Archive for October, 2009

papel 11

Sunday, October 11th, 2009

Paksa: Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ni Nicanor G. Tiongson.

Kapag Sineryoso ang Pusong…

Ang akdang Pilantik ng Pusong Kiliti ng Rebelyon: Ang Tradisyon ng Pamumusong sa Dulang Tagalog ay isang panunuring pampanitikan. Sinuri ni Nicanor Tiongson ang isang uri ng tauhan sa 14 na dula na itinanghal/isinulat mula 1860 hanggang 1977.Ang tauhang ito ay tinawag niyang pusong, sa pangkalahatan.

Ayon kay Tiongson, ang pusong ay maaaring ituring na kinatawan ng karaniwang Pilipino. Hindi ito itinatampok sa mga pag-aaral sapagkat hindi naman bida. Ang mga “pusong” sa lahat ng dula ay iyong mahirap, walang pinag-aralan, tagagawa ng maruming trabaho, walang kapangyarihan, walang lakas o koneksiyon o kapit o sa pangkalahatan ay iyong laging extra. Sa tunay na buhay, iyong mga taong marginalized sa lipunan.

Sa tuwing magsasalita ang pusong sa mga dula, bumabalong sa bibig nito ang damdamin at isip ng sektor sa lipunan na kanyang kinakatawan. Ayon kay Tiongson, ang mga ginagawa ng pusong sa entablado na siyang madalas na pinagtatawanan ng manonood ay isang uri ng rebelyon. Halimbawa nito ay ang pagiging bastos o kaya’y tatanga-tanga kahit ang kaharap ay may awtoridad o kapangyarihan.

Sinipi sa sanaysay ni Tiongson at ito raw ay mula sa Paglipas ng Dilim, sarsuwela ni Precioso Palma:

(Isang eksena)

Donya Carmen: Felipe, que pasa?

Felipe: Nabasag ang tasa…

Don Torcuato: Valor, valor, chico…

Felipe: Hindi po sa chico kundi sa mangga.

(Isa pang eksena)

Pakita: Excuse me, Ricardo, shall we have o dance?

Felipe: Yes, yes, we two are going to dance, hasta que Dios diga basta.

Pakita: Ah, you keep quiet.

Luis: Adios, pinauwi ka tuloy sa Kawit.

Pakita: Ah… you foolish…

Luis: At tatawag pa raw ng pulis.

Ito ay pangungulit ng mga tauhang sina Felipe at Luis (ang mga pusong sa dulang ito) sa mayamang pamilya ng don at donya na bagama’t Pilipino ang kausap ay pa-Espanyol-Espanyol pa rin. Sa kasalukuyan, ginagawa pa rin ito. Ginagaya ng ilang komedyante ang pag-i-Ingles ng mayayaman, kasama pati ang arte at intonasyon. Kung minsan pa, nilalabisano ine-exaggerate. Ang paggaya sa nag-i-Ingles at pagsagot nang pamali-mali ay isang pagkutya sa kaartehan at ka-estupiduhan ng mga Inglisero sa pakikipagtalastasan. Kung marunong ka namang mag-Filipino at ang kausap mo ay Filipino na marunong din mag-Filipino, gagamit ka pa ba ng wikang dayuhan?

Kapag nakapanood ka ng ganito, matatawa kang talaga at iyong tawa mo ay isang indikasyon ng pagkakatanto mo na tama nga naman ang “pusong.” May mali sa ginagawa ng nasa taas at napupuna ito ng nasa baba.

Napakahusay ng sanaysay ni Tiongson. Empowering. Ngunit ang nakakalungkot dito, para namang hindi tayo natuto. Taong 1860 ay may pusong na pala at nagmula pa ito kay Pilandok na mula sa isang kuwentong bayan. Ibig sabihin, wala pa ang mga dayuhan ay may konsepto na ng pusong. Pero bakit parang hindi pa rin lumilitaw ang kamulatan sa mga hakbang ng karaniwang Pilipino? Bakit parang nasasailalim pa rin tayo ng baluktot na tagapamahala at saliwang pamumuno? May nabago ba sa kalagayan ng karaniwang Pilipino noon at ngayon?

Ang pusong ay madalas na nagpapatawa ngunit ang basa ko rito ay naging kontento na ang mga Pilipino sa pagtawa lang sa mga pusong na ito.Kontento na tayo sa pakonti-konting sundot, pakonti-konting rebelyon. Maaaring nakakapagbukas ng isip, nakakapagmulat ang mga pusong ng modernong panahon ngunit hanggang tawa lamang ang tugon ng Pilipino.

Tinatawanan na lamang natin ang mga problema. Ayon nga kay Prop. Vim Nadera na nagtapos ng sikolohiya sa undergraduate at masteral na antas, itong pagtawa at paggawa ng katatawanan mula sa mga problema ay isang hakbang ng pag-iwas. Mukhang ito ang problema natin. Hindi natin hinaharap ang problema.

Pinalilipas na lang natin ang lahat at kapag nadagdagan pa ang problema na dulot ng unang problema, itatampok na naman ito ng isa pang pusong at magiging balon muli ng halakhak. Ngunit tulad ng dati, hanggang doon na lamang. Hindi natin nadadala sa mas mataas ng antas, sa mas kongkretong hakbang ang pamumusong.

Hindi ko alam ang solusyon dito. Makatulong kaya kung seryosohin ng lahat ang pusong? Tipong sabayan natin ng tinimbang na aksiyon ang bawat hirit niya.

papel 10

Sunday, October 11th, 2009

Paksa: Ilang Tala ukol sa Siblaw Taraw

Siblaw Taraw:

Ilang Palatandaan ng Incest at ang Kuwento bilang Isang Babala

Nabasa ko ang kuwentong ito pagkatapos kong basahin ang Tagabawa Texts at Molingling. Marami sa mga akda ang tungkol sa pagpaparusa sa sinumang makikisama (bilang kabiyak) sa kapamilya.

