Archive for November, 2009

kupald

Saturday, November 7th, 2009

sabi ni jowa, ako raw ang pinakamabagal na tao sa buong sanlibutan.

kaya naman binigyan niya ako ng bagong palayaw: kupad. As in pinakaKUPAD= babe ang.

at dahil biniro niya ako nang nasa kalagitnaan ako ng pag-aalala kung makakapag-complete nga ba ako sa isang gurong half-halimaw-half-tao, tinawag ko siya sa bago niyang palayaw: kupal. sa lahat ng ganito, siya naman ang pinaka.

sabi ko na nga ba. compatible talaga kami netong jowa ko. palayaw na palayaw pa lang.

i love you, kups.

demonstrating ties

Saturday, November 7th, 2009

nasa kasagsagan ako ng pag-aayos ng aking non immigrant us visa application chorva chorva. andaming hinihinging dokumento. nakakahilo at nakakaduling na.

kailangan daw kasi para maaprubahan ang aplikasyon mo, ipakita mong uuwi ka pa ng pinas. eto raw ang paraan para mapatunayan mong uuwi ka pa nga dito sa isinumpang bayan na ito:

DEMONSTRATING TIES

Ties are the aspects of one’s life that bind him or her to his or her place of residence, including family relationships, employment and possessions….(galing ito sa US Embassy Manila website.)

Maganda nga namang ipakita mo na may pamilya, trabaho at ari-arian kang uuwian.

heto ang mga dokumentong hinihingi nila:

1.Bank statements for the last three (3) months and both current and former bank account passbooks

2.Employment certification including salary, tenure and position

3.Form W-2

4.Income tax return with Bureau of Internal Revenue (BIR) or bank stamp

5. Audited financial statement with BIR or bank stamp

6.Pay slips for the last three (3) months

7.Credit card statements for the prior three months

8.Vehicle registration with official receipt

9.Land titles (no certified copies please)

10.Pictures of family, home or business

11.Wedding photos

12.Marriage certificate printed on the Philippine National Statistics Office security paper, if applicable

13.Birth certificate printed on the Philippine National Statistics Office security paper

14.For students, certificate of school registration

15.Certification of membership to legitimate organization(s)

Kita n’yo naman, unang una talaga tungkol sa pera na. At hindi lang iyon, karamihan sa mga binanggit ay nakabatay sa pera at ari-arian. Pang-ilan ang pamilya? pangsampu! number 10 onwards. ibig sabihin, hindi ito ang unang una mong dapat na ipakita para mapatunayang uuwi ka pa sa Pilipinas pagtuntong mo sa Amerika.

Anong sinasabi nito ukol sa atin? pag ame-amerika na ang pinag-uusapan, hindi na priority ang pamilya. malaki ang tsansang hindi uuwi ang isang pinoy (o kahit na sinong aplikante ng us embassy manila) para lamang sa pamilya.

kaya ang number one sa listahan nila ay mga bank book. titingnan nila kung marami kang pera sa bangko. at kapag marami nga, mas malaki ang posibilidad na uuwi at uuwi ka sa pinas.

tsk…ganito ang tingin nila sa atin? labo.

isa pa, nang nababanas na ako sa kahahanap ng mga papeles ko, tinext ko si wennie. gurl, paano nga ba idedemonstrate sa papeles ang pagmamahal sa bayan?

smiley yata ang inireply sa akin ni wennie.

pero sa totoo lang, kanino ba maaaring magpa-certify kapag:

1. hindi lamang bumubuka ang bibig mo sa tuwing aawitin ang lupang hinirang kundi tunay mo itong inaawit nang may tinig at yabang?

2. seryoso kang nagtuturo (at hindi lang tuwing pagdiriwang ng pambansang buwan ng wika) na magmahal sa sariling wika ang mga estudyante mong class A,B at C at mga Inglisero?

3. tinuturuan mo ring magmalasakit sa kapwa Filipino ang sarili mong anak sa pamamagitan ng volunteer work kahit hindi naman panahon ng kalamidad o pangangailangan?

4. binabasahan at kinukuwentuhan mo ang anak mo at iba pang bata ng kabang yaman ng Pilipinas sa larangan ng panitikan?

