakyan namin. patungo na raw iyon sa patling na katatagpuan ng sasakyan papuntang sta. juliana.
kaya hindi na kami nagbakasakali sa munisipyo. Hinintay na lang naming umandar ang sinakyan naming dyip. nagtanong din kami kung magkano ang traysikel mula patling hanggang sta. juliana. sabi ng drayber namin, P50 raw bawat isa. kung gusto raw namin, ihatid na lang niya kami hanggang doon. magdagdag na lang kami ng P50 bawat isa.
at talaga namang hindi ako mabilis maniwala sa sabi-sabi.
ang ginawa ko, bumaba ako ng dyip. kami pa lang naman ang pasahero kaya matagal-tagal pa bago umandar ito. pumunta ako sa paradahan ng traysikel at nagtanong. doon ko nalamang P30 lang mula patling hanggang sta. juliana. kaya ito ang sinabi ko sa drayber ng aming dyip. pumayag naman siyang dagdag na P30 na lang bawat isa sa amin mula patling hanggang sta. juliana.
45 minutes din ang biyahe mula sa palengke ng capas hanggang patling. pasikot-sikot ang ruta ng dyip. merong pasahero na after 10 minutes ay bumaba na. naawa tuloy ako. matagal pa yung oras na ipinaghintay nila kaysa sa mismong biyahe hanggang sa kanilang destinasyon. ibig sabihin, itong dyip lang na ito ang dadaan sa lugar na iyon. (e, bakit hndi na lang nagtraysikel? baka masyadong mahal) nadaanan din namin ang mahahabang palayan na may baka, kalabaw at kambing, isang transmitter, maliliit na iglesia ni cristo at maraming maraming bahay. 
pagkaraan ng 45 minutes, kami na lang ang natirang pasahero. pagkaraan ng 15 minuto, sumapit na kami sa aming destinasyon: ang pinatubo spa sa sta. juliana. huwaw. sa wakas.
kamukhang kamukha ng signboard nito ang nakita ko sa internet. eto na nga, kako sa sarili.
nadatnan namin doon ang mga 4×4 na nakaparada.
pagpasok namin sa gate, may bumati sa amin na isang mesa. punompuno ito ng tao dahil nagpi-picture taking sila. iyon na pala ang registration table. Hindi ako sigurado pero eto na yata yung DENR remote office. kasi ito yung nababasa ko sa internet. wala naman sinabi kung anong opisina ito. pero ang nakalagay sa manggas ng uniporme (dilaw na polo shirt na ang tatak ay lacoste, hindi naman isyu kung orig iyon o hindi) ng mga babaeng nakaupo sa mesa at nagsusulat sa mga papel-papel, lalawigan ng tarlac. so malamang ito ay mga tao sa munisipyo. tao ng mayor o ng governor o ng sinong politiko.
pagkaalis ng naunang grupo, nagtanong na kami. 
ako: aakyat po kami sa pinatubo. puwede po bang mag-arkila ng 4×4?
babae: meron kaming grand trek ngayon. bale package tour lang ang puwede.
ako: po? package tour? magkano po?
babae: P1450 ang bawat isa. kasama dito ang 4×4, ang guide, ang tubig ninyo, entrance fee sa skyway na P500, conservation fee na P50 per head at packed lunch. may souvenir pa kayong bag.
P1450 bawat isa. so times 3 ang babayaran ko? P4350. maglalakad kaming magtitita pabalik ng maynila?
napaatras ako. saka ko napansin ang nakalungayngay na tarpaulin sa likod ng mesa. welcome to 11th grand trek to mt. pinatubo. may event pala sila. hindi ko man lang nabalitaan sa internet.
kasya naman ang pera ko pero gusto ko talagang makatipid. nakakahinayang pa rin ang perang itatapon namin sa package kung puwede naman palang hindi magpackage. kaya once again, kinausap ko si mam.
ako: baka po puwedeng magrenta na lang kami ng 4×4, mam? tapos kukuha na lang po kami ng guide at magmamaneho sa amin. babayaran na rin po namin ang lahat ng fees na kailangang bayaran.
babae: hindi nga puwede, miss. package tour lang ang puwede ngayon.
ako: hindi naman ho namin alam, mam. galing pa ho kami sa maynila. nakakahinayang naman pong hindi kami makakaakyat ng pinatubo.
babae: e, anong gagawin natin? yun ngang nauna sa inyo, hindi rin nila alam ito pero nagbayad sila nang buo.
tinitingnan na ako nina karen. sina ej, wiling wili sa pakikipaglaro sa isang unggoy. tinitingnan na rin ako ng ibang staff doon. ayaw na ayaw ko ang ganon. nai-insecure ako. lalo akong nagmumukhang mahirap. feeling ko, naaawa sila sa amin. ang jologs pa naman ng suot ko at suot ng mga bata. nakapambahay. so feeling ko talaga, naaawa sila sa amin dahil wala kaming perang pambayad.
 
pero nagdesisyon akong mangulit pa rin. masyadong mahal ang P1450. tatawad ako.
ako: mam, baka po puwedeng ‘yong usual rate na lang po ninyo. hindi po kasi talaga namin alam itong grand trek. ano po ba ‘yan?
babae: opisyal na naming binubuksan ‘yong daan papunta sa crater na puwedeng daanan ng sasakyan. pagbaba ninyo sa 4×4, 15 minutes na lang kayong maglalakad.
lumiwanag ang mukha ni karen. takot na takot kasi siyang ma-high blood sa trek kung tatlong oras nga naming lalakarin ang pinatubo.
ako: mam, may dala po kaming pagkain. baka puwedeng hindi na namin bayaran ang tanghalian ninyo?
babae: o sige, sige! bale, P250 ang lunch. tanggalin na natin.
nabuhayan ako ng loob. P1200 na lang bawat isa.
ako: ano pa po ba ang puwede nating tanggalin mam? mabigat po kasi talaga para sa akin ang P1200.
babae: o, ayaw ninyo ng bag? ‘yon yong souvenir namin.
itinuro niya sa gilid ng mesa ang nakatambak na mga bag na kulay-papayang papahinog pa lang. 
ako: hindi na po.
e, kasi naman, hindi naman kami nagpunta roon para magka-bag. bitbitin lang sa trek ang anumang dagdag na item.
babae: o, sige. 200 yon. P1000 per head na lang.
 