  1. nabanggit sa Mga Tala ng kuwentong Paladayan na ang mismong pagnanasang pakasalan ang isang malapit na kamag-anak ay isa nang taboo.
  2. Sa kuwentong Karapungat at Patulangan, ang magkapatid na Karapungat at Patulangan ay naging ilog. Ganito ang nangyari: isang araw, habang tumutugtog ang dalawa, isang linta ang dumapo sa suso ni Patulangan. Pinalis ni Karapungat ang linta gamit ang sarili niyang plawta. Tapos bigla na lang binaha sa kinatatayuan nilang dalawa.
  3. Sa isang kuwentong mula sa A Voice from Mt. Apo, may magkapatid: sina Molingling at Kobodboranon. Nalunod si Kabodboranon at si Molingling ay naging igat nang sila ay nagpasyang magsama bilang mag-asawa.

Kaya naman, ang una kong naisip ay tungkol uli sa incest ang kuwentong Siblaw Taraw.

Ang “aral” na naisip ko, bukod sa huwag manloko dahil ito rin ang magiging balon ng iyong dalamhati, ay may masamang mangyayari kapag ikaw ay nakisama sa iyong sariling kadugo.

Pinakadiin-diin sa kuwento ang kagandahan ni Taraw. Ito pa nga ang dahilan kung bakit siya ang napili ng lalaki na pagnakawan ng pakpak. Kaya noong sabihing babae rin ang naging anak nilang dalawa, may umuulpot-ulpot nang ending sa isip ko, “parang may incest na mangyayari dito.” (Marahil ay malaki talaga ang impluwensiya sa akin ng mga balita sa tabloid sa kasalukuyan.)

Hinala ko’y aasawahin ng lalaki ang anak nang umalis na si Taraw. Nakadagdag pa sa aking hinala nang sabihin ng lalaki na ito na ang papalit sa ina. Sa ilang kaso ng incest, ganon sa umpisa, iyong mga responsabilidad muna sa pagpapanatili ng kaayusan ang unang pinapaako sa anak: pagluluto at paglilinis. Hindi maglalaon ay pati na sa sex.

Posible talagang mangyari ito dahil mukhang kimi ang anak. Nang iiwanan na siya ng ina, ni hindi nagprotesta. Hinabol lang niya ng tingin ang nanay na paakyat na sa langit. Ni hindi niya kinumpronta ang tatay kahit alam na niyang niloko ng tatay ang nanay niya. Nang utusan siyang pumalit sa ina sa trabaho sa bahay, hindi rin siya nagreklamo. Isang hiling lang ng ama na magsayaw siya sa orasan ay ginawa na niya.

Kaya ang naisip ko, kapag nagpakita na ng seksuwal na pagnanasa ang tatay sa anak, hindi ito manlalaban.

Mabuti na lang at namatay siya. Kumbaga, gumawa ng paraan ang nanay na hindi maabuso ang sariling anak. Iyon nga lang, malupit ang kabayaran: sariling buhay.

Ang isa pang interpretasyon ko sa kuwentong Siblaw Taraw: ang kuwentong ito ay isang babala sa dayo.

Ayon kay Prop. Virgilio Almario, bagama’t bantog ang Pinoy sa pagiging hospitable, ang salitang hospitable ay walang katumbas sa ating wika. Malaki ang posibilidad na ito ay bansag lamang ng dayuhan sa mga dinatnang katutubo. Kumbaga, brainwash. Kung tinatawag ka nga namang maganda araw-araw, hindi ba’t tatangos ang ilong mo at tatanim sa isip mong maganda ka nga? At aasta kang beauty queen? Gayundin ang ginawa ng mga mananakop. Ipinamulat nila sa mga katutubo na hospitable ang mga ito para ibigay sa kanila ang pinakamahusay na papag kahit sa lapag matulog ang may-ari ng bahay at pakainin sila ng pinakamalinamnam kahit pa sa mga susunod na araw ay ipangungutang ng nagpapakain ang ilalaman sa sariling tiyan. At marami pang iba.

Sa kuwentong Siblaw Taraw, katutubo ang lalaki at dayo si Taraw. Palihim ang ginawang pagdayo ng mga taraw at aksidente ang pagkakatuklas sa kanila ng katutubo. Ngunit umpisa pa lang ay hindi na pinalampas ng katutubo ang pagkakataon. Pinili niya ang pinakamagandang taraw at sinimulang isagawa ang isang maitim na balak.

Wala sa bokabularyo ng katutubo ang hospi-hospitality. Hindi laging magiliw ang katutubo sa bagong salta. Kaya masasabi kong ang Siblaw Taraw ay isang babala. Kung dadayo, mag-ingat.

Buod ng Siblaw Taraw:

Sa paligid ng mahiwagang lawa ng Siblaw ay maraming hayop. Isang mangangaso ang doo’y nanghuli ng usa. Inabot siya ng gabi sa pagkatay nito. Pagkatapos, nakarinig siya ng matamis na tawanan sa may lawa. Pumunta siya roon at nakakita ng naliligong mga babae. Kinabukasan, pagsapit ng gabi, bumalik ulit siya sa lawa. Nasaksihan niya ang pagbaba ng mga nilalang na may pakpak. Pinagmasdan niya ang pinakamagandang nilalang sa lahat habang hinuhubad nito ang sariling pakpak.