5. ginagalugad mo ang sarili mong bayan para lalo itong makilala, maipakilala at maipagmalaki sa iba kahit man lang sa mga kuwento, retrato at blog?

6. tinitiis mo ang sariling basura sa namamawis na kamay o sa bag para lang hindi makadagdag ng kalat sa kalsada?

at maraming marami pang iba!!!

kung meron mang nagse-certify ng mga iyan, susugurin ko’t magpapagawa na ako. talaga.

pero teka, papasukin naman kaya ako at ang isang container van ng aking mga sertipiko sa embahada ng amerika?

karma

Friday, November 6th, 2009

Adik sa baraha ang nanay ko. Bata pa lang ako, nagla-lucky nine na iyan. Kalaban niya nang piso-piso ang lola kong nanay niya na malabo man ang mata e mala-agila naman ang talisik pagdating sa mga numero sa baraha.

Nang mamatay ang lola, ang mga pamangkin naman ang kanyang kinalaban. Pero pusoy dos naman. At nang magsipag-abroad-an ang mga pamangkin niya, saka lang niya nakita ang kabang-yaman na itinatago ng aming pamayanan: ang kapitbahay.

Ang kapitbahay bilang mga kapanalig sa simbahang amoy-barya at baraha.

Dito siya nagkandaubos-ubos. Kahit pa-tres-singkopesos lang ang taya kung magdamagan naman ang laban, umuuwi siyang luhaan. Ito rin ang panahon na ako na ang kumakayod para sa pamilya. At siyempre pa, di ko maiwasang isipin na ang perang ibinibigay ko sa kanya para sa pagmimintina ng pangangailangan sa bahay namin ay napupunta sa wala. Actually hindi naman sa wala, napupunta lang naman kay Jonald na lasenggo o di kaya sa midwife na iniwan ng asawa (dahil din sa baraha), kay Mercy na ibinenta ang bunso dahil ikapitong anak na niya ito at wala namang maiabot sa kanya ang asawa niyang magsa-sidecar kundi pabente-bente kada labindalawang oras,kay Balot na nagluluto ng sulit burger araw-araw para sa halagang isandaang piso, kay Glo na nagtitinda ng tsamporado at sopas sa umaga at kay ganito, ganyan, ganon.Sa kanila napupunta dahil sila ang mga kalaban ng nanay ko sa tong-itan.

Ginawa ko na ang lahat matigil lang siyang magbaraha. Madali lang namang aralin kaya inaral ko ang tong-its. Tinuruan ko rin ang mga kapatid ko. Naglatag kami ng banig sa sala, nag-set ng baraha, inilayo ang electric fan saka namin hinila ang nanay ko. Kami na lang ang kalaban mo, singhal namin.

Pero madaling nagsawa sa mga bagitong sugarol itong nanay ko. Pagkaraan ng ilang araw naming pagbabalasa ay nagpaalam siyang makikipagtsismisan lang kay Ka Deliang katabing bahay. Naniwala naman kaming lahat. Aba, nagsara na ang lahat ng tindahan sa compound namin ay wala pa siya. Nagsara na ang estasyon ng telebisyon ay wala pa siya. Wala!

Handa na kaming magpa-blotter na may ganitong ulat: nawawala po ang nanay naming walang kadipe-diperensiya sa isip, walang kapansanan, makulit lang. Pero bago nga namin ginawa iyon ay dumaan kami sa tong-itan. Ayun ang nanay ko, anlutong-lutong pumitik ng baraha. siya pa yata ang bangka.

Sinubukan ko na ring awayin ang nanay ko. Sinagot-sagot ko siya. Sinumbatan. Sinigawan ko na rin ang mga kapatid ko. Nagngawaan sila. Ngumawa ako. Nagngawaan kaming lahat. Baka sakaling ma-realize ng nanay ko na buong pamilya ang apektado sa ginagawa niyang pagsusugal.

