Archive for December, 2007

December events part 1

Thursday, December 27th, 2007

Uumpisahan ko sa 1st week ng December ang aking
kuwento. Lubhang abala ako nang buong linggong ito dahil Dec 8 na ipapalabas ang unang film showing na
inorganisa ng LIRA para kay Tata. Sulat ako ng letters para sa mga prof at nang
i-promote nila sa mga estudyante nila, coordinate para sa venue, haggle ng
percentage na makukuha namin, tawag sa producer ng pelikula, print ng invites,
email at text brigade, announce-announce sa mga estudyante ko at kung anu-ano
pa.

 

Kasabay nito, nagdadalamhati pa ako sa pagyao ng paborito
kong mentor na si Sir Rene. Tatlong gabi rin akong nagpunta sa kanya. Nung
unang gabi lang ako naluha-luha kasi ako lang ang bisitang nandun sa
sanctuarium kasama ang buong pamilya ni sir rene. Sobra yata aga ng dalaw ko
nun ke Sir Rene. Yung ikalawa at ikatlong punta ko, mas masigla na ako kasi
andun na ang mga kaibigan namin ni Sir Rene. Inaalala namin ang malulupit
niyang pintas at hirit na parang 711, anytime, anywhere.

 

Nung mga panahon na ito ay kino-coordinate ko rin ang Subic
Bay Literary Arts Fest na gaganapin naman sa Dec 8-9, Dec 15-16 at isang araw
ng linggo sa January 2008.  Dapat ay
ginanap ito noong Nobyembre pa lang pero
dahil kulang pa ang  bilang ng participants
ay naurong ito nang naurong saka pinaplantsa pa ng aming

Subic coordinator na si Jen Velarmino ang iba pang detalye.

 

Para ako’y makadalo sa film showing ng LIRA, kinausap ko ang
team mates ko na pupunta ng  Subic 
na mauna na
sila para mabuksan ang lit arts fest nang Dec 8. Okay daw. Yes!
 

 

Film showing na!!!

 

At nung December 8, dahil wala akong pasok sa UST, naisip
kong pumunta sa Divisoria. (Dec 7 nga pala ay nakatanggap ako ng 13th
month pay mula sa UST. Blessings! So gasgas mang sabihin, it’s time to share.)
Bumili ako ng pang-exchange gift ko sa LIRA Xmas party  (worth P100 and above) at mga premyo para sa
party games tulad ng mga pitakang pambabae, santa hat, face towels, platong
festive ang disenyo at tumblers na may santa design.

 

Mga 6pm nasa UP Cine Adarna na ako. 7-9 pm  ang aming iskedyul.  Nagdala ako ng mga libro para ibenta. Pagdating
ko dun, ga-salop lang ang mga tao. Yun palang naunang film sa amin (5-7pm) ay
hindi natuloy ang pagpapalabas. At sabi ni Sir Nonoy ng UP Film Institute, ang
mga taong aali-aligid doon, e mga nag-aabang ng aming film showing. Na-excite
ako.   
Aba,
ganito kaaga, me pipila?

 

Inaasahan ko talagang magfa-flop ang pagpapalabas naming ito.
Bakit?

 

Kasi halos lahat ng LIRA member na propesor sa UP, Ateneo at
DLSU ay hindi makapagparequire ng kanilang mga estudyante. Sa UP, nirequire
nila ang mga estudyante na pumunta sa
Writers’ Night na kasabay ng aming film showing. Sa Ateneo, na-require na nila
ang mga estudyante nilang manood ng ibang palabas dati pa. So parang sobra
naman daw kung magrerequire sila uli. Pero ia-announce daw nila sa mga klase. Sa
DLSU, finals na raw nila. Ako naman sa UST, bawal magparequire lalo pa’t sa
labas ito ng UST. Kaya minu-minuto ko na lang ina-announce sa mga klase ko na
may bonus points ang mga manonood.

 

In short, talagang nasa kamay ng Diyos ang bilang ng mga
manonood namin.