yey! nagbubunyi na ang mga lamanloob ko. anlaki ng matitipid namin. pero hindi ako nagpahalata. baka puwede pa akong makadiscount. sabi nina karen, ok na kami, bebang. ok na sa amin ang P1000 per head.sabi ko, e, ako? sabi ni karen, oo nga. yun nga lang. times 3 ka pa rin. 
hindi muna ako nagsalita kay mam. patingin-tingin ako sa mga batang nasa tapat ng mga hawla ng ibon. nagkamot pa ako ng ulo. niloloko na ng ibang staff si iding. 
“iwan ka na lang dito. hintayin mo na lang silang makababa.”
nagseseryoso ang mukha ni iding. parang naiiyak na nagagalit.
ako: mam, di ba puwede talaga na huwag na kaming magpackage? di ba po makakatipid kami talaga kung walang package? magkano nga po uli?
babae: bale kung lima kayo heto ang magagastos ninyo:
P 2500 4×4 na sasakyan
P 500 guide
P 250 conservation fee (P50 x 5)
P 500 entrance fee sa skyway
_____
P3750
bale P3750 hahatiin sa lima ay P750 lang. di hamak na mas mura talaga. pero hindi nga puwede ngayon.
ako: mam, kasi po tatlo po ang babayaran ko. kasama ko kasi yung dalawang bata.
babae: e, dalawa lang naman ang babayaran mo, e.
hindi ko na napigil ang tuwa ko. P2000 para sa aming tatlo?
ako: yey! libre na raw si iding!
nagyehey din sina karen. nagyehey din ang ibang staff. binayaran na namin ang chinap-chop naming package. naghanap sila ng guide at driver namin. tapos, bago umalis, binigyan kami ng limang bote ng mineral water.  yung kayang ubusin ng isang lagok. akala ko, mga isang jug ang ipapabaon sa amin kaya isinama pa iyon sa package. aysus.
lumarga na kami. si iding, kandong ni karen sa harap. at kaming apat at ang guide sa likod.
si kuya moning ang aming guide. mahigit singkuwenta anyos na, sa tantiya ko, si kuya moning. hermogenes ang tunay niyang pangalan. sunog sa araw ang kanyang balat. kulang-kulang ang kanyang ngipin. payat siya at matangkad. bukod sa pagiging guide, liaison officer daw siya ng  brgy. captain ng sta. juliana. dito siya lumaki, nagkaisip at tumanda. saglit siyang tumira sa maynila pero bumalik din siya agad dito. nang pumutok daw ang pinatubo, nasa bukid pa siya at inaani ang mga itinanim na kamote. isang linggo bago pumutok ang bulkan, saka lamang nagpalikas ang pag-asa. kaya marami sa kanila, abalang abala pa sa bukid noon. ipinagsiksikan sila sa isang evacuation center sa tarlac.
kapampangan daw ang wika nila sa tarlac. noong bata siya, inaakyat niya, kasama ang mga kaibigan, ang mga bundok. lahat ng nakikita sa paligid ng ilog (na mukhang disyerto nang daanan ng aming 4×4) ay mga bundok pati ang pinatubo. nang pumutok ang pinatubo saka lang nila nalamang bulkan pala iyon. 
ay bulkan. may bulkan pala rito sa amin. para raw ganon.
marami rin daw kuweba sa sta. juliana. sakop ng kanilang barangay ang malawak-lawak na lupaing dinaanan ng aming 4×4. kung gusto ko raw i-explore ang mga kuweba at bundok, manatili raw ako doon nang isang linggo.
hmm…napakalaki talaga ng Pilipinas. at napakarami pang dapat tuklasin. bakit nga ba nagsisiksikan ang mga pinoy sa mall? 
si kuya, (hindi ko nakuha ang pangalan niya, sorry, pero dapat alam ito ni karen. naririnig ko kasing tinatanong-tanong din niya ito during the trip) ay mahusay magmaneho. sa buong trip namin, hindi kami nabalagoong ever. may mga nadaanan kasi kami, noong papunta pa lang kami sa crater, na sasakyang na-stuck sa maliliit na ilog. hindi makaahon ang kanilang 4×4. nabaon sa buhangin ang gulong. ayun, tinanghali yata sila sa kanilang spot. 
noong pabalik naman kami, nabalahaw ang nauna sa aming sasakyan. nag-u-turn kami dahil ang sasakyan daw namin ang hihila sa sasakyan nila. malayo pa kami sa pinatubo spa. malayo pa sa anumang tulong. kaya feeling good samaritan kami. at naiangat naman ni kuya ang sasakyan na nabalahaw.
para kaming nasa disyerto. manaka-nakang batis at mababaw na ilog ang umiistorbo sa kilo-kilometrong buhangin. O’ Donnel river yata ang tawag sa paputol-putol na ilog na nakita namin. malaking ilog daw iyon noon sabi ni kuya moning. bago pumutok ang bulkan.
marami rin kaming nadaanang bundok. na baka maging bulkan din someday. 
hindi kami nainitan sa biyahe. masuwerte kami dahil maulap nang araw na iyon. may bahaging maalikabok pero hindi naman ganoon kaalikabok. ni hindi ako nagtakip ng bibig at ilong during the 4×4 ride. 
sabi ni kuya moning, nadaanan na raw namin ang boundary ng tarlac at ng zambales. a…wala man lang arko. ni walang karatula na nagsasabing thank you very much you are now leaving brgy. sta. juliana. or welcome to zambales, the home of the sweetest mangos in the whoooole world. ano ba? bakit wala? natatakot ba silang gastusin ang pera ng bayan para rito? 
nadaanan din ng aming 4×4 ang pansamantalang kampo ng mga nagte-training na kanong sundalo. yon daw ang vfa, sabi ni pres. first time kong makakita noon. andaming tent. andaming lalaking puro naka-fatigue na stripe-stripe. may mga dala pa silang mahahabang baril.  may mga sasakyang panggera, yung parang owner type jeep na kulay green din. at pag-usog-usog pa namin nang konti, me nakita kaming tangke. iyong panggera. 
baril, tangke, ano pa kaya ang nasa kampong iyon? at para saan ang mga iyan? tine-training sila para sa gera? e, para saan ba ang gera? di ba para sa pagkawasak? ng tao?ng buhay? ng mga gamit? ng mga estuktura? ng mundo?
e anak ng teteng ang gobyerno natin. bakit pinapayagan ang mga ganito sa sarili nating lupain? puwede kayang magtraining-training na lang sila sa ibang bansa? ano bang naidudulot niyan sa atin?
nabasa ko noon na may isang mataas na opisyal ang sumagot ng tanong na ito. 
magbebenefit daw ang pilipinas dahil maaambunan ng talino sa training ng mga sundalong kano ang mga sundalong pilipino. o, aber, naambunan nga ba? at kung naambunan nga, para saan naman yan gagamitin? sa gera na naman? sa walang katapusang wasakan ng bahay at buhay? po-ni-ye-ta. 
