Archive for April, 2009

doon po sa pinatubo

Sunday, April 26th, 2009

abril 18  eto ang date na isinet namin nina mam cora at karen bilang pinatubo day. pinag-usapan namin ito sa loob ng bus pagkagaling sa graduation ng college of commerce sa picc.

kasama dapat ang ilang co-faculty. hindi ko na maalala kung bakit hindi nakarating sa kanila ang petsa.
noong malapit na ang takdang araw, nagtataka ako kung bakit parang walang nagtetext sa akin tungkol dito. ako na ang nagresearch sa internet. at heto ang mga nalaman ko.
1. pati russia ay narating ng mga ashes mula sa pagputok ng bulkang pinatubo.
2. sa sta. juliana, capas, tarlac ang start off point. may spa doon, pinatubo spa. 
3. magrerenta ng 4×4 na sasakyan sa sta. juliana. P2500 per sasakyan at maximum of 5 pax ang puwedeng sumakay. 
4. kailangan may guide ka sa pag-akyat sa pinatubo. P200 per guide per 5 pax daw.
5. may conservation fee na P50 per pax
6. puwedeng maghike hanggang sa crater. 2-3 oras na paglalakad ang dapat paghandaan.
7. dapat magdala ng sangkatutak na tubig, sunblock lotion, sunglass at bimpo dahil napakainit ng panahon. 
nakakuha rin ako ng itinerary ng isang trip mula roon. nakakuha rin ako ng mga celno. ng mga travel agents. pero hindi ako nagtext. iniisip ko, katulad lang ito ng marami kong paglalakbay. kaya kong magpunta roon nang mag-isa at iexecute ang hike nang walang tulong mula sa anumang travel agent o agency.
kaya naman, tinext ko ng ganito:
magdala ng mga 2k. april 18 kitakits sa victory liner cubao 330am. pinatubo, maghanda ka! 
ang mga taong dapat kong kasama sa pagpunta sa pinatubo ilang araw bago ang 18. kasunod ng pangalan nila ang kanilang reply.
1. mar- kung makakapag half day ako, makakasama ako. pero kung hindi, 6am pa ang labas ko. ok na ba ang P1300?
2. weni-sori bebs kelangan kong magpatingin sa doktor para sa problema ko sa lalamunan
3. mam cora- sori hindi ako makakasama. me sipon ako. baka lalong lumala
4. rayts-naku bebang kagagaling ko lang diyan saka aakyat din kami sa mt. asog e.
5. haids-bebang hindi talaga ako makakasama at nasaid ang budget namin sa pag-uwi namin sa mindoro
6. karen- sige bebang tanungin ko rin sila pres
so si karen lang ang nagconfirm. 
gabi bago ang hike, nasa las pinas pa kami ni ej. kaya naisip ko na ring isama si iding para naman makapasyal siya. naggrocery kami sa sm sucat tapos saka lumuwas kaya naman 10pm na kami nakarating sa bahay sa qc. pinag-empake ko na agad ang mga bata  at sinabi ko kay ate na dapat ay magising siya nang 2am para makapagluto siya ng pagkain na babaunin namin.
heto ang mga inempake ko:
1. isang balot ng mentos na iba’t ibang flavor kada roll
2. pillows na party size
3. extra pair of rubber slippers
4. 1 panty, 1 bra,1 t-shirt, cap
5. breadsticks na malaki
6. 1.5 litro ng tubig
7. isang plastik na baso
8. toiletry bag na ang laman ay
    8.1 toothbrush (na magiging tatlo dahil kina iding at ej na toothbrush)
    8.2 toothpaste
    8.3 sabon
    8.4 shampoo
9.  pulang shoulder bag na ang laman ay:
    9.1 wallet kasama ang lahat ng ID at P5000
    9.2  hiram na camera (shock at water proof ito)
    9.3 cellphone na may P35 lahatext load
    9.4 lampin para pamunas ng pawis
    9.5 suklay
10. mansanas, ponkan, 2 sumo, 2 butter coconut
pinaligo ko na ang mga bata bago matulog. at pinasuot ko na rin sa kanila nang gabing iyon ang mga isusuot nila dapat bukas. pero hindi pa natulog agad ang dalawa. inihalo na ni ej ang powdered nestea iced tea nila sa mga bote nila ng tubig. 
bago ako makatulog, nagtext si karen. sasama raw ang dalawa niyang kaibigan. sina pres at bianca. nakasama ko na rin sila sa dive sa subic. ayos naman. masaya silang kasama.
pagsapit ng 2:30 am, nagising na ako. naabutan kong nagluluto si ate. pinrito niya ang ipinabaon ni mami sa amin na lumpiang shanghai. pinrito din niya ang japanese food na parang manipis na pork chop. binili namin ito sa sm sucat. nagsaing din siya. 
nagbalat ako ng isang maliit na pipino at kalahating singkamas. pagkatapos kong hiwain ang mga ito ay agad kong inilagay sa ref. naligo na ako at pagkabihis, saka ko ginising ang mga bata. 3am na iyon.
inilagay na namin ang mga pagkain at tatlong kutsara sa bag ko. tig-iisa kami ng bag ng mga bata. tig-iisang litro sila ng tubig ( na tinimplahan nga ng iced tea) sa mga bag nila. kanya-kanya ring bitbit ng pamalit na damit. tig-iisa ring mansanas, ponkan, sumo at butter coconut ang mga bata.
para pagka nagutom o nauhaw sila, hindi na nila ako kailangang tawagin. 
saktong 330am, nasa labas na kami ng bahay, naglalakad papunta sa sakayan. wala pang text si karen. sasama kaya ang babaeng iyon? baka umatras na! patay.
340am ay nasa victory liner na kami. 430am pa raw ang bus na papuntang alaminos. bumili ako ng ticket naming tatlo (P150×3=P450) saka ko tinext si karen. nasa 711 na pala sila at bumibili lang ng pagkain.isa’t kalahating tumbling lang ang layo ng 711. 
mayamaya nga ay dumating na sila at bumili rin ng tiket. pinakilala ko na ang dalawang bata sa tatlong matanda. nahihiya-hiya pa noon si iding. asuuuu….wala man lang foreshadowing na siya ang magiging sakit ng ulo ni karen hahaha
sumakay na kami ng bus pagsapit ng 430am. tapos natulog kami sa bus. kelangan naming tipirin ang aming enerhiya. gigil na gigil man akong daldalin si karen ay di ko talaga ginawa.
after an hour, pagsapit sa bus stop sa dau, tinanong na namin sa driver kung alam nila kung saan kami dapat bumaba. patay. hindi raw niya alam at walang nakakaalam. kasi sa internet, walang nagsasabi kung paanong makarating sa sta. juliana. basta ang sabi ay nasa capas, tarlac ito. ang hirap kasi talaga kapag nagco-commute ka lang. halos lahat ng kuwento sa internet, bida ang kotse. ibig sabihin, may sarili silang ride papunta roon at hindi nagtren, bus, dyip, trayk, pedicab, bangka, balsa, jetski, lobo o anuman papunta sa destinasyon. 
may sinasabing lugar na kung tawagin ay junction ang bus driver at konduktor. doon na lang daw kami bumaba para sigurado.
dumaan pa ang isang oras at bumaba na kami sa isang gas station na may katabing mcdo. iyon daw ang junction. bigla kaming nilapitan ng isang traysikel. 
Manong Drayber: saan ang punta ninyo?
kami: sa sta. juliana po. aakyat kami sa pinatubo
MD: ihatid ko na kayo doon. P300 na lang. malayo yon, e.
kami: ang mahal naman, manong. wala ho bang bus o dyip papunta doon?
MD: wala.
lumayo kami at nag-usap-usap. 
ako: tsong, imposibleng ganon kamahal ang papunta doon.
karen: hindi mo ba talaga alam kung paano makapunta sa sta. juliana?
ako: hindi, e. akala ko yung pinatubo spa e nasa highway lang.
karen: itetext ko na lang si kuya art
nagtext nga siya. tapos ako naman, naghanap ng matatanungan. me nakita akong nagtitinda ng diyaryo. heto ang instructions niya:
1. pumunta kayo sa palengke. 
2. sa palengke, may dyip papunta sa patling. sumakay kayo doon.
3. sa patling kayo bumaba. sumakay kayo ng tricycle hanggang sa sta. juliana.
paano pumunta sa palengke?
1. tumawid kayo.
2. sumakay kayo ng dyip. ayun!
yun nga ang ginawa namin.
mula sa junction hanggang sa palengke -P7.00
palengke hanggang patling -P27.00
sa dyip na papuntang patling, nagtagal kami. naghihintay kasi ito ng pasahero. yung naabutan namin ay hindi na kami kasya. kaya naghintay kaming mapuno ito pagkatapos ay sumakay kami sa sumunod na dyip. nagpuno pa rin ito bago lumarga.
kaya nagkuwentuhan pa muna kami. sinabi rin ni karen na ang instruction ni kuya art ay:
1. pumunta sa munisipyo
2. kumuha ng guide sa munisipyo.
tinanong namin sa mga lalaking nag-aasikaso ng pila ng dyip kung nasaan ang munisipyo. 2 kilometro pa raw mula roon. pero tama na raw ang dyip na sinakyan namin. patungo na raw iyon sa patling na katatagpuan ng sasakyan papuntang sta. juliana.
kaya hindi na kami nagbakasakali sa munisipyo. Hinintay na lang naming umandar ang sinakyan naming dyip. nagtanong din kami kung magkano ang traysikel mula patling hanggang sta. juliana. sabi ng drayber namin, P50 raw bawat isa. kung gusto raw namin, ihatid na lang niya kami hanggang doon. magdagdag na lang kami ng P50 bawat isa.
at talaga namang hindi ako mabilis maniwala sa sabi-sabi.
ang ginawa ko, bumaba ako ng dyip. kami pa lang naman ang pasahero kaya matagal-tagal pa bago umandar ito. pumunta ako sa paradahan ng traysikel at nagtanong. doon ko nalamang P30 lang mula patling hanggang sta. juliana. kaya ito ang sinabi ko sa drayber ng aming dyip. pumayag naman siyang dagdag na P30 na lang bawat isa sa amin mula patling hanggang sta. juliana.
45 minutes din ang biyahe mula sa palengke ng capas hanggang patling. pasikot-sikot ang ruta ng dyip. merong pasahero na after 10 minutes ay bumaba na. naawa tuloy ako. matagal pa yung oras na ipinaghintay nila kaysa sa mismong biyahe hanggang sa kanilang destinasyon. ibig sabihin, itong dyip lang na ito ang dadaan sa lugar na iyon. (e, bakit hndi na lang nagtraysikel? baka masyadong mahal) nadaanan din namin ang mahahabang palayan na may baka, kalabaw at kambing, isang transmitter, maliliit na iglesia ni cristo at maraming maraming bahay. 
pagkaraan ng 45 minutes, kami na lang ang natirang pasahero. pagkaraan ng 15 minuto, sumapit na kami sa aming destinasyon: ang pinatubo spa sa sta. juliana. huwaw. sa wakas.
kamukhang kamukha ng signboard nito ang nakita ko sa internet. eto na nga, kako sa sarili.
nadatnan namin doon ang mga 4×4 na nakaparada.
pagpasok namin sa gate, may bumati sa amin na isang mesa. punompuno ito ng tao dahil nagpi-picture taking sila. iyon na pala ang registration table. Hindi ako sigurado pero eto na yata yung DENR remote office. kasi ito yung nababasa ko sa internet. wala naman sinabi kung anong opisina ito. pero ang nakalagay sa manggas ng uniporme (dilaw na polo shirt na ang tatak ay lacoste, hindi naman isyu kung orig iyon o hindi) ng mga babaeng nakaupo sa mesa at nagsusulat sa mga papel-papel, lalawigan ng tarlac. so malamang ito ay mga tao sa munisipyo. tao ng mayor o ng governor o ng sinong politiko.
pagkaalis ng naunang grupo, nagtanong na kami. 
ako: aakyat po kami sa pinatubo. puwede po bang mag-arkila ng 4×4?
babae: meron kaming grand trek ngayon. bale package tour lang ang puwede.
ako: po? package tour? magkano po?
babae: P1450 ang bawat isa. kasama dito ang 4×4, ang guide, ang tubig ninyo, entrance fee sa skyway na P500, conservation fee na P50 per head at packed lunch. may souvenir pa kayong bag.
P1450 bawat isa. so times 3 ang babayaran ko? P4350. maglalakad kaming magtitita pabalik ng maynila?
napaatras ako. saka ko napansin ang nakalungayngay na tarpaulin sa likod ng mesa. welcome to 11th grand trek to mt. pinatubo. may event pala sila. hindi ko man lang nabalitaan sa internet.
kasya naman ang pera ko pero gusto ko talagang makatipid. nakakahinayang pa rin ang perang itatapon namin sa package kung puwede naman palang hindi magpackage. kaya once again, kinausap ko si mam.
ako: baka po puwedeng magrenta na lang kami ng 4×4, mam? tapos kukuha na lang po kami ng guide at magmamaneho sa amin. babayaran na rin po namin ang lahat ng fees na kailangang bayaran.
babae: hindi nga puwede, miss. package tour lang ang puwede ngayon.
ako: hindi naman ho namin alam, mam. galing pa ho kami sa maynila. nakakahinayang naman pong hindi kami makakaakyat ng pinatubo.
babae: e, anong gagawin natin? yun ngang nauna sa inyo, hindi rin nila alam ito pero nagbayad sila nang buo.
tinitingnan na ako nina karen. sina ej, wiling wili sa pakikipaglaro sa isang unggoy. tinitingnan na rin ako ng ibang staff doon. ayaw na ayaw ko ang ganon. nai-insecure ako. lalo akong nagmumukhang mahirap. feeling ko, naaawa sila sa amin. ang jologs pa naman ng suot ko at suot ng mga bata. nakapambahay. so feeling ko talaga, naaawa sila sa amin dahil wala kaming perang pambayad.
 
pero nagdesisyon akong mangulit pa rin. masyadong mahal ang P1450. tatawad ako.
ako: mam, baka po puwedeng ‘yong usual rate na lang po ninyo. hindi po kasi talaga namin alam itong grand trek. ano po ba ‘yan?
babae: opisyal na naming binubuksan ‘yong daan papunta sa crater na puwedeng daanan ng sasakyan. pagbaba ninyo sa 4×4, 15 minutes na lang kayong maglalakad.
lumiwanag ang mukha ni karen. takot na takot kasi siyang ma-high blood sa trek kung tatlong oras nga naming lalakarin ang pinatubo.
ako: mam, may dala po kaming pagkain. baka puwedeng hindi na namin bayaran ang tanghalian ninyo?
babae: o sige, sige! bale, P250 ang lunch. tanggalin na natin.
nabuhayan ako ng loob. P1200 na lang bawat isa.
ako: ano pa po ba ang puwede nating tanggalin mam? mabigat po kasi talaga para sa akin ang P1200.
babae: o, ayaw ninyo ng bag? ‘yon yong souvenir namin.
itinuro niya sa gilid ng mesa ang nakatambak na mga bag na kulay-papayang papahinog pa lang. 
ako: hindi na po.
e, kasi naman, hindi naman kami nagpunta roon para magka-bag. bitbitin lang sa trek ang anumang dagdag na item.
babae: o, sige. 200 yon. P1000 per head na lang.
 