Ninakaw ng lalaki at itinago ang kabiyak na pakpak ng pinakamagandang nilalang na iyon. Pagbalik niya, nag-iisa ito, naiwanan na ng mga kasama. Inalok niya ng tulong sa paghahanap ng pakpak ang nilalang.

Sabi ng nilalang, isa siyang taraw. Mungkahi ng lalaki, sumama na lang ito sa kanya bilang asawa. Malungkot na pumayag ang taraw. Hindi na kasi siya makalipad pabalik sa ama at mga kapatid na nasa langit.

Bilang mag-asawa, nagpatuloy sa pangangaso ang lalaki at si Taraw naman, tagaluto at tagalinis ng bahay. Nagkaanak sila, isang napakaganda ring sanggol.

Isang araw, habang naglilinis, natuklasan ni Taraw kung saan nakatago ang kanyang pakpak. Ginamit niya ito at nakalipad pero agad din siyang bumalik nang maalalang napakaliit pa ng kanilang anak. Hindi naman nagkahinala ang lalaki na alam na pala ni Taraw ang ginawa nitong panloloko noon.

Hinintay ni Taraw na magkagulang ang anak. Isang araw, kinausap na niya ang dalagitang anak. Ipinagtapat ni Taraw ang lahat. Bago siya tuluyang umalis ay nagbigay-babala pa siya. “Huwag sasayaw sa oras kung nais magtagal ang buhay.” Ang oras ay isang uri ng pagdiriwang sa kultura ng Ifugao. Buwan ang tagal nito at walang habas na kainan at kasiyahan ang nagaganap.

Natuklasan ng lalaki ang nangyari pag-uwi niya. Nalungkot siya ngunit agad ding sinabi, ang anak na ang papalit sa ina. Ito na ang magluluto at magtatrabaho sa bahay. Isang araw, dinala ng ama ang anak sa oras. Doon ay pinilit ng iba pang babae ang dalaga na magsayaw. Tumanggi ang dalaga pero pinilit ito ng ama. Pagkatapos ng ilang araw, nagkasakit ang dalaga. Ipinagtapat nito sa ama ang babala ngunit huli na ang lahat dahil hindi gumaling ang sakit ng dalaga. Tuluyan itong pumanaw. Mag-isang hinarap ng lalaki ang kanyang katandaan.

papel 9

Sunday, October 11th, 2009

Konseptong Papel

Ebolusyon ng Pagong at Matsing:
Mulang Kuwentong Bayan Hanggang Aklat-Pambata

Bata pa ako ay narinig ko na ang kuwento ni Pagong at Matsing. Naawa ako kay Pagong dahil niloko ni Matsing. Galit akong lagi kay Matsing. Kampi akong lagi kay Pagong. Nang tumanda ako nang kaunti, nakita ko ang dalawa, sumasayaw at kumakanta na! Sa Batibot, isang pantelebisyong programa para sa batang Filipino noong dekada 80. Minahal ko na rin noon si Kiko Matsing pero katulad ng karaniwang bata, mas mahal ko pa rin si Pong Pagong.

Nang magkaanak ako at maging fan ng Adarna (Publishing), laking tuwa ko nang makakita ng kopya ng kuwentong Si Pagong at Si Matsing. Maganda at higit sa lahat ay may kulay ang drowing. Hanggang ngayon nga, parang bago pa rin ang binili naming aklat.

Noong isang buwan lang ay naatasan akong magkuwento sa mga batang bisita ng outreach program ng aming paaralan. Naghanap ako ng dadalhing tatlong aklat na pambata sa aming bahay. Isa sa mga ito ang Si Pagong at Si Matsing.
Matagal nang natapos ang pagkukuwento ko sa mga bata sa aming paaralan ay pakalat-kalat pa rin ang aklat sa aming bahay. Kaya nang nag-iisip ako ng paksa para sa aking papel na pananaliksik, isa ito sa mga isinaalang-alang ko. Tutal naman ay panitikang oral pa rin ito.

Bagama’t popular bilang kuwento (at kuwentong pambata) ay bibihirang gawing paksa ng pag-aaral ang kuwento ni Pagong at Matsing. Ang nakakalungkot pa, hindi lamang ito nangyayari sa Pagong at Matsing kundi sa napakaraming obra mula sa panitikang oral ng Pilipinas. Kaya naisip kong hindi na masama kung sa paggawa ng aking papel na pananaliksik ay makapag-ambag ako nang kahit kaunti sa larangang ito.
Ang Ebolusyon ng Pagong at Matsing ay isang pagsusuri sa iba’t ibang bersiyon ng kuwento ng Pagong at Matsing mula sa iba’t ibang pangkat-etniko sa Pilipinas hanggang sa popular na anyo nito ngayon, ang aklat-pambata.

Narito ang ilan sa mga layunin ng pag-aaral na ito:

1. Maitampok ang isang akda mula sa panitikang oral ng Pilipinas
2. Makatulong sa pagpe-preserba at pagpapanatili ng popularidad ng kuwentong bayan anuman ang anyo nito
3. Makatulong sa pagsusulong ng pag-aaral ukol sa mga kuwentong bayan
4. Maipakita at masuri ang mga pagbabagong naganap sa isang kuwentong bayan habang nagpapalit ito ng anyo
5. Maipakita ang mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas sa mga bersiyon ayon sa konteksto ng pinaghanguan o pagkaka-produce nito
6. Matukoy ang mga puwersang nakakaapekto sa mga kaibhan, pagbabago, dagdag at bawas ng mga bersiyon
7. Makatulong sa pag-unawa at makapag-ambag sa pag-aaral ukol sa sikolohiyang Filipino

