coach mon
ininterbyu ko si G. Monsour del Rosario para sa Masigasig Magasin na lalabas sa Hunyo. nakapaloob ang magasing ito sa Entrepreneur Philippines.
sa Filipino ko siya ininterbyu, isinulat ko ang artik sa Filipino saka ko isinalin sa ingles at ipinasa sa aking coordinator.
heto ang first draft sa wikang pambansa, bow.
-
DOING BUSINESS WITH AN OLYMPIAN ni Beverly W. Siy
Pag Pinoy ka at narinig mo ang salitang Taekwondo, ang unang pangalan na susulpot sa isip mo: Monsour del Rosario. Bakit? Sa pamamagitan ng pelikula, pinasikat niya ang Taekwondo sa buong Pilipinas! Sa kasalukuyan, kilala si Monsour del Rosario bilang kontrabidang si Master Yuen sa TV program na Kung Fu Kids. Mapapanood siya mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS CBN. Pero sa labas ng showbiz, bidang bida si Monsour. Kilala siya sa pangalang Coach Mon. Saan? Sa Olympians Taekwondo Training Center. Ito ang kanyang negosyong itinatag kasama ang dating kasama sa Philippine team na si G. Stephen Fernandez. Noong 1999, bumagsak ang pelikulang Pilipino dahil sa piracy. Naapektuhan ang lahat ng nasa industriyang ito: prodyuser, artista, taga-make up, crew at iba pa. Si Coach Mon, mula sampung pelikula kada taon ang nilalagari, biglang nagdown to zero.Dati, hindi siya magkandaugaga.
Tapos bigla-bigla, wala na siyang ginagawa. So much time, got nothing to do ang naging tagline niya. Inisa-isa niya ang mga industriyang puwede niyang pasukin. Banking? Masyado yata siyang macho para maging teller. Hotel? Hindi siya hinikayat ng kanyang mga
kaibigan. Di kalakihan ang suweldo’t baka raw maiyak siya sa haba ng oras ng trabaho. Airlines kaya? Hindi rin bagay sa kanya ang maging flight steward! Kaya isang araw, umupo siya’t tinanong ang sarili: “Ano ba ang pinakagusto kong gawin?” Dalawang bagay lang daw. Una, makipag-inuman. Ikalawa, magturo ng taekwondo nang libre sa sinumang interesado, isang kaibigang mayaman o di kaya ay isang karaniwang stuntman. Inisip niya, kung magtatayo siya ng bar, puwede siyang mag-iiinom doon nang libre hanggang sa himatayin siya. Kung magtatayo naman siya ng training center, puwede siyang magtraining at magwork out doon nang libre hanggang sa himatayin siya. Di hamak namang mas okey ang ikalawang ideya. Kaya agad siyang nakipagpartner kay Stephen. Doon isinilang ang Olympians Taekwondo Training Center. Ito ay isang training center na nagbibigay ng mga kurso sa taekwondo, arnis (Filipino martial arts), boxing ala-Pacquiao, bakbakan (mixed martial arts) at Krav Maga (official self-defense and fighting system of the Israeli Defense Forces). Lahat ito’y bukas sa babae’t lalaki, matanda man o bata. Pinaparenta rin ang gym kung kailangan ng lokasyon para sa pictorial, shooting/taping o praktis para sa ibang martial arts. Ipinagmamalaki ni Coach Mon ang kanilang mga training at programa sa patnubay ng mga gurong eksperto sa mga
martial arts at sports na nabanggit. P1.2 milyon ang kapital nina Coach Mon. Napunta ito sa materyales para sa pagpapagawa ng gym, mga business permit, kagamitan, at pansuweldo sa mga guro. Suwerte namang pagsipa ng 2002, nabawi na nila ang puhunan. Puno lagi ang OTTC hanggang 2003 dahil halos wala itong kalaban. Isa pa, iba talaga ang hatak ng mahusay na artista at taekwondo star na si Coach Mon. Sabi pa niya, diyan mapapatunayang kahit sa ganitong klase ng negosyo, importante pa rin ang credentials ng negosyante.
Si Coach Mon ang unang Pinoy na nag-uwi ng gintong medalya sa SEA Games. Siya at si Stephen naman ang kauna-unahang atletang Pilipinong nakapasok sa Olympics na idinaos sa Seoul, Korea noong 1988, taekwondo division. Iba talaga ang Olympians. Gayumpaman, tulad ng karaniwang negosyo, nangalog-tuhod din ang OTTC. Naranasan nilang halos mawalan ng estudyante. Nangyari ito noong naging abala sila ni Stephen sa politika. Napansin ni Coach Mon ang hinahanap ng kanyang market: hands on na pagtuturo. Kapag nasa OTTC, nagtuturo man siya o hindi, regular ang pasok ng mga estudyante. Pero kung wala siya o si Stephen, nawawala na rin ang mga ito. Kaya pagkatapos ng eleksiyon, ibinaling na uli nina Stephen at Coach Mon ang kanilang atensiyon sa OTTC. Itinodo pa nila ang marketing at publicity. “Laking tulong ng text and email brigade. Dumarami ang inquiries namin na nagiging estudyante eventually. Meron din akong sariling website at through internet nagiging accessible ako at ang OTTC sa buong bansa saka sa buong mundo,” ani Coach Mon. Sa walong taon ng OTTC, marami na rin ang nagbago rito. Dati, may mga klase ito sa yoga, taebo at aikido. Naubos din ang estudyante dahil nauso lang naman noon ang mga ito. Nagpasya ang OTTC na ialok na lamang ang mga klaseng self defense martial arts.