yey! nagbubunyi na ang mga lamanloob ko. anlaki ng matitipid namin. pero hindi ako nagpahalata. baka puwede pa akong makadiscount. sabi nina karen, ok na kami, bebang. ok na sa amin ang P1000 per head.sabi ko, e, ako? sabi ni karen, oo nga. yun nga lang. times 3 ka pa rin. 
hindi muna ako nagsalita kay mam. patingin-tingin ako sa mga batang nasa tapat ng mga hawla ng ibon. nagkamot pa ako ng ulo. niloloko na ng ibang staff si iding. 
“iwan ka na lang dito. hintayin mo na lang silang makababa.”
nagseseryoso ang mukha ni iding. parang naiiyak na nagagalit.
ako: mam, di ba puwede talaga na huwag na kaming magpackage? di ba po makakatipid kami talaga kung walang package? magkano nga po uli?
babae: bale kung lima kayo heto ang magagastos ninyo:
P 2500 4×4 na sasakyan
P 500 guide
P 250 conservation fee (P50 x 5)
P 500 entrance fee sa skyway
_____
P3750
bale P3750 hahatiin sa lima ay P750 lang. di hamak na mas mura talaga. pero hindi nga puwede ngayon.
ako: mam, kasi po tatlo po ang babayaran ko. kasama ko kasi yung dalawang bata.
babae: e, dalawa lang naman ang babayaran mo, e.
hindi ko na napigil ang tuwa ko. P2000 para sa aming tatlo?
ako: yey! libre na raw si iding!
nagyehey din sina karen. nagyehey din ang ibang staff. binayaran na namin ang chinap-chop naming package. naghanap sila ng guide at driver namin. tapos, bago umalis, binigyan kami ng limang bote ng mineral water.  yung kayang ubusin ng isang lagok. akala ko, mga isang jug ang ipapabaon sa amin kaya isinama pa iyon sa package. aysus.
lumarga na kami. si iding, kandong ni karen sa harap. at kaming apat at ang guide sa likod.
si kuya moning ang aming guide. mahigit singkuwenta anyos na, sa tantiya ko, si kuya moning. hermogenes ang tunay niyang pangalan. sunog sa araw ang kanyang balat. kulang-kulang ang kanyang ngipin. payat siya at matangkad. bukod sa pagiging guide, liaison officer daw siya ng  brgy. captain ng sta. juliana. dito siya lumaki, nagkaisip at tumanda. saglit siyang tumira sa maynila pero bumalik din siya agad dito. nang pumutok daw ang pinatubo, nasa bukid pa siya at inaani ang mga itinanim na kamote. isang linggo bago pumutok ang bulkan, saka lamang nagpalikas ang pag-asa. kaya marami sa kanila, abalang abala pa sa bukid noon. ipinagsiksikan sila sa isang evacuation center sa tarlac.
kapampangan daw ang wika nila sa tarlac. noong bata siya, inaakyat niya, kasama ang mga kaibigan, ang mga bundok. lahat ng nakikita sa paligid ng ilog (na mukhang disyerto nang daanan ng aming 4×4) ay mga bundok pati ang pinatubo. nang pumutok ang pinatubo saka lang nila nalamang bulkan pala iyon. 
ay bulkan. may bulkan pala rito sa amin. para raw ganon.
marami rin daw kuweba sa sta. juliana. sakop ng kanilang barangay ang malawak-lawak na lupaing dinaanan ng aming 4×4. kung gusto ko raw i-explore ang mga kuweba at bundok, manatili raw ako doon nang isang linggo.
hmm…napakalaki talaga ng Pilipinas. at napakarami pang dapat tuklasin. bakit nga ba nagsisiksikan ang mga pinoy sa mall? 
si kuya, (hindi ko nakuha ang pangalan niya, sorry, pero dapat alam ito ni karen. naririnig ko kasing tinatanong-tanong din niya ito during the trip) ay mahusay magmaneho. sa buong trip namin, hindi kami nabalagoong ever. may mga nadaanan kasi kami, noong papunta pa lang kami sa crater, na sasakyang na-stuck sa maliliit na ilog. hindi makaahon ang kanilang 4×4. nabaon sa buhangin ang gulong. ayun, tinanghali yata sila sa kanilang spot. 
noong pabalik naman kami, nabalahaw ang nauna sa aming sasakyan. nag-u-turn kami dahil ang sasakyan daw namin ang hihila sa sasakyan nila. malayo pa kami sa pinatubo spa. malayo pa sa anumang tulong. kaya feeling good samaritan kami. at naiangat naman ni kuya ang sasakyan na nabalahaw.
para kaming nasa disyerto. manaka-nakang batis at mababaw na ilog ang umiistorbo sa kilo-kilometrong buhangin. O’ Donnel river yata ang tawag sa paputol-putol na ilog na nakita namin. malaking ilog daw iyon noon sabi ni kuya moning. bago pumutok ang bulkan.
marami rin kaming nadaanang bundok. na baka maging bulkan din someday. 
hindi kami nainitan sa biyahe. masuwerte kami dahil maulap nang araw na iyon. may bahaging maalikabok pero hindi naman ganoon kaalikabok. ni hindi ako nagtakip ng bibig at ilong during the 4×4 ride. 
sabi ni kuya moning, nadaanan na raw namin ang boundary ng tarlac at ng zambales. a…wala man lang arko. ni walang karatula na nagsasabing thank you very much you are now leaving brgy. sta. juliana. or welcome to zambales, the home of the sweetest mangos in the whoooole world. ano ba? bakit wala? natatakot ba silang gastusin ang pera ng bayan para rito? 
nadaanan din ng aming 4×4 ang pansamantalang kampo ng mga nagte-training na kanong sundalo. yon daw ang vfa, sabi ni pres. first time kong makakita noon. andaming tent. andaming lalaking puro naka-fatigue na stripe-stripe. may mga dala pa silang mahahabang baril.  may mga sasakyang panggera, yung parang owner type jeep na kulay green din. at pag-usog-usog pa namin nang konti, me nakita kaming tangke. iyong panggera. 
baril, tangke, ano pa kaya ang nasa kampong iyon? at para saan ang mga iyan? tine-training sila para sa gera? e, para saan ba ang gera? di ba para sa pagkawasak? ng tao?ng buhay? ng mga gamit? ng mga estuktura? ng mundo?
e anak ng teteng ang gobyerno natin. bakit pinapayagan ang mga ganito sa sarili nating lupain? puwede kayang magtraining-training na lang sila sa ibang bansa? ano bang naidudulot niyan sa atin?
nabasa ko noon na may isang mataas na opisyal ang sumagot ng tanong na ito. 
magbebenefit daw ang pilipinas dahil maaambunan ng talino sa training ng mga sundalong kano ang mga sundalong pilipino. o, aber, naambunan nga ba? at kung naambunan nga, para saan naman yan gagamitin? sa gera na naman? sa walang katapusang wasakan ng bahay at buhay? po-ni-ye-ta. 
dapat pag-isipan na talaga ng mga tao lalo na ng mga hene-heneralan ng ating bansa kung ano nga ba ang napupurat natin sa mga gera. at kung sino ba ang nakikinabang diyan dahil malamang iyan ang pasimuno ng mga ito.
pero siyempre, ngayon ko na lang naiisip ang mga bagay na iyan. dahil nang dumadaan kami sa mga kampong napapalibutan ng makikintab at mapuputi pang barbed wire, nagtutuksuhan kami nina karen, pres at bianca. 
uy, mga smith. mga black! brown! mga bird! 
ang tinutukoy namin ay mga apelyidong kano.
ako: pagkakataon mo na ito, karen. baka nandito lang ang iyong tadhana.
mayamaya lang ay sumapit na kami sa paanan ng skyway. isang nakaframe na tarp ang bumati sa amin. welcome to skyway, sabi nito. 11th grand trek to mt. pinatubo. from kong reycat. tapos may mukha ng isang lalaki. iyon daw ang mayor nila sabi ni kuya moning.
kong reycat. e bakit po chinese? tanong ko.
hindi. hindi ‘yan chinese. tagadito yan. sa susunod na eleksiyon, tatakbo nga iyang congressman dahil tapos na ang tatlong term niya na mayor siya.
kakaiba ang pangalan. kong reycat. parang animalistic na chinese.
bumaba kami para magpiktyuran.
akala ko ay may toll gate doon na mangongolekta ng P500 namin (na manggagaling na sa drayber dahil nagbayad kami ng “package”. kasama daw kasi talaga iyon sa babayaran namin. pero wala. wala akong nakitang tollgate. inaasahan ko rin na sementado ang skyway dahil sa pangalan nito. pero hindi. patag at hinawan lamang na kalsada ang bumungad sa amin.
gayumpaman ay enjoy naman ang ride. taas-baba ang hugis ng kalsada. skyway sigurong natagurian dahil may mga point sa biyahe na kasintaas na namin ang mga bundok na kanina lang ay tinitingala namin. higit ding malalaki ang ulap doon. parang anlapit-lapit na talaga sa langit. 
may mga nakita rin kaming aeta. kulot at maiikli ang kanilang buhok. nakapaa ang karamihan sa kanila. maitim sila. at maliliit na tao. merong isang couple ng aeta ang nakita naming naglalakad. may dalang kalderong maliit ang babae. sabi ni kuya moning, ang mag-asawang aeta raw ay laging magkasama. kapag nangunguha raw ng puso ng saging ang mga lalaki, kasama nila ang asawa nila.  
saka namin napansin maraming puno ng saging sa paligid. 
ako: manguha tayo ng bunga, kuya. 
kuya: wala nang bunga ang mga iyan. kasi ang kinukuha lang diyan e yung puso. at kapag kinuha na ang puso, hindi na nagbubunga ang puno.
mga walang puso na pala itong mga nakapaligid sa amin. kaya naman napasigaw ako, “mga walang puso!”
napansin ko rin ang kakaibang talahib doon sa gilid-gilid ng skyway. parang may sanga-sanga ng talahib ang talahib. lasa (maragsa ang bigkas) daw ang tawag doon. may mga puno rin na kamukha ng bunga ng aratilis ang bunga. alarong daw ang pangalan ng punong iyon. napakanegatibo, ano? ala na, wrong pa.
may nadaanan din ang aming sasakyan na mga kabataang aeta. parang teenager. mga lalaki. may dala silang baril na mahaba. nakatingin sila sa amin. halos lahat ng na-encounter kong aeta, nakatingin sa amin. parang hndi sila sanay na makakita ng mga taga-patag.
naalarma ako sa baril na mahaba. 
ako: kuya, ba’t may ganyan?
kuya moning: nangangaso sila,e.
ako:  may mga hayop po ba dito? 
kuya: mga baboy-damo.
dumaan kami sa isang mabatong ilog. andami naming nakitang aeta doon. iyon yata ang kanilang public bath. andami ring damit na nakalatag sa bato-bato. may palda, salawal ng bata, sando ng baby, shorts, pantalon, kumot, kamiseta. may nakita rin kaming naglalaba. may nakita naman kaming paalis na. papunta sila sa direksiyon na pupuntahan namin. isang matandang babaeng aeta, siguro nasa 60 na, kahit kasi walang ekspresyon ang kanyang mukha ay marami nang guhit ito, at isang batang aeta ang napansin ko. yung matandang babae ay nakabulaklakin na bestida.nakapaa siya.
grabe, nakakaya niya ang magpaa sa edad niyang iyon? 
nadaanan din namin ang isang kumpol ng mga bahay kubo. sabi ni kuya moning, aeta village daw iyon. dati ay nasa 20 ang bahay doon. ngayon ay parang mga lima na lang. wala raw kuryente sa bahaging iyon ng zambales. lamparang de gaas lang ang gamit ng mga aeta. paminsan-minsan, bumababa ang mga aeta sa bayan para ibenta ang mga puso ng saging at para bumili ng gaas. tapos aakyat din sila agad dito.
parang ang hirap ng buhay nila. hindi ko maimagine ang buhay na walang kuryente. hindi naman ako maka-meralco pero mula’t sapul kasi ay may switch ng ilaw sa bahay namin. pag nadidiliman ka, isang klik mo lang, babaha na ng liwanag. pero dito, pag naubusan ng gas, e di andilim-dilim na?
wala silang tv. ano ang form of entertainment nila? 
pero baka mas nahihirapan sila kapag sila naman ang nakakaalam ng buhay natin. ha? may tv kayo? anong tv? paano buksan yon? may bayad ba yon? ano ang pinapanood ninyo? paano kayo naaaliw sa mga pinapanood ninyo? laptop? ano yon? libre ba ang paggamit noon? saan kayo nakakakuha ng laptop? paano ba gamitin yan? cellphone? ipod? psp?
naisip kong ang level of comfort ay dinedefine ng bawat tao. hindi yan pare-pareho. hindi universal. gayundin ang kaligayahan. siguro kung ganito, katulad ng sa aeta, kapayak ang paraan mo ng pamumuhay, mas madali kang maging maligaya. 
ngayon, sino nga kaya sa amin ang mas masaya ang buhay?
ilang saglit pa ay humantong kami sa paradahan ng 4×4. andaming 4×4. nasa isandaan yata. kaya naiimagine na namin na magmumukha siguro kaming langgam sa pinakalabi ng crater. para ngang langgam sa rim ng isang baso.
bawat 4×4 ay nasusulatan ng pangalan ng mga nakasakay doon. at may pangalan ang kanilang grupo. cubcub group. tanay group. 
e yung sa amin? narinig ko kanina, bago kami umalis, beverly group daw kami. nako. buti na lang hindi ipinaskil sa aming sasakyan. masyadong western. at para sa tenga ko, masyadong baduy. 
nagsimula na kami sa aming trek. medyo mabagal ang aming pag-akyat. yung dapat na 15 minutes ay naging 30-40 minutes sa amin. pero hindi mahirap ang trek. wala nang mas hihirap sa mt. ampacao, para sa akin.
kaya lang kami natagalan ay dahil marami kaming nakasalubong na pababa na mula sa crater. saka si bianca, nakarubber shoes.actually dalawa sila ni pres. pero si pres, pagkatapos ng mga 10 mins na paglalakad ay inilubog na ang rubber shoes. kaming lahat nakasandals kaya puwedeng puwede kaming umapak sa tubig. si bianca nakabagumbagong fila. puti pa naman. kaya pinipili niya nang husto ang dadaanan niya. tuntong siya nang tuntong sa mga bato para hindi mabasa ang sapatos niya. may cascading na tubig kasi sa 70% ng trek. ang ganda-ganda nga kasi para siyang inayos ng isang batikang landscape architect ang daraanan. parang di ako makapaniwalang natural ang mga batis at mumunting ilog doon. parang manmade nga.
may nadaanan din kaming isang batis na napapaibabawan ng makitid na tubo. malinis daw ang tubig mula sa tubo na iyon. sumahod agad ako sa palad at uminom. talo pa ang viva mineral water sa linamnam.
nakasalubong namin si kong reycat. dahil layo-layo ang agwat namin nina karen at ako, si bianca at si kuya moning ang nasa dulo ng pila namin, kami lang ni bianca ang naipakilala sa mayor. naghello-hello lang kami at siya naman, sabi niya, mag-enjoy lang kayo. nakilala din namin ang brgy. captain ng sta. juliana. kilalang-kilala itong si kuya moning ng mga tao. lalo na iyong mga taga-munisipyo. pati nga ang mangilan-ngilang mga aeta na nadaanan namin, kakilala siya at kilala niya.
finally, naabot namin ang tuktok pagkatapos ng mga sampung beses na pagsasabi ng mga nakasalubong namin ng, “malapit na. 5 minutes na lang.”
sa pinakatuktok, bigla kong nakita ang matandang babaeng aeta na nakabulaklakin. nauna pa sa amin. sigurado akong siya iyon dahil sa damit niya at kasama pa rin niya ang batang nakita ko rin kanina sa ilog. napiktyuran ko pa sila. marami na namang aeta doon. babae, bata, matanda, lalaki. tapos nakakita kami ng tambak-tambak na mga bato sa gilid ng maliit na daanan. sabi ni kuya moning, gumagawa raw ng riprap ang mga aeta. sila ang kinomisyon para gawin iyon. 
nakakaawa naman sila. napakabigat na ng gawaing paghahanap ng pagkain sa bundok. pati ba naman ang trabaho o paghahanap ng pera ay mabigat pa rin? wala bang mas mainam na trabahong puwedeng ibigay sa kanila? ano ba ang kanilang mga skill at kaalaman na puwede nilang ipreserve? baka puwedeng bayaran sila ng gobyerno para lang ipreserve nila ang mga ito? hindi iyon hahatakin sila sa konsumerismo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga trabahong napakamanwal.
naalala ko tuloy ilang pasko na ang nakakaraan nang magpasko ako mag-isa somewhere. bago ako lumabas ng tinuluyan ko, nakabasa ako ng isang pdi. isa sa mga balita doon ay ang pagbaba sa bayan ng isang etnikong grupo mula sa kanilang ancestral land sa davao. bakit sila bumaba? para mamasko, manghingi ng pera. sasayaw sila ng kanilang katutubong sayaw suot ang katutubo nilang damit. 
marami ang nagalit sa ginawa ng etnikong grupo na ito. nakakawalang pride daw ang ginawa nila. nakakahiya. ganon na ba sila kadesperadong kumita? 
ako, naawa. 
at rumehistro sa isip ko ang mga tanong na ito:
1. bakit nga ba nangangailangan ng pera ang mga etnikong grupo na ito? 
2. dahop ba sila? kung oo, bakit?
3. may ginagawa ba ang mga taga-bayan para matulungan ang mga etnikong grupo tulad nila? e ang pamahalaan kaya? paano ba tingnan ng pamahalaan ang mga ganitong grupo? pangmuseo? pang-wow philippines show? 
4. may kinalaman kaya sa nangyayari sa mga etnikong grupo ang masigasig na pagtangkilik ng mga pinoy sa musikang galing sa ibang kultura? 
5. e, ako kaya? may ginagawa ba ako para naman hindi maisip ng mga etnikong grupo na manghingi ng pera sa ganoong paraan? 
6. o in the first place, hindi ko alam na nag-eexist sila?  
nakakalungkot talaga. kung ako ang gobyerno, magbubuhos ako ng pera para sa mga taong ito. sige, tumugtog lang kayo at sumayaw ng inyong musika at sayaw, hindi na ninyo kailangang mamroblema sa buhay. pakakainin ko kayo, bibigyan ko kayo ng tirahan, pag-aaralin ko ang pamilya ninyo. lahat-lahat.ni hindi ninyo kailangang bumaba sa bayan. dahil ire-require ko sa lahat ng paaralan na kilalanin kayo ng mga estudyante. at sila, silang mga taga-bayan, silang may mga sapin sa paa ang dadayo sa inyong lugar. maghirap sila para lang makadaupampalad kayo.
back to the aeta case…
siyempre, maganda pa rin na nagkakahanapbuhay sila. pero iyon nga, sana ibang trabaho na lang. o di kaya magtawag na lang ng volunteers ang gobyerno para sa paggawa ng riprap na iyon. para bang yung ginagawa ng gawad kalinga. tapos ang pinakapremyo ay yung mismong pag-akyat ng mga volunteer sa mt. pinatubo. kumbaga, libre na ang lunch, 4×4 at iba pa. nakapagpromote ka na, nakapagpagawa ka pa ng riprap. at ang pinakamaganda roon, nakapagbigay ng essence sa mga tao dahil volunteer work iyon.
hay. bakit nga ba hindi makaisip ng mga ganitong packaging ang mga tao sa gobyerno?
nang makita ko ang crater, parang nagcatwalk sa isip ko ang mga retratong nakita ko sa internet. wala talagang kapantay ang makita ito sa personal.  
magical. enchanting. paradise. art.
yan ang masasabi ko sa pinatubo crater. napakaganda talaga. parang painting. parang hindi totoo. at kung totoo man, parang nakakapanibagong dito sa pilipinas ito matatagpuan.
aquamarine ang kulay ng tubig sa crater. luntian naman ang nakaharang na mga bato at bundok dito. mahalaman sa buhanginang malapit sa tubig. 
nagpicture-picture kami doon bago bumaba sa isang napakatarik na hagdan. sa baba, nakahanap kami ng maliit na punong masisilungan. itinambak namin ang mga gamit namin. yung dalawang bata, nagsibihis agad para maligo sa lawa.
inihanda na rin naming matatanda ang pagkain. noon namin naramdaman ang gutom. wala kaming almu-almusal. pamentos-mentos lang kami sa buong biyahe. nagsalo kaming lahat sa mga dala naming pagkain. hindi naman mahirap yakagin si kuya moning. ginawa naming plato ang mga takip ng plastic container ng pagkain. nanguluntoy man ang lumpiang shanghai ng nanay ko, the best pa rin daw ito sabi ni pres.
