Archive for February, 2008

araw ni Jollibee

Tuesday, February 19th, 2008

14 Pebrero 2008, alas sais ng umaga, ipinaparada ni jowa ang sasakyan niya sa parking lot ng Jollibee Dapitan.

Sus, di man lang sa Wendy’s, ilang kandirit na lang ang layo, sa isip-isip ko.

Habang humahakbang kami sa hagdan ng Jollibee, tinanong ko siya.

“Dito talaga date natin?”

“Ayaw mo ba?”

Ngumiti ako. “Hindi naman.”

Wala nga namang masama kung magdate sa Araw ng mga Puso sa Jollibee.

Umorder kami ng isang pares ng breakfast steak na may itlog, pineapple juice, large fries.

Siyet. Maktol ako nang maktol na sa Jollibee lang kami magde-date, ako rin pala itong walang paghahanda. Wala akong valentine’s gift kay jowa.

Would you like to order peach mango pie? Tanong ng kahera.

Hindi ako nakasagot agad.

Me libre pong diyaryo.

Ting!

Saktong lumapit si jowa sa counter.

Gusto mo ng peach mango pie?

Umiling siya.

Libre diyaryo, kako.

Tumango siya.

Ayun. Instant regalo.

Habang kumakain ay nagkuwentuhan kami. Mabilis. Parang mga artistang nagpapasalamat sa mga sponsor pag ending na ng isang talk show.

Kasi naman, inoorasan kami ng Diyos. Sabi, hanggang alas siyete lang kayo kung ayaw n’yo ng palo.

Me make up class kasi ako sa uste nang alas siyete.

Kamusta na sa LIRA?

Sagot naman ako. Hindi ko na sasabihin dito at mahaba ang sagot ko, komplikado pa.

Nagkuwento rin siya tungkol sa kursong kinukuha niya sa Puerto Galera. Matatapos na niya ang isang kurso at mag-uumpisa siya sa isa pa uli. Sa tinagal-tagal naming magjowa, ngayon ko lang na-realize na mahilig pala siyang mag-aral. Basta sisiran ang pag-uusapan.

Rebreather ang kursong kinukuha niya ngayon. Excited na siyang matapos ito kasi pag nangyari ‘yon, magiging isa siya sa dalawa hanggang tatlong instructor sa Pilipinas na nagtuturo nito. ‘yon ang kanyang vision. 

Sa rebreather, mainit daw ang hangin na hinihigop mo mula sa regulator at tangke. Walang bulang lalabas sa iyong regulator pag ikaw ay nag-eexhale. Kasi, sa loob ng tangke, nata-transform ang carbon dioxide na inilalabas ng bibig mo into oxygen uli. Kaya mainit ang hangin pagpasok sa iyong bibig.

Mahirap daw ang kurso. Mahal pa. Ilang libong dolyares lang naman, mga kapatid. Puwera pa ang gas niya sa sasakyan papunta at pabalik mulang Puerto Galera. Gusto ko sanang i-suggest, magscuba ka na lang mula Subic hanggang Puerto Galera. Tipid kung tipid.

Dinuduldol ko isa-isa ang fries sa asin tapos dunk sa ketchup nang magyaya na siyang lumabas. 6:42 kindat ng kanyang relo.

Sabi ko, maaga pa. Tapos ngumiwi ako na medyo pa-cute ang dating. Valentine’s naman, sa isip-isip ko.

Nagbuklat-buklat siya ng diyaryo habang nagsasalita, “baka ma-late ka.”

Hindi, kako, ‘anlapit-lapit na ng uste, e.

Ilang minuto na lang, maghihiwalay na kami. Hindi na ako tumitingin sa fries pag dinuduldol ko sa asin at dina-dunk sa ketchup. Sa kanya na lang. Hindi naman maka-kiss e di bawiin sa tingin.

Sinara niya ang diyaryo. “’Lika na,” kulit niya.

“E, ba’t ka ba nagmamadali?” wa poise kong tanong.

