Sir Rene

Dec 7, 2007

 

Two days ago, pumanaw ang
pinakamamahal kong teacher at idol: si Sir Rene Villanueva. Marami nang beses
na inisip kong itext siya at dalawin. Pero hindi ko nagawa. Laging napo-postpone
dahil sa sanlibong dahilan na ngayon ko lang narealize, hindi naman talaga
mahalaga.

 

Nung una kong nalaman na namatay
na siya, parang bigla akong nahilo. Tapos nanlamig ang kamay ko. I was supposed
to visit him in the hospital that afternoon. Right after my class. Kaya nga
lang, ang nabungaran ko ay isang text na nagsasaad ng pinakamalungkot na balita
sa buong mundo: yumao na si sir rene.

 

Siyempre nakakagulat. Sino mang
nakakakilala sa kanya at sa mga pinagdaanan niya ay magugulat. Ang Rene
Villanueva at ang salitang survivor ay synonymous. Mapa-pisikal mang hamon yan
o emotional, lagi siyang nakaka-survive.

 

Una kong nakilala si sir rene sa
up writers workshop. nalaman kong me makakasama kaming rene Villanueva na nung
time na yon e kaliwa’t kanan ang mga aklat na pambata. Dinala ko ang
kauna-unahan kong kuwentong pambata. Ito ay isang alamat ng prutas na hindi
nag-exist. Imaginary baga. Ang tema ay pagliligtas sa mga puno natin.

 

Ibinigay ko iyon sa kanya
pagdating namin sa
baguio
at pagkaraan lamang ng ilang araw, nilapitan ko siya’t tinanong: Kamusta po
ang aking kuwento?
 

 

“Pangit,” walang kagatol-gatol
niyang sagot. “Yan ang pinakaayaw kong tema para sa isang kwuentong pambata:
pangangalaga sa kalikasan. Marami nang gumawa niyan. Wala na bang iba?”

 

Buti na lang, mag-isa ako nun. ako
lang ang nakarinig, ako lang ang nakakaalam. Napatingin ako sa kuwento ko. hindi ako makapaniwala. At
hindi nga ako naniwala, pero itinago ko ang kuwento ko sa kahon-kahong mga
papeles para sa eskuwela. Sa ibang genre ako sumulat. Pagkalipas ng ilang taon
at nang maging suki ako ng mga pambatang aklat para kay ej, nahalungkat ko uli
ang kuwento. basa ako ulit. Tama nga si sir rene. Pangit nga.

 

Pagkatapos ng up workshop, naging
guro ko siya sa pagsulat ng dula. Ang sungit-sungit niya sa klase. Ang
higpit-higpit. Di siya nale-late kaya kung late ka, wag mo nang tangkaing
pumasok pa. Eeskandaluhin ka lang niya, me hirit pang

alaska.


O, Mr. Ledesma, napuyat ka siguro
kagabi. Anlaki ng eyebags mo. Ano bang ginawa mo?

O, Ms. Santos, late ka na nga
hindi ka pa nagsuklay. Para  kang nilukuban ng
masamang espiritu’t nagsabunot ng sarili.

 

Ganado lagi siya kung magturo sa
aming klase. Pang-ilang libong klase na kaya niya ang klase namin ngunit ang
naramdaman ko’y parang first time lamang niya o di kaya huling lecture na niya.
Pakiramdam ko, sabik na sabik siyang maipasa sa amin ang kanyang nalalaman sa
dula at sa panitikan.

 

Naalala ko pa nung minsang tinawag niya ako para basahin ang mga linya
ng isang tauhan ng aking dula. kahit me sipon ako nun, buong lakas at damdamin
ko pa rin itong binasa.Ang takot ko lang sumuway, di ba?  Nakakailang linya pa lang ako nang mangibabaw ang boses
niya sa boses ko. isang utos mula sa diyos.

 

Bebang, puwede ba, suminga ka
muna.

 

Lumingon ang lahat ng kaklase ko
at taimtim na nakinig sa buong lakas at damdamin kong pagsinga sa tisyu.