dapat pag-isipan na talaga ng mga tao lalo na ng mga hene-heneralan ng ating bansa kung ano nga ba ang napupurat natin sa mga gera. at kung sino ba ang nakikinabang diyan dahil malamang iyan ang pasimuno ng mga ito.
pero siyempre, ngayon ko na lang naiisip ang mga bagay na iyan. dahil nang dumadaan kami sa mga kampong napapalibutan ng makikintab at mapuputi pang barbed wire, nagtutuksuhan kami nina karen, pres at bianca. 
uy, mga smith. mga black! brown! mga bird! 
ang tinutukoy namin ay mga apelyidong kano.
ako: pagkakataon mo na ito, karen. baka nandito lang ang iyong tadhana.
mayamaya lang ay sumapit na kami sa paanan ng skyway. isang nakaframe na tarp ang bumati sa amin. welcome to skyway, sabi nito. 11th grand trek to mt. pinatubo. from kong reycat. tapos may mukha ng isang lalaki. iyon daw ang mayor nila sabi ni kuya moning.
kong reycat. e bakit po chinese? tanong ko.
hindi. hindi ‘yan chinese. tagadito yan. sa susunod na eleksiyon, tatakbo nga iyang congressman dahil tapos na ang tatlong term niya na mayor siya.
kakaiba ang pangalan. kong reycat. parang animalistic na chinese.
bumaba kami para magpiktyuran.
akala ko ay may toll gate doon na mangongolekta ng P500 namin (na manggagaling na sa drayber dahil nagbayad kami ng “package”. kasama daw kasi talaga iyon sa babayaran namin. pero wala. wala akong nakitang tollgate. inaasahan ko rin na sementado ang skyway dahil sa pangalan nito. pero hindi. patag at hinawan lamang na kalsada ang bumungad sa amin.
gayumpaman ay enjoy naman ang ride. taas-baba ang hugis ng kalsada. skyway sigurong natagurian dahil may mga point sa biyahe na kasintaas na namin ang mga bundok na kanina lang ay tinitingala namin. higit ding malalaki ang ulap doon. parang anlapit-lapit na talaga sa langit. 
may mga nakita rin kaming aeta. kulot at maiikli ang kanilang buhok. nakapaa ang karamihan sa kanila. maitim sila. at maliliit na tao. merong isang couple ng aeta ang nakita naming naglalakad. may dalang kalderong maliit ang babae. sabi ni kuya moning, ang mag-asawang aeta raw ay laging magkasama. kapag nangunguha raw ng puso ng saging ang mga lalaki, kasama nila ang asawa nila.  
saka namin napansin maraming puno ng saging sa paligid. 
ako: manguha tayo ng bunga, kuya. 
kuya: wala nang bunga ang mga iyan. kasi ang kinukuha lang diyan e yung puso. at kapag kinuha na ang puso, hindi na nagbubunga ang puno.
mga walang puso na pala itong mga nakapaligid sa amin. kaya naman napasigaw ako, “mga walang puso!”
napansin ko rin ang kakaibang talahib doon sa gilid-gilid ng skyway. parang may sanga-sanga ng talahib ang talahib. lasa (maragsa ang bigkas) daw ang tawag doon. may mga puno rin na kamukha ng bunga ng aratilis ang bunga. alarong daw ang pangalan ng punong iyon. napakanegatibo, ano? ala na, wrong pa.
may nadaanan din ang aming sasakyan na mga kabataang aeta. parang teenager. mga lalaki. may dala silang baril na mahaba. nakatingin sila sa amin. halos lahat ng na-encounter kong aeta, nakatingin sa amin. parang hndi sila sanay na makakita ng mga taga-patag.
naalarma ako sa baril na mahaba. 
ako: kuya, ba’t may ganyan?
kuya moning: nangangaso sila,e.
ako:  may mga hayop po ba dito? 
kuya: mga baboy-damo.
dumaan kami sa isang mabatong ilog. andami naming nakitang aeta doon. iyon yata ang kanilang public bath. andami ring damit na nakalatag sa bato-bato. may palda, salawal ng bata, sando ng baby, shorts, pantalon, kumot, kamiseta. may nakita rin kaming naglalaba. may nakita naman kaming paalis na. papunta sila sa direksiyon na pupuntahan namin. isang matandang babaeng aeta, siguro nasa 60 na, kahit kasi walang ekspresyon ang kanyang mukha ay marami nang guhit ito, at isang batang aeta ang napansin ko. yung matandang babae ay nakabulaklakin na bestida.nakapaa siya.
grabe, nakakaya niya ang magpaa sa edad niyang iyon? 
nadaanan din namin ang isang kumpol ng mga bahay kubo. sabi ni kuya moning, aeta village daw iyon. dati ay nasa 20 ang bahay doon. ngayon ay parang mga lima na lang. wala raw kuryente sa bahaging iyon ng zambales. lamparang de gaas lang ang gamit ng mga aeta. paminsan-minsan, bumababa ang mga aeta sa bayan para ibenta ang mga puso ng saging at para bumili ng gaas. tapos aakyat din sila agad dito.
parang ang hirap ng buhay nila. hindi ko maimagine ang buhay na walang kuryente. hindi naman ako maka-meralco pero mula’t sapul kasi ay may switch ng ilaw sa bahay namin. pag nadidiliman ka, isang klik mo lang, babaha na ng liwanag. pero dito, pag naubusan ng gas, e di andilim-dilim na?
wala silang tv. ano ang form of entertainment nila? 
pero baka mas nahihirapan sila kapag sila naman ang nakakaalam ng buhay natin. ha? may tv kayo? anong tv? paano buksan yon? may bayad ba yon? ano ang pinapanood ninyo? paano kayo naaaliw sa mga pinapanood ninyo? laptop? ano yon? libre ba ang paggamit noon? saan kayo nakakakuha ng laptop? paano ba gamitin yan? cellphone? ipod? psp?
naisip kong ang level of comfort ay dinedefine ng bawat tao. hindi yan pare-pareho. hindi universal. gayundin ang kaligayahan. siguro kung ganito, katulad ng sa aeta, kapayak ang paraan mo ng pamumuhay, mas madali kang maging maligaya. 
ngayon, sino nga kaya sa amin ang mas masaya ang buhay?
ilang saglit pa ay humantong kami sa paradahan ng 4×4. andaming 4×4. nasa isandaan yata. kaya naiimagine na namin na magmumukha siguro kaming langgam sa pinakalabi ng crater. para ngang langgam sa rim ng isang baso.
bawat 4×4 ay nasusulatan ng pangalan ng mga nakasakay doon. at may pangalan ang kanilang grupo. cubcub group. tanay group. 
e yung sa amin? narinig ko kanina, bago kami umalis, beverly group daw kami. nako. buti na lang hindi ipinaskil sa aming sasakyan. masyadong western. at para sa tenga ko, masyadong baduy. 
nagsimula na kami sa aming trek. medyo mabagal ang aming pag-akyat. yung dapat na 15 minutes ay naging 30-40 minutes sa amin. pero hindi mahirap ang trek. wala nang mas hihirap sa mt. ampacao, para sa akin.