 

Anyway, naging takilyera muna ako nang ilang minuto. Tapos
nagdatingan na ang mga taga-LIRA. Si Kiko naman ang naging takilyero. Tapos
sina Tata at ang Sidhay Batch, tumao sa book sale na sinet up namin sa entrada
ng sinehan. Mayamaya pa, si Dai naman ang pumalit ke Kiko.

 

Dumating din si Charlie na dating LIRA fellow at siya
ngayong parang assistant ni Sir Jim Libiran, ang writer/director ng pelikulang
ipapalabas namin: Tribu. Tungkol ito sa buhay ng mga gang sa Tondo. Si Sir Jim
ay isa ring LIRA member. Ganyan kami sa LIRA, bukod sa 
tula  meron pang sari-saring interes at
talento.

 
Dala ni Charlie ang film kaya pinaasikaso na namin ito kay
Sir Nonoy. Dumating din ang mga star sa pelikula: ang Tondo rappers. Naging
fellow din sila ng LIRA para sa taong ito kaya lang dahil sobrang hectic ng
schedule nila, hindi na nila natapos ang workshop proper.

 

Nagdatingan na rin ang mga manonood. Ilan lang ang mga
estudyante kong dumating pero ayos lang. Dumating ang mga estudyante nina Sir
Joey Baquiran, Mam Ruby Alcantara, Mam Luna Sicat-Cleto, Mam Anna Sanchez, Mam
Kit Kwe, Mam Cel (puro mga taga-English Department), Sir Jimmuel Naval at iba
pang prof. Nilista namin ang mga ito para mabigyan namin ng special thank you
letters. Lalagyan ko ng glitters ang thank you letters. Special!

 

Grabe. Nakakatuwa. Ang daming sumuporta sa amin! Naroon din
ang ilang Tondo residents na bisita ni Sir Jim. Dumating din ang mga dating
LIRA fellow, Kamakatahan na hatak ni Tata, ang Neo-Angono, si Arnelli, isang
kaibigan mula sa DAgdag Dunong, si Sir Joey mula sa   
Trinity University 
at marami pang iba.
 

 

Dumating din sina Nanoy at Ergoe. Isinabit nila ang bagong
bago naming tarp sa entrada rin ng sinehan. Andun na rin sina Sir Jim kaya
umaatikabong picture taking ang kasunod na eksena.

 

Tapos inumpisahan na ang maikling programa. Ipinakilala ko
ang LIRA sa audience tapos pinakilala ko rin si Charlie para ipakilala naman
ang Tondo rappers. Nagperform sila. Okay naman kaya lang masyadong malakas yung
mike. By the time na nakaakyat na ako sa sound system (upang abisuhan silang
hinaan ang volume ng mikropono), tapos na ang kanilang kanta. At cue na para
ipalabas ang Tribu.

 

Hindi ako nakapanood kasi me mga latecomers at walang
magbabantay ng booksale. Kami ni Dai, naiwan sa labas at ang nagbenta ng tiket sa latecomers. isang dahilan pa
ang ilang estudyante ko na naliligaw sa UP. Hindi raw nila makita ang sinehan.
Yung isa nga, sinundo ko pa sa SURP. Yung isa naman, nasa oblation daw. Buti na lang at nakarating siya mag-isa.

 

Pagdating ni Pam, ang aming treasurer, ibinigay ni Dai ang
ticket sales. Kinuwenta na lahat ni Pam with the help of Sweet Charles.
Nakabenta kami ng 203 na tickets. Not bad!!! Tuwang tuwa ako. Marami kaming
kasabay na event. Maikli ang panahon ng promosyon at higit sa lahat, first time
ng LIRA ito tapos naka-one forth kami? Wow-thank-you-god talaga ang linya ko.

 

Maliit lang ang napunta sa LIRA at kay Tata pero blessings
pa rin. Mga P100 lang naman ang nagastos namin sa pagpapaxerox ng promo
materials at pagpapagawa ng tiket.

 


Mga 8:15pm, isang matandang babae ang dumating at naghahanap
ng jazz concert. Sabi ni Sir Nonoy, baka raw sa likod, sa may Ishmael Bernal
Gallery ang punta ng matanda. So sinamahan ko ang matanda na naging ka-close ko
bigla dahil inangkla nito ang braso niya sa braso ko.