 

Ilang araw bago ang nakatakda kong
report sa klase niya, nabalitaan namin na nanalo siya sa national book award.
Eto yata yung para sa aklat na personal. Siyempre pa, proud na proud kaming magkakaklase.
Balak kong pagkatapos ng report ko ay magsasalusalo kami. Kanya-kanya kami ng
bili ng pagkain tapos ililibre namin si sir rene ng isang meal. Kinausap ko ang
faculty lounge manager para ma-informally na ipareserba ang kanilang kainan.
Pumayag sila kahit wala kaming perang ibinigay kasi matumal naman daw ang
customer pag ganung oras. Gumawa rin kami ng parang banner gamit ang manila
paper na nagsasabing congratulations para sa pagiging national book awardee niya.

 

Pagkatapos ng report ko, tumuloy
na kami sa faculty lounge. Sabi lang namin, meron kaming ipapakita. Pagdating
dun, tada!  Pero hindi siya nagulat. Tumango lang siya. Pero after ilang years na
makilala ko si sir rene, iyong palang ganong klase ng pagtango ay yung parang
na-flatter pero ayaw ipakitang na-flatter. Sir rene talaga, oo.

 

Anyway, isa-isa kaming bumati sa
kanya saka kumain ang lahat.

 

Nung isang gabi, nakasabay ko sa
burol si roel, isa sa mga kaklase ko sa kursong iyon. Naalala niya ang surprise
party namin para kay sir rene. At sabi ni roel, nagwika raw si sir rene nang
ganito: sawa na ako riyan (sa pagkakapanalo ng national book award) lagi naman
kasi akong nananalo niyan e.

 

Si Sir rene talaga, oo.

 

Pagkalipas nang ilang taon, nang
lubusan ko na siyang nakilala, laking pasasalamat ko, natapos niya ang kurso
namin nang walang aberya. Hindi siya nagkasakit. Hindi rin siya naaksidente. O
naoperahan. 

 

Pagka-graduate ko sa kolehiyo,
nakasama ako sa pa-seminar ng CCCI, isang NGO na nagtataguyod ng karapatan ng
kababaihan. Tungkol ito sa pagsulat ng radio drama para sa PSR radio program.

 

Si sir rene ang speaker.
Pagkatapos ng seminar, nakapagsulat ako ng isang radio drama. Isinubmit ko agad
ito. siya ang editor ng CCCI para sa PSR radio program. Nandun din ako nang
aprubahan niya ang unang radio drama na ginawa ko. naalala ko pa mula sa first
floor nakita ko siyang paika-ikang bumababa ng hagdan. At habang bumabababa
siya nagsalita siya ng: “Bebang, winner ang script mo.”

 

Masayang masaya ako nun.
Nagustuhan ni Sir Rene ang gawa ko. pagkaraan pa ng ilang script ay kinuha na
akong regular staff ng CCCI.



Doon ko lubusang
naging close si Sir Rene, na tumayong part-time editor at minsan ay direktor ng
mga radio drama. Pag napapadalaw siya doon, madalas siyang magkuwento tungkol
sa mga boylet, sa mga klase niya na para raw mga taga-TIP at FEATI kung
magsulat, kung ilan ang ibinagsak niya na madalas ay mas marami kaysa sa
nakapasa, kung paano nawala ang kanyang cellphone na naman, ang kanyang mga
naiisip na proyekto halimbawa ang pagsasalin sa Filipino ng mga kanta sa
broadway, ang kanyang landlord na paminsan-minsan e nakakaaway niya, ang
kanyang apo na mukha raw siopao sa laki ng mukha.

 

Madalas, nagkukuwento ‘yan sa
gitna ng pagkain ng black forest na cake o haluhalo o di kaya dinuguang
namumutiktik sa taba at mantika. Wala. Matigas talaga ang ulo e.

 

Noong mga taon na ‘yon, marami
akong natutuhan sa kanya. Halimbawa, na-frustrate ako noon sa sinalihan kong
pang-manunulat na orgranisasyon. Nag-aaway ang dalawang officer nang palihim.
Sisiraan ng isa yung isa at yung isa ng isa. At dahil ako ang tumatayong
assistant nilang dalawa, ako ang nagiging absorber.

 

Naihinga ko ito kay sir rene.
Kilala niya ang mga officer na ito. ang
sabi ni sir rene, bebang, ang problema sayo, ipinepedestal mo masyado ang mga
manunulat na yan. hindi dapat. Wag. Kasi mga tao rin yan. me mga pingas.