kaya lang kami natagalan ay dahil marami kaming nakasalubong na pababa na mula sa crater. saka si bianca, nakarubber shoes.actually dalawa sila ni pres. pero si pres, pagkatapos ng mga 10 mins na paglalakad ay inilubog na ang rubber shoes. kaming lahat nakasandals kaya puwedeng puwede kaming umapak sa tubig. si bianca nakabagumbagong fila. puti pa naman. kaya pinipili niya nang husto ang dadaanan niya. tuntong siya nang tuntong sa mga bato para hindi mabasa ang sapatos niya. may cascading na tubig kasi sa 70% ng trek. ang ganda-ganda nga kasi para siyang inayos ng isang batikang landscape architect ang daraanan. parang di ako makapaniwalang natural ang mga batis at mumunting ilog doon. parang manmade nga.
may nadaanan din kaming isang batis na napapaibabawan ng makitid na tubo. malinis daw ang tubig mula sa tubo na iyon. sumahod agad ako sa palad at uminom. talo pa ang viva mineral water sa linamnam.
nakasalubong namin si kong reycat. dahil layo-layo ang agwat namin nina karen at ako, si bianca at si kuya moning ang nasa dulo ng pila namin, kami lang ni bianca ang naipakilala sa mayor. naghello-hello lang kami at siya naman, sabi niya, mag-enjoy lang kayo. nakilala din namin ang brgy. captain ng sta. juliana. kilalang-kilala itong si kuya moning ng mga tao. lalo na iyong mga taga-munisipyo. pati nga ang mangilan-ngilang mga aeta na nadaanan namin, kakilala siya at kilala niya.
finally, naabot namin ang tuktok pagkatapos ng mga sampung beses na pagsasabi ng mga nakasalubong namin ng, “malapit na. 5 minutes na lang.”
sa pinakatuktok, bigla kong nakita ang matandang babaeng aeta na nakabulaklakin. nauna pa sa amin. sigurado akong siya iyon dahil sa damit niya at kasama pa rin niya ang batang nakita ko rin kanina sa ilog. napiktyuran ko pa sila. marami na namang aeta doon. babae, bata, matanda, lalaki. tapos nakakita kami ng tambak-tambak na mga bato sa gilid ng maliit na daanan. sabi ni kuya moning, gumagawa raw ng riprap ang mga aeta. sila ang kinomisyon para gawin iyon. 
nakakaawa naman sila. napakabigat na ng gawaing paghahanap ng pagkain sa bundok. pati ba naman ang trabaho o paghahanap ng pera ay mabigat pa rin? wala bang mas mainam na trabahong puwedeng ibigay sa kanila? ano ba ang kanilang mga skill at kaalaman na puwede nilang ipreserve? baka puwedeng bayaran sila ng gobyerno para lang ipreserve nila ang mga ito? hindi iyon hahatakin sila sa konsumerismo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trabahong napakamanwal.
naalala ko tuloy ilang pasko na ang nakakaraan nang magpasko ako mag-isa somewhere. bago ako lumabas ng tinuluyan ko, nakabasa ako ng isang pdi. isa sa mga balita doon ay ang pagbaba sa bayan ng isang etnikong grupo mula sa kanilang ancestral land sa davao. bakit sila bumaba? para mamasko, manghingi ng pera. sasayaw sila ng kanilang katutubong sayaw suot ang katutubo nilang damit. 
marami ang nagalit sa ginawa ng etnikong grupo na ito. nakakawalang pride daw ang ginawa nila. nakakahiya. ganon na ba sila kadesperadong kumita? 
ako, naawa. 
at rumehistro sa isip ko ang mga tanong na ito:
1. bakit nga ba nangangailangan ng pera ang mga etnikong grupo na ito? 
2. dahop ba sila? kung oo, bakit?
3. may ginagawa ba ang mga taga-bayan para matulungan ang mga etnikong grupo tulad nila? e ang pamahalaan kaya? paano ba tingnan ng pamahalaan ang mga ganitong grupo? pangmuseo? pang-wow philippines show? 
4. may kinalaman kaya sa nangyayari sa mga etnikong grupo ang masigasig na pagtangkilik ng mga pinoy sa musikang galing sa ibang kultura? 
5. e, ako kaya? may ginagawa ba ako para naman hindi maisip ng mga etnikong grupo na manghingi ng pera sa ganoong paraan? 
6. o in the first place, hindi ko alam na nag-eexist sila?  
nakakalungkot talaga. kung ako ang gobyerno, magbubuhos ako ng pera para sa mga taong ito. sige, tumugtog lang kayo at sumayaw ng inyong musika at sayaw, hindi na ninyo kailangang mamroblema sa buhay. pakakainin ko kayo, bibigyan ko kayo ng tirahan, pag-aaralin ko ang pamilya ninyo. lahat-lahat.ni hindi ninyo kailangang bumaba sa bayan. dahil ire-require ko sa lahat ng paaralan na kilalanin kayo ng mga estudyante. at sila, silang mga taga-bayan, silang may mga sapin sa paa ang dadayo sa inyong lugar. maghirap sila para lang makadaupampalad kayo.
back to the aeta case…
siyempre, maganda pa rin na nagkakahanapbuhay sila. pero iyon nga, sana ibang trabaho na lang. o di kaya magtawag na lang ng volunteers ang gobyerno para sa paggawa ng riprap na iyon. para bang yung ginagawa ng gawad kalinga. tapos ang pinakapremyo ay yung mismong pag-akyat ng mga volunteer sa mt. pinatubo. kumbaga, libre na ang lunch, 4×4 at iba pa. nakapagpromote ka na, nakapagpagawa ka pa ng riprap. at ang pinakamaganda roon, nakapagbigay ng essence sa mga tao dahil volunteer work iyon.
hay. bakit nga ba hindi makaisip ng mga ganitong packaging ang mga tao sa gobyerno?
nang makita ko ang crater, parang nagcatwalk sa isip ko ang mga retratong nakita ko sa internet. wala talagang kapantay ang makita ito sa personal.  
magical. enchanting. paradise. art.
yan ang masasabi ko sa pinatubo crater. napakaganda talaga. parang painting. parang hindi totoo. at kung totoo man, parang nakakapanibagong dito sa pilipinas ito matatagpuan.
aquamarine ang kulay ng tubig sa crater. luntian naman ang nakaharang na mga bato at bundok dito. mahalaman sa buhanginang malapit sa tubig. 
nagpicture-picture kami doon bago bumaba sa isang napakatarik na hagdan. sa baba, nakahanap kami ng maliit na punong masisilungan. itinambak namin ang mga gamit namin. yung dalawang bata, nagsibihis agad para maligo sa lawa.
inihanda na rin naming matatanda ang pagkain. noon namin naramdaman ang gutom. wala kaming almu-almusal. pamentos-mentos lang kami sa buong biyahe. nagsalo kaming lahat sa mga dala naming pagkain. hindi naman mahirap yakagin si kuya moning. ginawa naming plato ang mga takip ng plastic container ng pagkain. nanguluntoy man ang lumpiang shanghai ng nanay ko, the best pa rin daw ito sabi ni pres.