Ilan sa mga bersiyong pagbabatayan ng pag-aaral ay ang sumusunod:

1. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Philippine Folklore (Damiana Eugenio)
2. bersiyon ni Jose Rizal na inilathala sa Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 Revised Edition (Asuncion Maramba)
3. bersiyong Bilaan na inilathala sa Philippine Literature: A History and Anthology (Bienvenido Lumbera at Cynthia N. Lumbera)
4. bersiyon ni Padre Alcina na inilathala sa Barangay (William Henry Scott)
5. bersiyong Maranao na isinalaysay muli ni Maximo Ramos at inilathala sa Literature for Filipino Children (Lydia Profeta at Remedios Coquia)
6. bersiyong Kalinga na isinalaysay ni Pedro Bayangan at inilathala sa Stories and Legends from Filipino Folklore (Ma. Delia Coronel)
7. bersiyon ni Danilo Consumido na inilathala ng Adarna House, Inc.

Madaragdagan pa ang bilang ng bersiyon na ito. Ayon kay Coronel, ika-26 ang bersiyon na nalathala sa kanyang aklat dahil si Prop. Fansler daw ay nakakita na ng 25 bersiyon nito.

Sisipatin din sa pag-aaral na ito ang pagpasok ng mga dagdag na tauhan, pangyayari, lunan, paraan ng pag-iisip ng mga tauhan at ang kanilang mga hakbang, gawain at tugon. Sasaliksikin din ang pinagmulang kultura ng bawat bersiyon.
Inaasahang pagkatapos ng pag-aaral ay magkakaroon ng mas malalim na pagtingin at pagbibigay-importansiya sa mga puwersang matutukoy na nakakaapekto sa produksiyong pampanitikan. Inaasahan ding madaragdagan ang pag-unawa at ugnayan ng mambabasa o tagapakinig sa mga tauhan ng kuwentong bayan o aklat-pambata. Inaasahan ding magdudulot ang pag-aaral na ito ng dagdag na interes na pag-aralan pa ang mga aklat-pambata, kuwentong bayan, panitikang oral at panitikang Filipino sa pangkalahatan.

Panimulang Sanggunian

Alcina, Francisco Ignacio. Historias de las Islas e Indios de Bisayas 1668. Translated, annotated and edited by Cantius J. Kobak and Lucio Gutierrez, O.P. Manila: UST Press, 2002.

Balayon, Theresa D. “An Analysis of Three Bilayan Folktales.” Mindanao Journal 1, 2 pp. 47-50. Oct.-Dec. 1974.

Beyer, H. Otley. Philippine Folktales, Beliefs, Popular Customs and Traditions. A collection of original source material for the study of popular literature and native social culture of the Philippines. Selected in May 1914, from the General Henry Otley Beyer in Philippine Ethnography. Vol. 1: Data from Christian Provinces. Manila: 1941-1943.

Consumido, Danilo. Si Pagong at Si Matsing. Quezon City: Adarna Book Services, 1987 at 2006.

Coquia, Remedios at Profeta, Lydia (eds.). Literature for Filipino Children. Quezon City: Ken Inc., 1968.

Coronel, Ma. Delia. Stories and Legends from Filipino Folklore. Manila: UST, 1967.

De Castro, Leonardo. Folklore: Pilosopiya ng Masa. PSSC Social Sciences Information v. 28 no. 1, pp. 1-3. Jan.-June 2000.

Eugenio, Damiana (ed.). Philippine Folk Literature: The Folktales. Quezon City: UP Press, 2001.

Fansler, Dean. Filipino Popular Tales. Hatboro, Pennsylvania: Folklore Associates, Inc., 1965.

____________. Story Patterns, Story Groups, Incidents, and Motifs in Philippine Folktales. Typescript. UP Main Library, Filipiniana.

Lumbera, Bienvenido and Lumbera, Cynthia (ed.). Philippine Literature A History and Anthology. Pasig City: Anvil Publishing, 1997.

Manning-Sanders, Ruth. Tortoise Tales. London: Methuen Children’s Books, 1976.

Maramba, Asuncion David. Early Philippine Literature from Ancient Times to 1940 revised edition. Pasig City: Anvil Publishing, 2006.

Ramos, Maximo (ed.). Tales of Long Ago in the Philippines. Manila: Alip and Sons, Inc. 1953.

__________________Philippine Myths and Tales. Manila: Bookman, Inc., 1957.

__________________Philippine Myths, legends and Folktales. Quezon City: Phoenix Publishing House, 1990.

Rizal, Jose P. “Two Eastern Fables,” Trubner’s Oriental Record, 3rd Ser. No. 247 (July 1889). Reproduced in University of Manila Journal EAS, VIII, 1-2 (Jan.-Apr.1959), 187-188.

Sax, Boria. The Mythical Zoo: An Encyclopedia of Animals in World Myth, Legend and Literature. Santa Barbara, CA: ABC-Clio, 2001.

Scott, William Henry. Barangay Seventeenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: ADMU Press, 1994.

The Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend. Ed. By Maria Leach. New York: Funk and Wagnalls Company, 1949.

Thompson, Stith. The Types of Folktale: A Classification and Bibliography. FFC 184. Helsinki, 1961. Trans and enlargement of Antti Aarne’s Verzeichnis der Marchentypen, FFC 3.

Werness, Hope. The Continuum Encyclopedia of Animal Symbolism in Art. New York: Continuum, 2003.

AT SA KASAWIAMPALAD ANG TANONG NG GURO KO AY: PAANO MO PALALALIMIN PA ANG IYONG PANANALIKSIK?