Ngumiti siya na parang batang naihi sa salawal. “Yoyosi sana ako.”

oo nga pala. Hilig niya  ‘yon pagkakain.

“Ikaw naman. Di mo pa ba gets ‘yon?”

Na-guilty tuloy ako nang konti. ‘Antagal na namin, nalilimutan ko pa? 

Tumayo siya. Sumunod na rin ako. Paglabas ng pinto, pagtapat namin kay Jollibee, parang kumindat ang estatwa nito. Kinikilig siguro. Baka bumubulong ng what a weird but LOVEly, LOVEly couple.

Tumingin ako kay jowa tapos kay Jollibee. Kay jowa at kay Jollibee. Jowa. Jollibee.

Sa umagang ito, nag-iba ang kahulugan ng pulang pulang saplot ng pinakamasayahing bubuyog.

Maligayang araw ng mga puso, pulot!

december events part 3

Thursday, February 7th, 2008

December events part 3

Birthday ko!

Ito ang ika-28 kong kaarawan. Nagsimula siya sa medyo weird na paraan at nagtapos sa pinakaweird naman.

Dec 10, umaga,

mula sa shop at pagkatapos maggoodbye kiss sabay hug kay jowa, sinundo ko na ang mga girls mula sa bahay ni jen upang tumuloy na kami sa bus station sa olongapo. Lahat kami gusto nang umuwi. Ako, me klase nang ala-una ng hapon.

9:00 am saktong nasa bus station na kami. Sabi ko, abot pa ako pero kumakabog na ang dibdib ko. Minsan, mapagbiro ang tadhana. Kung kelan hindi ka puwedeng ma-late saka ka male-late.

Kuwentuhan kami sa bus. Pa-cool pa ako. Wag ka muna panic, Babe Ang.

Haba pa oras.

Pero parang makulit na langaw ang kaba ko. Mayamaya, nagpasya na akong huwag nang sumabay sa girls pa-cubao. Sabi ko lilipat ako ng bus sa san Fernando. Di kasi ako mapanatag. Mukhang hindi ako aabot para sa 1:00 class ko kung sasabay ako hanggang sa quezon ave.

Sa san fernando victory terminal, merong mga bus na diretso na ng UST.

Siyempre nalungkot ang hilakbot girls. Sabihin nang sawang sawa na kami sa isa’t isa, masaya pa rin kami kung magkakasama!

Pagdating sa terminal, baba agad ako. Tapos mga 10 minuto akong naghintay. Finally dumating ang bus na papuntang Sampaloc at dadaan sa UST.

Yey!

Sakay agad ako. Minsan, nalalaglag ang values ko. Kahit nagsisigawan ang mga karatula doon na bawal salubungin ang bus, sinalubong ko pa rin. Pero me mga taong mas mahusay pa pala sa akin. Sinalubong nila ang bus na parang nababasa nila ang isip ng driver, kung saan ito liliko, kung saan hihinto. Sakto ang pinto ng bus sa lugar kung saan sila tumayo. At sa dami nila, nagkapila pa!

Wala na, laglag na values ko talaga, nakipaggitgitan ako sa pila-pilahan na yun. Sikuhan is the name of the game. Buti na lang maliit dede ko, hindi nahahagip ng siko ng iba.

Putsa, bertdey ko naman. Ayokong tumayo sa bus mula Pampanga hanggang maynila, no?

Ilang segundo pa, nakaupo na ako sa bus at nakampante.  Mukhang aabot ako sa 1:00 class ko. 12:00 pa lang iyon ng tanghali. Isang oras na lang ang biyahe pa-Maynila. Saktong sakto lang.

Ang 1:00 class ko ay Filipino 2 sa 1CMID. Itong seksiyon na ito ay medyo ka-vibes ko na kasi last sem, estudyante ko rin sila. Kaya naman mukhang inaabuso ako. Ang ingay-ingay ng section na ito. Hindi naman sobra. Tolerable pa naman pero para akong tanga, kakarampot lang ang nakikinig sa akin dahil marami e nakikipagdaldalan sa katabi nila.

