crush
meron akong crush na matagal ko nang crush. ilang taon na rin. nakilala ko siya sa isang opisina noon. part time siyang artist doon. ako, full time na empleyado. pero hindi ko pa siya crush noon. kasi
1. di siya pogi
2. parang tatay magdamit
3. parang tsimineya, yosi nang yosi
4. may girlfriend
ikinukuwento ko sa kanya ang lira pag wala ang mga bossing namin. sumusulat din pala siya ng tula. nagkainteres siya kaya inimbitahan ko siya nang hunyong iyon. pero di siya nakapunta. kasi sobra raw busy niya. yon lang ang natatandaan kong closeness namin.
isang araw, nagpunta siya ng opisina at sabi maghost daw ako sa programa sa kanilang kasal. e, natural, umayaw ako kasi
1. di nga kami close
2. di ko kilala magiging asawa niya, mga kamag-anak nun at mga kamag-anak niya
3. never pa akong naghost sa isang kasal
4. wala akong kaalam-alam sa mga seremonyas ng kasal
5. taklesa ako at hindi mapagkakatiwalaang makipag-usap sa mga hindi kakilala lalo pa’t maselan ang okasyon.
but no! itong mga kaopisina ko ay binuyo ako. wala na raw pera si crush kasi andaming bayarin para sa okasyon na iyon kaya wala na raw ibabayad para sa isang host.
kaya sige. matipid din akong tao kaya nakarelate ako agad. kahit wala akong kakilala sa lahat ng pupunta sa event na iyon puwera sa groom ay umoo na ako.
anlakas talaga ng loob ko, neng!
buti na lang at may co-host naman pala ako. kapatid ni crush. anyway, nakaraos naman ang lola ninyo. at umuwi ako nang may regalo mula sa kanya. isang painting ng laot sa higanteng plato na hugis-panyo. gawa niya. nasa bahay ngayon. nakadispley sa aking kuwarto.
tapos non, pasulpot-sulpot na lang siya sa opisina namin. kinakamusta namin si jowa niya. hanggang sa nagbuntis ang jowa niya, hanggang sa nakapanganak na etc. etc.
noong mga panahon na iyon, pahapyaw niyang nababanggit sa akin ang inoorganisa niyang arts fest sa probinsiya niya. sali daw ako doon. kunin daw niya akong speaker para sa tula. oo lang ako nang oo. baka katulad ito ng maraming imbitasyon na hindi naman natutuloy.
e, natuloy.
so
1. coordinate-coordinate.
2. text-text.
3. usap-usap.
at lumarga na kami papunta sa probinsiya nilang nasa kabilang dako ng universe dyosko. karay-karay ko si ej at tatlong kaibigan na magiging speaker din. halos isang linggo kami doon.
doon ko siya naging crush.
kasi naman, anlaki palang tao neto sa kanilang probinsiya. as in. respetado siyang pintor doon. parang icon, ganon. kilala siya at ipinagmamalaki ng kanilang gobernadora (na ninang nga pala sa kasal niya) at ng mga kababayan niya. e, sa maynila, ang humble-humble. di katulad ng iba na matuto lang magdrowing ng poste, kung umasta e, matayog pa sa poste ng meralco.
si crush, katulad ng maraming alagad ng sining dito sa pilipinas, para siyang basahan. hindi pinapansin. dadamputin lang pag kailangan. at doon sa opis namin, binabarat siya ng bossing ko. malamang, binabarat din siya ng iba niyang niraraketan. bad. beri bad.
napagkuwentuhan din namin ito noon sa opis. amin niya, pumapayag siya sa ganoong rate kasi para sa bayan naman ang ginagawa namin. marami pa palang ganito. nagkalat.
doon sa probinsiya nila, naging crush ko siya hindi dahil naging malapit kami sa isa’t isa katulad nung mga napapanood natin sa pelikula at panteenager na tv programs: nagbibigayan ng gumamela, naghahabulan sa dalampasigan, nagsusubuan ng kinayod na buko, hindi ganyan.
kaya ko siya naging crush, nakita ko ang kaseryosohan niyang maiangat ang lagay ng kanyang mga kababayan doon sa pamamagitan ng sining. sa arts fest na iyon, siya lang naman ang organizer, tinuruan niya ang mga kabataang pintor kung paano pang lalong malilinang ang talent nila.
hindi siya magkadaugaga sa kakaturo,kakaasikaso sa mga bata doon. he did all the dirty work sa maynila. kasi nga siya lang ang nasa maynila. nagkambas siya ng mga gamit na pampinta sa dibisorya (nadukutan pa nga siya ng cellphone one time na pumunta siya doon), siya ang nagkokokontak sa mga speaker tulad ko at kung ano-ano pa.
sa probinsiya nila, may isang instance na nakita ko kung gaanong ka-mapagkumbaba talaga ang taong ito.
last night na yata namin doon. e di nagkayayaan ng inuman. pati siyempre ang mga kasama niyang nag-organisa na taga-doon, kasama namin. charades buong magdamag! kaso maaga yata kaming na-black out ng mga kaibigan ko kaya logtu kami nang maaga.
kaya maaga rin akong nagising. paglabas ko ng kuwarto, nagulat ako. natagpuan ko siyang hihilik-hilik sa sahig, sa sala ng tinutuluyan naming cottage. nakahubad!
joke lang.
siyempre nakadamit and all. taka ako. me sariling kuwarto naman siya, ba’t dito natulog ‘to? katabi pa niya sa sahig ang basahan na bumabati ng maligayang pagdating sa mga bisita.
tiningnan ko ang kuwarto niyang nakaawang ang pinto. natagpuan ko ang dalawang kabataang lalaki, nakabalandra sa kama. patay na este tulog pala. itong dalawang ito ay ang pinakamahuhusay na painter sa workshop na iyon.
nung nag-aalmusal na kami, sabi ko, ba’t ka naman don natulog? sabi niya, wala kasing matutulugan yung dalawang bata.
biglang bumango ang paligid ko. umawit ang mga ibon. nag-islomo ang mga alon. parang gusto kong mangalumbaba at magkaroon ng hugis-heart na mga mata. pero siyempre poise, poise, poise.
mabuting tao si crush kaya ko siya crush. hanggang ngayon, crush ko pa rin siya. nasa ibang bansa na silang mag-asawa. minsan, nag-eemail sa akin ang wife niya ng mga inspirational na message, ganyan. kinakamusta ko rin sila at ang baby nila.
sabi ko kay god, maghulog ka lang sa earth ng isa pang ganito na single, liligawan ko talaga.