LORD, PA’NO BA?

papel 8

Sunday, October 11th, 2009

PANITIKANG ORAL 230
7 Okt. 2009

Paksa: Mariang Makiling ni Jose P. Rizal

Si Maria at Ang Endo

Nalathala sa La Solidaridad noong 1890 ang bersiyon ng kuwento ni Mariang Makiling na isinulat ni Rizal sa ilalim ng sagisag-panulat na Laong Laan. Sa lahat ng nabasa at narinig kong kuwento ukol sa babaeng ito, ang kay Rizal ang pinakanagustuhan ko. Madulas ang wika at kahit mahaba ay hindi nakakabagot. Kung gaano ka-magical si Mariang Makiling, ganon din ka-magical ang dating ng akda. May pakiramdam din na para akong nakikinig lang sa isang kaibigang nagkukuwento. Isang kaibigang ubod ng lungkot.

Narito ang buod:

May isang mahiwagang babaeng ang ngalan ay Mariang Makiling. Mag-isa siyang naninirahan sa bundok. Napakabait niya sa kapwa. Lahat ng humihiling sa kanya ay kanyang binibigyan. Ngunit marunong din siyang magparusa. Ang sinumang manakit ng hayop ay makakatikim ng parusang may halong kapilyahan ni Maria.

Lumipas ang pagkarami-raming taon ay hindi nagbago sa hitsura at ugali si Mariang Makiling. Ngunit dumating ang panahong bigla na lang siyang naglaho. Tatlo ang itinuturong dahilan: ang pagiging abusado ng mga tao sa paligid, ang pangangamkam ng mga prayle sa kanyang ari-arian at ang ikatlo ay kasawian sa pag-ibig.

Isang binatang magbubukid ang inibig daw ni Mariang Makiling. Wala sanang suliranin sa kanilang suyuan kundi lang dumating ang panahong kailangang makipagbunutan ang binata para maging kintos o kawal. Lahat ng binata’y takot sa sitwasyong gayon. Nagiging masamang tao ang sinumang mamuhay sa kuwartel. Ngunit may paraan naman para doon ay hindi magtuloy: ang magputol ng sariling daliri, sirain ang sariling ngipin sa pamamagitan ng pagpapabunot, mamundok, magpatiwakal o mag-asawa.

Ang huli ang pinili ng binata. Ngunit sa iba at hindi kay Maria. Mula nga noon ay hindi na napagkita ang mahiwagang dalaga.

Muni-muni

Nang mabasa ko ito ay naalala ko ang pelikulang Endo. Tungkol naman ito sa isang lalaking paiba-iba ng trabaho dahil sa contractual lamang ang kanyang napapasukan. Pagkaraan ng anim na buwan ay endo na siya. End of contract. At kailangan niyang iwan ang trabaho kahit napamahal na ito sa kanya. Kailangan din niyang iwan ang mga kasama. Kahit pa napamahal na rin ang mga ito sa kanya. Bigla na lang ay hindi na sila magkikita-kita tulad ng nakagawian nila dahil magtatrabaho siya sa ibang kompanya naman.

Ipinakita sa pelikula kung paanong naapektuhan ng kontraktuwalisasyon ng trabaho maging ang personal na buhay at pakikipag-ugnayan sa kapwa ng karaniwang Filipino. Napakatingkad ng mensahe: ang kontraktuwalisasyon ay hindi nakakatulong sa pagkakabuo at pananatiling buo ng pagkatao ng isang Filipino. Ito ang dahilan ng pagkakawasak ng mga relasyon, sa pag-ibig man, pagkakaibigan at iba pa.

Nakita ko ito sa Mariang Makiling ni Jose Rizal.

Palagay ko’y mananatili ang ugnayan ni Maria at ng binata kung hindi naman dumating ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.” Ito ang pumutol sa maliligayang araw ng dalawa. Ito ang “istorbo.” Katulad ng kontraktuwalisasyon, ito ay hindi nagdudulot ng kabutihan sa pagkatao ng tao. Binanggit ni Rizal ang mga dahilan kung bakit tiyak na aayaw ang binata tulad ng marami pang katutubo sa pagiging kintos o ang paglilingkod sa hukbo:

1. Mawawala ang kabataan, tahanan, angkan, mga dakilang damdamin, hiya, kung minsa’y karangalan.
2. Pito o walong taong pamumuhay sa kuwartel na ipinagiging hayop at nakapagtuturo ng mga bisyo…
3. …na ang malalaswang salitang pabulas ay nagpapakilalang walang kinikilalang batas na umiiral sa hukbo na hangga ngayo’y nasasandatahan pa ng panghagupit…
4. …na ang tao’y natutulog nang may mga luha sa mata at nananaginip ng kakila-kilabot na bagay, upang magising na matanda na, walang kabuluhan, masama ang kaasalan, mahilig sa dugo, at malupit.

Sa kontraktuwalisasyon, iniipit ng sistema ang manggagawa. Lumalabas na dadalawa lamang ang mapagpipilian: kawalan ng trabaho o trabahong kontraktuwal. Sa ibang salita: gutom o basag-basag, putol-putol na relasyon sa kapwa. Parehong bangin.

Sa Mariang Makiling, heto ang pagpipilian ng binata:

kintos/ O pagputol ng sariling daliri
kawal pagpapabunot ng ngipin noong
(balikan ang bilang 1-4 sa itaas) panahong kailangan pang
kagatin ang kartutso,
pamumundok/panunulisan
pagpapatiwakal
pag-aasawa (na madalas ay arranged
marriage sa taong hindi mo gusto)

Pareho ring bangin. Katulad ng manggagawang walang masyadong pagpipilian, pikit-matang tumalon ang binata sa bangin para lang “mabuhay.”