pagkakain, naghubad na ako ng pantalon. naka-shorts na kasi ako sa loob. sinubukan kong maligo kaya lang giniginaw na naman ako. kaya patampi-tampisaw lang ako sa tubig. naglibot-libot din kami sa paligid. hindi naman puwedeng magswimming sa gitna ng lawa dahil malalim daw iyon sabi ni kuya moning. hindi naman malinaw ang tubig kaya di mo talaga makikita ang ilalim. 
kung gusto mo namang magbangka, dapat ay nagbayad ka ng P250 (per head) sa sta. juliana. may nag-aabang na maliliit na mga bangka sa pampang para itawid ang mga taong nag-avail ng ganong adventure. sayang at hindi namin nabalitaan. curious din akong makita ang kabilang bahagi ng crater. kasi mula sa pinagtatampisawan namin, maliit na bahagi lang nito ang kita. may nakaharang kasing parang bundok.
sabi ni kuya moning, sa gitna raw ng lawa ay mainit ang tubig. ngi. nakakatakot. baka naman biglang mabutas ang sasakyan kapag ganon. at tunawin na lang ang katawan ko pag lubog ko. sabi rin niya, sa kabila raw ng bundok na humaharang sa tubig, iyong nasa gawing malayo mula sa pampang, ang pampanga na. pampanga! isa na namang lalawigan.
maraming tao nang dumating kami. may dalawang lalaking foreigner. may tatlong grupo ng,mukhang, yuppies at mayroong babae’t lalaki, mukhang magjowa. kami lang ang may kasamang bata.
pagkakain, lumipat kami sa isang buhanginan. dumaan kami sa mga hala-halaman. pagdating doon, nagtampisaw kami sa baybay. sabi ni ej, ibaon daw namin sa buhangin ang aming mga kamay. anlamig! kakaiba. malamig ang buhangin, parang ref. pero hindi naman malamig na malamig ang tubig. 
after 15 minutes, biglang umambon. tapos lumakas nang lumakas. bumalik na kami sa puno para isecure ang mga gamit namin. nag-alisan na ang mga tao. kumbaga sa shooting, pack up. kami, nagtiyaga sa location. kaya pagtila ng ulan, wala nang katao-tao. kami lang.
amin na amin ang crater. tanghaling tapat iyon. 
ako: kuya, may umaakyat pa ba nang ganitong oras?
kuya: wala na. lahat ng tao, dapat pababa na o naghahanda na pababa pag ganitong oras.
kaya naman haping hapi kami. imagine, parang inarkila namin ang buong bulkan? 
enjoy na enjoy ang dalawang bata.si bianca, nakaupo lang. may dala siyang camera at tripod, palagay ko e, nagpicture na ito nang nagpicture. sina karen at pres, hindi masyado naligo. ako, naligo rin eventually. gusto ko sanang lumayo sa pampang kaya lang natatakot ako. baka higupin ako pailalim. nang magsawa ako sa tubig, umupo ako sa buhangin at nagmasid na lang. 
maganda talaga ang lugar na iyon. naisip ko tuloy, hindi malayong may magtayo ng mansyon dito. at malamang foreigner ang unang gagawa non. lagi kasing ganon. foreigner ang nauuna. bansa na nga natin, sila pa rin ang nauuna? ewan ko lang talaga kung bakit. pero hindi ba delikado? e kung pumutok uli iyon? nagtataka rin ako sa kulay ng tubig. bakit siya aquamarine? samantalang makulimlim ang langit. dapat medyo gray ang tubig. kasi di ba, sinasalamin lang naman ng tubig ang langit? e, eto, talagang aquamarine. pag sumalok ka ng tubig gamit ang baso baka mapagkamalan mo pa nga itong guyabano juice, e. 
ano kaya ang nasa ilalim ng tubig? gaano kalalim ang tubig? puwede kayang inumin ang tubig?
sabi ni kuya moning, wala raw halaman na tumutubo sa ilalim. wala rin daw hayop. walang nahuhuling isda doon.
ako: may nakapagdive na po ba dito?
kuya: dati, may tumingin na riyan. pero hindi na naulit.
sayang naman. dapat chine-check ito ng mga tamang ahensiya o organisasyon. ano, ganyan lang iyan? titingnan lang ng mga tao? napansin ko nga, ni walang marker. ni walang mababasa tungkol sa mt. pinatubo. susmaryosep. kung wala kang guide o kaya ay di ka matanong, wala kang malalaman doon tungkol sa mt. pinatubo kundi, isa itong bulkan.
kung ako ang gobyerno ganito ang gagawin ko:
1. ipapaimbestiga ko ang lawa. anong klaseng tubig mayroon ito? gaano ito kalaki. gaano ito kalalim. ano ang matatagpuan sa ilalim. kung may matatagpuan na anuman, magpapakuha ako ng maraming sample. kasi ilalagay ko ang iba sa >>> number 2.
2. magtatayo ako ng parang center doon. ilalagay ko ang mga retrato ng before, during at after the pinatubo eruption. lalagyan ko ng mga caption sa wikang ingles at filipino. maglalagay rin ako ng mga bato na nakukuha mula sa bulkan. lalagyan ko ng label. maglalagay din ako ng sample ng lahar. o tumigas na lahar. saka mga bagay na nabubuo mula sa lahar. yung mga paper weight na gawa sa lahar o buhangin mula sa pinatubo. yung iba for  display. yung iba, for sale. o may isa pa akong layunin diyan, ipromote ang filipino sculptors. maglalagay din ako ng picture story kung paano at bakit sumasabog ang bulkan. lahat iyan sa wikang ingles at filipino. gagawin ko itong makulay para madaling maintindihan kahit ng mga bata.
3. magpaparesearch din ako. baka may historical significance ang pinatubo bago ito pumutok. aba magandang ipromote ang makulay nating kasaysayan hindi ba?
4. maglalagay na rin ako ng mga retrato ng mga tourist spot na malapit sa pinatubo. at dapat may kaunting impormasyon sa ibaba ng bawat retrato. maglalagay na rin ako ng impormasyon tungkol sa mga pagkain na maaaring mabili sa vicinity. sa totoo lang, wala kaming nabiling pasalubong. wala naman yatang native na pagkain doon. sa dau, ang ibinebenta ng mga tindero ay hotdog, cheeseburger at makapuno na gawa sa laguna. laguna. e nasa pampanga yung bus.
5. magpapagawa ako ng website na magpopromote sa bulkan na ito. hindi lang bilang tourist destination kundi bilang educational/geological destination. pag nangyari iyan, mas magiging maingat ang mga taong pumupunta sa lugar na iyan dahil ultimo buhangin, may kabuluhan.
at aba, meron pa bang malapit-lapit sa maynila na bulkan na kamakailan lamang ay sumabog? puwede rin itong pag-aralan kahit ng mga banyaga, hindi ba?