pagkakain, naghubad na ako ng pantalon. naka-shorts na kasi ako sa loob. sinubukan kong maligo kaya lang giniginaw na naman ako. kaya patampi-tampisaw lang ako sa tubig. naglibot-libot din kami sa paligid. hindi naman puwedeng magswimming sa gitna ng lawa dahil malalim daw iyon sabi ni kuya moning. hindi naman malinaw ang tubig kaya di mo talaga makikita ang ilalim. 
kung gusto mo namang magbangka, dapat ay nagbayad ka ng P250 (per head) sa sta. juliana. may nag-aabang na maliliit na mga bangka sa pampang para itawid ang mga taong nag-avail ng ganong adventure. sayang at hindi namin nabalitaan. curious din akong makita ang kabilang bahagi ng crater. kasi mula sa pinagtatampisawan namin, maliit na bahagi lang nito ang kita. may nakaharang kasing parang bundok.
sabi ni kuya moning, sa gitna raw ng lawa ay mainit ang tubig. ngi. nakakatakot. baka naman biglang mabutas ang sasakyan kapag ganon. at tunawin na lang ang katawan ko pag lubog ko. sabi rin niya, sa kabila raw ng bundok na humaharang sa tubig, iyong nasa gawing malayo mula sa pampang, ang pampanga na. pampanga! isa na namang lalawigan.
maraming tao nang dumating kami. may dalawang lalaking foreigner. may tatlong grupo ng,mukhang, yuppies at mayroong babae’t lalaki, mukhang magjowa. kami lang ang may kasamang bata.
pagkakain, lumipat kami sa isang buhanginan. dumaan kami sa mga hala-halaman. pagdating doon, nagtampisaw kami sa baybay. sabi ni ej, ibaon daw namin sa buhangin ang aming mga kamay. anlamig! kakaiba. malamig ang buhangin, parang ref. pero hindi naman malamig na malamig ang tubig. 
after 15 minutes, biglang umambon. tapos lumakas nang lumakas. bumalik na kami sa puno para isecure ang mga gamit namin. nag-alisan na ang mga tao. kumbaga sa shooting, pack up. kami, nagtiyaga sa location. kaya pagtila ng ulan, wala nang katao-tao. kami lang.
amin na amin ang crater. tanghaling tapat iyon. 
ako: kuya, may umaakyat pa ba nang ganitong oras?
kuya: wala na. lahat ng tao, dapat pababa na o naghahanda na pababa pag ganitong oras.
kaya naman haping hapi kami. imagine, parang inarkila namin ang buong bulkan? 
enjoy na enjoy ang dalawang bata.si bianca, nakaupo lang. may dala siyang camera at tripod, palagay ko e, nagpicture na ito nang nagpicture. sina karen at pres, hindi masyado naligo. ako, naligo rin eventually. gusto ko sanang lumayo sa pampang kaya lang natatakot ako. baka higupin ako pailalim. nang magsawa ako sa tubig, umupo ako sa buhangin at nagmasid na lang. 
maganda talaga ang lugar na iyon. naisip ko tuloy, hindi malayong may magtayo ng mansyon dito. at malamang foreigner ang unang gagawa non. lagi kasing ganon. foreigner ang nauuna. bansa na nga natin, sila pa rin ang nauuna? ewan ko lang talaga kung bakit. pero hindi ba delikado? e kung pumutok uli iyon? nagtataka rin ako sa kulay ng tubig. bakit siya aquamarine? samantalang makulimlim ang langit. dapat medyo gray ang tubig. kasi di ba, sinasalamin lang naman ng tubig ang langit? e, eto, talagang aquamarine. pag sumalok ka ng tubig gamit ang baso baka mapagkamalan mo pa nga itong guyabano juice, e. 
ano kaya ang nasa ilalim ng tubig? gaano kalalim ang tubig? puwede kayang inumin ang tubig?
sabi ni kuya moning, wala raw halaman na tumutubo sa ilalim. wala rin daw hayop. walang nahuhuling isda doon.
ako: may nakapagdive na po ba dito?
kuya: dati, may tumingin na riyan. pero hindi na naulit.
sayang naman. dapat chine-check ito ng mga tamang ahensiya o organisasyon. ano, ganyan lang iyan? titingnan lang ng mga tao? napansin ko nga, ni walang marker. ni walang mababasa tungkol sa mt. pinatubo. susmaryosep. kung wala kang guide o kaya ay di ka matanong, wala kang malalaman doon tungkol sa mt. pinatubo kundi, isa itong bulkan.
kung ako ang gobyerno ganito ang gagawin ko:
1. ipapaimbestiga ko ang lawa. anong klaseng tubig mayroon ito? gaano ito kalaki. gaano ito kalalim. ano ang matatagpuan sa ilalim. kung may matatagpuan na anuman, magpapakuha ako ng maraming sample. kasi ilalagay ko ang iba sa >>> number 2.
2. magtatayo ako ng parang center doon. ilalagay ko ang mga retrato ng before, during at after the pinatubo eruption. lalagyan ko ng mga caption sa wikang ingles at filipino. maglalagay rin ako ng mga bato na nakukuha mula sa bulkan. lalagyan ko ng label. maglalagay din ako ng sample ng lahar. o tumigas na lahar. saka mga bagay na nabubuo mula sa lahar. yung mga paper weight na gawa sa lahar o buhangin mula sa pinatubo. yung iba for  display. yung iba, for sale. o may isa pa akong layunin diyan, ipromote ang filipino sculptors. maglalagay din ako ng picture story kung paano at bakit sumasabog ang bulkan. lahat iyan sa wikang ingles at filipino. gagawin ko itong makulay para madaling maintindihan kahit ng mga bata.
3. magpaparesearch din ako. baka may historical significance ang pinatubo bago ito pumutok. aba magandang ipromote ang makulay nating kasaysayan hindi ba?
4. maglalagay na rin ako ng mga retrato ng mga tourist spot na malapit sa pinatubo. at dapat may kaunting impormasyon sa ibaba ng bawat retrato. maglalagay na rin ako ng impormasyon tungkol sa mga pagkain na maaaring mabili sa vicinity. sa totoo lang, wala kaming nabiling pasalubong. wala naman yatang native na pagkain doon. sa dau, ang ibinebenta ng mga tindero ay hotdog, cheeseburger at makapuno na gawa sa laguna. laguna. e nasa pampanga yung bus.
5. magpapagawa ako ng website na magpopromote sa bulkan na ito. hindi lang bilang tourist destination kundi bilang educational/geological destination. pag nangyari iyan, mas magiging maingat ang mga taong pumupunta sa lugar na iyan dahil ultimo buhangin, may kabuluhan.
at aba, meron pa bang malapit-lapit sa maynila na bulkan na kamakailan lamang ay sumabog? puwede rin itong pag-aralan kahit ng mga banyaga, hindi ba?
tapos lalagyan ko rin ng 24 hours na parang surveillance camera. naka-feed sa website ang anumang masasagap ng camera na iyon. para makita ng mga tao anytime ang present na hitsura ng crater. 
andami-daming posibilidad ng lugar na ito. bakit hanggang pagpapaarkila ng 4×4 lang ang naiisip ng mga sumingil sa amin? hmmm….
naiisip ko nga rin iyong siningil sa aming conservation fee na sa ordinaryong araw ay P50 per head daw. saan nga ba napupunta ito? sa pangongolekta ng basura? masyado naman yatang mahal. saka may nakita akong lalaki, taga-munisipyo daw ayon kay kuya moning, nagtapon ng upos ng sigarilyo sa batis na dinadaanan paakyat ng crater. aba, hindi yata environmental friendly itong mamang ito.
ayon kay kuya moning, sila-silang mga guide ang nagpupulot ng basura. ibinababa nila ang mga ito para itapon sa tamang lugar. nakakabuwisit nga talaga dahil maraming bote ng mineral water doon. iniiwan na lang ng iba.naku,  baka magalit ang bulkan at sabugan sila, e.
pagsapit ng ala-una, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. dali-daling inilabas ni kuya ang kanyang plastic na parang sako ang laki. sumaklob kaming lahat doon. nasa ilalim namin ang mga gamit namin. 
nakakaawa kami. parang bigla kaming nagsisi. ba’t naman nagpaiwan pa kami? kasi, walang masisilungan doon. kahit isang pirasong plywood, wala.
pero merong isang pirasong banyo na gawa sa yero ang dinding. lahat kami nagtakbuhan doon. sumiksik kaming anim sa banyo. na kalahating dipa ang laki at lapad. si kuya, kawawa naman. kasi nakataklob lang siya ng plastic at naiwan siya sa labas. hindi na kasi kami kasya. nakikiagaw pa ng espasyo ang isang munti at puting inidoro.
mga 15 minuto kami sa loob ng banyo. nainip ang dalawang bata kaya kumain sila ng pillows. inalok namin ang iba pero ayaw nila. tawa nang tawa si karen. sabi niya, sino ba naman ang magkakaganang kumain dito e kubeta ‘to. itinuro niya ang mga nagkalat sa kahoy na nagsisilbing frame ng mga dinding, “hayan, meron pang mga napkin-napkin.”
eooow…
pagkatapos ng ulan, naisip naming pagsama-samahin na lang at iplastic ang mga damit na tuyo. maghahike kami na basa ang aming damit. at sasakay kami sa 4×4 nang ganon. doon na lang kami sa sta. juliana magpapalit ng damit.
umakyat na uli kami sa matarik na hagdan. sa pinakatuktok, may isang parang waiting shed na aming pinagpahingahan. napagod kasi nang husto si karen. sabi nga ni kuya moning, dapat tibagin ang hagdan na iyon at ang gawin na lang, patagin ang isang bahagi ng nakaalsang lupa. para gradwal ang pag-akyat at pagbaba sa crater. mahirap daw kasi talagang akyatin at babain ang hagdang napakatarik. paano na raw iyong mga senior citizen, halimbawa?
Kahit nakapahinga kami, enjoy na enjoy pa rin, kasi kumakain kami ng breadsticks habang pinagmamasdan ang buong crater. kita ito mula doon.
nakipagkuwentuhan naman si kuya moning sa ilang aeta na naroon. nang pababa na kami, nasabi niyang malayong kamag-anak pala niya ang parang foreman ng mga aeta. naka-first year college daw ito sa engineering noon. iyon ang nagmamando sa mga aeta sa paggawa ng riprap.
naging mas madali ang pagbaba papunta sa paradahan ng 4×4. si iding, pinagliliguan ang lahat ng batis na madaanan. kung sino pa ang libre, siyang pinakanag-enjoy sa lahat. uminit na rin ang araw nang time na ‘yon pero wala kaming reklamo kasi basa ang aming katawan. hindi ganon kasakit sa balat ang araw.
nakababa kami mga alas-dos na ng hapon. bigla na nga lang natapos yung hike. as in bigla. bumulaga yung paradahan ng 4×4. tapos na. wala na kaming tutuntungang mga bato, tatampisawang mga batis, kakapitang mga sanga. nakaramdam ako ng lungkot. ambilis ng pababa. ninanamnam ko pa ang ginhawang hatid ng nanay ko, ang kalikasan.
binigyan namin ng apol si kuya driver. nalimutan namin siyang iwanan ng pagkain para sa tanghalian. sabi niya, aabutan daw kami ng exercises ng mga sundalo. nagworry kami sa aming sasakyan. hanggang 430 pm lang daw ang huling biyahe ng dyip mula sa patling pabalik ng capas. 22-25 kilometers din ang layo noon, aba.
kaya sumakay na kami at lumarga. pero sa gitna ng aming paglalakbay, huminto kami sa isang malawak na disyerto. may nauna nang dalawang 4×4 doon. pinahinto raw sila. sa di kalayuan ay may tent na pinaliligiran ng ilang patpating sundalo. hindi pa raw tapos ang exercises ng sundalo at bawal dumaan ang mga sibilyan. ay, lintek. wala bang ibang lugar na puwede ninyong pagpraktisan at ito pa talagang dinadaanan ng mga turista ang napeperhuwisyo? disyerto ba ang kailangan ninyo? bakit di kayo magpraktis sa middle east? o sa nevada? 
doon kami nabalagoong. mga isa’t kalahating oras kaming naghintay. may mga helicopter pang dumadaan-daan. para mapawi ang aming pagkabagot, nakipagtsikahan kami sa mga katabing 4×4.
actually, sila ang unang nakipag-usap. si bianca ang kinausap. pero girl of few words talaga itong babaeng ito kaya wala silang masyadong napurat sa kanya. tinanong ako at si karen at si pres ng pangalan, trabaho at bahay. sila rin tinanong namin. ang isang 4×4 ay may laman na dalawang lalaki at isang may edad nang babae. si mam ay mukhang boss. batay sa kanyang asta at pagsasalita, para siyang babaeng sanay na may mayordoma sa bahay. ang isang 4×4 ay may isang lalaki at dalawang babae. hindi ko agad nahalatang may laman na babae kasi nakatabing sila ng kumot at kung ano-anong tela nang tingnan ko ang ssakyan nila. tulog ang dalawang babae. 
unang 4×4
sila pala, eric lang ang natatandaan kong pangalan, ay taga-cainta/antipolo area. actually, head office lang nila ang nandoon. ang isa pa nilang opis ay nasa ibang bansa. LA to be exact. kaya sila nagpunta sa pinatubo ay upang kunan ito ng video. ibinebenta raw nila sa ibang bansa ang lugar na iyon kasama ng palawan, batanes at iba pa. so isa silang parang travel agency. si mam ay taga-canada raw. mukhang siya ang may-ari ng agency na iyon.
kasama nila ang mga nasa ikalawang 4×4
nakakuwentuhan ko ang lalaking nasa ikalawang 4×4. siya raw ay taga -DFA. medyo madaldal itong mamang ito. heto ang kanyang mga sinabi:
mama: expired na ba ang passport mo?
ako: hindi po. ok pa po.
mama: kasi kung expired na matutulungan kita. marami kasing hiring ngayon. lalo na sa middle east. me opening doon puwedeng puwede ka. me cashier, secretary, food handler. ano ba ang tinapos mo?
ako: sa writing po.
mama: a….pero puwede ka pa rin namang magcashier. malaki ang suweldo doon, e. mga nasa 1000 dollars. mahirap lang doon kasi medyo abusado ang mga employer. pero makakapag-adjust ka rin. meron din sa saudi. saan mo ba gusto?
ako: sir, wala pa po akong balak magtrabaho sa abroad.
mama: a, ganon ba? pero sayang malaki ang suweldo roon.
hmm.. kung sa ibang pagkakataon kami nagkakilala ng lalaking ito, malamang nilabanan ko ito sa debate. pero dahil pa-easy-easy lang kami nang araw na iyon, wala naman akong ginawa kundi magpaalam sa kanya nang maayos para bumalik sa sarili naming 4×4. pagbalik ko, andami na palang dumating na 4×4. nagkumpol-kumpol ang mga drayber at guide sa isang sulok at nagkuwentuhan.
kami, naglaro ng charades. si ej ang nagpapahula.
pinahula niya ang xmen at mr. bean.
naglaro rin kami ng paramihan. paramihan ng cartoon characters na nag-uumpisa sa s.
superman, spiderman, scoobydoo, smurf, storm, sayklops sabi ni karen.
paramihan ng ulam.
adobong kangkong, sinigang na baboy, tahong, itlog na pula, porkchop, teriyaki, siomai, shawarma
local kami nung una tapos nung nagkakaubusan na naging continental at nung lalo nang nagkakaubusan naging pangroyal at indigent family na ang mga ulam na sinasagot namin sa isa’t isa. 
lumabas diyan ang cordon bleu, sabaw na may betsin, mantikang may toyo at iba pa. nang wala nang mahalukay ang aming isip, tamang tama namang sinabihan kaming puwede na raw tumuloy. 4pm na iyon nang hapon.
para tuloy kaming nasa karera nang sabihin sa aming “puwede na!” halos sampung 4×4 din ang natengga sa lugar na iyon. sampung 4×4 din ang sabay-sabay na umandar.
nakita namin uli ang mga tangke, sundalong may mga baril, ang mga helicopter, ang mga tent. at sa dulo ng mala-disyertong bukid merong isang lugar na kinatatayuan ng mga tiangge-tiangge. may nakita kaming mangilan-ngilang sundalo na nakatambay sa mga tiangge. ang iba, umiinom ng nakaboteng inumin (parang coke), yung iba, nakatungo, kumakain, yung iba nakikipagkuwentuhan sa kapwa sundalo, yung iba nakikipagkuwentuhan sa babae. sa babaeng mukhang taga-roon.
biglang nagtanong si ej. ma, ano ‘yan?
a, yan ang mga lugar at dahilan kung bakit may mga david garcia. 
tumingin sa akin si karen at ngumiti. 
ha? ano? 
ej, diyan sila bumibili ng iba nilang pagkain.
at lumampas, sa wakas, ang aming 4×4 sa suryal na lugar na iyon.
nakarating naman kami nang ligtas sa sta. juliana, pinatubo spa. kaya lang, obligado na kaming umarkila ng traysikel hanggang capas dahil wala nang dyip mula patling hanggang capas. sabi ng staff ng opisinang nagbenta sa amin ng package tour, bawal daw maligo sa banyo nila. puwede lang, maghilamos at magbihis. aba, masaya ito. e wala rin namang banyong maliliguan sa crater. saan nila ine-expect na maligo ang mga tao? sa ulan?
pagkatapos naming magbihis sa kanilang banyo, sige na nga thank you na rin, puwede ko na raw makuha ang aming certificate. kaya pumasok ako sa loob ng opis para nga kunin iyon. naabutan ko si mam, yung nakausap ko tungkol sa package-package, na nagpapasuweldo ng mga tao.nagpasalamat ako sa kanya at ibinalita kong kung sino pa ang “libre” ay siya pang pinakanag-enjoy sa lahat. si iding ang tinutukoy ko.
nakakatuwang may certificate pa kami. pirmado ito ng isang babae, ang brgy. captain at ni kong reycat. na ang tunay palang pangalan ay reynaldo catacutan. yung kong ay hindi pala pangalan kundi parang promosyon ng pagtakbo niya bilang congressman sa 2010.
binigyan ko ng tip na P500 si kuya moning. buong araw naman kasi namin siyang kasama at alam ko mura lang ang nakukuha niyang suweldo mula sa opis na umaakting na ahente ng mga guide doon. sina karen, bianca at pres naman, nagbigay ng P300 sa aming driver. hinanapan kami ni kuya moning ng traysikel na puwedeng lumuwas hanggang capas. pero ang presyo? tumataginting na P300 kada traysikel. patay. yan ang mahirap kapag wala talagang sasakyan. napapagastos sa traysikel. 
tumawad kami ng P250. mabuti at pumayag naman. dalawang traysikel ang aming kinuha. pagdating namin sa patling, lumipat kami ng ibang traysikel. sina karen, hindi na. itong drayber namin sa unang traysikel ay ayaw naman palang dumiretso sa capas. hanggang sa patling lang daw ito. kasama naman namin si kuya moning kaya kampante pa rin kami. pagkatapos noon ay nakatulog ako sa biyahe. naramdaman ko ang simoy ng hangin. hmmm….simoy-probinsiya. 
hinatid kami ni kuya hanggang sa capas. hanggang sa junction. sa tapat ng gasolinahan kung saan kami bumaba. naalala ko tuloy ang traysikel na nag-alok sa amin kaninang umaga. P300 hanggang sa sta. juliana ang unang turing niya. tama lang pala ang alok niya. napakalayo naman kasi talaga ng lugar. 
nagpaalam na kami kina kuya moning at lumarga na ang kanilang traysikel na babalik na sa sta, juliana. sa tapat ng gasolinahan, naalala ni karen na bumili ng pasalubong. e, wala naman kaming nakitang malapit na tindahan ng pasalubong. kaya ang nangyari, pagdaan ng unang bus ng victory liner na pa-cubao, pumara na kami.
sa bus, pagkabayad, natulog agad sina pres at bianca. si iding din at ej. kami ni karen, mga 10 mins pang nagkuwentuhan. tapos nang maubos na ang huling hibla ng enerhiya sa dila, nagtalikuran na kami para matulog.
hindi pa nagsiuwian ang tatlong bruhang iyan. sa bahay namin sila tumuloy para maghapunan. piyestang piyesta sa amin ang inihanda ni aileen na tortang talong, tinolang manok at lumpiang shanghai na kulu-kuluntoy pa rin. 

