December events part 2
Ang bisperas ng birthday ko at ang 1st Subic Bay Literary Arts Fest
Dec 9
630 am: Ako ay nasa
Olongapo na at nagpasundo kay jowa sa terminal. Tuwang tuwa ako kahit medyo hilo sa antok at biyahe. Kasi saglit lang akong nakatulog. 2 ½ hours lang
ako sa bus. Madalas kasi, 4 na oras ang biyahe mula Cubao hanggang Olongapo.
Kung may sariling sasakyan, 2 oras lang.
Pag madaling araw pala (as in 4am) ang alis mo sa Cubao, ambilis-bilis lang! Tulog pa
kasi ang trapik…Kaya malamang, gagawin ko na ito nang madalas!
Balik sa Subic
….pagdating
ko sa dive shop, nakabukas na ito. So kung gusto kong matulog ay gagawin ko ito
nang nakaupo o kaya nakatungo sa mesang me laptop (na parehong ke jowa). So no
choice. Nanginginig pa naman ako sa pagod at antok. Sabi ko ke jowa, ihatid na
lang ako sa bahay ni Jen para dun na lang ako makitulog. Andun sina Jing, Weni
at Haids.
1pm pa naman ang
umpisa ng lecture at ako ay ikalawang lecturer pa. So mga
4pm pa ako kailangang nasa venue.
Hinatid nga ako ni Dants, ang driver ni jowa.
Sa Kalayaan
Heights nakatira si Jen, mga 20 minutes ng matuling matulin at walang
hinto-hintong pagtakbo ng sasakyan.
Kaso pagdating ko dun, hyper na ang lahat. Kuwentuhang
walang patumangga ang nangyari. Nagbreakfast na ang mga utaw at paisa-isa nang
naligo. Biglang sumulpot ang transportation problem namin. Hindi sila
maihahatid ni Jen. Kaya tawag uli ako kay jowa para ipasundo ang mga girls
namin. Habang naliligo ang iba, sinubukan kong umidlip. Hindi naman ako
makatulog.
Naririnig ko kasi ang pinoproblema ng mga kasama ko. Saan
daw sila matutulog that night? Sunday na kasi. Uuwi daw ba sila sa Manila o sa Subic matutulog? Kung sa
Subic, nakakahiya naman daw kay Jen. Kung sa Manila,
ok lang daw ba kung sa bahay namin sila matulog? Siyempre ok lang sa akin. Kaso, hindi
ako sasabay sa kanila. Birthday ko kasi the next day, Dec 10, at request ni
jowa na magbirthday ako sa piling niya.
Ok. Sa bahay na sila matutulog. Ang problema, wala sa akin
ang susi ng bahay. Ibinigay ko sa aking kasambahay bago ako bumiyahe pa-Subic.
At si kasambahay ay mag-oovernight din daw sa kamag-anak. E, mga 11-12 midnight
ang dating nila sa Maynila sakaling umalis sila sa Olongapo nang 9pm. So sinong magbubukas sa kanila?
Naisip namin si Mar. Papupuntahin namin siya nang maaga sa bahay.
Magdo-doorbell siya sa landlady para mahiram ang susi ng bahay ko tapos
maghihintay siya doon hanggang sa dumating ang girls.
So ok na.
Kaso narinig yata ni Jen ang problema ng girls.
Walang kaabog-abog na inalok nito ang kanyang bahay bilang tulugan nila
(uli!). Ayos! Plantsado na ang problema.
During lunch time, kuwentuhan na naman at tawanan and all.
Pinakain kami ni Jen ng masasarap na pagkain. Weird kasi dahon-dahon at kamatis
lang. tapos me pasta pero masarap. Andami ko ngang nakain.
Iniwan na ako ng mga girls. Nauna sila sa venue. Kailangan talagang makatulog ako. Ako ang huling lecturer so dapat energetic ako, ‘no? Eto ang
sked namin:
Dec.8
8am-12pm romance novelette writing —lecture ni 1pm-4pm children’s fiction writing —lecture ni Wennie
Haids
Dec.9
1pm -330pm playwriting —lecture ni Jing 4pm-730pm poetry writing —lecture ni Bebang
Hindi pa rin ako nakatulog. Siguro dahil nae-excite na rin
ako. Kaya pagsapit ng mga alas-tres, nagpasundo uli ako kay Dants. At dumiretso
na kami sa venue.