 

Oo nga naman. Kaya nagbago na ang
tingin ko sa mga idolo kong manunulat. Ngayon, bihira na akong mafrustrate.  Salamat kay sir rene.

 

Isa pang di ko malilimutan na
lesson mula sa kanya ay ang meaning ng lampungan. Ayon kay sir rene, ito raw ay
pag ang isang magjowa, hayop man o tao, ay nagkakalikutan ng puwet at naggigitarahan ng utong. Lampungan pala ha?

 

Noong mapasok ako sa LIRA bilang
officer, isa si Sir Rene sa mga inimbitahan naming maging speaker. Birthday
niya noon at nagsalita siya ukol sa pagsulat ng

tula para sa mga bata. ang audience niya, mga
bone cancer survivors. Me bata, matanda, babae at lalaki. naroon din ang ilang
lira fellows. Naalala ko pa ang suot ni sir rene, isang maroon na polo.
Paborito niya ang design ng polo na yun. Kaya meron siyang iba’t ibang kulay nun:
orange, pink, yellow, powder blue at iba pa.    

 

The lecture went well, me ilang
bloopers lang itong si sir rene. Halimbawa, sinubukan niyang magpatawa. Sabi
niya, mag-isip kayo ng tauhan. halimbawa, isang aaa….kalbo!



Kami lang na me mga
buhok ang natawa. Karamihan kasi sa audience niya, mga kalbo saka putol ang paa
dahil sa chemotherapy at mga operasyon.

 

Sir rene talaga, oo. Minsan,
naluluma si kris aquino sa kataklesahan.

 

Pagkatapos ng lecture, nagdaos
kami ng surprise birthday party para sa kanya. Inilabas namin ang chocolate
cake na paborito niya. Dumating naman ang mga taga-CCCI na me dalang pancit.
Nagsalusalo kami kasama ang mga pasyente.

 

Nang naglalakad na kami palabas ng
ospital, nagpasalamat siya sa aming organisasyon dahil sa pagkakataong makatulong siya sa mismong araw ng kanyang birthday.
Tuwang tuwa si sir rene.

 

Ngunit mas tuwang tuwa kami at mas
malaki ang pasasalamat namin. Nagpaunlak siya kahit abala at wala siya sa
pinakamahusay na kondisyon. Noong mga panahon na ‘yon, paika-ika si sir rene at
nanlalabo ang mata dahil sa diabetes.

 

Pero sumulpot nga siya upang
magturo. Upang tumulong.

 

Nitong nakaraang oktubre ay
nagpaunlak siyang muli. Naglecture siya ukol sa pagsulat para sa mga bata. at
umagos muli ang dunong sa kanyang bibig. Inspiring din ang kanyang lecture.
Sabi niya, hindi kailangan ng lipunan ang manunulat. Kaya kung nais mong maging
manunulat, magpakahusay ka. Kung hindi ka sigurado sa talento mo, iba na lang
ang gawin mo: magcross stitch ka na lang o kaya matulog.

 

Tinalakay niya ang ilang tula ni rio. Sabi pa
niya, kung mapapansin n’yo, puwede na kayong maging national artist sa
pamamagitan lamang ng enumeration o paglilista. ‘Yon daw ang isa sa madalas gawin ni Sir Rio, ang maglista. Tawanan kami.


Pero si
sir rene ang may pinakamalakas na tawa. Sabi pa niya, pag-usapan natin si rio
ngayon. tutal wala naman siya rito.

 

Sir rene talaga, oo.

 

May nagtanong kung ano ang dapat
paksain kung magsusulat para sa mga bata. Ang tugon niya: kahit ano. the
children are not ready for anything.

 

At para sa akin, ang
pinakamahalagang payo na naibigay niya nang umagang iyon ay: Sumulat nang
sumulat ngayon para sa mga bata. Sapagkat ang mga bata raw ay hindi nakapaghihintay.

 


Hinatid namin siya papalabas ng
building. Paika-ika pa rin siya.

 

Nakakapag-init ng puso talaga itong
si sir rene.  Alam n’yo, isa siya sa mga
dahilan kung bakit masigasig akong nag-oorganisa ng mga pampanitikang okasyon. Gusto
kong maging tulad ni sir rene, walang pinalalampas na pagkakataon. Siguro
pareho kami ng paniniwala:  anumang para
sa panitikan ay para sa bayan.

Leave a Reply