na-leche ang plan

Monday, April 13th, 2009

3 Peb 08

 

Naku, dama ko na ang krisis na tumama sa US.

 

Sumususo pa si EJ nang may nag-alok sa akin na bumili ng educational plan. Ang Ninang

Elsie ko na bespren ng nanay ko. At ang nanay ko ang nag-aalaga kay EJ noon.

 

Isang tanghali, (yes, tanghali ako nagigising dahil sa gabi pa ang trabaho ko noon,) nagising ako sa ingay ng kuwentuhan ng Ninang at mama ko. Sumadya pala ang Ninang sa bahay namin para alukin nga ako ng educational plan.

 

Pupungas akong tumingin sa plan. Di ko pinapakinggan ang Ninang Elsie ko habang nagpapaliwanag siya. Sa hindi malamang dahilan e, mas may tiwala ako sa nakasulat kaya sige lang ako sa pagbasa.

 

Alam kong hindi ako puwedeng tumanggi. Basta nanay ko ang nagrequest at seryoso ang mukha niya, walang sinuman sa aming magkakapatid ang puwedeng tumanggi.

 

Kelangan kong bumili. Ini-scan ko ang mga uri ng plan. Tiningnan ko yung mga buwanang hulog. Pumili ako ng kaya ko lang bayaran.

 

Sa ganoong paraan ako pumili ng plan. Yung kaya kong bayaran. At hindi yung kung malaki ang makukuha ko o ng anak ko balang araw.

 

So ang napili ko ay mga isang libong piso mahigit ang babayaran kada buwan. Pero pinili ko iyong quarterly ang payment dahil mas mababa nang konti ang amount. Almost four thousand lang yata. Me ilang hundred pesos na discount.

 

Sabi sa nakasulat, kapag nabayaran ko lahat in 5 years, libre na ang tuition ni EJ sa kolehiyo. Buong apat na taon sa kolehiyo. Pero kailangan sa isang state college or university siya papasok. Siyempre ang una kong naisip, UP.

 

Kako, hindi na masama. Mabuo ko lang ‘to, hindi na masama.

 

Sinimulan kong hulug-hulugan ang plan. Hindi naman ganon kahirap dahil hindi rin naman ito ganon kamahal. Isinasama ko rin talaga ito sa budget ko kada suweldo. Me times na di ako nakakabayad  sa takdang panahon pero sinikap ko pa ring makabayad para hindi naman mag-expire ang nasimulan ko.

 

Hanggang pagsapit ko ng 24 years old, natapos ko na ‘to.

 

Bayad na ang educational plan ni EJ. Kaya naman, sa edad kong iyon, natutuwa ako kasi nag-uumpisa pa lamang na mag-inquire tungkol sa educational plans ang mga kakilala ko’t kaibiga, samantalang ako, fully paid na.

 

Naisip ko, maganda talaga ang nag-uumpisa nang maaga. Aba, tanyoko, bata pa, wala nang pinoproblema!

 

’Yon ang akala ko.

 

Umagang umaga ay may nagbalita sa aking nanganganib ang educational plan ng aking anak. Noong isang linggo lang, ibinalita din sa akin ng taong ito ang pagbagsak ng isang malaking insurance company sa Pilipinas. E, ang Prudentialife? Agad kong tanong. ‘Yon ang binilhan ko ng plan.

 

Hindi naman siguro. Nakahinga ako nang maluwag. Matatag ‘yon, e, dagdag pa niya.

 

’Yon ang akala niya.

 

Kaya latang lata ako nang sabihin niya sa akin noong isang umaga na nagdeklara na nga rin daw ng bankruptcy ang Prudentialife.

 

Kako, naleche na ang plan.

 

Holy Friday 09

Monday, April 13th, 2009

11 Abril 09

 

Yey! Kagagaling ko lang sa Banahaw kahapon. Actually, hindi ako sa Banahaw nakaakyat kundi sa Kalbaryo. Magkaibang bundok pala iyon. At meron pang pangatlo, ang Mt. Cristobal. Naakyat ko na rin ‘yan noong kolehiyo ako. Nagtanim kami ng halaman para balang araw, tulad ng ngayon, magiging puno na ito.

 

Gabi bago ang  climb sa kalbaryo ay naghanda na ako.

 

Heto ang inilagay ko mga gamit sa backpack na hiniram kay Iding, ang aking poging pamangkin.

 

Wallet na may kulang kulang P1500 at mga ID at USB

Coin purse na hugis-isda (thank you uli, Rayts)

Cellphone na malo-lowbat na

Toiletries tulad ng toothbrush at maliit na toothpaste, sabon, napkin (feeling ko magkakaroon ako anytime), lip gloss, compact powder at cotton buds.

Isang puting spaghetti blouse at isang puting t-shirt

Isang itim na shorts

Isang bra at dalawang panty

Isang pares ng medyas (hiniram din kay Iding)

Isang 500ml na plastic na bote ng tubig

Isang jacket. Pangwinter. Makapal talaga dahil me sariling klima raw ang bundok na iyon so kahit summer, maaaring lumamig nang sobra. Ginawin pa naman ako.

Isang ballpen.

 

Mga alas siyete y medya ng umaga ay sumakay na ako ng dyip pa-Alabang. Pamasahe: P18.00. Mula sa Zapote, mabilis lang ang biyahe. Walang kasa-sasakyan-sasakyan sa kalsada.

 

Pag-ibis ko ng dyip, naglakad ako papunta sa kalsadang opposite ng metropolis para mag-abang ng bus papuntang San Pablo. Iyon kasi ang itinuro sa akin ni Wasi at ng iba ko pang napagtanungan.

 

Nakakita ako ng bus papuntang daet. Sabi ni Wasi, pwede na rin ako sumakay ng bus na pa-Bicol. Dadaan din daw iyon sa San Pablo.

 

Pagpasok ko ng bus medyo naasiwa ako. Me tandang sa may entrada ng bus. Tumitila-tilaok pa pag-akyat ko. Parang winewelcome ako. Tapos sa, mga tatlong row bago ang dulong upuan, me isang lalaking naninigarilyo. Mga isang pulgada lang ang pagkakabukas ng bintana ng mga bus. Kaya yung usok ng yosi niya, parang langaw, palipat-lipat sa mga upuan at sa aming mga pasahero. Gusto ko sanang sabihin, manong, puwede kayang lunukin mo na lang ang usok mo para hindi maabala ang mga kasakay mo sa dito?

 

Tapos sa pinakadulo, meron ding isang mama na nakataas ang paa. Nakapatong ang paa niya sa upuang nasa harap niya.

 

Paastigan Express yata ang pangalan ng bus na ito.

 

Nag-settle ako sa isang bakanteng upuan na pantatluhan. Sa puwestong malapit sa aisle. Ang nasa kanan ko ay isang aleng kulot ang buhok.

 

Umandar na ang bus pagkaraan ng sampung minuto.

 

Nang tanungin ako ng kundoktor kung saan ako bababa, sabi ko ay sa mismong palengke ng San Pablo. Sabi niya, hindi raw sila dumadaan doon. Don daw ba ang eksaktong destinasyon ko? Sabi ko, sa Banahaw po. Aakyat ako. Sabi niya, aba, e doon ka nga dapat bumaba. Ibababa ka namin sa haywey tapos magtraysikel ka na lang o kaya maglakad papuntang palengke. Opo, kako. Nagbayad na ako. Pamasahe: P68.00

 

Kinausap ako ng aleng kulot ang buhok. Doon ka pala papunta? Nakaakyat na rin ako diyan. Maganda.

 

Talaga po? Tanong ko naman.

 

Oo! Saka maraming tao. Kahit matagal kang maglalakad, hindi ka maiinip sa dami ng tao.

 

Sabi po ng kaibigan ko, kailangan ko pa raw ng guide.

 

Hindi na. Makikisabay ka na lang sa mga tao diyan. Maganda diyan. Hindi nga lang ako makakapunta ngayong taon kasi papunta ako sa Tiaong.