Kaya masasabi kong wala talagang hatid na maganda ang “panahong nararapat nang makipagbunutan kung sino ang sa bawa’t lima katao’y magiging kintos o magiging kawal.”

At maaaring basahin bilang “ang mananakop na mismo” ang tinutukoy na panahong ito dahil sila naman ang nagdala niyan sa ating bayan. Kung hindi dumating ang mananakop, walang ganitong panahon, walang kailangang pagpiliang mga bangin, walang kailangang maghirap at mamatay. Patuloy lang ang matamis na ugnayan. Patuloy ang buhay sa piling ni Mariang Makiling.

papel 7

Sunday, October 11th, 2009

Paksa: Ilang Tala sa ilang bahagi ng Orality at Literacy ni Walter Ong Ang Dalawang Mundo ng Salita Ang introduksiyon at ikaanim na kabanata ng Orality at Literacy ni Walter Ong ay nagbigay-diin sa kaibhan ng Orality at Literacy. May sariling mundo ang bawat isa. Ang mundo ng orality ay may distinct na katangian at tuntunin sa pag-inog nito. Samantalang ang mundo ng literacy, bagama’t may sariling mundo rin ay hindi naman maaaring makapag-exist nang hindi muna dumaan sa mundo ng orality. Marami akong natanto pagkabasa ng babasahing ito. Tunghayan ang ilan: 1. ang dalawang mundong nabanggit sa itaas ay nagluwal ng dalawang uri ng kultura: ang kulturang oral at kulturang pasulat. Panganay ang kulturang oral. May mga kulturang oral na hanggang ngayon ay walang ideya kung ano ang kulturang pasulat. Ngunit ang kulturang pasulat ay dumaan muna sa kulturang oral bago naging kulturang pasulat. Ibig sabihin, lahat ng kulturang pasulat ay nagmula sa pagiging kulturang oral. Magkaibang magkaiba ang mga kulturang ito. Kailanman ay hindi magkakapareho maging ang isang salita para sa taong mula sa kulturang oral at sa mga taong namulat na sa kulturang pasulat. Halimbawa ang salitang diwata. Sa kulturang oral, ang salitang ito ay nagpapasulpot na sa isip ng nakarinig (ng salita) ng iba’t ibang imahen ng diwata at lahat ng kaugnay nitong bagay. Samantalang ang taong mula sa kulturang pasulat ay uulit-ulitin muna ang salitang diwata at ang mga titik D-I-W-A-T-A nito sa isip saka lamang maaaring mag-generate ang kanyang isip ng imahen ng isang diwata, iyan ay kung alam niya ito, at ng mga bagay na kaugnay nito. 2. hindi angkop ang oral literature para itawag sa mga akdang ito. Ito ay dahil ang literature ay nagmula sa salitang letter na tumutukoy sa pasulat na simbolo ng mga tunog na kung tawagin ay wika. Sa Filipino ay gayundin. Ang salitang panitikan ay nagmula sa salitang titik. Ayon kay W. Ong, ang mas angkop na tawag sa mga akdang ito ay text na ang root meaning ay to weave. Sumasang-ayon ako. Lahat ng nabasa kong akda para sa klaseng PP 230 ay nagpakita ng sining ng paghahabi ng mga pangyayari, kuwento, paglalarawan, kultura, panlipunang pagtatakda at iba pa. Ang mga oral performance naman daw ay mas mainam kung tatawaging voicing. Sang-ayon din ako halimbawa na lang ang manobo storytelling, ito ay hindi naman basta pagtatanghal gamit ang bibig kundi ito ay pagsasatinig, pagsasatinig ng alaala ng isang storyteller. 3. ang lahat ng wika ay mayroong komplikadong grammar at ito ay nalinang at napalawig nang walang tulong mula sa kulturang pasulat (dahil hindi pa nga ito naimbento noon). Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na ang pagkakabuo ng mga sistema at tuntunin sa grammar ng mga wika ay nakabatay lamang sa kung ano ang maganda sa pandinig ng mga gumagamit nito. 4. Hindi na posible ang pinakamataas at pinakamahusay na verbal performance dahil sa pag-iral ng kultura ng pagsusulat. Dahil nga malay na ang tao sa pagsusulat, hindi na ito makalikha ng pinakamahuhusay at pinakamagagandang “voicings.” Kapag ang isang tao ay nagtatanghal sa oral na paraan, imposibleng hindi siya maging malay sa anyo nito kapag ito ay nakasulat na. Nariyan na ang pag-aalala niya sa grammar, sa organisasyon ng ideya, sa balangkas ng kuwento o salaysay, sa punto de bista at iba pa. 5. Napakahalaga ng naratibo. Ang naratibo ay pagsasalaysay ng mga pangyayari. Ito ay may konsepto ng paglipas ng panahon. Ayon sa akda ni W. Ong, kahit ang pinaka-abstract na ideya ay maaaring naratibo ang maging daluyan. Ang mga kuwento ay naratibo. Kahit ang mga salawikain at kasabihan ay may bahid ng naratibo dahil para mabuo ang mga ito, kailangang dumaan ang mga karanasan ng tao sa pagsasalaysay na nakabatay sa pagdaloy ng panahon. At naratibo nga ito. Ang naratibo ay pinakamahalaga sa kulturang oral dahil gumagamit sila ng kuwento kung saan nila itinatago, inoorganisa at itinatalastas ang marami sa kanilang nalalaman. 6. Magkaibang magkaiba ang storyline at characterization ng dalawang kulturang ito. May bahid ng spontaneity ang kulturang oral at ito ay nababago at nagaganap habang binibigkas kaya iba-iba ang haba, iksi at ligoy ng iisang kuwento. Ang kuwento ay laging work in progress. Ang kulturang pasulat naman ay mahaba ang panahon na ginugugol sa pag-iisip ng storyline. Bago lumabas ang pinal na produkto o ang pasulat na akda ay gawa na ang storyline. Hindi na ito nababago. Kasi nga, nakasulat at nakalimbag na. kung sakaling may pagbabago sa storyline, ito ay itinuturing nang bago o ibang akda. Sa karakterisasyon naman ay ganon din. Ang tauhan sa kulturang oral ay hindi naman talaga tauhan lang. Sa Manobo Storytelling ni H. Wrigglesworth, tinawag niya itong story-participant. Ibig sabihin, napaka-flexible ng pagiging tauhan sa mga kuwento, gayundin ang mga tagapakinig sapagkat sa anumang panahon sa loob ng naratibo ay maaaring maging isa ang tauhan at mga tagapakinig. Kaya malaki ang pagsasaalang-alang ng taong nagtatanghal o bumibigkas sa lahat ng gawi, ugali, hangarin at iba pa ng mga tao sa kanyang komunidad. Sasalaminin ng kanyang mga nililikhang tauhan o story-participant ang mga ito. Ang tinig ng buong komunidad ay maririnig sa mga tauhan o story-participant. Samantala, malinaw ang pagkakahati ng papel ng tauhan at mambabasa sa kulturang pasulat. Ikaw na tagapagbasa ay tagapagbasa lamang ng mga iniisip at gagawin ng tauhan. Nakalatag na ang lahat, babasa ka lang. Kaya masasabing passive ang tagapagbasa. Hindi siya kasali sa kuwento. Maaaring nararamdaman niya ang nararamdaman ng tauhan ngunit hanggang doon lamang. Hindi niya katabi ang manunulat para marinig ang kanyang komento. Ang tauhan naman ay parang puppet. Ang panginoon ng tauhan sa kulturang pasulat ay ang awtor. Ito ang magdidikta sa mga iisipin at gagawin ng tauhan. Ito ay likha ng isip ng iisang tao lamang. (Bagama’t masasabi rin naman na bunga ng lipunan ng manunulat ang kanyang mga likha.) Bilang pagtatapos, hindi dapat natin (tayong mga namulat sa kulturang pasulat at halos hindi na nakakakilala sa purong kulturang oral) binibigyang-kahulugan at tinatasa ang kulturang oral batay sa nalalaman natin sa ating kultura. Mahalagang alamin din ang kaligirang pinagmumulan ng kulturang oral upang mas makabuluhan at mas makatarungan ang gagawin nating pagtatasa at pagbibigay-kahulugan sa anumang inaalok nito sa atin.