ComTeq Business College
Sa AVR ng Comteq ginanap ang lit fest. Ang eskuwelahang ito
ay nasa gilid ng isang gate ng SBMA. Tapos na ang lecture ni Jing pagdating ko
pero walang bata. Nagbreak pala sila. So naghintay ako sandali saka kami
nag-umpisa. Noong first day daw, 29 sila. Ngayong ikalawang araw, 20 na lang. Na-tsunami ang siyam
na kaluluwa.
Jen wasn’t around to introduce me so si Weni na lang ang
nagpakilala sa akin.
Ang intro ng halimaw na ‘to e, “ Si Bebang, ang “ manager,”
ang bugaw namin!” Hahahaha loka-loka talaga si Wenilinda!
O, isho-shortcut ko na.
Ang inaakala kong matamlay kong hapon ay sobrang
kabaliktaran pala. Ewan kung saan ako humugot ng energy pero para akong
bulateng dinidikitan ng sigarilyo. Ang likot-likot ko. Punong puno ng enerhiya.
Mahihiya sa akin si Ai-ai de las Alas sa kapapatawa ko sa mga bata.
Pero napansin ko na rin dati pa na ganito ako kapag maraming
tao. Nagiging hyper. Bago ang isang event, tatamlay-tamlay ako. Pag
nagdadatingan na ang mga bisita, paroo’t parito na ako! Umaandar talaga ang
tumbong ko.
Nairaos ko ang lecture nang walang aberya. Marami akong
hindi naituro, halimbawa ay antas ng tugmaan, tinig at himig. Hindi kasi
kakayanin. 4 hours talaga ang lecture ko sa pagtula. At nagmamadali pa ako sa
lagay na ‘yon.
Meron nga palang itsy bitsy teeny weeny na asungot. Itago na
lang natin siya sa pangalang Lollipop. Itong si Lollipop ay isa sa
pinakamatandang participant namin. Pag nagtatanong ako, siya ‘yong sagot nang
sagot. At ang malupit, kahit wala akong tanong, siya, me sagot.
Tapos, ang lakas-lakas kung makipagdaldalan sa likod.
Dinadaldal niya ang dalawang binatilyong katabi niya. Na later on, malalaman ko
na tahimik naman pala talaga until Lollipop came. Mukhang ang sinasabi niya ay
‘yung mga bagay na ilelecture ko pa lang. Para
bang pinangungunahan ako ng ungas.
Tapos, isang beses pinutol pa ako sa lecture ko para lang sabihin na
nabasa niya ang Balagtasismo versus Modernismo ni Sir Rio. Anong konek? Wala
naman masyado.
Show off lang siya, ‘no?
Pero ayos lang sa akin.
Naranasan ko na kasi ang maging ganon. Lalo na sa mga MA
class ko dati. Feeling ko, ungos ako sa iba kasi laki ako sa department namin
at kilalang kilala na ako ng mga guro. So marami akong alam na hindi alam ng
mga kaklase ko. Kaya lang, pag-usad ng panahon, na-realize ko na kaya nga ako
estudyante. Ibig sabihin, hindi lahat ng bagay, alam ko. So nagbago ako. (E,
wala namang nagrereklamo ngayon na mayabang ako.) so feeling ko, hindi na ako
show off.
Kaya itong si Lollipop, naiintindihan ko. Yuyukod din ‘yan
na parang kawayan pagdating ng panahon.
Bago mag-uwian, nagbilin si Jen sa mga bata (assignments, call time ng
susunod na session, atbp). Pagkatapos, nagpasundo na kami kay Dants. Sinundo kami upang ihatid sa
shop. Mula doon ay naglakad kami papunta sa Moonbay Marina. Para
itong Baywalk sa Maynila.