Para
kaming lesbians in love na may-december affair! Kabuntot namin ang kanyang
assistant na isa ring babae siguro nasa mid-30’s.

 

Mga 15 minutes naming binaba ang madilim na gilid ng
sinehan. Malalapad naman ang bawat baitang ng hagdan kaya lang dahil super old
na nga si Mam, mga 2 ½ minutes kami kada baitang. Ingat na ingat ako kasi pag
ito biglang natisod, basag-basag buto nito tiyak.

 

Kaso sabi naman dun sa Ishmael gallery, hip hop concert daw
ang palabas nila. Niyaya pa nila si Mam na yun na lang ang panoorin kaya lang
ayaw ni Mam.

 

“I like jazz,” anya.

 

Sabi ng taga-Ishmael, itanong daw  namin sa UP Theater. Naku naawa na talaga ako
sa matanda. So ako na lang ang tumawid sa madamong lote para marating ang
maliwanag na entrada ng UP Theater.

 

Ang naabutan ko doon ay isang grupo ng mga estudyanteng
nagpipictorial. Tinanong ko kung me jazz concert ba dun. Ang sagot nila: di
namin alam. Itanong ko daw sa Aldaba hall na nasa likod nitong UP theater. So
larga na ako. Pagdating ko sa Aldaba, tinanong ko kung ano ang palabas, sabi ng
guard, jazz ballet recital daw. Sabi ko sa sarili ko, eto na nga iyon,
malamang.

 

Tapos tinubuan ako ng sungay. Namewang ako’t nagtanong gamit
ang aking well-modulated voice at hindi ang usual boses-pekpek ko.

 

Ako: Sino ang nagturo sa matandang babae na Jazz concert ang
meron sa UP Film Institute? Ikaw ba?

 

Tinaas-taas ko pa ang kilay ko.

 

Guard: mam, yung isa ko pong kasama.

 

Ako: Asan siya?

 

Naninigas na ang kalamnan sa kilikili ko sa kapapamewang.

 

Guard: nag-roving po yata.

 

Ako: Hindi jazz concert ang meron sa kabila! Ang palabas
dun, Tribu, mga away ng gang sa Tondo!

 

Guard: …(bilog na bilog ang mata, luwa muta.)

 

Ako: Kayo, kayong mga
guwardiya kayo! ‘Wag kayong sasagot kung di kayo sigurado sa mga impormasyon
nyo, ha? Ang tanda-tanda na nung babae, palalakarin nyo pa kung saan-saan dahil
lang sa mga mali-mali nyong sinasabi! E kung lola nyo, ganunin? Ha?

 

Guard: hindi naman po ako…

 

Ako: Oo, hindi ikaw pero ang sinasabi ko, wag mong gagawin ‘to.
At sabihan nyo yung kasama nyo. Wag siyang magmamarunong at nakakaabala ang ginagawa
niya. Pa-radyo-radyo pa kayo, di naman mapakinabangan nang maayos.

 

Hindi na nakahuma ang kawawang guwardiya. Pati ang ilang mga
lalaki (na tingin ko ay mga driver na pinaghihintay ng kanilang among nanonood
ng jazz ballet recital) sa tabi niya, wala ring maihirit.

 

Matulin akong bumalik sa Ishmael Bernal Gallery upang
sunduin si Mam. At tinawid nga namin ang isang madilim, gubat na mapanglaw na
nasa pagitan ng Aldaba at sinehan. Chinika-chika ko na lang si Mam habang dini-differentiate
ng mga paa namin ang lupa at tae sa malawak na damuhan.

 

Sayang at nakalimutan ko ang apelyido ni Mam. Isa pala
siyang retired na guro sa UP. Tinanong-tanong nya rin ako at nang malaman
niyang taga-KAL ako, taas-noo niyang binanggit na ang kanyang husbandry ay
dating dekano ng KAL. Nalimutan ko nga ang apelyido. Sabi rin niya, nababagot
siya sa bahay at nang marinig niyang me jazz concert dito ngayong gabi, lumabas
siya kasama ang kanyang assistant.