papel 6

Sunday, October 11th, 2009

Paksa: Kumposo ni Montor na inawit ni Tiya Amparing ng Pavia, Iloilo at Si Montor, maikling katha ni Angel Magahum

Si Montor bilang Moro at Katoliko

Ang dalawang akda ay ukol sa tauhang si Montor na isang Moro. Siya ay naging bantog dahil sa pagiging kilabot ng bayan. Ngunit di nagtagal ang pagiging tinik niya sa lalamunan ng mga tao sapagkat siya ay nahuli at binitay ng awtoridad.

Bagama’t tumutukoy sa buhay ng iisang tauhan, maraming pagkakaiba ang dalawang akda. Narito ang ilan:

1. Ang Kumposo ni Montor na tatawagin kong AKDA 1 ay isang kumposo. Ang kumposo ay isang anyo ng kanta mula sa Visayan Region na pumapaksa ng kuwento ng digmaan o pag-iibigan. Ang AKDA 1, samakatuwid, ay may anyong patula at lirikal. Taludtod at saknong ang gamit nito sa pagsasalaysay. Ang AKDA 2 naman, ang Si Montor, ay pakuwento. Papangungusap at patalata ang pagsasalaysay. Ang AKDA 2 ay may pagka-creative non-fiction ang dating.

2. Madamdamin ang AKDA 1 dahil sa malulungkot na eksena. Dito ay isinaad na may babaeng minamahal si Montor at ito ang nais niyang makita habang nakabilanggo at bago mabitay. Ang AKDA 2 ay may pagka-dyornalistiko. Dahil sa mga detalye tulad ng mga pangalan ng tao (Heneral Angel Corteza, Heneral Fullon, Koronel Brandais) at mga lugar sa Iloilo (Parian, Ogtong, Tigbawan) mukhang balita ang buong akda.

3. Sa AKDA 1, makikita ang human side ni Montor. Pinagsalita siya rito at nagpahayag nga ng hiling na makita ang minamahal. Ang dating ay kahit ang pinakamaton o siga sa lahat, may soft side pa rin. Sa AKDA 2, mas pinalitaw ang pagiging mandirigma niya. Dito idinetalye ng tagapagsalaysay na si Ramon, isang lalaking naging kaibigan daw ni Montor, kung paanong naging sundalo si Montor, kung paanong makipaglaban si Montor at kung sino-sino na ang kanyang napatay.

Narito naman ang pagkakatulad:

1. Parehong sinabi ang Iloilo bilang pinangyarihan ng lahat. Ginamit pa nga sa AKDA 1 ang Ilong-Ilong na pinaniniwalaang hugis ng islang Iloilo at siyang pinagmulan ng pangalan ng lalawigan.