tapos lalagyan ko rin ng 24 hours na parang surveillance camera. naka-feed sa website ang anumang masasagap ng camera na iyon. para makita ng mga tao anytime ang present na hitsura ng crater. 
andami-daming posibilidad ng lugar na ito. bakit hanggang pagpapaarkila ng 4×4 lang ang naiisip ng mga sumingil sa amin? hmmm….
naiisip ko nga rin iyong siningil sa aming conservation fee na sa ordinaryong araw ay P50 per head daw. saan nga ba napupunta ito? sa pangongolekta ng basura? masyado naman yatang mahal. saka may nakita akong lalaki, taga-munisipyo daw ayon kay kuya moning, nagtapon ng upos ng sigarilyo sa batis na dinadaanan paakyat ng crater. aba, hindi yata environmental friendly itong mamang ito.
ayon kay kuya moning, sila-silang mga guide ang nagpupulot ng basura. ibinababa nila ang mga ito para itapon sa tamang lugar. nakakabuwisit nga talaga dahil maraming bote ng mineral water doon. iniiwan na lang ng iba.naku,  baka magalit ang bulkan at sabugan sila, e.
pagsapit ng ala-una, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. dali-daling inilabas ni kuya ang kanyang plastic na parang sako ang laki. sumaklob kaming lahat doon. nasa ilalim namin ang mga gamit namin. 
nakakaawa kami. parang bigla kaming nagsisi. ba’t naman nagpaiwan pa kami? kasi, walang masisilungan doon. kahit isang pirasong plywood, wala.
pero merong isang pirasong banyo na gawa sa yero ang dinding. lahat kami nagtakbuhan doon. sumiksik kaming anim sa banyo. na kalahating dipa ang laki at lapad. si kuya, kawawa naman. kasi nakataklob lang siya ng plastic at naiwan siya sa labas. hindi na kasi kami kasya. nakikiagaw pa ng espasyo ang isang munti at puting inidoro.
mga 15 minuto kami sa loob ng banyo. nainip ang dalawang bata kaya kumain sila ng pillows. inalok namin ang iba pero ayaw nila. tawa nang tawa si karen. sabi niya, sino ba naman ang magkakaganang kumain dito e kubeta ‘to. itinuro niya ang mga nagkalat sa kahoy na nagsisilbing frame ng mga dinding, “hayan, meron pang mga napkin-napkin.”
eooow…
pagkatapos ng ulan, naisip naming pagsama-samahin na lang at iplastic ang mga damit na tuyo. maghahike kami na basa ang aming damit. at sasakay kami sa 4×4 nang ganon. doon na lang kami sa sta. juliana magpapalit ng damit.
umakyat na uli kami sa matarik na hagdan. sa pinakatuktok, may isang parang waiting shed na aming pinagpahingahan. napagod kasi nang husto si karen. sabi nga ni kuya moning, dapat tibagin ang hagdan na iyon at ang gawin na lang, patagin ang isang bahagi ng nakaalsang lupa. para gradwal ang pag-akyat at pagbaba sa crater. mahirap daw kasi talagang akyatin at babain ang hagdang napakatarik. paano na raw iyong mga senior citizen, halimbawa?
Kahit nakapahinga kami, enjoy na enjoy pa rin, kasi kumakain kami ng breadsticks habang pinagmamasdan ang buong crater. kita ito mula doon.
nakipagkuwentuhan naman si kuya moning sa ilang aeta na naroon. nang pababa na kami, nasabi niyang malayong kamag-anak pala niya ang parang foreman ng mga aeta. naka-first year college daw ito sa engineering noon. iyon ang nagmamando sa mga aeta sa paggawa ng riprap.
naging mas madali ang pagbaba papunta sa paradahan ng 4×4. si iding, pinagliliguan ang lahat ng batis na madaanan. kung sino pa ang libre, siyang pinakanag-enjoy sa lahat. uminit na rin ang araw nang time na ‘yon pero wala kaming reklamo kasi basa ang aming katawan. hindi ganon kasakit sa balat ang araw.
nakababa kami mga alas-dos na ng hapon. bigla na nga lang natapos yung hike. as in bigla. bumulaga yung paradahan ng 4×4. tapos na. wala na kaming tutuntungang mga bato, tatampisawang mga batis, kakapitang mga sanga. nakaramdam ako ng lungkot. ambilis ng pababa. ninanamnam ko pa ang ginhawang hatid ng nanay ko, ang kalikasan.
binigyan namin ng apol si kuya driver. nalimutan namin siyang iwanan ng pagkain para sa tanghalian. sabi niya, aabutan daw kami ng exercises ng mga sundalo. nagworry kami sa aming sasakyan. hanggang 430 pm lang daw ang huling biyahe ng dyip mula sa patling pabalik ng capas. 22-25 kilometers din ang layo noon, aba.
kaya sumakay na kami at lumarga. pero sa gitna ng aming paglalakbay, huminto kami sa isang malawak na disyerto. may nauna nang dalawang 4×4 doon. pinahinto raw sila. sa di kalayuan ay may tent na pinaliligiran ng ilang patpating sundalo. hindi pa raw tapos ang exercises ng sundalo at bawal dumaan ang mga sibilyan. ay, lintek. wala bang ibang lugar na puwede ninyong pagpraktisan at ito pa talagang dinadaanan ng mga turista ang napeperhuwisyo? disyerto ba ang kailangan ninyo? bakit di kayo magpraktis sa middle east? o sa nevada? 
doon kami nabalagoong. mga isa’t kalahating oras kaming naghintay. may mga helicopter pang dumadaan-daan. para mapawi ang aming pagkabagot, nakipagtsikahan kami sa mga katabing 4×4.
actually, sila ang unang nakipag-usap. si bianca ang kinausap. pero girl of few words talaga itong babaeng ito kaya wala silang masyadong napurat sa kanya. tinanong ako at si karen at si pres ng pangalan, trabaho at bahay. sila rin tinanong namin. ang isang 4×4 ay may laman na dalawang lalaki at isang may edad nang babae. si mam ay mukhang boss. batay sa kanyang asta at pagsasalita, para siyang babaeng sanay na may mayordoma sa bahay. ang isang 4×4 ay may isang lalaki at dalawang babae. hindi ko agad nahalatang may laman na babae kasi nakatabing sila ng kumot at kung ano-anong tela nang tingnan ko ang ssakyan nila. tulog ang dalawang babae. 
unang 4×4
sila pala, eric lang ang natatandaan kong pangalan, ay taga-cainta/antipolo area. actually, head office lang nila ang nandoon. ang isa pa nilang opis ay nasa ibang bansa. LA to be exact. kaya sila nagpunta sa pinatubo ay upang kunan ito ng video. ibinebenta raw nila sa ibang bansa ang lugar na iyon kasama ng palawan, batanes at iba pa. so isa silang parang travel agency. si mam ay taga-canada raw. mukhang siya ang may-ari ng agency na iyon.