 

Para tuloy nalungkot akong
bigla. Ang boring yata ng buhay ng isang retired professor, ano? Pagdating sa
Aldaba Hall, pinukulan ko ng matulis na titig ang guwardiya. Tapos tinanong ko,
me bayad ba yung recital? Kiming sagot ng guard: wala po.

 

Sinamahan ko na sa pag-akyat si Mam. Chika ako nang chika
para di niya maramdaman na 3 palapag ang inaakyat namin. Lalo namang masaklap,
ano, kung bubuhatin ko siya. Wa poise yun. Chika na lang.


Anyway, maluwalhati naman akong nakabalik sa film showing. Pagkatapos
ng pelikula, nagsalita akong muli sa podium. Ipinaliwanag ko kung bakit  ginagawa ng LIRA ang gayong activity. Tapos pinabalik
ko uli si Charlie para ipakilala ang ikalawang batch ng Tondo rappers na
magpeperform.

 

Katulad ng nauna, ok lang kung di lang uber malakas ang mike.
Pagkatapos ay ipinakilala ko  si Sir Jim
upang sagutin ang anumang tanong ng mga manonood. Unfortunately, walang nais
magtanong at dahil mga 9:30 na iyon, gumagabi na talaga, ipinaliwanag na lang
ni Sir Jim kung paanong nakatulong ang Tribu sa ilang Tondo gangs upang
magkabati-bati ang mga ito. Hinikayat din niya ang mga estudyante na imbitahan
ang Tribu sa kani-kanilang eskuwelahan para mas marami pa ang makapanood nito. Binanggit
din niya na ang pelikulang Tribu is something we should be proud of. Nanalo na
kasi ito sa mga local at intl. film fests. Say mo?

 

Pagkatapos nun ay nagthank you na ako sa lahat ng sumuporta
sa amin: sa UP FI, kay Libay, kay Mam Carol, sa mga taga-LIRA, sa Sidhay, sa
lahat ng propesor, sa lahat ng manonood, sa lahat period.

 

Pagkatapos nito, tumungo na kami sa Writers Night. Kumain kami
at nakipag-inuman sa mga kapwa manunulat. Andun siyempre ang aming Tatay 
Rio. Pulang pula na ang mama sa dami ng nainom.

 

Hanggang 1 am ako doon. Sumabay ako kina Sir Joey at Sir Donat
na dumaan muna kay Sir Rene sa Sanctuarium. ‘Yon ang ikatlo at huli kong dalaw
sa kanya. Pagpatak ng 230am, nasa bahay na ako.

 

Chineck ko ang mga gamit ko at gamit ni ej. Tapos ginising ko
na si ej. Ihahatid ko kasi siya sa meeting place ng mga kasama niya sa
isang short film. Sa Cubao iyon. Nakuha kasing child actor itong anak ko para sa isang short film. Sa Laguna ang kanilang shooting. Makakasama niya doon si Pam, ang treasurer ng
LIRA. Si Pam naman ay assistant production manager ng short film.

 

3am na kaya nagtaxi na kami papuntang Cubao. Mga 315, andun
na kami, andun na rin si Pam (kasama si Sweet Charles), ang van, at ang iba pa
nilang kasama. Lumarga na ang bata. Naiwan kami ni Charles. Gusto ko mang
makipagkuwentuhan, kelangan ko na ring bumiyahe. At si Charles, may pupuntahan din.

 

Charles: Saan ka ba papunta?

 

Ako: Sa  Subic.

 

4am ng Dec.9 nasa bus na ako papuntang Olongapo.


Subic Bay
Literary Arts Fest, here I come!

Sir Rene

Saturday, December 22nd, 2007

Dec 7, 2007

 

Two days ago, pumanaw ang
pinakamamahal kong teacher at idol: si Sir Rene Villanueva. Marami nang beses
na inisip kong itext siya at dalawin. Pero hindi ko nagawa. Laging napo-postpone
dahil sa sanlibong dahilan na ngayon ko lang narealize, hindi naman talaga
mahalaga.