Meron kasi akong mga class dati, ang 1FPM. At 1BPM, at putcha, kung me sakit sa puso ang guro, ipasok sa isa sa sections na ito, sa loob ng 30 segundo, walang labis, walang kulang, ilalabas na bangkay ang guro.

Notoryus talaga ang mga section na yan sa kakulitan at ilalaban ko pa talaga ng Dangal ng Daldalan award. Pinakamaiingay na klase sa buong mundo, universe, galaxy. Maingay talaga sila, malakas ang boses ganyan… nagsisigawan. Pero yung ingay nila, dahil sa mga activity sa class ko. Alam kong natututo sila kahit nag-iingay sila. Madalas, sabay-sabay kung magsalita pero ako naman ang kausap o di kaya ay nagrerecite sila.

Itong 1CMID class ko, mas mahina ang ingay na ginagawa kesa sa ibang section pero hindi naman ako pinapansin. Sila-sila, nagkukuwentuhan. Nakakasama talaga ng loob.

Pasensiyosa naman akong tao. Pero noong huling meeting namin, hindi na ako nakapagpasensiya. Nagalit na talaga ako. Sabi ko sa tonong maski ako e nagulat, parang yabag ng mga OFW na papalabas ng bahay, saksakan ng bigat…

"abuso na iyang ginagawa ninyo porke alam nyong hindi ako nagagalit."

Tapos nagdasal kami tapos tahimik akong lumabas. Me ilang malalakas ang loob na lumapit sa akin at nakuha pa akong batiin at biruin. Ni hindi ako makangiti. Diyoske. Ngayon ko na lang naisip, buti na lang hindi ako na-heart attack sa sobrang sama ng loob ko nang araw na iyon.

Eto ang papasukan kong klase sa araw ng birthday ko. Bago sumapit ang dec.10, me isang taga-1CMID, si Venice, ang nagtext sa akin at nagtatanong kung puwede raw bang hiramin ang mga retrato ko sa friendster. Wala yata akong load noon kaya hindi ako nakasagot.

Hmmm….clue! Mukhang me hinahanda ang mga ito para sa bday ko. Baka babawi.

Pagsapit ng bus namin sa bulacan, biglang bumagal ito na para bang binuhat ng isang suso (snail, bastos!) Kung bababa ako at maglalakad e mauunahan ko pa ang bus namin. mga 30 minuto ang kabagalang iyon. Wala na. 12:30 na nasa Bulacan pa lang kami. Tinext ko ang mga ka-hilakbot. Sabi ko, grabe trapik.

Sagot ni Weni, onga. Me tumaob daw na bus at isa pang trak ng mga baboy.

Ha?

Sus! Ang malas! Sabi ko na nga ba, male-late ako sa klase. Bday ko pa naman!

Mayamaya pa, nakita ko na ang mga dinaanan ng ka-hilakbot ko. Isang bus sa kanan ang nakatagilid. Parang inantok yung bus, humiga at natulog sa kanyang tagiliran. Tapos meron pang isang bus sa kaliwa naman ng express way. Ganun din. Pero eto mukhang hindi natulog, mukhang binalibag para makatulog.

Maraming nakatayo sa paligid. Meron ding nakaupo na parang umiiri. Mukhang marami naman ang hindi nasaktan. Na-stranded lang. Nagkalat sila sa gilid ng kalsada, kawawa, umaambon-ambon pa naman.

Sa lundo sa gitna ng expressway, iyong bahaging naghahati sa mga kalsadang papunta at pabalik sa maynila, ang ilang mapuputing baboy. Inaamoy-amoy nila ang mga sementong ginagawang barikada doon. Kumpol sila. Naaambunan din.

Toot toot

Nagtext si Venice. Mam, papasok pa ba kayo?

