araw ni Jollibee

14 Pebrero 2008, alas sais ng umaga, ipinaparada ni jowa ang sasakyan niya sa parking lot ng Jollibee Dapitan.

Sus, di man lang sa Wendy’s, ilang kandirit na lang ang layo, sa isip-isip ko.

Habang humahakbang kami sa hagdan ng Jollibee, tinanong ko siya.

“Dito talaga date natin?”

“Ayaw mo ba?”

Ngumiti ako. “Hindi naman.”

Wala nga namang masama kung magdate sa Araw ng mga Puso sa Jollibee.

Umorder kami ng isang pares ng breakfast steak na may itlog, pineapple juice, large fries.

Siyet. Maktol ako nang maktol na sa Jollibee lang kami magde-date, ako rin pala itong walang paghahanda. Wala akong valentine’s gift kay jowa.

Would you like to order peach mango pie? Tanong ng kahera.

Hindi ako nakasagot agad.

Me libre pong diyaryo.

Ting!

Saktong lumapit si jowa sa counter.

Gusto mo ng peach mango pie?

Umiling siya.

Libre diyaryo, kako.

Tumango siya.

Ayun. Instant regalo.

Habang kumakain ay nagkuwentuhan kami. Mabilis. Parang mga artistang nagpapasalamat sa mga sponsor pag ending na ng isang talk show.

Kasi naman, inoorasan kami ng Diyos. Sabi, hanggang alas siyete lang kayo kung ayaw n’yo ng palo.

Me make up class kasi ako sa uste nang alas siyete.

Kamusta na sa LIRA?

Sagot naman ako. Hindi ko na sasabihin dito at mahaba ang sagot ko, komplikado pa.

Nagkuwento rin siya tungkol sa kursong kinukuha niya sa Puerto Galera. Matatapos na niya ang isang kurso at mag-uumpisa siya sa isa pa uli. Sa tinagal-tagal naming magjowa, ngayon ko lang na-realize na mahilig pala siyang mag-aral. Basta sisiran ang pag-uusapan.

Rebreather ang kursong kinukuha niya ngayon. Excited na siyang matapos ito kasi pag nangyari ‘yon, magiging isa siya sa dalawa hanggang tatlong instructor sa Pilipinas na nagtuturo nito. ‘yon ang kanyang vision. 

Sa rebreather, mainit daw ang hangin na hinihigop mo mula sa regulator at tangke. Walang bulang lalabas sa iyong regulator pag ikaw ay nag-eexhale. Kasi, sa loob ng tangke, nata-transform ang carbon dioxide na inilalabas ng bibig mo into oxygen uli. Kaya mainit ang hangin pagpasok sa iyong bibig.

Mahirap daw ang kurso. Mahal pa. Ilang libong dolyares lang naman, mga kapatid. Puwera pa ang gas niya sa sasakyan papunta at pabalik mulang Puerto Galera. Gusto ko sanang i-suggest, magscuba ka na lang mula Subic hanggang Puerto Galera. Tipid kung tipid.

Dinuduldol ko isa-isa ang fries sa asin tapos dunk sa ketchup nang magyaya na siyang lumabas. 6:42 kindat ng kanyang relo.

Sabi ko, maaga pa. Tapos ngumiwi ako na medyo pa-cute ang dating. Valentine’s naman, sa isip-isip ko.

Nagbuklat-buklat siya ng diyaryo habang nagsasalita, “baka ma-late ka.”

Hindi, kako, ‘anlapit-lapit na ng uste, e.

Ilang minuto na lang, maghihiwalay na kami. Hindi na ako tumitingin sa fries pag dinuduldol ko sa asin at dina-dunk sa ketchup. Sa kanya na lang. Hindi naman maka-kiss e di bawiin sa tingin.

Sinara niya ang diyaryo. “’Lika na,” kulit niya.

“E, ba’t ka ba nagmamadali?” wa poise kong tanong.

Ngumiti siya na parang batang naihi sa salawal. “Yoyosi sana ako.”

oo nga pala. Hilig niya  ‘yon pagkakain.

“Ikaw naman. Di mo pa ba gets ‘yon?”

Na-guilty tuloy ako nang konti. ‘Antagal na namin, nalilimutan ko pa? 

Tumayo siya. Sumunod na rin ako. Paglabas ng pinto, pagtapat namin kay Jollibee, parang kumindat ang estatwa nito. Kinikilig siguro. Baka bumubulong ng what a weird but LOVEly, LOVEly couple.

Tumingin ako kay jowa tapos kay Jollibee. Kay jowa at kay Jollibee. Jowa. Jollibee.

Sa umagang ito, nag-iba ang kahulugan ng pulang pulang saplot ng pinakamasayahing bubuyog.

Maligayang araw ng mga puso, pulot!

Leave a Reply