Kodakan nang walang humpay ang naganap. Nagpa-picture kami sa
isang hotel na may pool sa harap, sa isang stage, sa tabing-dagat, sa
tabi ng santa-santahan sa loob ng isa pang hotel, sa harap ng isang snowman na gawa sa plastic, sa tabi ng mga Christmas decorations sa sulok-sulok, sa likod ng mga poste ng
ilaw, sa isang fountain na parang falls na itim dahil sa itim na tiles at kung saan-saan pa.
Maagang birthday gift sa akin ito ng mga kaibigan ko. Siguro
alam nila, masaya ako kapag sila ang kasama.
Bumalik kami sa shop, 9pm na. Pinahatid agad sila ni jowa kay Dants sa bahay ni Jen. (siguro gustong gusto na akong
masolo hehehehe)
Saka pa lamang kami nagdinner ni jowa. Ang plano niya, magpi-pizza o burger kami sa
isang Italian restaurant. Nalimutan ko na ang pangalan pero sikat ‘yon sa Subic, kasi mukha itong Starbucks sa labas.
Ngayon ngang late na at wala kaming sasakyan, sa
malapit na restawran na lang daw kami kakain. Sa Mango Valley.
Masarap ang adobong baboy nila dito. Pero naliliitan ako sa serving.
Ok na sana kaya lang, pagdating
doon, magsasara raw sila nang 10pm.
So atras kami. Birthday dinner ko tapos papaspasin kami?
Naglakad kami sa isang kalsada na ka-parallel ng Moonbay
Marina. Isang Japanese restaurant na walang tao ang hinintuan namin.
Lapit ang isang staff. Nag-abot ng menu. Tingin-tingin kami.
Wala naman kaming mapili kasi ‘yong mga bagay na nababasa namin, tulad ng
ramen, e, presyong Tokyo. Uber mahal. Onti lang pera ni jowa nun. Tapos, mukha pang bahagi ng katawan ng
sumabog na alien ang mga sahog ng ramen sa retrato.
Atras uli kami.
Sunod, Pier One. Inuman naman ‘yon kaya nilampasan din namin.
Lumusot kami sa isang restawran para makapunta sa Marina Moonbay. Hindi na ako umiimik kasi feeling ko
naba-bad trip na si jowa. Inuna ko kasi ang super friends bago ang super love.
Wala kaming makainang matino. (Jowa,
kung nababasa mo ito, sori na. Mas madalas ang panahon na inuuna kita bago ang
super friends e.)
Napadpad kami sa extension (meaning me mga table na nasa
beach) ng restawrang Daddy Ed’s (nalimutan ko ang eksaktong name pero malapit o
katunog iyon ng Daddy Ed’s). Meron itong mga burger ganyan pero mukhang kulang
na ang burger sa atungal ng tiyan ko. Umorder kami ng 2 kanin at naghati kami
sa isang sizzling salpicao. Sarap-sarap! Umorder din ako ng saging na saba
(yes, meron nito hahahaha) na me gatas at yelo at asukal. Yum-yum. Tapos wala
silang cake. Sad. Birthday dinner ko pa naman. Hindi puwede ito. Umorder na
lang kami ng……….leche plan.
Ayan, kasi kung ano-ano ang inuuna mo, Bebang. Disaster ang
birthday dinner mo, naiisip kong sinasabi ni God.
Kumain kami habang ang mga guilty kong paa ay nakabaon sa
buhangin. Pero pagkaraan ng ilang minuto, alam ko, ok na ang lahat. Kasi si
jowa, habang pinagmamasdan akong ngumangatngat ng leche plan, ay nagsabi ng, “hapi bertdey, mahal” nang buong pagmamahal.
Ayiiii!
January 14th, 2008 at 10:59 pm
ang sweeeeeeeeeeet!
grabe, ginapangan ako ng langgam na parang leche flan na naiwan ng ilang oras sa mesa. naalala ko tuloy na me sinulat akong tula tungkol sa leche flan–kaya lang yun ay bittersweet, hindi sintamis ng kuwentong ito.
September 20th, 2009 at 2:38 am
wow sweet nga, at talagang nag sikap ka pa…….
student ako ng Comteq now….
sana dalaw ka ulit