kasama nila ang mga nasa ikalawang 4×4
nakakuwentuhan ko ang lalaking nasa ikalawang 4×4. siya raw ay taga -DFA. medyo madaldal itong mamang ito. heto ang kanyang mga sinabi:
mama: expired na ba ang passport mo?
ako: hindi po. ok pa po.
mama: kasi kung expired na matutulungan kita. marami kasing hiring ngayon. lalo na sa middle east. me opening doon puwedeng puwede ka. me cashier, secretary, food handler. ano ba ang tinapos mo?
ako: sa writing po.
mama: a….pero puwede ka pa rin namang magcashier. malaki ang suweldo doon, e. mga nasa 1000 dollars. mahirap lang doon kasi medyo abusado ang mga employer. pero makakapag-adjust ka rin. meron din sa saudi. saan mo ba gusto?
ako: sir, wala pa po akong balak magtrabaho sa abroad.
mama: a, ganon ba? pero sayang malaki ang suweldo roon.
hmm.. kung sa ibang pagkakataon kami nagkakilala ng lalaking ito, malamang nilabanan ko ito sa debate. pero dahil pa-easy-easy lang kami nang araw na iyon, wala naman akong ginawa kundi magpaalam sa kanya nang maayos para bumalik sa sarili naming 4×4. pagbalik ko, andami na palang dumating na 4×4. nagkumpol-kumpol ang mga drayber at guide sa isang sulok at nagkuwentuhan.
kami, naglaro ng charades. si ej ang nagpapahula.
pinahula niya ang xmen at mr. bean.
naglaro rin kami ng paramihan. paramihan ng cartoon characters na nag-uumpisa sa s.
superman, spiderman, scoobydoo, smurf, storm, sayklops sabi ni karen.
paramihan ng ulam.
adobong kangkong, sinigang na baboy, tahong, itlog na pula, porkchop, teriyaki, siomai, shawarma
local kami nung una tapos nung nagkakaubusan na naging continental at nung lalo nang nagkakaubusan naging pangroyal at indigent family na ang mga ulam na sinasagot namin sa isa’t isa. 
lumabas diyan ang cordon bleu, sabaw na may betsin, mantikang may toyo at iba pa. nang wala nang mahalukay ang aming isip, tamang tama namang sinabihan kaming puwede na raw tumuloy. 4pm na iyon nang hapon.
para tuloy kaming nasa karera nang sabihin sa aming “puwede na!” halos sampung 4×4 din ang natengga sa lugar na iyon. sampung 4×4 din ang sabay-sabay na umandar.
nakita namin uli ang mga tangke, sundalong may mga baril, ang mga helicopter, ang mga tent. at sa dulo ng mala-disyertong bukid merong isang lugar na kinatatayuan ng mga tiangge-tiangge. may nakita kaming mangilan-ngilang sundalo na nakatambay sa mga tiangge. ang iba, umiinom ng nakaboteng inumin (parang coke), yung iba, nakatungo, kumakain, yung iba nakikipagkuwentuhan sa kapwa sundalo, yung iba nakikipagkuwentuhan sa babae. sa babaeng mukhang taga-roon.
biglang nagtanong si ej. ma, ano ‘yan?
a, yan ang mga lugar at dahilan kung bakit may mga david garcia. 
tumingin sa akin si karen at ngumiti. 
ha? ano? 
ej, diyan sila bumibili ng iba nilang pagkain.
at lumampas, sa wakas, ang aming 4×4 sa suryal na lugar na iyon.
nakarating naman kami nang ligtas sa sta. juliana, pinatubo spa. kaya lang, obligado na kaming umarkila ng traysikel hanggang capas dahil wala nang dyip mula patling hanggang capas. sabi ng staff ng opisinang nagbenta sa amin ng package tour, bawal daw maligo sa banyo nila. puwede lang, maghilamos at magbihis. aba, masaya ito. e wala rin namang banyong maliliguan sa crater. saan nila ine-expect na maligo ang mga tao? sa ulan?
pagkatapos naming magbihis sa kanilang banyo, sige na nga thank you na rin, puwede ko na raw makuha ang aming certificate. kaya pumasok ako sa loob ng opis para nga kunin iyon. naabutan ko si mam, yung nakausap ko tungkol sa package-package, na nagpapasuweldo ng mga tao.nagpasalamat ako sa kanya at ibinalita kong kung sino pa ang “libre” ay siya pang pinakanag-enjoy sa lahat. si iding ang tinutukoy ko.
nakakatuwang may certificate pa kami. pirmado ito ng isang babae, ang brgy. captain at ni kong reycat. na ang tunay palang pangalan ay reynaldo catacutan. yung kong ay hindi pala pangalan kundi parang promosyon ng pagtakbo niya bilang congressman sa 2010.
binigyan ko ng tip na P500 si kuya moning. buong araw naman kasi namin siyang kasama at alam ko mura lang ang nakukuha niyang suweldo mula sa opis na umaakting na ahente ng mga guide doon. sina karen, bianca at pres naman, nagbigay ng P300 sa aming driver. hinanapan kami ni kuya moning ng traysikel na puwedeng lumuwas hanggang capas. pero ang presyo? tumataginting na P300 kada traysikel. patay. yan ang mahirap kapag wala talagang sasakyan. napapagastos sa traysikel. 
tumawad kami ng P250. mabuti at pumayag naman. dalawang traysikel ang aming kinuha. pagdating namin sa patling, lumipat kami ng ibang traysikel. sina karen, hindi na. itong drayber namin sa unang traysikel ay ayaw naman palang dumiretso sa capas. hanggang sa patling lang daw ito. kasama naman namin si kuya moning kaya kampante pa rin kami. pagkatapos noon ay nakatulog ako sa biyahe. naramdaman ko ang simoy ng hangin. hmmm….simoy-probinsiya. 
hinatid kami ni kuya hanggang sa capas. hanggang sa junction. sa tapat ng gasolinahan kung saan kami bumaba. naalala ko tuloy ang traysikel na nag-alok sa amin kaninang umaga. P300 hanggang sa sta. juliana ang unang turing niya. tama lang pala ang alok niya. napakalayo naman kasi talaga ng lugar. 
nagpaalam na kami kina kuya moning at lumarga na ang kanilang traysikel na babalik na sa sta, juliana. sa tapat ng gasolinahan, naalala ni karen na bumili ng pasalubong. e, wala naman kaming nakitang malapit na tindahan ng pasalubong. kaya ang nangyari, pagdaan ng unang bus ng victory liner na pa-cubao, pumara na kami.
sa bus, pagkabayad, natulog agad sina pres at bianca. si iding din at ej. kami ni karen, mga 10 mins pang nagkuwentuhan. tapos nang maubos na ang huling hibla ng enerhiya sa dila, nagtalikuran na kami para matulog.
hindi pa nagsiuwian ang tatlong bruhang iyan. sa bahay namin sila tumuloy para maghapunan. piyestang piyesta sa amin ang inihanda ni aileen na tortang talong, tinolang manok at lumpiang shanghai na kulu-kuluntoy pa rin. 