Oo, kako, male-late lang ako. Pakihanda ang laptop at mike (suki ako nito. Sa up kasi, wala nito hahahaha hanggang manila paper lang kami. How ancient!!!)

Tapos binuksan ng konduktor ang TV ng bus. At andun nga, balita na. sabi, dahil sa mahinang ulan, naging madulas raw ang kalsada. Ayun, dalawang bus: tumaob sa expressway.

Doon bumaba ang realisasyon.

Hindi naman pala ako malas. Suwerte actually. Kung napaaga-aga kami ng larga baka kami yung laman ng bus na nakahapay sa kanan. Victory liner din kasi ito.

Thank you, God, kako. Eto na ba regalo N’yo? Magandang gift ito. gift of life.

Paglampas ng mga natutulog na bus, ok na uli ang takbo ng bus. Pero 1:00 na iyon ng hapon. Ok lang naman ang pakiramdam ko. Medyo nalulungkot na parang masaya. Feeling loka-loka talaga.

1:45 pm nasa college of commerce na ako siyempre ng UST. Finally.

Pag-akyat ko sa 4th floor, sina Venice at ang iba pa niyang kaklase ay nakaantabay sa hagdan. Inescort-an pa ako hanggang sa classroom. Pagdating doon, yung projector at laptop lang ang nakabukas. Ang dilim-dilim.

Pinaupo ako ng mga estudyante sa tapat ng aming screen. Sorpresa daw nila ito.

At na-sorpresa nga ako.

May pinindot sila sa laptop. Nabuhay ang screen.

Andaming retrato ni Stephen Chow!!!!

O diyos ko, kung puwede lang halikan ang screen hinalikan ko na. kaya lang mahigit sa apatnapung pares ng mata ang makakasaksi. Pigil-gigil talaga.

Tapos, marami pa roong mga retrato ko kasama ang mga taga-1CMID. Noong party nila. Noong buwan ng wika. At maraming retrato ng mga gumawa ng presentation.

Bago matapos ang palabas, isang tula ang ipinakita. Hindi ganun ka-literary pero nakakapag-init pa rin ng puso. Ang ganda-ganda. Para sa akin kasi. Isinulat ito ni Mark, ang isa sa pinakamahuhusay kong estudyante sa section na iyon.

Sa tula, nagsorry sila sa kadaldalan nila at binigyang-halaga ang ginagawa ko sa loob at labas ng paaralan. Alam nila, aktibo ako bilang isang manunulat kaya maraming ginagawa sa labas ng UST. Pati nga pagiging nanay, nabanggit doon. Nakakatuwa talaga pag naaappreciate ang mga effort mo.

Nagpasalamat ako sa 1CMID siyempre. Hindi ko inaasahang sa unang taon ng pagtuturo ko sa kolehiyo ay may magbibigay agad ng ganitong regalo sa akin. Inaasahan ko mga 50 years pa ganyan…

Pagkatapos ng isa ko pang class, dumiretso na ako sa faculty room. Nagcheck ako ng email. Me kainan na nagaganap sa faculty room. Hindi na ako nakikain kasi nahihiya ako. Ako itong me birthday ay siyang walang bitbit man lang.

Nagbabad ako sa computer dahil pinamumudmod ko ang event namin sa LIRA: fellows night 2007. saka isa pa kasi wala pa si EJ sa bahay. Umuwi man ako, wala namang babati sa akin.  Nasa Laguna pa siya para sa kanyang shooting. Gabi na ang uwi. Nangako akong maghahapunan kami sa labas. Mayamaya, tumawag si Poy, gusto ko raw bang magbirthday sa Laguna? Sabi ko, bakit?

Si EJ, hindi raw makakauwi. Me shooting pa, Dec 11 ng umaga.

Nya! Sabi ko, e pa’no ‘ko?

Sagot ni Poy: dito ka na lang magbirthday, please?

Hay. No choice. sabi ko, text mo lokasyon.