Dahil malambot naman ang lahat ng puso ng ina maski pa ang nanay kong queen of hearts (sa paningin ng mga ka-tong-its niya), tinamaan naman agad siya ng aking bagong estratehiya.Ipinagluto niya kami ng arroz caldo. Ipinaglaba niya kami kahit walang maruming damit nang araw na iyon. Ipinamalengke kami at ipinamili pa kami ng bagong kurtina. Umaliwalas ang aming tahanan. Nagpakitang-gilas ang Haring Araw.

ngunit sa kasawiampalad, pagkatapos lamang ng ilang araw, mukhang na-miss niya ang iba pang hari: mga hari ng spade, heart, diamond at flower. Bumalik siya sa dating gawi. At ang malupit pa rito, mas hirap na kaming pauwiin siya. Talo! Ang hirap patayuin sa puwesto kapag naumpisahan na niya ang magpinta ng baraha. Hmp.

Sinubukan na rin naming magkakapatid ang silent treatment. Pag kumakain, walang nagsasalita, walang nagkukuwento. Pag nanonood ng TV at bigla siyang dumating, biglang may isa sa amin ang hahagilap ng remote at papatayin ang telebisyon kahit pa nakaawang na ang luha ng bida ng paboritong telenobela.Parang wala lang siya kapag nariyan siya. At kapag dumarating siya, tumatahimik ang buong kabahayan. Parang haunted house lang.

Pero lahat nang iyan, wa epek. Halos araw-araw pa rin siyang nakikipag-meeting sa mga ka-tong-its niya.

Lagi niyang katwiran sa amin, ito na nga lang ang libangan ko, e.

Nakaraos naman ako sa kolehiyo. Gayundin ang dalawa ko pang kapatid. Ang bunso namin ay nagte-thesis ngayon.

Kaya nang kumikita na ako at patuloy pa ring nag-aabot sa kanya ng panggastos, hindi ko na siya pinakikialaman. Magtatalo lang kami alam ko e, hindi ko rin naman talaga siya mababago. Tulad ko, unti-unting tinanggap ito ng buong pamilya at idinadaan na lang namin ang lahat sa biro. Halimbawa ay nang nagpapabili siya ng salamin sa mata for the first time, umarte kaming magkakapatid na kunwa’y nagkukumahog sa pagbili ng salamin dahil baka hindi niya maispatan ang nuwebe sa sais at ang siyete at dos. tiyak na ikatatalo niya ito nang milyon-milyon.

ganon lang. pero di namin sukat akalain na karma ang huling mang-aalas(ka) sa kanya.

nang nakaraang birthday niya, nagrekwes siya ng handaan. Ang isang kapatid kong nakatira na sa Mindoro ay biglang nag-homecoming at umuwi sa bahay ng nanay ko. Ang isang nagbo-board sa Maynila ay humimpil din sa amin. At ako na nagpupugad sa malayo-layo ring lugar ay agad na naghanap ng maireregalo at umuwi rin para sa kanya.

Ang nanay ko, namalengke nang todo. Siya na rin ang nagluto. Kamingmga anak niya ang assistant: tagahiwa ng hotdog, tagatuhog ng ibabarbekyu, tagatimpla ng juice, tagaayos ng mga kawad ng hiniram na videoke at iba pa. Pagdapit ng hapon, nagdatingan ang mga batang kalaro ng mga pamangkin ko. Nagdatingan din ang mga kamag-anak namin. At ang ilang dating kaklase ng mga kapatid ko.

Istima nang istima ang nanay ko sa mga bisita. Pero kahit busy siya, may something sa kanya. Parang hindi siya masaya. At alam naming lahat na magkakapatid iyon. Ang ginawa namin, nagpa-games kami. Stop dance. Newspaper dance. Mother goes to hell market. Pasahan ng bola. Pahabaan ng hininga. Hapi birtdey,Mamiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiii!

Humahalakhak ang nanay ko sa mga nakakatawang eksena. Pero may something pa rin. Hindi ganap ang kanyang saya.

Isa sa mga kapatid ko ang biglang nagtanong:

Ma, ‘asan nga pala ang mga kaibigan mo? Mauubos na ang handa niyan kapag di pa sila dumating.

Hugis-otso ang nguso ng nanay kong habang sumasagot.

Nasa tong-itan, saan pa? E, hindi raw sila makatayo. Ansarap daw ng laban.

Nagngitian kaming magkakapatid.

Ang karma nga naman.