Maraming ka-partner ang OTTC upang lalo itong mapatatag. Hanggang ngayon, kasapi ito sa Philippine Taekwondo Association. Dalawang tag-init itong nakipag-tie up noon sa Milo. Sa kasaluluyan, katuwang
nito ang Peak Martial Arts Equipment Supply kung saan Marketing Director si Coach Mon. Symbiotic ang relasyon nito at ng OTTC. Kumikita ang Peak kapag bumibili rito ang mga estudyante ni Coach Mon samantalang si Coach Mon ay nakakakuha sa Peak ng mga bag, equipment at training gears nang libre. Ilan sa mga problemang kinaharap ni Coach Mon sa kanyang negosyo ay una, ang pagtaas ng upa sa lokasyon. Mula sa Makati, lumipat sila sa Taguig dahil dito; at ikalawa, ang pagkonti ng estudyante sa gitna ng kurso. Sa umpisa, marami at ganado ang mga estudyante. Pero napansin ni Coach Mon, pag dumadanas na ng sparring at nasasaktan na nang konti ang mga estudyante, umaayaw na ang mga ito. Nagki-quit. Ang solusyon niya? Pep talk, pep talk, pep talk! Lagi niyang sinasabing samantalahin nila ang inaalok
ng OTTC. Dahil wala nito sa ibang gym. Idinadagdag din niyang sa taekwondo, fit at malusog na nga, natutututo pa silang protektahan ang kanilang sarili. Lagi rin niyang idinidiin na iyon ang pinakamagandang panahon para mag-aral ng taekwondo dahil wala pa silang mabigat na responsibilidad tulad ng trabaho at pamilya. Ayon kay Coach Mon, maraming kalaban ang taekwondo ngayon. Kaliwa’t kanan ang puwedeng pagkaabalahan ng mga bata kaya gumagawa siya ng paraan para maging visible sa lahat ng panahon sa TV, radyo, internet at mga babasahin. At sa tuwing may pagkakataon siyang magsalita, lagi’t lagi ay ipinapaliwanag niya ang kakayahan ng taekwondo na maglinang ng pagkatao ng isang kabataan. Ilan lamang sa mapupulot dito, anya, ay ang disiplina, respeto at tiyaga. Dahil sa mga ganitong pagsisikap ni Coach Mon, ginawaran siya ng titulong Philippine Taekwondo Ambassador ng World Taekwondo Federation at International Olympic Committee noong 2001. Talagang nararapat kay Coach Mon ang titulong nabanggit. Napakadali para sa kanya ang tumira, magtrabaho at kumita sa US. Doon, malaki ang market at mataas ang respeto ng mga tao sa Filipino taekwondo athletes. Pero ayaw niyang manirahan sa ibang bansa. Bakit? Ang puso niya, siyempre nasa Philippine team! Ayaw niyang magtrain nang magtrain ng mga Kano para lamang talunin ng mga ito ang kapwa niya Pilipino. Kaya si Coach Mon, nananatili, naririto, walang sawang nagtuturo ng taekwondo. Nais niyang sa kapwa Pilipino. lamang ibahagi ang kanyang mga sikreto para manalo nang manalo. (Bakit nga ba sintaas ng langit ang kanyang sipa at hataw sa bilis ang mga braso at binti?) Kung nais mong malaman ang mga sagot at sikreto ni Coach Mon, mag- enroll na! Hiyaaaaa! OLYMPIANS TAEKWONDO TRAINING CENTER 2/F Amber Place, # 19 MRT Ave., Fort Bonifacio, Taguig City Telefax no.: 8895463 Mercy-09163284780 mercy_notch@yahoo.com www.monsourdelrosario.com SIDEBAR:
UPS AND DOWNS NG PAGIGING CELEBRITY-ENTREPRENEUR “Laking tulong ng pagiging celebrity ko. Kailan lang ay naimbitahan ako sa Game KNB? Binanggit ko doon ang OTTC. Tuwing maiinterview naman ako sa TV tungkol sa anumang isyu, binabanggit ko pa rin ang OTTC. Sa mga show ko tulad ng Kung Fu Kids, pinakiusapan kong ilabas sa closing billboard ang contact details ng OTTC. Marami ring diyaryo at magasin ang nagtatampok sa akin bilang health or fitness buff. Dito na sa OTTC ang pictorial. Libreng exposure at mileage, di ba? Advantage iyan ng negosyanteng artista,” kuwento ni Coach Mon. Pero may mga disbentahe rin. Laging nauungkat ang personal na buhay niya. Minsan, habang nagte-training ay bigla na lang siyang tinatanong ng estudyante niya ng “are you still single?” o di kaya ng “bakit po kayo nagbreak ni Agot?” Isa pang disadvantage ay naranasan niya noong bago pa lang ang OTTC. Akala ng mga tao, hindi seryoso ang taekwondo training dito dahil iniisip nila, pangcelebrity image lang ang husay ni Coach Mon sa taekwondo. Para patunayang hindi peke ang mga sipa niya sa pelikula, ipinakita niya talaga kung gaano siya ka-estrikto at ka-seryoso pagdating sa training at pagtuturo. Ebidensiya ang mga naging estudyante ng OTTC na nakapasok sa Philippine national team para sa sports na ito.
at siyempre pa, yung english version ko niyan ay kinomentan nang ganito: masyadong funny, siguro masayang masaya ka nung sinulat mo to. (ang palusot ko: si sir monsour po kasi very jolly pala na tao. gusto ko lang pong mareflect sa artik ko)
pero nanaig pa rin ang nais ng aking coordinator sapagkat ang sabi niya:
kailangan kasi medyo formal
talo na ko di ba?