 

a…opo.

 

Noong nagpunta kami, alas singko ng umaga kami umakyat para hindi mainit.

 

Patay, tanghali na pagdating ko doon. Nakikinita ko na ang tagaktak ng pawis sa noo, tenga, leeg, kilikili ko at sunburn sa aking mga balikat.

 

Mag-isa ka lang? tanong ng ale.

 

Opo kako.

 

Bakit ka naman mag-isa?

 

Ngumiti lang ako.

 

Sana nagsama ka. Pero hindi ka naman maiinip kahit mag-isa ka. Kasi nga maraming tao.

 

Pagkaraan ng ilang minuto ay pareho na kaming nanahimik. Patingin-tingin ako sa labas ng bintana. The usual highway naman ang nadadaanan. Hindi kamukha ng SCTEX na ansarap piktyuran kaya hindi mo talaga puwedeng tulugan.

 

And speaking of piktyur-piktyur, nakahiram ako ng camera, e hindi ko naman nadala. Kalimot-limot nga ba ang camera sa ganitong pagkakataon o ako lang talaga itong aanga-anga?

 

Nakatulog ako sa bus. Maginhawa naman ang biyahe. Ansarap ng hangin at katamtaman lang ang buga nito dahil isang pugada lang ang pagkakabukas ng mga bintana ng bus. Hindi nakakasira ng buhok pero nakakapagdulot pa rin ng ibayong ginhawa.

 

May naramdaman akong humawak sa mukha ko. Parang hinipo ang pisngi ko.

 

Sino ‘tong tarantadong ‘to?

 

Gising na. Malapit ka na. San Pablo na ‘to.

 

Si Manong Konduktor pala.

 

Nang makita ko siya e naglalakad na siya sa aisle, pabalik sa harapan ng bus. Karinyoso manggising itong si manong konduktor. Gagawin din kaya niya iyon sa mga astig na nasa likod ko? Mukhang ansasarap na ng mga panaginip, e. O.

 

Tiniyak kong nasa San Pablo na ako. Tiningnan ko ang mga sign board ng mga establishment doon. Sa probinsiya kasi, pansin ko lang, nakasulat sa bandang ilalim ng signboard ang address ng establishment.

 

Blah blah blah Construction Supplies Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.

Blah blah blah Salon Blah Blah Blah San Pablo City, Laguna.

 

Ayan, andito na nga ako. Mga 20 minutes ang lumipas nang biglang maaalala ng konduktor na bababa nga pala ako.

 

Pinahinto niya agad ang bus.

 

Nako! Sa palengke ka nga pala. Kinawayan niya ako para lumapit.

 

Bye, ate, salamat po, kako sa babaeng kakuwentuhan ko kanina.

 

Agad akong tumayo at naglakad papunta sa harap ng bus para umibis.

 

Magtraysikel ka na lang, sabi ng manong. Ayun! Dun pa ang palengke, sabi niya.

 

At dahil kuripot ako at ayoko ng nakikipagnegosasyon sa mga traysikel drayber, naglakad na lang ako. Mukha namang malapit lang. nadaanan ko ang isang punerarya, hardware store, Banahaw spa at marami pang iba.

 

Mayamaya, nakakita ako ng intersection na may 711 at sa tapat niyon ay police booth na itinayo para sa semana santa. Lumapit ako.

 

Saan po yung sakayan ng papuntang Dolorosa?

 

Saan yon? Sabi ng pulis.

 

A…baka taga-Maynila rin si Sir senior police inspector eklabu.

 

Hindi ko rin ho alam, sir. Akyat po ako ng Banahaw. Yun po ang sabi sa akin, sakay daw po ako ng dyip pa-Dolorosa.

 

Tinanong niya ang kasama niyang pulis.

 

Baka sa Dolores, Miss! Sa palengke. Doon! Itinuro sa akin ang kalsada sa gilid ng 711. Maraming tao ang nanggagaling doon. Mukhang doon nga.

 

Thank you po.

 

Lumarga na ako. Hindi naman pala malayo. Nagtanong pa ako sa isang aleng kasabay kong naglalakad. Sabi niya, aakyat ka ng Banahaw? Dapat sa Parang ka bumaba at hindi sa Dolores.

 

Tatangu-tango lang ako. Mas may paniniwala ako siyempre kay  Wasi. Ang sabi ni Wasi, Dolores daw. Sa Dolores ako bababa.

 

Pagdating ko sa palengke, naghanap ako ng makakainan. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal. Ikot ako nang ikot sa palengke, aba’y wala kahit karinderya man lang. Nagtanong na ako. Nasa loob daw mismo ng palengke. Kaya pumasok ako sa pagitan ng stalls na puro nakasara. Ang hirap talaga kapag Biyernes Santo. Sarado halos lahat ng puwedeng mabilhan o makainan. Kahit pala sa probinsiya, ganon din.

 

Paikot-ikot pa rin ako.  Wala akong natagpuan kundi dalawang karinderyang mangilan-ngilan ang tao. Doon ako sa mas maraming tao. Ang dami raw ng tao ay sign kung gaano kasarap ang pagkain sa isang lugar. The more, the more delicious hehehe

 

Bumili ako ng porkchop na may sabaw na kakulay ng adobo at isang order ng kanin. Ngayon ko lang naalala na bawal nga pala ang karne nang araw na iyon. Kaya pala ang mga katabi ko puro ginisang ampalaya ang kinakain. Akala ko e, nagtitipid lang sila.

 

Nagteyk out ako ng isang kanin at isang tortang talong. Humingi rin ako ng isa pang plastic, yung lalagyan ng ulam. Wala kasi akong dalang kutsara’t tinidor. Balak kong magkamay sa bundok. Gagamitin ko ang plastic, pantaklob sa kamay.

 

Bumili rin ako ng tatlong ponkan at isang mansanas sa labas ng palengke. Tapos hinanap ko ang dyip papuntang Dolores. Nakita ko ito kaagad kaya sumakay na ako agad.

 

Sa likod ng babae’t lalaki sa harapan ng dyip, me napansin akong  isang matandang babae na may kalong na dalawang bata. Kasama rin niya ang katabi niyang teenager na lalaki. Pero hindi niya ibinigay dito ang isang bata para kalungin. Siya talaga ang nagkandong sa dalawa.

 

Isa-isa nang kinuha ng drayber ang pamasahe namin. Lumiligid siya sa dyip, sa labas. Noong ako na, hindi ko masabi kung saan ako bababa. Kaya sinabi ko na lang, aakyat po ako ng Banahaw.

 

Sabi ng drayber, sige mamya ka na magbayad. Huli ka namang bababa.

 

Pagkaraan ng halos isang oras na biyahe, as usual nakapikit ako the whole time, kami na lamang ang naiwan: ako at  yung matandang babaeng may kalong na 2 bata, yung teenager at yung babae’t lalaki sa harap.

 

Sabi ng drayber, bayaran mo na lang ako ng P20 at ililipat kita ng dyip. Hindi ba sa Kinabuhayan ka?

 

Nagtaka ako. Wala naman akong sinabing Kinabuhayan. Hiindi ko nga alam ang lugar na iyon.

 

Basta po sa may akyatan ng Banahaw?

 

Oo nga, lilipat ka ng dyip. Teka ihahatid kita sa sakayan.

 

Biglang nagsalita ang matandang babae.

 

Aakyat din kami. Sumabay ka na.

 

Saan po kayo papunta?

 

Sa tuktok ng bundok.

 

Istir ang matandang ito. Sabi ni Wasi, apat na oras ang akyatan. Hindi kakayanin ng isang araw. Kaya pakabilin bilinan niya, wag na akong umakyat. Doon lang daw ako sa paligid-ligid ng bundok. Umoo naman boses ko. Pero hindi ang puso ko. 

 

Ang iniisip kong gagawin ng matandang babae at ang mga kasama niya ay mag-a-outing. Baka magpipiknik lang. Umoo na rin ako sa kanya. Sabay na po ako, kako. Naisip ko, hihiwalay na lang ako pag nakakita ako ng pagkakataon.

 

Hinatid kami ni manong drayber sa isang lugar kung saan maraming tao. Pinadagdagan niya ang bayad namin ng P20 pa bawat isa. Bale P40 ang pamasahe ng bawat isa sa amin. Iyon na ang parang entrada papaakyat ng bundok. Dagdag na 20 minutos iyon mula sa Dolores.

 

Andami talagang tao. At andaming tindahan ng mga kendi, ulam at kanin, ice candy, load, trapal, anting-anting at kung ano-ano pa. Meron pa ngang CR for rent,  P10.

 

Naglakad na kami papasok. Taga-Malabon pala sila Nanay. Hindi ko sila masyadong kinakausap dahil wala talaga akong balak makipag-usap ngayong araw na ito. Penitensiya ba.

 

Tapos huminto kami sa isang bilihan ng palamig at ube candy. Tinanong kami ng tindera. Saan ang punta ninyo?

 

Aakyat sa tuktok ng bundok.

 

Gusto ninyo ng guide? Puwede itong anak ko. Bumaling siya sa batang nag-aabot ng ipinlastik na ube candy.

 

Saan ba? Tanong ng anak niya.

 

May sinabing lugar ang tindera.

 

Hindi ko alam yon.

 

A, oo nga bata ka pa. heto na lang, sabi ng tindera, si Alex.

 

Itinuro niya ang isang lalaking nakatambay sa tindahan na iyon. Naka-gray itong tshirt at at pulang shorts. Nakasumbrerong pula rin. Kahit hindi nakangiti, mukha siyang nakangiti. Maaliwalas ang dating niya.

 

Saan ba?

 

Sa tuktok ng bundok. Sabi ni Nanay, ang matandang babaeng kasama ko.

 

A… sa kalbaryo.

 

Magkano hanggang doon? Tanong ni Nanay.

 

Kayo na ho ang bahala, sabi ng tindera.

 

Hindi naman puwedeng kami ang bahala.

 

Puwede ho, sabi ng tindera at iba pang tambay doon.

 

O sige, bayaran ka namin ng piso, okey sa iyo? tanong ni Nanay kay Alex.

 

Nagtawanan ang mga tambay at kaming mga dayo.

 

O siya, siya, tara na nga. Basta kami na ang bahala ha? yakag ni nanay.

 

Sige po, sabi ni Alex.

 

At naglakad na kami.

 

Madami pang tao sa bahaging iyon ng bundok. Karamihan sa kanila, basa ang damit. Basa rin ang buhok na hindi pa nasusuklay. Yung ibang tao, may bitbit na lalagyan ng pagkain. Yung iba, sako. May mga tuwalya sa leeg ang iba. May falls palang malapit doon. Akala ko nga ay dadaanan namin. Hindi pala. Sayang.

 

Marami ring tindahan. Bumili kami ng kandila. Sabi ni Alex, 5 station daw ang pupuntahan namin. Kaya 5 lang ang binili kong kandila. Si Nanay isang supot yata ang binili.

 

Hindi pa kami nakakalayo ay may dalawang estasyon na kaming nadaanan.

 

Mayroong parang bato ng 10 commandments sa kaliwa at sa kanan saka tulusan ng kandila. Nagsindi ako ng isa. Si Nanay din. Sa pinagpuwestuhan ko, me batang nagtutuklap ng mga natuyong luha ng kandila sa bato. Aba, ok sa trip itong batang ito, a kako. Magandang penitensiya iyan, a. Pero nagbago ang initial kong ideya nang mapansin ang isang plastic bag na puno ng luha ng kandila sa tabi ng bata. Aba, nagnenegosyo yata si ineng. Madami-daming luha nga naman iyan ng kandila.

 

Dahil wala sa isip ko na kailangan pala akong magdasal dito sa pag-akyat ng bundok, wala akong naihandang wish. Ang naisip ko lang ay si EJ. Tapos naisip ko na rin ang mga pamangkin ko. Kaya ang wish ko ay naging gnito: sana ay maging maganda ang future ni EJ at ni noah at ni iding. Saka ni Bianca. Nalimutan ko si dilat. Pero mas stable naman ang nanay nya e. kaya mas ok na siguro ang future niya. Di na kailangan ipagdasal ng tita.

 

Pagkadasal ay naglakad na kami.

 

Marami pa ring tao kaming nakakasalubong. Basa ang lupa at mga batong tinatapakan namin. Yung iba, nababalot pa ng lumot. Marami ring halaman tulad  ng fern saka parang dahon ng gabi. Maingat kami pero mabilis. Lalo na si Nanay. Ang liksi-liksi niya, grabe.

 

Pang-isahan ang trail doon kaya kailangan naming huminto kapag may nakakasalubong kami.  Pero sabi ni Alex, baka gabihin kami kung lagi kaming hihinto. Kaya ang ginawa namin, hindi kami humihinto kahit may makasalubong. Umuusad kami nang pakonti-konti.

 

Naghubad si Nanay ng kanyang sandalyas. Maputik kasi. Nakapaa siya. Akala ko ay hanggang doon lang sa maputik na bahagi ng bundok siya magpapaa. Sa buong trek pala!

 

Mayamaya lang ay tuyot na ang lupa at mainit na ang mga bato. Talahib na ang karamihan sa nakikita naming halaman sa paligid.

 

Mga isa’t kalahating oras kaming naglakad paakyat sa kalbaryo. Marami kaming nadaanan na interesante. Me iba’t ibang organisasyon na nagtatayo ng tolda doon at ang mga taong nagbabantay ay naka all white at nakalugay ang buhok. Meron ding umaakyat ng bundok na ganon ang attire. Sa isang flat na lugar, merong naglagay ng isang mesang mahaba tapos  may picture ng last supper na nakabitin sa malaking bato sa likod nito. Tapos sa tapat ng mesa, mga lutuan.

 

Noong hindi ko pa nakikita ang picture ng last supper, akala ko ay mga residente ito ng lugar na iyon at iyon ang kanilang dinner table. Pero mukha ngang hindi. May nakita rin akong banner ng kanilang samahan. Nalimutan ko lang ang pangalan.

 

Sumulyap ako bago tuluyang lumarga. May mga nakaupo sa dulo ng mesa. Baka sila ay gumaganap na mga lalaking kasama ni hesus sa huling hapunan. Hindi pala. Kasi mukhang nag-iinuman ang mga manong sa dulo ng hapag-kainan.

 

Meron ding isang grupo ng kabataan na nagpapapirma sa mga dumadaan. Ang nakalagay sa kanilang sign board ay sign for monitoring. Sabi ng isang lalaki roon, wala po itong bayad.

 

Lumapit ako at lumagda. Sakali nga namang mawala ako, at least alam nitong mga taong ito na dumaan ako doon.

 

Marami rin kaming nadaanang tent ng mga local na turista. Sa tingin ko ay inconvenient ang pagkakapuwesto nila dahil kitang kita ito ng mga taong dumadaan. Saka wala yatang  source ng tubig na malapit. Inconvenient din ito sa mga umaakyat tulad namin. Lumiliit ang espasyong dinadaanan namin.

 

Meron din kaming nadaanan na parang super liit na kuweba na nilagyan ng mga tabla kaya mukhang bukas na sabsaban. Maraming kandila doon. Isa raw iyon sa dapat naming pagtirikan ng kandila.

 

Nagtirik ako saka si Nanay. Si Nanay na astig din, nakasakay ko yata ito sa Paastigan Express, ay bumaba sa isang pababang bahagi ng maliit na cave na iyon. Doon siya nagtulos.

 

Tapos lumarga na kami uli.

 

Mayamaya pa ay may hinintuan kaming parang kuweba uli. Patatsulok ang entrada nito. Yuyuko ka talaga para makapasok. Pero as usual trapik dahil sa dami ng tao sa loob at sa dami ng taong gustong pumasok.

 

At dahil mahilig talaga ako sa mga ganoong adventure, pumasok na ako. Nauna na pala si Nanay sa akin. Sa bunganga ng kuweba, nagtirik kami ng kandila. Nang umusad papasok ang mga tao, nakaupo kaming naglalakad. Sa loob, maraming mga babaeng nakaputi na nagdarasal. Pabulong kaming nag-uusap ni Nanay. Bawal daw ang maingay.