6pm, umuwi na ako. Pagdating sa bahay, me fried chicken at bundok ng kanin sa mesa. Akala ni ate, darating ang hilakbot team that night. Sabi ko, hindi po. kasi magkakasama na kami sa subic. Sabi ko di bale dadalhin ko na lang ang mga ‘yan.

Nag-empake ako. Pang-overnight na damit saka pamasok kinabukasan. Kakatwang hndi ako naiinis, nagagalit o napapagod. Wala lang. parang wala akong nararamdaman. Sobrang pagod na rin siguro kakabiyahe. Paltos na puwet ko sa kauupo, bah.

8:30 pm, sumampa ng bus pa-laguna ako, ang mga manok at isang kalderong kanin.

10pm nasa laguna na ako. Sinundo ako nina EJ at Pam sa tapat ng isang tindahan ng donut.

Me regalo ako sa’yo! parang umalahokan na nag-announce si EJ.

Binigay na raw kasi ang talent fee niyang dalawang libo, ayon kay Pam. Wow, ang sweet. Kumakayod na ang bata para makapagregalo sa ina.

Ayon pa kay Pam, bumili rin daw si EJ ng stuff toy pagkatanggap ng pera. Ibinigay ni EJ sa akin ang natira. P1500. yung P1000 daw, ilagay sa bangko. Yung P500, sa bahay lang daw namin. Para raw hindi na ako nauubusan ng pera.

Iiiiii….nakakahiya sa anak ko! Minsan kasi, paalis na lang ako e bigla akong nagkumahog. Kulang pamasahe ko. Pinagbababaliktad namin ni EJ lahat ng gamit at/o nilalang sa bahay sa kahahanap ng barya makabuo lang ng kinse pesos. Nakaipon kami: P13.50 lang. Kalahati pa nun, tagbebentisingko.

Nagready ako ng dramatic lines para sa dryaber ng masasakyan kong dyip: O, manong na makapangyarihan, pasensiya na ho. Heto lang po ang pera ko.

Tapos nanghanting ako ng dyip na bakante ang upuan sa likod ni manong drayber. Balak ko kasi, ibulong na lang itong dirty secret na ito.

Naka-ispat naman ako. Para!

Sakay.

Upo.

Bayad.

Bibirit na ako pero si manong drayber, pagkatanggap ng gusgusing mga barya, shinoot na sa lalagyan niya ng pera.

Bilang no more! Aleluya! Salamat po, Santa Barbarya!

O, balik sa Laguna. Sa loob ng van nina Pam, ibinigay ni EJ ang kanyang regalo. Wag ko raw buksan.

Asus. Arte. E ba’t ibinigay kung ayaw pabuksan?

Mamya na raw.

Okey. Fine. Batas militar ba ito, gusto ko sanang itanong kay EJ pero nanahimik na lang ako.

Hinatid kami sa bahay na pansamantalang tinutuluyan nila. Malaking bahay ito at parang maze. Ang daming kuwarto, hagdan at mga pinto. Nakakatuwa.

Dun kami sa rooftop. Me isang room doon na dalawa ang pinto. Yung isa papasok sa kuwarto. Yung isa, binuksan ni EJ, dagat ng mga bubong makikita mo.

Ang laman ng kuwarto:

1 kama

1 sofa bed

1 upuan na mahaba

1 kabinet

Walang mesa. Sa binatak na sofa bed kami pumuwesto. Ayos. cozy na.

Inilabas ni Pam ang mango cake na binili raw ni Poy. Me kandila pa! isang 2, isang 8. Nilabas ko naman ang pagkaing dala ko. Tapos sinindihan na ang mga kandila.

Parti!

 

Happy birthday, bebang! Happy birthday, bebang!

Pinakamalakas ang boses ko. It’s like greeting myself.

Happy birthday, happy birthdeeeeeeeeeeeeeeey, happy biiiiiiirthdeeeeeeeeey, Beeeeeeebaaaaaaaaaaang!