 

Nung una kong nalaman na namatay
na siya, parang bigla akong nahilo. Tapos nanlamig ang kamay ko. I was supposed
to visit him in the hospital that afternoon. Right after my class. Kaya nga
lang, ang nabungaran ko ay isang text na nagsasaad ng pinakamalungkot na balita
sa buong mundo: yumao na si sir rene.

 

Siyempre nakakagulat. Sino mang
nakakakilala sa kanya at sa mga pinagdaanan niya ay magugulat. Ang Rene
Villanueva at ang salitang survivor ay synonymous. Mapa-pisikal mang hamon yan
o emotional, lagi siyang nakaka-survive.

 

Una kong nakilala si sir rene sa
up writers workshop. nalaman kong me makakasama kaming rene Villanueva na nung
time na yon e kaliwa’t kanan ang mga aklat na pambata. Dinala ko ang
kauna-unahan kong kuwentong pambata. Ito ay isang alamat ng prutas na hindi
nag-exist. Imaginary baga. Ang tema ay pagliligtas sa mga puno natin.

 

Ibinigay ko iyon sa kanya
pagdating namin sa
baguio
at pagkaraan lamang ng ilang araw, nilapitan ko siya’t tinanong: Kamusta po
ang aking kuwento?
 

 

“Pangit,” walang kagatol-gatol
niyang sagot. “Yan ang pinakaayaw kong tema para sa isang kwuentong pambata:
pangangalaga sa kalikasan. Marami nang gumawa niyan. Wala na bang iba?”

 

Buti na lang, mag-isa ako nun. ako
lang ang nakarinig, ako lang ang nakakaalam. Napatingin ako sa kuwento ko. hindi ako makapaniwala. At
hindi nga ako naniwala, pero itinago ko ang kuwento ko sa kahon-kahong mga
papeles para sa eskuwela. Sa ibang genre ako sumulat. Pagkalipas ng ilang taon
at nang maging suki ako ng mga pambatang aklat para kay ej, nahalungkat ko uli
ang kuwento. basa ako ulit. Tama nga si sir rene. Pangit nga.

 

Pagkatapos ng up workshop, naging
guro ko siya sa pagsulat ng dula. Ang sungit-sungit niya sa klase. Ang
higpit-higpit. Di siya nale-late kaya kung late ka, wag mo nang tangkaing
pumasok pa. Eeskandaluhin ka lang niya, me hirit pang

alaska.


O, Mr. Ledesma, napuyat ka siguro
kagabi. Anlaki ng eyebags mo. Ano bang ginawa mo?

O, Ms. Santos, late ka na nga
hindi ka pa nagsuklay. Para  kang nilukuban ng
masamang espiritu’t nagsabunot ng sarili.

 

Ganado lagi siya kung magturo sa
aming klase. Pang-ilang libong klase na kaya niya ang klase namin ngunit ang
naramdaman ko’y parang first time lamang niya o di kaya huling lecture na niya.
Pakiramdam ko, sabik na sabik siyang maipasa sa amin ang kanyang nalalaman sa
dula at sa panitikan.

 

Naalala ko pa nung minsang tinawag niya ako para basahin ang mga linya
ng isang tauhan ng aking dula. kahit me sipon ako nun, buong lakas at damdamin
ko pa rin itong binasa.Ang takot ko lang sumuway, di ba?  Nakakailang linya pa lang ako nang mangibabaw ang boses
niya sa boses ko. isang utos mula sa diyos.

 

Bebang, puwede ba, suminga ka
muna.

 

Lumingon ang lahat ng kaklase ko
at taimtim na nakinig sa buong lakas at damdamin kong pagsinga sa tisyu.

 

Ilang araw bago ang nakatakda kong
report sa klase niya, nabalitaan namin na nanalo siya sa national book award.
Eto yata yung para sa aklat na personal. Siyempre pa, proud na proud kaming magkakaklase.
Balak kong pagkatapos ng report ko ay magsasalusalo kami. Kanya-kanya kami ng
bili ng pagkain tapos ililibre namin si sir rene ng isang meal. Kinausap ko ang
faculty lounge manager para ma-informally na ipareserba ang kanilang kainan.
Pumayag sila kahit wala kaming perang ibinigay kasi matumal naman daw ang
customer pag ganung oras. Gumawa rin kami ng parang banner gamit ang manila
paper na nagsasabing congratulations para sa pagiging national book awardee niya.