na-leche ang plan

April 13th, 2009 by bebangsiy

3 Peb 08

 

Naku, dama ko na ang krisis na tumama sa US.

 

Sumususo pa si EJ nang may nag-alok sa akin na bumili ng educational plan. Ang Ninang

Elsie ko na bespren ng nanay ko. At ang nanay ko ang nag-aalaga kay EJ noon.

 

Isang tanghali, (yes, tanghali ako nagigising dahil sa gabi pa ang trabaho ko noon,) nagising ako sa ingay ng kuwentuhan ng Ninang at mama ko. Sumadya pala ang Ninang sa bahay namin para alukin nga ako ng educational plan.

 

Pupungas akong tumingin sa plan. Di ko pinapakinggan ang Ninang Elsie ko habang nagpapaliwanag siya. Sa hindi malamang dahilan e, mas may tiwala ako sa nakasulat kaya sige lang ako sa pagbasa.

 

Alam kong hindi ako puwedeng tumanggi. Basta nanay ko ang nagrequest at seryoso ang mukha niya, walang sinuman sa aming magkakapatid ang puwedeng tumanggi.

 

Kelangan kong bumili. Ini-scan ko ang mga uri ng plan. Tiningnan ko yung mga buwanang hulog. Pumili ako ng kaya ko lang bayaran.

 

Sa ganoong paraan ako pumili ng plan. Yung kaya kong bayaran. At hindi yung kung malaki ang makukuha ko o ng anak ko balang araw.

 

So ang napili ko ay mga isang libong piso mahigit ang babayaran kada buwan. Pero pinili ko iyong quarterly ang payment dahil mas mababa nang konti ang amount. Almost four thousand lang yata. Me ilang hundred pesos na discount.

 

Sabi sa nakasulat, kapag nabayaran ko lahat in 5 years, libre na ang tuition ni EJ sa kolehiyo. Buong apat na taon sa kolehiyo. Pero kailangan sa isang state college or university siya papasok. Siyempre ang una kong naisip, UP.

 

Kako, hindi na masama. Mabuo ko lang ‘to, hindi na masama.

 

Sinimulan kong hulug-hulugan ang plan. Hindi naman ganon kahirap dahil hindi rin naman ito ganon kamahal. Isinasama ko rin talaga ito sa budget ko kada suweldo. Me times na di ako nakakabayad  sa takdang panahon pero sinikap ko pa ring makabayad para hindi naman mag-expire ang nasimulan ko.

 

Hanggang pagsapit ko ng 24 years old, natapos ko na ‘to.

 

Bayad na ang educational plan ni EJ. Kaya naman, sa edad kong iyon, natutuwa ako kasi nag-uumpisa pa lamang na mag-inquire tungkol sa educational plans ang mga kakilala ko’t kaibiga, samantalang ako, fully paid na.

 

Naisip ko, maganda talaga ang nag-uumpisa nang maaga. Aba, tanyoko, bata pa, wala nang pinoproblema!

 

’Yon ang akala ko.

 

Umagang umaga ay may nagbalita sa aking nanganganib ang educational plan ng aking anak. Noong isang linggo lang, ibinalita din sa akin ng taong ito ang pagbagsak ng isang malaking insurance company sa Pilipinas. E, ang Prudentialife? Agad kong tanong. ‘Yon ang binilhan ko ng plan.

 

Hindi naman siguro. Nakahinga ako nang maluwag. Matatag ‘yon, e, dagdag pa niya.

 

’Yon ang akala niya.

 

Kaya latang lata ako nang sabihin niya sa akin noong isang umaga na nagdeklara na nga rin daw ng bankruptcy ang Prudentialife.

 

Kako, naleche na ang plan.