 

Mababaw lang ang kuweba. Sa dulo nito, mayroong dalawang estatwang maliit. Pinalilibutan ito ng mga kandila. Ang init-init papasok ng kuweba pero sa bandang gitna nito ay biglang lumamig. Parang me built-in aircon ang kuweba.

 

Weird. Pero okey. Para ngang ayoko nang lumabas. Malapit na kasing magtanghaling tapat noon. Ang init-init sa labas.

 

Naglakad uli kami ni Nanay nang nakaupo papalabas ng kuweba.

 

Tapos, akyat uli kami sa bundok. Paglingon ko sa likod, parang mahabang bukid na pababa ang dinaanan namin. Puro talahib. Ang kapal-kapal ng talahiban doon. Siguro kung gabi, hindi mo makikita ang trail. Kasi nga, ngayon ngang may araw, malalaman mo lamang na may trail pala sa isang dako dahil sa may mga taong dumadaan doon.

 

Naisip ko, ganito pala ang maging isang langgam.

 

Kasi para kaming langgam kung titingnan mula sa malayo.

 

Noong time na ‘yon, napansin namin ni Nanay na mayroong isang lalaki ang sunod nang sunod sa amin. Mukhang kasama na ito ng aming grupo. Iyon pala si Ronel, pinsan ng aming guide na si Alex. Naka-sandwich sila sa amin. Si Alex, nasa unahan. Si Ronel, nasa dulo.

 

May mga parte ng climb na na-cha-challenge ang aking sandalyas. At maraming beses naman na nagpapasalamat ako sa pundya ng aking pantalon dahil hindi siya napupunit. Bukaka dito, bukaka doon. Hakbang, akyat, hila, tukod.

 

Iba’t iba rin ang korte ng mga batong inaapakan ko na minsan, inuupuan din na minsan, nakakaface to face din na minsan, niyayakap din. Kung lalaki ang mga bato sa bundok na iyon, andami kong nakalove team.

 

Me batong pabilog, patusok parang tatsulok, parihaba, parisukat.

 

Karamihan sa kanila ay itim ang kulay.

 

Paminsan-minsan, andon ang aming guide para alalayan kami umakyat sa mga uneven na bato pero most of the time nga, nasa unahan siya ng aming pila.

 

Meron ding time na noong malapit na kami sa kalbaryo, hindi na namin makita si Nanay. Iyon pala, nauuna na. As in unang una. Napapasabay na sa ibang grupo. Me magic ata itong si Nanay.  Hanep. Nakapaa pa yan, ha?

 

Naaliw din ako sa mga nakakasalubong namin kaya hindi talaga nakakainip ang climb. Me bata. Ang pinakabatang nakita ko ay nasa tatlong taon ata. Na-miss ko tuloy si EJ. Sana talaga nakasama siya doon. Kakaibang experience para sa kanya.

 

Me nakasalubong din akong  matanda, marami-rami akong nakitang matanda. Meron din akong nakitang mga babaeng matandang nakaputing bestida tapos mahaba ang buhok at merong nakaikot na rosaryo sa kanilang bewang. Malapit sa kalbaryo, meron namang babaeng nakamaroon na damit, at ang ginagawa niya ay nag-aalay siya ng mga kamay sa mga taong nahihirapan sa pag-akyat sa ilang mabatong portion. Nakakatuwa, kahit hindi siya ganoon kalakas, gusto pa rin niyang tumulong at maging kapaki-pakinabang sa kapwa.

 

Meron ding mga teenager akong nakita. makukulay ang mga suot nila. Nakalimutan siguro nilang biyernes santo nang araw na iyon, parang ako.

 

may mga ka-edad ko rin. Karamihan sa kanila mukhang mga mountaineer, malalaki ang bag, na ang tatak north face. Mga naka-mojo at me bandana sa ulo.

 

Meron din akong nakakasalubong na parang sa party pupunta. May nakita akong nakatights na black tapos nakashorts. Me sequins-sequins pa ang blouse at malaking malaking shades. Cute, oo, pero hindi pambundok.

 

Meron ding parang sa mall pupunta, naka-t-shirt tapos may nakabalot na parang sarong sa leeg, pamboys iyan. Nakita ko si John Pratts dati sa TV, ganun ang suot.

 

Me naka-blouse na girl na girl at nakasandals na parang pang-graduation. Napatitig talaga ako sa sandals na iyon at naiisip ko, kung bibig ang sandals ko, kanina pa ito, nakanganga sa uhaw at pagod, e, paano pa kaya yung sa kanya?

 

Ano nga pala ang suot ko? E, di mukha ring pamparty!

 

Naka-halter blouse ako. Kulay-lumot na binilad sa araw. Yung blouse, hindi ako. Naman!

 

Tapos pinatungan ko iyon ng striped na blouse na racerback ang likod. (Racerback nga.) tapos nakamaong ako. Na kulay green. Nakamedyas din ako na makulay. Tapos naka-feminine na mojo sandals na nabili ko sa Marikina sa halagang P120 ilan daang taon na ang nakakaraan.

 

May mga nagsasalita habang pababa at paakyat. Si Nanay, ang mga hirit niyan nang may makitang mga teenager na lalaki sa may unahan namin, naku sana ang mga adik, magbago na. Biglang nagtawanan ang mga teenager. O, bakit parang may natatamaan? sabi ni Nanay. Meron bang adik dito? Adik sa alak, ganyan.

 

Meron pa siyang sinabi, ay pagbalik natin dito, yari na ang escalator na pinagawa ko. Biglang sumagot ang isang babaeng pababa, ay hindi na ho kalbaryo iyan.

 

Me tatlong bakla na pababa ng bundok, sabi naku, ayoko na ngang magkasala. Ang hirap-hirap.

 

Tawanan kaming mga nakarinig.

 

Napakasaya ng atmosphere. Parang kahit hindi kayo magkakakilala, nakakapagbahagi ka ng mga naiisip mo that time. Yung mga comment-comment ay nakakapagpagaan sa isang napakabigat na gawain.

 

Nakakatuwa ding experience yung pag-ooffer ng sariling kamay para makatulong sa iba. Karamihan sa mga gumagawa nito ay yung mga taong pababa na ng kalbaryo. Inaalalayan nila ang mga paakyat pa lang. At humihinto sila para makadaan ang mga paakyat.

 

Sayang at ngayon ko lang nari-realize na importanteng gesture ang ganon. Hindi ko ‘ata ito nagawa sa mga kasama kong umakyat saka doon sa mga hindi ko kakilala.

 

Ang focus ko, masyadong natuon sa mga bato, paano ko ito aapakan, paano ako hahakbang sa kabila, paano ako makakaakyat sa taas. Noong pababa na kami, wala na ring pagkakataon na makapag-alok ng tulong kasi hindi na kasinglupit ng trail paakyat, ang trail pababa. At mas konti na ang taong paakyat sa trail na iyon. Iba kasi ang dinaanan namin. Hindi kami dumaan sa inakyatan namin.

 

Naku saying talaga. Ngayon parang naiinis ako sa hindi ko nagawa.

 

Naabot namin ang tuktok, saktong tanghaling tapat. Kaya ang init-init talaga. Bukod doon ay nagliliyab na ang ilang mga bahaging pinagtutulusan ng kandila. Doble ang init. Konti lang din ang halaman na pwedeng pagsilungan. Me nakasilong na doon sa kakaunting puwedeng pagsilungan. Naupo na lang kami sa mga bato-batong nagkalat at nagpahinga sandali.

 

Merong krus sa tuktok ng kalbaryo. Kalbaryo ang tawag sa bundok na iyon. Hindi iyon Banahaw. Sabi ni Alex, ang Banahaw, mga isang buong araw na lakaran. Kaya kung gusto mo pang bumaba, magdevote ka pa ng isa pang araw. (meaning kailangan, mag-overnight. Meaning, marami kang dala sa paakyat at pababa ng bundok) Ganon iyon kataas. Sa kasamaang palad, ayon sa opismate ng aking kaibigang si Rita, bawal daw itong akyatin. Me nadaanan din akong parang booth ng pulis na may banner. Sabi: closure Banahaw extended 3 more years.

 

Dalawa lang ang krus na nakita ko. Sabi ng iba, tatlo daw ang krus doon. Ngayon ko lang naalala. Nang makita ko kasing dalawa lang ang krus, hindi na ako nag-abalang hanapin ang isa pa.

 

Pero dapat, nandoon lang iyon. Kasinlaki lang din dapat iyon ng dalawang krus kaya dapat madali kong nakita kung nandoon nga lang iyon at dapat katabi ito ng iba pa kaya dapat talaga hindi ko ito na-miss out.

 

So malamang, dalawang krus lang talaga ang nandoon.

 

Nag-ikot-ikot ako sa kalbaryo. May mga nagtayo ng tent doon. Me isang tent na puro babaeng naka-maroon na t-shirt ang nagbabantay. Sa labas ng tent nila, me apat o limang something na hugis-bangka, kalahating dipa ang lapad nito. Gawa ito sa kandila. Puting puti.

 

Me isa pang tent na kapnsin-pansin. Nagdadasal kasi nang malakas ang mga tao sa tent na iyon. Kapansin-pansin dahil napakaganda ng pagkakabigkas nila sa mga Our Father at Hail Mary. Parang mga taga-call center yung nagdadasal. Magaling din sila magstress sa mga salita. May isang babaeng mukha nang nanay na naka-blouse na bulaklakin, isang lalaking kakaunti na lang ang buhok sa ulo, nakapolo shirt, may isang lalaking payat na mga nasa kuwarenta, naka-star wars na kamiseta, kulay-pula.

 

Tapos sa entrada ng tent, may isang babaeng morena, malalim ang eyebags, gulo-gulo ang buhok, pawis na pawis, naka-maroon siyang kamiseta. Nakapikit siya the whole time. At nagsasalita siya sa maliit na boses. Papalakpak-palakpak siya. Tapos mayamaya tumatawa siya. Tapos sabi niya, huwag ninyong kalimutang tumawag sa akin. Sa harap niya ay isang babaeng nasa trenta anyos. Sabi niya, huwag mong kalilimutang tumawag sa akin, ha? Malaki o maliit man ang problema mo, tatawag ka sa akin ha? Matutulungan kita. Sabay tawa at sabay palakpak ang babaeng morena.

 

Sa tabi ng babaeng morena ay isang lalaking nakaputi na may salamin sa mata. Mukha siyang tipikal na teacher sa values education ganyan. Me dala siyang puting tabong me tubig at inilalapit niya ito sa kamay ng babaeng morena. 

 

Paminsan-minsan, isasawsaw ng babaeng morena ang kamay niya sa tabo at iwiwisik ang tubig sa babaeng nasa harap niya. Tapos tatapikin niya sa noo at sa dibdib ang babae. Tapos tatapikin niya sa noo ang lalaking me hawak ng tabo.

 

Pagka-minsan, iwiwisik ni babaeng morena ang tubig sa paligid niya, sa mga nagdarasal. Pagka-ganon ang nangyayari, yung mga nag-a-Our Father ay tumitigil at nagpapasalamat.

 

Sabi nila, salamat, nino.

 

Aha! Sinasapian pala ng Sto. Nino ang babaeng morena.

 

Hindi ako makapaniwala siyempre. Kayang kaya kong gawin ang pagpapaliit ng boses. Nakakapanood ako ng ganito sa TV pero iba pala talaga kapag aktuwal mo nang napapanood. Medyo natatawa ako. Feeling ko ang naïve ng mga taong naniniwala sa ganito.

 

Hinanap ko ang mga kasama ko para ipakita sa kanila ang nasa tent. Nakita ko si Alex. Sabi niya, huwag kang masyadong lalapit. Baka hindi na kita mabawi. Hmm…posible palang maimpluwensiyahan ako ng mga taong iyon. Me nagwarning din sa akin na huwag akong tumuloy kung nag-iisa ako dahil marami raw ang nanghi- hypnotize doon. Siguro isa ito sa mga iyon.

 

Sumama sa akin yung dalawa sa mga kasama ni Nanay. Pagbalik namin sa tent, iba na ang nasa entrada nito. Yung mamang naka-star wars na. nakabukas ang mga mata niya pero parang walang nakikita. At para siyang naninigas. Yung mga daliri niya ay nakapilantik at kumikilos nang maliit na parang inaatake ng sakit. Tapos dahan-dahan siyang bumabaling sa lalaking may tabo. Nakakatakot ang ekspresyon sa mukha niya. Parang ang seryo-seryoso. Pero natatawa pa rin ako. Kasi naman may umaagos na sipon sa isang butas ng ilong niya.

 

Habang pinapanood ko ang nangyayari sa mama, naririnig ko ang boses ng isang babae. Ikinukuwento niya sa katabi niya ang mga sinabi ng “Sto. Nino” sa kanya. Siya pala yung babaeng nakatayo kanina sa tapat ng babaeng morena.

 

Napaka-suspetsoso ko lang ba talaga or what? Kasi ang unang pumasok sa isip ko, planted iyon. Ang babaeng iyon ay kasama talaga ng mga nasa tent tapos kunwari magpapagamot siya o magpapakonsulta tapos magkukuwento sa mga tao sa paligid niya para maengganyo rin ang mga ito na lumapit sa sinasaniban. Parang yung sa mga home TV shopping. Actually, hindi naman talaga sila gumamit ng produktong ineendorse nila kundi bayaran lang sila. Ganon. Ganon ako kasuspetsoso.

 

Nag-ikot pa ako sa tuktok. Nagcheck din ako ng cellphone. Naka-off ito dahil malo-low batt na. Walang signal. Pinatay ko na lang ito uli.

 

Pero feeling ko, may nag-iisip sa akin nang eksaktong panahon na iyon. Me napulot akong something. Plastic siya. Dilaw. Mga tatlong pulgada ang haba. Bahagi ito ng something na plastic din. Ewan ko kung ano.

 

Ang sabi ng napulot ko: I miss you.

 

Yihi. How romantic. Doon nga yata talaga matatagpuan ang kakaibang mga anting-anting. Kaya naman nasa wallet ko na ang I miss you something na iyon.

 

Nagsindi na ako ng kandila at nagdasal sa tapat ng mga krus. Pagkatapos ay umupo na ako sa tabi nila Nanay. Noon kami nagtanungan ng pangalan. Ipinasulat niya sa akin sa isang papel ang phone nila sa bahay. Tinanong ko na rin ang pangalan ng iba pa niyang kasama. At isinulat ko rin doon. Ang mga edad at okupasyon nila, nalaman ko sa iba’t ibang pagkakataon na.

 

Nanay Lagring- 65 years old, parang hilot. Though hindi niya sinabing hilot siya. Pero sabi niya nagmamasahe siya at gumagamot ng biktima ng kulam. Nakakatulong daw siya sa ganon.

Tintin-10 years old

 Simon-11 years old

Magkapatid sila at apo sila ni Nanay Lagring

Rosemarie-24 years old, sa index salon sa monumento nagtatrabaho, bunsong anak siya ni Nanay Lagring

Ricky-21 years old, boyfriend ni Rosemarie

Fidel-15 years old, kaibigan ni Ricky at Rosemarie

 

Si Alex, ang aming guide na mukhang college student, ay nagtatrabaho na raw kapag ordinaryong araw sa malayong lugar, ayon kay Ronel, ang isa pa naming guide. Magpinsan sila. Tahimik si Ronel the whole time pero noong uwian ay nakakuwentuhan ko siya dahil dalawa kaming naiwan na naghihintay sa pagbibihis ng mga kasama naming naligo sa ilog. 20 years old na siya pero 4th year high school pa lang siya. Nang sabihin niyang 4th year pa lang siya, hndi siya nailang o nahiya. Mukhang common ang ganong kaso sa lugar na iyon. 

 

Ibang ruta ang tinahak namin pababa. Sabi ni Alex, mas patag daw ito at may ilog sa pinakadulo. Okey naman kay Nanay Lagring kaya iyon ang dinaanan namin. Naghubad ako ng medyas at sandals. Gusto kong malaman ang pakiramdam ng nakapaa.