 

Pagkatapos ng report ko, tumuloy
na kami sa faculty lounge. Sabi lang namin, meron kaming ipapakita. Pagdating
dun, tada!  Pero hindi siya nagulat. Tumango lang siya. Pero after ilang years na
makilala ko si sir rene, iyong palang ganong klase ng pagtango ay yung parang
na-flatter pero ayaw ipakitang na-flatter. Sir rene talaga, oo.

 

Anyway, isa-isa kaming bumati sa
kanya saka kumain ang lahat.

 

Nung isang gabi, nakasabay ko sa
burol si roel, isa sa mga kaklase ko sa kursong iyon. Naalala niya ang surprise
party namin para kay sir rene. At sabi ni roel, nagwika raw si sir rene nang
ganito: sawa na ako riyan (sa pagkakapanalo ng national book award) lagi naman
kasi akong nananalo niyan e.

 

Si Sir rene talaga, oo.

 

Pagkalipas nang ilang taon, nang
lubusan ko na siyang nakilala, laking pasasalamat ko, natapos niya ang kurso
namin nang walang aberya. Hindi siya nagkasakit. Hindi rin siya naaksidente. O
naoperahan. 

 

Pagka-graduate ko sa kolehiyo,
nakasama ako sa pa-seminar ng CCCI, isang NGO na nagtataguyod ng karapatan ng
kababaihan. Tungkol ito sa pagsulat ng radio drama para sa PSR radio program.

 

Si sir rene ang speaker.
Pagkatapos ng seminar, nakapagsulat ako ng isang radio drama. Isinubmit ko agad
ito. siya ang editor ng CCCI para sa PSR radio program. Nandun din ako nang
aprubahan niya ang unang radio drama na ginawa ko. naalala ko pa mula sa first
floor nakita ko siyang paika-ikang bumababa ng hagdan. At habang bumabababa
siya nagsalita siya ng: “Bebang, winner ang script mo.”

 

Masayang masaya ako nun.
Nagustuhan ni Sir Rene ang gawa ko. pagkaraan pa ng ilang script ay kinuha na
akong regular staff ng CCCI.



Doon ko lubusang
naging close si Sir Rene, na tumayong part-time editor at minsan ay direktor ng
mga radio drama. Pag napapadalaw siya doon, madalas siyang magkuwento tungkol
sa mga boylet, sa mga klase niya na para raw mga taga-TIP at FEATI kung
magsulat, kung ilan ang ibinagsak niya na madalas ay mas marami kaysa sa
nakapasa, kung paano nawala ang kanyang cellphone na naman, ang kanyang mga
naiisip na proyekto halimbawa ang pagsasalin sa Filipino ng mga kanta sa
broadway, ang kanyang landlord na paminsan-minsan e nakakaaway niya, ang
kanyang apo na mukha raw siopao sa laki ng mukha.

 

Madalas, nagkukuwento ‘yan sa
gitna ng pagkain ng black forest na cake o haluhalo o di kaya dinuguang
namumutiktik sa taba at mantika. Wala. Matigas talaga ang ulo e.

 

Noong mga taon na ‘yon, marami
akong natutuhan sa kanya. Halimbawa, na-frustrate ako noon sa sinalihan kong
pang-manunulat na orgranisasyon. Nag-aaway ang dalawang officer nang palihim.
Sisiraan ng isa yung isa at yung isa ng isa. At dahil ako ang tumatayong
assistant nilang dalawa, ako ang nagiging absorber.

 

Naihinga ko ito kay sir rene.
Kilala niya ang mga officer na ito. ang
sabi ni sir rene, bebang, ang problema sayo, ipinepedestal mo masyado ang mga
manunulat na yan. hindi dapat. Wag. Kasi mga tao rin yan. me mga pingas.

 

Oo nga naman. Kaya nagbago na ang
tingin ko sa mga idolo kong manunulat. Ngayon, bihira na akong mafrustrate.  Salamat kay sir rene.