2. Parehong sinabi na si Montor, bagama’t isang Moro, ay nagkaroon ng kaugnayan sa Simbahang Katoliko. Sa AKDA 1, ang mga huling linya ay
LUMUHOD KA’T MANALANGIN,
TANDA NG PAGSASAMANG MALAMBING.
na maaaring tumutukoy sa pagsasamahan nina Montor at ng mahal na si Asuncion ngunit maaari ring tumutukoy sa relasyon niya at ng relihiyong Katoliko. Sa AKDA 2 naman ay sinabing nagmula sa Antike si Montor at nang tumuloy sa Iloilo ay sa kumbento tumuloy. Binanggit din na bininyagan siya at si Heneral Rios ang ninong. Ang heneral na ito ay isa sa mga napatay ni Montor at kanya pang ipinagmamalaki ang pagkakapatay niya rito.

3. Pareho ring sinabi na may ginawang masama si Montor sa bayan. Sa AKDA 1 ay ito ang umpisa. Bigla na lamang itong naisip ni Montor (na para bang normal na ganon mag-isip ang isang tao, pabigla-bigla kahit pa grabeng pagkawasak ang idudulot ng ideyang iyon.) At nilapastangan nga niya agad-agad ang bayan. Sa AKDA 2 ay sa dulo ito matatagpuan. Pagkatiwalag daw ni Montor sa tropang Kastila ay sumama ito sa rebolusyonaryo pero kapagdaka ay tumiwalag din daw ito sa mga rebolusyonaryo saka nagkalat ng lagim sa mga bayang nakalaya na. Nanunog siya, nagnakaw at pumatay doon nang walang tigil.

Sa palagay ko, ang dalawang akda ay pumapatungkol sa naging ugnayan ng mga Muslim at Katoliko sa bayan ng Iloilo. Sa unang basa, aakalaing ukol lamang ito sa iisang taong kathang isip lang, isang taong pasaway sa may awtoridad kaya dapat parusahan. Ngunit hindi. Hindi ito kasing-inosente ng inaakala natin.
Si Montor ay maaaring ituring na kinatawan ng mga Moro o Muslim. Ang problema ay, sa dalawang akda, kitang kita agad na dehado ang pagkaka-portray sa mga Muslim.

1. Sa AKDA 2, ang sabi rito ay dati silang Katoliko. Bininyagan. Ngunit tumiwalag nang matapos ang pagrerebolusyon laban sa Kastila. Ito rin ang pinahihiwatig ng dulo ng AKDA 1. Dati siyang Katoliko kaya siya ay nagpapadasal kay Asuncion.

2. Nanggulo sila. Sa AKDA 1, sinabing sa isang bayan lang. At ang bayang ito ay hindi ang Iloilo (sapagkat nang mahuli si Montor ay saka pa lamang siya ipinadala sa Iloilo). Sa AKDA 2, nanggulo daw sila sa mga pinalayang bayan. At karumal-dumal pang mga krimen ang ginawa roon.

3. Ipinapahiwatig na sa AKDA 1 na sila ay nagbabalik-loob sa dating relihiyon o nagre-reminisce ng dati nilang relihiyon na Katolisismo bago malagutan ng hininga.

4. ang pagiging kaliwete ni Montor at ang parang inosenteng tanong ng
tagapagsalaysay ng kuwento ng “Ang mga Moros, kaliwete gid bala kumaon?” ay isang foreshadowing ng gagawin ni Montor sa pinagsilbihan nitong amo, ang mga Kastila at ang Katolisismo. Ang kanan ay laging naiuugnay sa tama at ang kabaliktaran nito, ang kaliwa, ay siya namang naiuugnay sa mali.

5. Ang paglalarawan kay Montor o sa mga Muslim ay salit-salitang positibo at negatibo. Sa AKDA 2, mapagmahal daw sa lupang tinubuan ang mga Muslim tulad ng kapuwa niya Pilipino. POSITIBO. Mainit at masidhi siyang nakipaglaban para sa kanyang mga kapatid. POSITIBO. Ngunit parang hayop sa gubat ang kanyang tapang at bangis. Wild, parang ganon. NEGATIBO. Pagkatapos, ang ending ay nanunog siya, nagnakaw at pumatay sa mga bayang nakalaya na sana sa digmaan. NEGATIBO. Salit-salitan man ang paglalarawang ito, dama kong mas negatibo ang paglalarawan kaysa positibo. Para kasing walang utang na loob si Montor sa AKDA 2. At pinagsisihan at natanto niya ito kaya nabuwal at nahimatay siya nang bibitayin na siya. Samantalang sa AKDA 1 ay masama si Montor, nilapastangan ang bayan, inuna pa ang kumbento! Ngunit nagsisi siya at ang naiwang positibong imahen ni Montor sa tagapakinig o mambabasa ay dulot ng ligayang nadama niya pagkakita kay Asuncion, na maaaring kumakatawan sa relihiyong Katolisismo. Maaaring sabihin na nang makita niyang muli ang Katolisismo sa Iloilo habang siya ay nakabilanggo, nalimutan niya ang lungkot na dulot ng napipintong kamatayan. Bukod dito ay nag-utos din siya magpadasal kay Asuncion. Kung hindi niya ito pinagawa kay Asuncion, maaaring kasuklaman siya ng tagapakinig o mambabasa. Sa madaling salita, kung hindi siya nagbigay-pugay sa Diyos ng mga Katoliko, masamang masama talaga siya. Wala siyang katubusan.

At kung susundan ang teorya kong si Montor ay kinatawan ng Muslim, ang nais iparating ng mga akda ay: ang mga Muslim ay nagdudulot lamang ng pagkawasak at matagal na paghahari-harian. Sa puntong paghina at pagkalipol, ang lahat nang ito ay mapapatawad basta’t dumulog lamang sa Diyos ng mga Katoliko at magdasal bilang Katoliko. In short, huwag mo nang igiit ang pagiging Muslim mo dahil teritoryo ito ng Katoliko.