Nagpicture taking pa kaming tatlo. Una, kami muna ni EJ. Klik. Tapos kaming tatlo nina Pam. at EJ. Klik. Buti me dalang camera si Pam. Salamat talaga, Pam, sa iyong mga klik, klik, klik.

Buksan mo na, dali! Utos yan ng 9 year old na diktador. Si EJ.

At dahil talagang dugong alaskador ako, dahan-dahan ang ginawa kong pagbukas ng nakaplastic lang namang regalo niya sa akin.

Rip…rip…rip…rap…rap….rip…rap….

Tadaaa…isang pink na kikay kit na snoopy!

Thank you, mga 20 seconds ang salitang you…….. sabay halik ako kay EJ.

Napatitig siya sa akin.

Nagtaka ako.

Thank you, mga 30seconds na ang salitang you…..sabi ko uli. Baka kulang.

Ano ka ba, Ma? Meron pa ‘yan sa loob, singhal ni master showman EJ.

Hhnnnggg?

Binuksan ko. Zzziiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiiip…. (zipper e.)

Tadaaaa…isang pink na tsinelas na snoopy!

Thank you, mga 40 seconds na ang salitang you…….. sabay halik uli ako kay EJ.

Ayan, may magagamit ka na sa bahay.

Sinipat-sipat ko ang tsinelas. Ang nipis. Feeling ko pag ninerbiyos ako’t pawisan ang kamay, e matutunaw ang tsinelas any minute.

Mukhang ang tsinelas na ito e para lamang sa mga babaeng natutulog sa isang bahay na carpeted lahat ultimo banyo.

Oweno? Ang importante, pinaghirapan itong piliin at bilhin ng anak ko para sa akin. And for that…champion ka talaga, EJ!

Bumaba ako para humiram ng mga plato, kubyertos at sampitsel ng tubig. Dahil hindi naman ako pinaglihi kay Oktopoda, hindi ko na mabitbit ang mga baso. Tinulungan ako ng ate sa bahay na iyon. Akyat din siya.

Kako, bertdey ko po, salo na kayo. Sabi niya, wag na. at madrama siyang tumingin sa sahig. Parang nahiya ganun. kailangan kasi ako sa baba, anya.

Aaaa…

Kako, pakihintay itong isang plato. Lalagyan ko lang po ng pagkain.

Ngumiti si ate. Kumutitap pa ang mga mata.

Kainan na!

Sarap ng mango cake ni Poy. Yung chicken, medyo tuyot pero keber no? Sinaluhan namin ng kanin. Ayos ang buto-buto. Nguya kami habang nakasalampak sa sofa bed.

Burp!

Ito na siguro ang pinakasimple kong birthday celebration. Weird-weird nga. Nasa isang lugar ako na walang koneksiyon sa akin. Nasa kuwarto ako ng herodes na di ko kilala. Dadalawang tao lang ang kapiling ko: si EJ at si Pam na noong time na iyon, hindi ko pa masyadong ka-close.

Kung me taong kakilalang kakilala ako at sisilip sa buong eksena, sasabihin niya: yung kandila lang at si EJ ang tama. The rest, kakaiba.

Totoo yon. Malayo ‘to sa nakagawian kong party slash inuman slash kainan with family and friends. Kaya weird talaga.

Weird pero masaya. Hindi ko ma-pinpoint ang dahilan pero masayang masaya ako nang gabing iyon: Dec. 10, 2007.

Alam n’yo, ibang klase pala magregalo itong si God. At minsan, me gulat factor pa Siyang nalalaman. Tanyo ‘tong natanggap ko.

Sa aking ika-28 taon ng kapanganakan, nakita kong muli kung gaano kasimple ang mga bagay-bagay. Kung gaano kasimple ang buhay.

At sa kasimplehan lamang pala na tulad nito matatagpuan ang pinakamailap na konsepto sa mundo: ang kaligayahan.

Di ba kagulat-gulat na paraan ng pagsasabing " huy, pssst…. maligayang kaarawan"?