 

Isa pang di ko malilimutan na
lesson mula sa kanya ay ang meaning ng lampungan. Ayon kay sir rene, ito raw ay
pag ang isang magjowa, hayop man o tao, ay nagkakalikutan ng puwet at naggigitarahan ng utong. Lampungan pala ha?

 

Noong mapasok ako sa LIRA bilang
officer, isa si Sir Rene sa mga inimbitahan naming maging speaker. Birthday
niya noon at nagsalita siya ukol sa pagsulat ng

tula para sa mga bata. ang audience niya, mga
bone cancer survivors. Me bata, matanda, babae at lalaki. naroon din ang ilang
lira fellows. Naalala ko pa ang suot ni sir rene, isang maroon na polo.
Paborito niya ang design ng polo na yun. Kaya meron siyang iba’t ibang kulay nun:
orange, pink, yellow, powder blue at iba pa.    

 

The lecture went well, me ilang
bloopers lang itong si sir rene. Halimbawa, sinubukan niyang magpatawa. Sabi
niya, mag-isip kayo ng tauhan. halimbawa, isang aaa….kalbo!



Kami lang na me mga
buhok ang natawa. Karamihan kasi sa audience niya, mga kalbo saka putol ang paa
dahil sa chemotherapy at mga operasyon.

 

Sir rene talaga, oo. Minsan,
naluluma si kris aquino sa kataklesahan.

 

Pagkatapos ng lecture, nagdaos
kami ng surprise birthday party para sa kanya. Inilabas namin ang chocolate
cake na paborito niya. Dumating naman ang mga taga-CCCI na me dalang pancit.
Nagsalusalo kami kasama ang mga pasyente.

 

Nang naglalakad na kami palabas ng
ospital, nagpasalamat siya sa aming organisasyon dahil sa pagkakataong makatulong siya sa mismong araw ng kanyang birthday.
Tuwang tuwa si sir rene.

 

Ngunit mas tuwang tuwa kami at mas
malaki ang pasasalamat namin. Nagpaunlak siya kahit abala at wala siya sa
pinakamahusay na kondisyon. Noong mga panahon na ‘yon, paika-ika si sir rene at
nanlalabo ang mata dahil sa diabetes.

 

Pero sumulpot nga siya upang
magturo. Upang tumulong.

 

Nitong nakaraang oktubre ay
nagpaunlak siyang muli. Naglecture siya ukol sa pagsulat para sa mga bata. at
umagos muli ang dunong sa kanyang bibig. Inspiring din ang kanyang lecture.
Sabi niya, hindi kailangan ng lipunan ang manunulat. Kaya kung nais mong maging
manunulat, magpakahusay ka. Kung hindi ka sigurado sa talento mo, iba na lang
ang gawin mo: magcross stitch ka na lang o kaya matulog.

 

Tinalakay niya ang ilang tula ni rio. Sabi pa
niya, kung mapapansin n’yo, puwede na kayong maging national artist sa
pamamagitan lamang ng enumeration o paglilista. ‘Yon daw ang isa sa madalas gawin ni Sir Rio, ang maglista. Tawanan kami.


Pero si
sir rene ang may pinakamalakas na tawa. Sabi pa niya, pag-usapan natin si rio
ngayon. tutal wala naman siya rito.

 

Sir rene talaga, oo.

 

May nagtanong kung ano ang dapat
paksain kung magsusulat para sa mga bata. Ang tugon niya: kahit ano. the
children are not ready for anything.

 

At para sa akin, ang
pinakamahalagang payo na naibigay niya nang umagang iyon ay: Sumulat nang
sumulat ngayon para sa mga bata. Sapagkat ang mga bata raw ay hindi nakapaghihintay.

 


Hinatid namin siya papalabas ng
building. Paika-ika pa rin siya.

 

Nakakapag-init ng puso talaga itong
si sir rene.  Alam n’yo, isa siya sa mga
dahilan kung bakit masigasig akong nag-oorganisa ng mga pampanitikang okasyon. Gusto
kong maging tulad ni sir rene, walang pinalalampas na pagkakataon. Siguro
pareho kami ng paniniwala:  anumang para
sa panitikan ay para sa bayan.