 

At siyempre, hindi masarap. Nasa gitna ako ng pila ng grupo. Napakabagal ko na sa bawat hakbang kaya malaki ang agwat naming mga nasa dulo ng pila sa mga nasa unahan ng pila. Masakit talaga sa paa, gumagasgas sa talampakan ko ang magagaspang na mga bato. Pinapaso ng maiinit na batong bilad nang buong umaga at tanghali ang talampakan ko. Pero hindi ako sumuko. Kalbaryo kung kalbaryo.

 

Ang ginawa ko na lang ay ginamit ko ang kamay at braso ko. Ipinatutukod ko ito para hindi lahat ng bigat ko ay nasa mga paa ko. Niyayakap ko ang bato kung kailangan. Ipinangkakalang ko ang mga palad ko kung kailangan. Umuupo ako, lumuluhod.

 

Hindi ko akalaing ganon kasakit ang magpaa. Pero bakit parang ang dali kay Nanay at sa  ba pang nakita kong nakapaa sa trail?

 

Kinakantiyawan na ako ng boys. Gusto ko raw ba talaga magpaa? Kaya raw ako nagpapaa kasi hindi ko pa naranasan magkakalyo. Sabi ko, andami ko kayang kalyo? A…alam na raw nila kung bakit ako nag papaa. Kasi raw hindi ko pa nararanasan magkakalyo na nagnanana.

 

Nagtawanan sila. Sila lang. Ako, napa-eeooow.

 

Pagkatapos ng mga trenta minutos, nagmedyas at sandalyas na rin ako. Bumilis-bilis ang aming trek pababa.

 

Mas maganda nga ang daan doon pero hindi ito kasingpatag ng inaakala namin. Marami pa ring bato sa 50% ng daraanan. Niloloko nga namin si Alex sa tuwing makakaengkuwentro kami ng mabatong daan. Patag pala, ha! Patag nga! 2 segundong patag! At magtatawanan kami.

 

Me pang quiz beeng tanong pa si Fidel. Ano raw ang scientific name ng bundok na iyon?

 

Mountainensis patagkinensis Alexenensis.

 

Hagalpakan na naman kami ng tawa.

 

Marami ring bahagi ang trail na iyon na na nalalatagan ng natumbang mga talahib. Matalahib din pala. Noong nakapaa ako, dito ako umaapak at hindi sa lupa para malamig-lamig sa paa. At yung talahib ay yung lumulungayngay talaga sa mismong daanan. Kailangan mo pang hawiin para makadaan ka.

 

Mas konti ang tao sa daanang iyon pero ang nakakatuwa, may nakita kaming naka-stand by na tindero ng ice cream. Ice cream! Ice cream, anya. Hahaha ice cream susmarya. Parang ang hirap mag ice cream habang nagha-hike. Unless magpapahinga ka. At wala yata sa itinerary ng grupo ang magpahinga sa gitna ng hike.

 

Isa pang nakita namin ay tindero ng mineral water. Me bente at trenta raw sabi ng tindero. Bibili sana si Rosemarie. Sabi ko, may tubig pa ako. Inalok ko ang dala kong bote at uminom ang dalawang bata.

 

May nakita rin kaming pamilyang nagte-tent. Nagtitinda naman sila ng palamig. Melon. Huwaw. Npakagandang idea. Kaya lang wala talaga kami sa mood bumili ng kung ano-ano. At least iyon ang naiisip ko. Lalo na ako. Ang focus ko ay marating ang dulo ng trail. Ang matapos ang hike.

 

Mga isa’t kalahating oras din ang pababa. Mayamaya lang ay madulas na ang mga daan. At dumami ang mga puno at halaman. Medyo dumilim din. Parang alas singko na lang ng hapon samantalang ala una o alas dos pa lang yata iyon.

 

Nanginginig ang tuhod ko noong pababa na kasi madulas. Parang nagpipigil ka sa pagdausdos pero kailangan mong humakbang. Scary talaga. Pakapit-kapit na lang kami sa mga sanga-sanga at hala-halaman. Kawawang sanga-sanga at hala-halaman.

 

Sabi ng mga kasama ko, naririnig na nila ang tubig. Tingin kami nang tingin sa gilid na parang bangin. Wala namang ilog. Ako nga hindi ko marinig ang tubig.

 

Lakad-lakad uli.

    

Mayamaya lang, bumulaga na sa amin ang ilog na tadtad ng higanteng tipak ng mga bato. Ilog Lagnas daw ito sabi ng polyetong nabasa ko bago ang biyahe ko pa-Banahaw. Sabi ni Alex, nakakagaling daw ang tubig sa ilog na iyon.

 

Naghanap kami ng mapupuwestuhan at makakainan ng tanghalian. Nagsettle kami sa gilid ng isang mababang falls. Maraming tao doon. Meron pang naliligo as in nagsasabon at naglilibag. Meron ding kalalakihang tumutuntong sa mataas na bato para magdive sa falls.

 

Nagbabad ako ng paa. Si Nanay din. Nang makita kong namumutiktik na sa moss at putik ang puwitan ko, nagdesisyon na akong ipanligo na lang ang aking attire. Ang baon kong shorts at shirt ang gagamitin ko na lamang na damit pauwing Maynila.

 

Inilabas na nila ang baon nilang sandamukal na kanin at mga de lata. Inilabas ko na rin ang kanin at ulam kong nakaplastic. Pati ang prutas. Ishineyr ko iyon sa kanila. Nagponkan kami bago magkanin. Pati ang ube candy na binili ko bago ang opisyal na climb ay inilabas ko na rin. Tumikim ako. Masarap. Pag me nadaanan uli kaming tindahan ng ube, bibili ako. Kaso bigla kong naalala, wala akong pasasalubungan.

 

Lahat kami kumain puwera sina Nanay, Alex at Ronel. Nahihiya yata ang boys. Kahit anong yaya namin, ayaw talaga. Umalis sila sandali para kumuha ng tubig na maiinom namin. Pagbalik nila, nanood lang sila ng mga lalaking tumatalon sa falls.

 

Si Nanay naman, ayon kay Rosemarie, hindi raw talaga kumakain kahit nang umakyat sila sa Makiling. Taun-taon nga pala ay umaakyat ng bundok si Nanay. Nakailang akyat na siya sa Banahaw. Last year, sa makiling naman. Hanep talaga. Kaya sabi ko kay Rosemarie, ang cool ng nanay mo.

 

Pagkakain, nagkayayaan nang maligo. Kanina, init na init ako at parang gusto ko talagang maligo. Pero nang masanay sa lamig ang paa ko, bigla na akong gininaw. Parang di ko kaya ang lamig ng tubig.

 

Nang makita ni Alex na naliligo na ang mga bata, niyakag niya kami sa mas maganda raw na parte ng ilog. Naglakad kami sa gilid ng ilog at minsan, patalon-talon kami sa malalaking batong nagkalat sa ilog. Mga kinse minutos pa kaming naglakad. Sabi ni Alex, kung gusto talaga naming maligo, doon na sa malapit sa may banlawan at bihisan.

 

Nang makakita kami ng isang spot na kakaunti ang tao, huminto na kami. Ang bahaging iyon ng ilog ay parang pool dahil hindi masyado mabato.  At hanggang bewang ang tubig. Tamang tama para sa dalawang bata. Doon na ako naglublob. Pero isang lublob lang. Giniginaw talaga ako. Tapos umupo na lang ako sa isang bato at ibinabad ang aking mga paa sa tubig.

 

Sina Simon, Tintin, Rosemarie, Ricky at Fidel ay naglaro doon sa mukhang pool. Kami ni Nanay, magkalapit ang inuupuan naming mga bato. Patingin-tingin lang ako sa paligid. may mga lalaking nakaupo rin sa mga bato sa bandang unahan namin. Yung isa sa kanila, may dalang camera at tripod. Professional photographers? Sana kunin akong modelo.

 

Yung isa sa kanila, tinitingnan kong maigi. Kasi kamukha ng seatmate ko noong 1st year high school ako. Si emman, isang napakatahimik na lalaki ngunit napakahusay kumanta.

 

May lumapit na babaeng may kargang sanggol. Kabuntot niya ang isang girl na nasa tatlong taon siguro. Umupo sila sa tabi ni Nanay. Nagkakuwentuhan ang dalawa. Nakinig lang ako.

 

Taga-Batangas pa raw ang mag-iina. Kaya raw sila napunta sa Banahaw ay dahil kasali sila sa Diyos Ama something. Nalimutan ko na yung eksaktong pangalan pero sa tingin ko ay isang religious org or sect.

 

Mayamaya, wala na sa isip ko ang pag-uusap nila. Naalala ko kasi ang Biak na Bato. Kamukha ng ilog sa  Biak na Bato ang ilog Lagnas. Mabato rin sa Biak na Bato. Yes, redundant hahaha pero ang bato na nabiyak ayon sa pangalang Biak na Bato ay actually hindi bato kundi bundok. Bundok na gawa sa bato, parang ganon. So kaya siya Biak na Bato ay mababang bundok na nabiyak sa gitna dahil dinaanan ng isang ilog.

 

Marami ring tao roon kapag holy Friday. Mas tahimik nga lang sa Biak na Bato. Mukha kasing mas mahirap itong puntahan. Walang dyip doon. Magta-traysikel ka lang mula sa palengke. at kung hindi ka magaling magresearch, magse-settle ka sa mga traysikel na nangongontrata ng P100-150 one way to Biak na Bato.

 

Pero sa mga tulad ko na ayaw na ayaw gumastos nang malaki sa pamasahe at ayaw maniwalang gumagastos nang ganon kalaki sa pamasahe ang mga tagaroon, magtatanong-tanong ka pa. Nang pumunta kami sa Biak na Bato ganon nga ang natuklasan ko. Me traysikel na bumibiyahe sa lugar na iyon. Hindi kailangang mangontrata. P100 din ang pamasahe pero may mga kahati ka. Apat na tao sa isang traysikel so papatak na P25 lang ang isa. Taong 2005 yata ito.

 

 Sa tingin ko ay mas maganda ang ilog ng Biak na Bato kaysa sa Ilog Lagnas. Mas maiksi ang ilog ng Biak na Bato pero mas malinis ito. Mas malalaki rin ang bahagi na puwede talagang pagswimmingan. At mas malinaw ang tubig. Sa Ilog Lagnas, namumuti ang tubig. Parang marami nang sabon-sabon. Pero ako, game ako kahit ganon ang tubig. Naniniwala kasi akong makakatulong sa kalusugan ko ang paliligo doon. Ang problema lang, giniginaw taalaga ako. Hindi ko kaya ang lamig.

 

Bakit ka nga pala nagpunta rito? Biglang tanong sa akin ni Nanay.

 

Mukhang tinatanong na rin iyon ng babaeng may dalang dalawang bata.

 

Wala akong maisagot agad. Bakit nga ba ako nagpunta doon? Matagal ko nang naisip na pumunta roon. Bago pa dumating ang summer. Pero hindi ko matukoy ang eksaktong dahilan. Hindi ako nagpunta roon para magdasal. Hindi ako nagpunta para magreflect. Naisip kong isama doon si EJ para sa proyekto kong i-expose siya sa kalikasan. Iniisip kong makakakita at makakahawak si EJ ng mga halaman na doon lang tumutubo. Pero tumuloy pa rin ako kahit hindi ko kasama si EJ so imposibleng siya ang dahilan.

 

Makati lang yata talaga ang paa ko.

 

Hmmm….Pero sa totoo lang, gusto kong makita at makilala ang aking bansa. Akala ng iba, ang Maynila ang mundo. Maling mali. Naliliitan na nga ako riyan. Parang lahat ng sulok nito, napuntahan ko na. Wala na akong matutuklasan.

 

Gusto kong marating ang iba pang magagandang lugar sa Pilipinas na puwede at kaya kong marating. Mas natututo ako sa ganitong paraan. Mas marami akong naibabahagi sa iba kapag ginagawa ko ito. Maintindihan kaya ako ni Nanay at ng babae kung ito ang isasagot ko?

 

Kaya sabi ko na lang, namamasyal lang po.

 

Nagtawag na si Nanay. Magbanlaw na raw kami. Naglakad pa kami ng sampung minuto hanggang marating namin ang banlawan. Higit na marami ang tao roon. At andaming tent. Kabi-kabila. Lalong madumi ang paligid. yung mga balot ng chichirya, plastic bag na punit, putikang sako, mga istik ng barbekyu, mga straw na panali.

 

Ito raw ang Kinabuhayan. The famous Kinabuhayan. May isang hagdan na paakyat sa isang kuweba. Sabi ni Alex, doon daw kami magtirik ng kandila. Yun ang huli naming pagtitirikan ng kandila. Wala na raw kandila si Nanay. Ako naman, isa na lang. ibinigay ko na iyon sa kanya. Puwede naman siguro akong magdasal nang walang kandila.

 

Tumawid kami ng ilog at umakyat sa kuweba para magdasal. Pero hindi ako nakapagdasal sa dami ng nakita ko.

 

Sa gilid ng butas ng kuweba, may nakita akong babaeng nakaputi, nakabelong puti at nagrorosaryo. Nakapikit lang siya. Sa tabi niya ay isang imahen ng Birheng Maria. Sa kabila niya ay uka sa mga bato na pinaglalagyan ng napakaraming mga imahen ng mga santo at ni Jesus at ng Birheng Maria.

 

Parang kakaibang mundo ang kuweba na iyon. Flat na flat siya. Actually, hindi lang isang kuweba iyon. May katabi pa itong maliliit na kuweba na ginawang parang altar ng iba’t ibang santo. Nag-iinit ang bawat kuweba sa dami ng nakatulos na kandila.

 

Nuknukan ng init sa  kuwebang pinasok namin. Buti na lang at basang basa ang buo kong katawan sa tubig ng ilog kya hindi ako gaanong nainitan. nAkatagal ako sa loob at nagkasapat na panahon para mapanood ang mga bagay na kakaiba.

 

May uka sa mga bahagi ng kuweba at may religious na estatwa ang bawat uka. Natitirikan din ito ng maraming kandila. Mga dalawampung tao kaming nasa loob noon. Sa pinakagitna nito ay may isang rebulto. Hindi ko na maalala kung kanino dahil mas natuon ang atensiyon ko sa lalaking nakadamit Nazareno. May putong siyang tinik ng korona. Nakataas ang mga kamay niya at naninigas din ang mga ito. Ang lumalabas sa bibig niya ay parang galling sa bible. Something like, kapayapaan ang dapat na nananahan sa inyong puso. Walang puwang ang kasakiman sa puso at sa mundong ito.

 

Ganyan. Very general. Tapos sa harap niya ay mayroong mga babaeng matanda na mahahaba ang buhok na nakaputing damit. Marami kaming nanonood sa kanila. Sabi ni Alex, ang poong Nazareno raw iyon.

 

Habang pinapanood ko ang Nazareno ay may nadidinig akong umiiyak na babae. Anlakas-lakas ng iyak niya.

 

Patawarin ninyo ako. Patawarin ninyo ang mga nagkasala huhuhu

 

Paulit-ulit niya itong isinisigaw. Pasigaw ang iyak niya. Tapos nang minsan ko siyang sulyapan, isang lalaki ang nakayakap sa kanya. Parang sa pelikula ang dating. Nagwawala ang bidang babae at pinipigilan siya ng bidang lalaki. At ang lighting nila ay yung liwanag ng mga kandila.

 

Dahil kuweba iyon, umaalingawngaw ang kanyang sigaw.

 

Nakakaintriga. Naisip ko na puntahan siya agad pagkatapos ng Nazareno.

 

Pero nafascinate ako sa Nazareno. Pagpunta ko kay crying lady, wala na ang crying lady. Parang mapayapa na siya. May mga kasama pala siya. Hindi lang yung lalaking pumipigil sa kanya. Na mukhang matitinong tao naman. Puro sila nakasapatos at disenteng damit.

 

Isang babae, na kasama nila, ang nag-eexplain sa aming mga nakapalibot sa kanila, tungkol sa butas na nasa gilid ng kuweba.

 

Nagbabala na sa amin ang Birheng Maria. Hindi lahat ng pumapasok diyan ay nakakalabas pa. kaya nasa sa inyo kung gusto ninyong pumasok. Pero kapag hindi malinis ang puso sabi ng Birheng Maria, hindi ka na makikita pang muli.

 

Sabi ng babaeng lungayngay na ang damit sa pawis.

 

Nasa likod ko na si Alex.

 

Gusto kong pumasok. Puwede ba?

 

Sabi ni Alex, huwag. Delikado.

 

Ano bang nasa loob?

 

Balon. May balon diyan.       

 

Nakita kong pumasok ang dalawang teenager na lalaki. Kandila lang ang hawak nila. Nakaupo silang pumasok sa butas dahil iyon ang kasya sa butas.

 

Kung titingnan ay nakakatakot talaga. Kasi parang butas lang iyon na talagang hindi mo alam kung saan ka dadalhin. Baka pagpasok mo ay mawala ka nang talaga. Hindi mawala na parang maligaw kundi mawala talaga. Tipong buburahin ng butas na iyon ang katawan mo at di ka na matatagpuan. Parang ganon.

 

Ganon yung initial kong impression. Ni hindi ako natakot sa babala ng babae tungkol sa babala raw na galling sa Birheng Maria.

 

Hindi kasi ako naniniwala sa ganon. Feeling ko, kung meron mang nawala noong pumasok doon ay baka nahulog sa sinasabi ni Alex na balon at nalunod at hindi naiahon hanggang ngayon.

 

Pero naisip ko, kung talagang mapanganib pumasok sa butas na iyon ay agad na ipapasara ito. Masesensationalize pa ito at magiging illegal na ang pagpasok.

 

Pero hindi nga. heto at bukas na bukas ang butas. Bukas sa sinumang gustong pumasok.  

Gusto ko talagang i-try. Sabi niya, delikado talaga saka wala tayong kandila. Sabi ko, me flashlight ang cellphone ko. Hindi raw puwede iyon. Kelangan daw kandila talaga.

 

Hindi na ako nakipag-argumento. Baka rin naiinip na si Nanay sa amin. Ayoko namang makaabala ng ibang tao.

 

Nanatiling maraming tao ang nakapalibot sa butas na yon.

 

Siguro katulad ko, gusto ring makapasok pero nangingimi lang.

 

Kasabay pala naming lumabas ng kuweba si Nanay Lagring. Dumaan ako sa ibang santo sa maliliit na kuweba para magdasal. Paglabas ko ay naroon pa rin ang aleng nakaputi, nagdarasal pa rin.

 

Nang makatawid na kami sa ilog, may napansin akong isang parang munting kuweba na malapit sa hagdan paakyat sa kuweba. Inaagusan ito ng tubig. Me lumalabas din na mga tao mula roon. Me isa pa ngang babaeng me hawak na flashlight ang lumabas doon.

 

Alex, ano ‘yon? kako.

 

Pag pumasok ka sa butas, diyan ang labas mo.

 

Tamo, sabi ko na, safe naman, e.

 

Pero puwede ka pa ring mawala sa loob. Minsan, hindi na nakakalabas ang mga tao riyan.

 

Hindi na ako nakipag-argumento.

 

Sabi ko kay Alex, hindi na ako magbabanlaw. Sabi niya, sigurado ka? Oo, kako. Itinuro niya sa akin ang bihisan. Sa isang elevated na lugar, may pinagpatung-patong na hollow blocks na natatabingan ng butas-butas na sako. Yun daw ang bihisan. Dinala ko ang mga gamit ko at isinama si Tintin na magbibihis din.

 

Si Tintin ang pinauna ko. Ang panghi-panghi kaya nagdecide akong huwag na lang magbihis. Maghahanap na lang ako ng CR for rent sa labasan.

 

Sinabi ko ang balak ko kay Alex. Sabi niya, halika na nga. Ipapakiusap na lang kita. Naglakad pa kami sa unahan ng ilog. Sina Nanay ay naiwan sa batuhan habang naghihintay kay Rosemarie at Ricky na bumili ng shorts pampalit sa nabasang shorts ng babae.

 

Nadaanan naming yung banlawan na sinasabi ni Alex.

 

Sigurado kang ayaw mong magbanlaw?

 

Isang lugar iyon sa ilog kung saan may mga tatlo o apat na tubo na dinadaluyan ng malinis na tubig.

 

Dito ka rin  ba kumuha ng tubig na ininom natin kaninang tanghalian?

 

Hindi, a.

 

Doon pa.

 

Kako, sige na nga.

 

Kaya pumila ako at nagbanlaw nang mga 30 segundo sa ilalim ng isang tubo ng tubig. Anlamig-lamig pero masarap. Gusto ko pa sanang magtagal kaya lang ay maraming iba pang magbabanlaw.

 

Dinala ako ni Alex sa malaking CR. May bayad ang magbihis (P3.00), umihi at dumumi (eight or ten pesos yata basta mas mahal nang konti kesa sa magbihis).

 

Sabi ko, meron naman palang ganito, bakit ngayon mo lang sinabi?

 

Sagot ni Alex, e kasi may bayad.

 

Natawa ako. Ibig sabihin ay malaking halaga na para sa kanya ang tatlong piso.

 

Sabi ko, sige, ako na. Huwag ka nang makiusap. Magbabayad na lang ako.

 

May tatlong cubicle na may inidoro na walang flush, I mean walang sandalan. Upuang inidoro lang. Pero sagana sa tubig kaya malinis. Buhos-buhos system lang. Sa tapat nito ay stalls na pangbihisan. Semento ang sahig pati ang dinding. Kahoy na nangingitim ang mga pinto.

 

Hindi ako nagrereklamo pero sana ay makagawa ng paraan ang gobyerno natin para man lamang maalagaan ang ganito ka-basic na facility sa isang panturistang lugar.

 

Pagkabihis, bumalik na ako kina Nanay. Itinuro ko sa mga kababalik pa lang na sina Rosemarie at Ricky ang bihisan na may bayad. Sumama na rin si Nanay para magwiwi.

At si Fidel para magbihis na rin. Ang dalawang bata ay bihis na.

 

Kumuha ng tubig si Alex mula sa isang hiwalay na tubo na malapit sa hagdan ng kuweba. Miraculous daw ang tubig doon at puwedeng inumin. Pinapuno ko ang 500 ml na bote ko. Wala namang mawawala. Yun nga lang baka magtae ako sakaling hindi nnga malinis ang tubig. Huwag lang akong mamamatay ay ayos na.

 

Doon kami nagkakuwentuhan ni Ronel. Kaming dalawa ang nagbuhat ng gamit ng mga kasama namin.

 

Mayamaya ay sinundan ko na si Nanay sa CR. Ibibigay ko na ang share ko para sa mga guide namin.

 

P500 ang usapan naming ibibigay kay Alex. P250 sa kanya at P250 sa akin. Pero P200 na lang daw ang pera ni Nanay kaya sabi ko, sige po, P300 na lang ang share ko. Kaso, paano po si Ronel? Tanong ko kay Nanay.

 

Bahala na siguro si Alex sa kanya.

 

Kawawa naman sila naisip ko, buong araw naman nila kaming sinamahan at medyo maliit ang P500 para paghatian pa nilang dalawa. At isa pa, mabait at mahusay silang guides.

 

Nagdagdag pa ako ng P200 para kay Ronel. So all in all, P500 ang nagastos ko sa mga guide.

 

Ibinigay sa akin ni Alex ang bote ko ng tubig. Dasalan ko raw muna iyon bago inumin. At huwag na huwag ko raw pahahakbangan. Hindi ko na itinanong kung bakit. Kadalasan kasi, hindi rin maipapaliwanag ng mga tao ang mga dahilan. Para bagang basta sumunod ka na lang para makabuti ito sa ‘yo. Kaya itineyk nowt ito ng isip ko.

 

Si Nanay ang nag-abot kay Alex ng pera. Iniabot niya ito noong naglalakad na kami palabas ng Kinabuhayan. Uwian time na.

 

Sa lugar na iyon ay napaka-festive na naman ng mood. Marami ulit tindahan ng souvenirs, pasalubong, gulay particularly labanos. Meron ding tindahan ng anting-anting. Nakakita ako ng dalawang kakaibang produkto. Bayag ng kambing at ipin ng kidlat.

 

Para saan kaya ang mga yan?

 

Finally, after 15 minutes nakarating kami sa sakayan ng dyip pa-San Pablo. Kinuha ko ang cellnumbers nina Alex (0920-3410484) at Ronel (09195121630) at nagpaalaman na kami. 

 

Ang naunang dyip sa dyip na sinakyan namin ay punong puno ng lalaki sa bubungan. Sakayang topload ba.

 

Gusto ko ring sumakay sa taas, sa isip-isip ko. Pero nakakahiya lalo na kung mag-isa lang ako. Bago dumating ang dyip namin, nakabili ako ng dalawang everlasting at limampisong banana chips sa katabing tindahan. Tapos sumakay na nga kami sa dyip na dumating. Sabi ng kundoktor, yung nangongolekta ng bayad, mas mura raw sa bubong. Imbes na kuwarenta, trenta na lang.

 

Sabi ko, ako po, puwede?

 

Oo sabi niya.

 

Gusto ko po! O, may discount ako ha?

 

Biro lang iyong diskawnt!

 

Tawanan ang mga pasahero. Si Nanay, pigil nang pigil sa akin. Baka raw mapaano ako. Doon na lang daw ako sa baba ng dyip para ligtas.

 

Pero gusto ko pa rin ho.

 

Kaya ako pa rin ang nasunod.

 

Mag-isa akong nakasakay sa bubong mula Kinabuhayan  hanggang palengke ng San Pablo. Halos isang oras ang biyahe. Isang oras na roller coaster ride na naman! Ang sarap at kakaiba talaga ang perspective mula sa bubong. Mas marami akong nakita not to mention, mas malamig ang hangin.

 

Nakakita ako ng bakuran ng isang bahay. Nagkalat ang labanos sa bakuran. Parang itinapon na lang basta. Mukha ngang chalk na nagkalat sa lupa ang labanos. Tapos sa isang mesa, may tumpok-tumpok na labanos. May karton na nasusulatan ng ganito: P5.00/ kilo. Limampiso! Susmarya, sa q-mart, per piraso minsan ang bentahan. At laging lampas limampiso kada isang piraso. Isang piraso. At minsan sa  grocery ng SM, a…hindi na siguro kailangang banggitin kung magkano sa SM.

 

Marami rin akong nakitang naghahalu-halo sa mga sari-sari store, mga lalaking naghihimas ng tandang sa tapat ng tarangkahan nila. Napapangiti ang mga tao sa kalsada na nakakakita sa akin.

 

Naabutan pa ng dyip namin ang naglalakad na magpinsan. Lalakarin lang pala nila mula doon hanggang sa kanilang bahay. Mahal daw kasi masyado ang pamasahe. Pero kapag ganitong may dyip pa, pinasasabit naman daw sila nang libre. Kaya mga 10 minuto ko ring kasama sa bubong si Ronel. Nasa likod namin si Alex.

 

Pagdating sa haywey, bumagal na ang takbo ng dyip. Trapik na. Diyan na ako nagsimulang mag-isip na ka-eng-engan itong ginagawa ko. Dahil talagang andami nang nakakakita sa akin. Bus load ganyan, jeep load, ganyan. Hay bigla na lang akong inaarangkadahan ng hiya. Hindi naman ako makababa mula sa bubong. Paano ka nga ba papara mula roon?

 

Hinintay ko na lang na huminto ito sa terminal.

 

Pagdating sa terminal, na malapit sa 711, nakakita kami ng sandamukal na taong naghihintay ng masasakyan. Bigla kaming may narinig na sumisigaw ng Cubao. Cubao!

 

Dyip na biyaheng Cubao! Lapit agad kami sa dyip. Sabi ng drayber, kung magkano raw ang ibinabayad namin sa bus, ganon na rin ang ibabayad namin sa kanya. Kako, manong paano po ako, sa Alabang lang po ako?

 

Diretsong Cubao lang ang kinukuha ko, e.

 

Sabi ni Nanay, sumabay na raw ako at bayaran ko na lang hanggang Cubao. Konti lang naman daw ang diperensiya. Isa pa, at least daw ay may kasama ako. Naku, nakarating nga ako roon nang mag-isa, ngayon pa kayang pauwi na ako?

 

Pero siyempre hindi ko sinabi iyon kay Nanay Lagring. Nag-aalala lang para sa akin yung tao. Hindi pa kasi niya alam na toughy-toughy girl ako. Kuno.

 

KAya um-oo na ako. Buti na lang at kuripot ang mga kasakay ko. Sabay-sabay silang tumawad.

 

P100 na lang, manong.

 

Pumaayag naman si manong drayber.

 

Namik-ap pa ng pasahero ang dyip. Nang mapuno ang dyip, madilim na ang kalsada at naabutan na kami ng isang prusisyon.

 

Ito palang si manong ay hindi yata tagaroon. Kasi nang i-attempt niyang umiwas sa trapik dulot ng prusisyon, naligaw kami. Bigla na lang dead end ang kalsada. Tapos isang oras na kaming tumatakbo, nasa Alaminos pa lang kami. Patay na. Naiinis na ang mga kapasahero ko.

 

Ako naman ay tahimik lang at nakapikit the whole time. Pagod na ako. Pero habang tumatakbo ang dyip, nase-sense ko na parang may mali. Nakakadagdag pa sa alalahanin ko yung mga tumatamang bato sa bintana at katawan ng dyip habang tumatakbo ito.

 

Nang makaluwag-luwag, arangkada nang arangkada si manong drayber. Overtake ito nang overtake. Hindi rin marunong pumreno nang mahinahon kaya napapausod kami malapit sa kanya tuwing hihinto siya.

 

Pagkatapos nang isa pang oras ng ganoong klase ng pagmamaneho, hindi na ako nakapagpigil.

 

“Manong, marami pa kaming pangarap! Dahan-dahan naman po kayo. Marami po tayong kasamang bata!” ubod-lakas kong sigaw.

 

Biglang sumigaw din ang lalaking malapit sa estribo.

 

“Mahal ngayon ang kabaong!”

 

Nag-okey sign sa akin si Ricky.

 

Huminahon nang konti ang pagmamaneho niya. Pumikit na uli ako at sinubukang matulog.

 

Pagdating sa Alabang, nagpaalam na ako sa buong pamilya.

 

“Ingat po kayo. Maraming salamat po at nag-enjoy po akong talaga.”

 

Sa isip-isip ko, sana makarating din sila sa cubao nang ligtas. At sana,  sila rin, nag-enjoy na kasama ako sa buong maghapon.

 

Pagbaba ko ng dyip, biglang sumakit ang mga hita at binti ko. Lintek. Ito ang bunga ng walang warm-up-warm-up na pag-akyat sa bundok!

 

Tumawid ako at naglakad nang mahaba, mula metropolis hanggang sa mang pepe na kainan. Gusto ko sanang maghapunan kaya lang pagod na pagod na ako. Parang ayoko nang makipag-usap kahit kanino. E paano ako oorder kung hindi ako makikipag-usap?

 

Sumakay na ako ng dyip pa-Baclaran Coastal mula sa Alabang. Pamasahe: P20.00 hanggang sa Bahayang Pag-asa na ito. Sa likod ng Bamboo Organ. Tulog uli ako sa biyahe. Nagising akong nakabukaka at nasa boundary na ng Cavite at Las Pinas ang dyip.

 

Naglakad pa ako nang mga sampung minuto hanggang sa makarating sa bahay. Eksaktong 9:00 ng gabi.

 

Hinubad ko lang ang tsinelas ko’t ibinaba ang backpack. Ni wala nang toothbrush-toothbrush. Umupo na ako sa kama at nagsindi ng electric fan.

 

Parang nauuhaw ako, kako.

 

Dahil tinatamad na akong bumaba para kumuha ng tubig ay binuksan ko na lang ang backpack at inilabas ang tubig mula sa Kinabuhayan.

 

O, dasalan daw muna bago inumin, sabi ng mental note ko sa akin.

 

Bumuntonghininga ako tapos sabi ko, Lord, talagang maraming maraming salamat po sa araw na ito. As in.

 

Lumagok na ako nang lumagok sabay higa at tulog.